Nagbubunga ng Pagpapala ni Jehova ang Pagsasakripisyo
Nagbubunga ng Pagpapala ni Jehova ang Pagsasakripisyo
ISANG lalaki ang namimisikleta sa gitna ng kagubatan ng Cameroon. Sa loob ng maraming oras, namimisikleta siya sa bahâ at mapuputik na daan, anupat sinusuong ang panganib upang mapatibay ang iba. Upang maturuan ang isang nakabukod na grupo, may mga kapatid sa Zimbabwe na naglalakad nang 15 kilometro sa umaapaw na mga ilog, habang sunong ang kanilang mga damit at sapatos upang hindi ito mabasa. Sa ibang lugar naman, isang babae ang gumigising nang alas kuwatro ng madaling-araw para puntahan at turuan ang isang nars na sa ganoong oras lamang may panahon.
Saan kaya nagkakatulad ang mga taong ito na nagsasagawa ng gayong pagsisikap? Silang lahat ay buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova na nakikibahagi sa gawaing pagtuturo ng katotohanan sa Bibliya. Kabilang sa mga ito ang mga regular at special pioneer, misyonero, naglalakbay na tagapangasiwa, at libu-libong boluntaryo sa mga tahanang Bethel sa buong daigdig. At ang pagsasakripisyo ang kanilang pagkakakilanlang katangian. *
Tamang Motibo
Tinutupad ng mga Saksi ni Jehova ang payo ni apostol Pablo kay Timoteo: “Gawin mo ang iyong buong makakaya na iharap sa Diyos ang iyong sarili bilang sinang-ayunan, manggagawa na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.” (2 Timoteo 2:15) Ngunit ano ang nag-uudyok sa daan-daang libong Saksi na maglingkod bilang buong-panahong mga ministro?
Kapag tinatanong ang buong-panahong mga lingkod kung bakit sila nagsisikap maglingkod kay Jehova, sinasabi nilang ito’y dahil sa pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. (Mateo 22:37-39) Angkop na angkop ito dahil kung hindi pag-ibig ang motibo, mawawalan ng kabuluhan ang anumang pagsisikap.—1 Corinto 13:1-3.
Mapagsakripisyong Paglilingkod
Tumugon ang lahat ng nakaalay na Kristiyano sa panawagan ni Jesus: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy akong sundan.” (Mateo 16:24) Ang pagtatatwa sa sarili ay nangangahulugan ng kusang-loob na pagpapasakop sa patnubay ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo bilang kanilang pag-aari. Para sa marami, umakay ito sa mapagsakripisyong paglilingkod sa buong-panahong ministeryo.
Maraming Saksi ang nagsisikap nang husto upang mapalawak ang kanilang paglilingkod kay Jehova. Kuning halimbawa ang 56-na-taóng gulang na si Júlia, isang regular pioneer sa São Paulo, Brazil. “Isang brother na Tsino ang tumawag sa akin sa telepono upang tanungin ako kung gusto kong matuto ng wikang Tsino,” nagugunita pa niya. “Dahil sa edad ko, wala na sa loob ko ang pag-aaral ng bagong wika. Pero pagkalipas ng ilang araw, tinanggap ko ang hamon. Sa ngayon, nakapagbibigay na ako ng maka-Kasulatang mga presentasyon sa wikang Tsino.”
Ganito naman ang ulat ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Peru: “Nitong
nakalipas na mga taon, daan-daang regular pioneer ang lumipat sa di-nakaatas na mga teritoryo, anupat nagpamalas ng lakas ng loob at mapagsakripisyong espiritu. Lumipat sila sa malalayong bayan na walang modernong mga kagamitan at walang gaanong pagkakataong makapaghanapbuhay. Handang magsakripisyo ang mga kapatid na ito makapanatili lamang sa kanilang mga teritoryo. Ngunit ang pinakamahalaga, ang kanilang gawain sa ministeryo ay isang pagpapala sa maraming lugar. Iniulat ng mga naglalakbay na tagapangasiwa na may naitatag nang mga bagong grupo dahil sa tulong ng mapagsakripisyong mga regular pioneer na ito.”Ang ilang Kristiyano naman ay nagsapanganib ng kanilang buhay upang matulungan ang kanilang mga kapananampalataya. (Roma 16:3, 4) Ganito ang ulat ng isang tagapangasiwa ng sirkito sa isang lugar sa Aprika na ginigiyagis ng digmaan: “Bago kami sumapit sa huling barikada sa pagitan ng mga teritoryong sakop ng mga rebelde at niyaong kontrolado ng gobyerno, kaming mag-asawa ay pinalibutan ng apat na rebeldeng kumandante ng militar at ng kanilang personal na mga guwardiya, at nagtanong kung sino kami. Nang tingnan nila ang aming mga identity card, nalaman nilang galing kami sa lugar na kontrolado ng gobyerno, kaya nagsuspetsa sila. Pinagbintangan nila akong espiya. Dahil dito, napagpasiyahan nilang ihulog ako sa isang hukay. Nagpaliwanag ako kung sino kami, at sa wakas ay pinaalis na kami.” Laking pasasalamat ng mga kongregasyon nang madalaw sila ng mapagsakripisyong mag-asawang ito!
Sa kabila ng mga problemang kinakaharap nila, parami nang parami ang nagiging buong-panahong mga ministro sa buong daigdig. (Isaias 6:8) Mahal na mahal ng masisipag na manggagawang ito ang kanilang pribilehiyong maglingkod kay Jehova. Taglay ang ganito ring espiritu ng pagsasakripisyo, milyun-milyong iba pa ang pumupuri na ngayon kay Jehova. Dahil dito, sagana niya silang pinagpapala. (Kawikaan 10:22) Palibhasa’y may tiwalang patuloy silang pagpapalain at susuportahan, ipinamamalas ng masisipag na manggagawang ito ang saloobin ng salmista na umawit: “Ang tulong sa akin ay mula kay Jehova.”—Awit 121:2.
[Talababa]
^ par. 4 Tingnan ang 2005 Calendar of Jehovah’s Witnesses, November/December.
[Blurb sa pahina 9]
“Ang iyong bayan ay kusang-loob na maghahandog ng kanilang sarili sa araw ng iyong hukbong militar.”—AWIT 110:3
[Kahon sa pahina 8]
MAHAL NA MAHAL NI JEHOVA ANG KANIYANG TAPAT NA MGA LINGKOD
“Maging matatag kayo, di-natitinag, na laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon, sa pagkaalam na ang inyong pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan.”—1 Corinto 15:58.
“Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.”—Hebreo 6:10.