Isang Hamon at Kagalakan na Palakihin ang Walong Anak sa mga Daan ni Jehova
Isang Hamon at Kagalakan na Palakihin ang Walong Anak sa mga Daan ni Jehova
AYON SA SALAYSAY NI JOYCELYN VALENTINE
Noong 1989, nagtrabaho ang aking asawa sa ibang bansa. Nangako siyang magpapadala sa akin ng pera upang maalagaan ko ang aking walong anak. Ilang linggo na ang lumipas pero wala pa rin akong balita sa kaniya. Lumipas ang maraming buwan, hindi pa rin nakikipag-ugnayan sa akin ang aking asawa. Patuloy kong pinalalakas ang aking loob, ‘Kapag bumuti na ang situwasyon niya, uuwi rin siya.’
DAHIL wala akong perang panustos para sa aking pamilya, naging desperado ako. Sa maraming gabing hindi ako makatulog, hindi ko lubos maisip, ‘Paano niya ito magagawa sa kaniyang pamilya?’ Nang dakong huli, tinanggap ko na ang masaklap na katotohanang iniwan na kami ng aking asawa. Sa ngayon, mga 16 na taon na matapos niya kaming iwan, hindi pa rin siya nagbabalik. Bilang resulta, mag-isa kong binuhay ang aking mga anak. Mahirap ito, ngunit nagdudulot sa akin ng malaking kagalakan na makitang tinatanggap ng aking mga anak ang mga daan ni Jehova. Gayunman, bago ko ilahad kung paano nakaraos ang aming pamilya, ikukuwento ko muna sa iyo kung paano ako pinalaki.
Paghahanap ng Salig-Bibliyang Patnubay
Isinilang ako noong 1938 sa isla ng Jamaica sa Caribbean. Bagaman hindi kailanman naging miyembro ng simbahan si Itay, itinuturing niya na
isa siyang taong may takot sa Diyos. Sa gabi, madalas niya akong hilingan na basahin sa kaniya ang aklat ng Bibliya na Mga Awit. Di-nagtagal, naisaulo ko ang maraming awit. Si Inay naman ay miyembro ng isang lokal na simbahan, at isinasama niya ako paminsan-minsan sa relihiyosong mga pagpupulong.Sa mga pagpupulong na iyon, sinabi sa amin na ang mabubuting tao ay dinadala ng Diyos sa langit at ang masasama naman ay sinusunog magpakailanman sa apoy ng impiyerno. Sinabi rin sa amin na si Jesus ang Diyos at mahal niya ang mga bata. Labis akong nalito at natakot sa Diyos. Naisip ko, ‘Paano magagawa ng isang Diyos na nagmamahal sa atin na pahirapan ang mga tao sa apoy?’
Binabangungot ako dahil sa gayong ideya ng apoy ng impiyerno. Nang maglaon, nag-aral ako ng Bibliya sa pamamagitan ng liham sa tulong ng Simbahang Sabadista. Itinuro nila na ang balakyot na mga tao ay hindi pinahihirapan magpakailanman kundi, sa halip, sinusunog sa apoy hanggang sa maging abo. Waring mas makatuwiran ito kaya nagsimula akong dumalo sa kanilang relihiyosong mga pagpupulong. Ngunit nalito ako sa kanilang mga turo, at hindi naituwid ng mga natutuhan ko ang aking maling mga pangmalas sa moralidad.
Noon, karaniwan nang tinatanggap ng mga tao na mali ang pakikiapid. Ngunit naniniwala ako at ang marami pang iba na tanging ang mga nakikipagtalik sa iba’t ibang kapareha ang mapakiapid. Kaya hindi nagkakasala ang dalawang taong hindi kasal kung nakikipagtalik lamang sila sa isa’t isa. (1 Corinto 6:9, 10; Hebreo 13:4) Dahil sa paniniwalang iyan, ako ay naging dalagang ina ng anim na anak.
Pagsulong sa Espirituwal
Noong 1965, sina Vaslyn Goodison at Ethel Chambers ay nanirahan sa kalapit na pamayanan ng Bath. Sila ay mga payunir, o buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova, at isang araw ay nakausap nila ang aking ama. Tinanggap ni Itay ang kanilang alok na pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Kapag naaabutan nila akong nasa bahay, kinakausap din nila ako. Bagaman dudang-duda ako sa mga Saksi ni Jehova, ipinasiya kong makipag-aral ng Bibliya sa kanila para patunayang mali sila.
Marami akong tanong kapag nag-aaral kami, at ang lahat ng ito ay sinagot ng mga Saksi gamit ang Bibliya. Sa tulong nila, natuklasan ko na walang nalalaman ang mga patay at hindi sila pinahihirapan sa impiyerno. (Eclesiastes 9:5, 10) Natutuhan ko rin ang tungkol sa pag-asang buhay na walang hanggan sa Paraiso sa lupa. (Awit 37:11, 29; Apocalipsis 21:3, 4) Kahit na huminto sa pag-aaral ng Bibliya ang aking ama, nagsimula akong dumalo sa mga pagpupulong ng lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang mga pagpupulong na iyon na idinaraos sa mapayapa at maayos na paraan ay nakatulong sa akin na matuto pa nang higit tungkol kay Jehova. Dumalo rin ako sa mga asamblea at mga pandistritong kombensiyon, mas malalaking pagtitipon na isinasaayos ng mga Saksi. Dahil sa ganitong mga pag-aaral ng Bibliya, sumidhi ang aking hangaring sambahin si Jehova sa kaayaayang paraan. Gayunman, may nakahadlang sa akin.
