Good News for People of All Nations
Good News for People of All Nations
MAKIKITA sa itaas ang buklet na inilabas noong 2004/05 “Lumakad na Kasama ng Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang isang edisyon nito ay ang 96-na-pahinang buklet na naglalaman ng isang maikling mensahe sa 92 wika, mula Afrikaans hanggang Yoruba, at dinisenyo upang tumulong sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng Kaharian sa pinakamaraming tao hangga’t maaari. (Mateo 24:14) Ang mga sumusunod ang karaniwang resulta kapag ginagamit ang buklet.
• Matapos tumanggap ng buklet sa kombensiyon, isang pamilyang Saksi ang pumunta sa tatlong pambansang parke. Nakatagpo sila roon ng mga tao na nagmula sa India, Netherlands, Pakistan, at Pilipinas. Ganito ang sabi ng asawang lalaki: “Bagaman nakapagsasalita ng kaunting Ingles ang mga taong ito, hangang-hanga sila nang ipakita namin sa kanila ang mensahe sa kanilang sariling wika, yamang napakalayo nila sa kanilang sariling bansa. Naging maliwanag sa kanila ang ating pandaigdig na gawain at ang ating pagkakaisa.”
• Ipinakita ng isang Saksi ang buklet sa kaniyang katrabahong taga-India. Tuwang-tuwa itong makita ang lahat ng wikang naroroon at mabasa ang mensahe sa kaniyang sariling wika. Umakay ito sa higit pang pag-uusap tungkol sa Bibliya. Isa pang katrabahong taga-Pilipinas ang nagulat nang makita ang kaniyang sariling wika sa buklet at nagkainteres na matuto pa nang higit tungkol sa mga Saksi ni Jehova.
• Sa Canada, isang babaing taga-Nepal ang sumang-ayong makipag-aral ng Bibliya sa isang Saksi sa pamamagitan ng telepono subalit atubili itong anyayahan ang sister sa kaniyang tirahan. Gayunman, nang sabihin ng Saksi sa babae ang tungkol sa buklet na may mensaheng nakasulat sa wikang Nepali, tuwang-tuwa niyang inanyayahan ang sister na puntahan siya sa kaniyang tirahan. Gustung-gusto niyang makita mismo ang mensahe sa kaniyang sariling wika! Mula noon, sa tirahan na ng babae ginaganap ang pag-aaral sa Bibliya.