Nang panahong iyon, kinakasama ko pa ang ama ng tatlo sa aking anim na anak. Mula sa Bibliya, natutuhan ko na hinahatulan ng Diyos ang pagtatalik ng hindi kasal, at binagabag ako ng aking budhi. (Kawikaan 5:15-20; Galacia 5:19) Habang lumalalim ang pag-ibig ko sa katotohanan, nananabik akong iayon ang aking buhay sa kautusan ng Diyos. Sa wakas, nagpasiya ako. Sinabi ko sa aking kinakasama na kailangan kaming magpakasal dahil kung hindi, maghihiwalay kami. Bagaman ang aking kinakasama ay hindi sang-ayon sa aking pananampalataya, legal kaming ikinasal noong Agosto 15, 1970, limang taon mula nang unang makausap ako ng mga Saksi. Noong Disyembre 1970, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.
Kung tungkol naman sa ministeryo, hindi ko malilimutan kailanman ang unang araw ng pakikibahagi ko sa gawaing pangangaral. Ninenerbiyos ako at hindi ko alam kung paano sisimulan ang pag-uusap hinggil sa Bibliya. Ang totoo, natuwa ako nang tapusin agad ng unang may-bahay ang aming pag-uusap. Subalit pagkaraan, hindi na ako ninerbiyos. Sa katapusan ng araw na iyon, masayang-masaya ako dahil naipakipag-usap ko sa maraming tao kahit sandali ang tungkol sa Bibliya at nakapag-iwan ako sa kanila ng ilan sa ating salig-Bibliyang mga publikasyon.
Pinananatiling Malakas ang Espirituwalidad ng Pamilya
Pagsapit ng 1977, walo na ang mga anak ko. Determinado akong gawin ang aking buong makakaya upang tulungan ang aking sambahayan na maglingkod kay Jehova. (Josue 24:15) Kaya sinikap kong magdaos ng regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. Kung minsan, dahil sa sobrang pagod, kahit malakas ang pagbasa sa parapo ng isa sa aking mga anak, nakakatulugan ko ito, at kailangan pa nila akong gisingin. Ngunit hindi kailanman nakahadlang sa amin ang pagod upang hindi makapag-aral ng Bibliya bilang isang pamilya.
Madalas din akong manalangin kasama ng aking mga anak. Kapag kaya na nila, agad ko silang tinuturuang manalangin nang personal kay Jehova. Tinitiyak ko na bawat isa sa kanila ay personal na nananalangin bago matulog. Nananalangin ako kasama ng bawat isa sa mga anak ko na napakabata pa para makapanalangin nang mag-isa.
Sa simula, ayaw ng aking asawa na isama ko ang mga bata sa mga pulong ng kongregasyon. Gayunman, dahil sa posibilidad na siya ang mag-aalaga sa kanila habang ako ay nasa pulong, hindi na siya gaanong sumalansang. Sa gabi, gustung-gusto niyang lumabas at dumalaw sa kaniyang mga kaibigan, ngunit ayaw naman niyang gawin ito kasama ng walong bata! Nang maglaon, tinutulungan pa nga niya ako na ihanda ang mga bata sa pagdalo sa Kingdom Hall.
Di-nagtagal ay nasanay na ang mga bata sa pagdalo sa lahat ng pulong ng kongregasyon at sa pakikibahagi sa pangmadlang ministeryo. Tuwing tag-araw na walang pasok sa paaralan, malimit silang sumama sa gawaing pangangaral kasama ng mga payunir, o buong-panahong mga ministro, sa kongregasyon. Nakatulong ito sa aking mga anak na magkaroon ng taos-pusong pag-ibig sa kongregasyon at sa gawaing pangangaral.—Mateo 24:14.
Mga Panahon ng Pagsubok
Para makaangat sa buhay ang aming pamilya, nagtrabaho sa ibang bansa ang aking asawa. Malayo siya sa pamilya sa loob ng mahabang panahon ngunit regular naman ang pag-uwi niya. Gayunman, noong 1989, umalis siya at hindi na bumalik. Gaya ng nabanggit ko na, nanlumo ako nang iwan ako ng aking asawa. Maraming gabi akong umiiyak at marubdob na nananalangin kay Jehova na tulungan akong maaliw at makapagbata, at nadama kong sinagot niya ang aking mga panalangin. Ang mga tekstong gaya ng Isaias 54:4 at 1 Corinto 7:15 ay nagbigay sa akin ng kapayapaan ng isip at nagpalakas sa akin na magpatuloy sa buhay. Sa kongregasyong Kristiyano, ang aking mga kamag-anak at mga kaibigan ay tumulong din sa akin sa emosyonal at materyal na paraan. Labis kong pinasasalamatan si Jehova at ang kaniyang bayan sa pagtulong nila sa akin.
May iba pang pagsubok sa amin. Natiwalag noon sa kongregasyon ang isa sa aking mga anak na babae dahil sa di-makakasulatang paggawi. Mahal na mahal ko ang lahat ng aking mga anak, ngunit pangunahin sa akin ang pagkamatapat kay Jehova. Kaya nang panahong iyon, kami ng iba pang mga anak ko ay mahigpit na sumunod sa tagubilin ng Bibliya kung paano pakikitunguhan ang mga natiwalag. (1 Corinto 5:11, 13) Tinuligsa kami ng maraming tao na hindi nakauunawa sa aming paninindigan. Gayunman, nang maibalik sa kongregasyon ang aking anak, sinabi sa akin ng kaniyang asawa na hinangaan niya ang aming matatag na paninindigan sa mga simulain ng Bibliya. Naglilingkod siya ngayon kay Jehova kasama ng kaniyang pamilya.
Pagharap sa mga Problema sa Pananalapi
Nang iwan kami ng aking asawa, wala akong regular na kinikita, at ang pamilya namin ay wala nang natatanggap na sustento mula sa kaniya. Dahil sa situwasyong iyon, natuto kaming makontento sa simpleng pamumuhay at higit na pahalagahan ang espirituwal na mga kayamanan kaysa sa materyal na mga tunguhin. Habang natututo ang mga bata na mag-ibigan at magtulungan, lalo silang naging malapít sa isa’t isa. Nang magsimula nang magtrabaho ang mga nakatatanda sa kanila, kusa nilang sinuportahan ang kanilang nakababatang mga kapatid. Tinulungan ng aking panganay na anak na si Marseree ang kaniyang bunsong kapatid na si Nicole na makatapos ng saligang edukasyon sa paaralang sekundarya. Bukod diyan, nakapagtayo ako ng maliit na tindahan. Nakatulong sa akin ang katamtamang kinikita ko para matustusan ang ilan sa aming materyal na mga pangangailangan.
Hindi kami kailanman pinabayaan ni Jehova. Minsan, sinabi ko sa isang Kristiyanong kapatid na babae na hindi kami makadadalo sa pandistritong kombensiyon dahil kulang ang aming pera. Sumagot siya: “Sister Val, kapag nalaman mong may kombensiyon, mag-impake ka na! Maglalaan si Jehova.” Sinunod ko ang kaniyang payo. Naglaan nga si Jehova, at naglalaan pa rin siya hanggang ngayon. Hindi kailanman lumiban sa isang asamblea o isang kombensiyon ang aming pamilya dahil sa kakulangan ng pera.
Noong 1988, winasak ng Hurricane Gilbert ang Jamaica, at iniwan namin ang aming tahanan para manganlong sa mas ligtas na lugar. Nang pansamantalang humupa ang bagyo, lumabas kami ng aking anak na lalaki upang tingnan ang aming nagibang tahanan. Habang naghahalukay sa mga labí, nakita ko ang isang bagay na gusto kong isalba. Walang anu-ano, humugong na naman ang malakas na hangin, pero hawak-hawak ko pa rin ang bagay na gusto kong isalba. “Inay, iwan n’yo na po ang telebisyon. Katulad ba kayo ng asawa ni Lot?” (Lucas 17:31, 32) Natauhan ako sa komentong iyon ng aking anak. Binitiwan ko ang basang telebisyon, at tumakbo kami para manganlong.
Kinikilabutan ako ngayon kapag naiisip ko na isinapanganib ko ang aking buhay dahil lamang sa isang telebisyon. Ngunit natutuwa ako kapag naaalaala ko ang komento ng aking anak nang pagkakataong iyon na nagpapahiwatig na gising siya sa espirituwal. Dahil sa salig-Bibliyang pagsasanay na tinanggap niya sa kongregasyong Kristiyano, natulungan niya akong makaiwas sa malubhang pisikal at marahil espirituwal na pinsala.
Sinira ng bagyo ang aming tahanan at mga ari-arian, at pinanghinaan din kami ng loob dahil dito. Pagkatapos ay dumating ang aming mga kapatid na Kristiyano. Pinasigla nila kami na magtiwala kay Jehova upang maharap ang masaklap na nangyari sa amin at patuloy na maging aktibo sa ministeryo, at tinulungan nila kaming muling maitayo ang aming tahanan. Labis kaming naantig
sa pag-ibig at pagsasakripisyong iyon ng mga boluntaryong Saksi mula sa Jamaica at sa ibang bansa.Inuuna si Jehova
Nang makapagtapos sa pag-aaral ang aking pangalawang anak, si Melaine, naglingkod siya bilang ministrong payunir. Pagkatapos, tinanggap niya ang paanyayang maglingkod bilang payunir sa ibang kongregasyon, na nangangahulugan na kailangan siyang magbitiw sa kaniyang trabaho. Bagaman malaki ang naitutulong niya sa pagtustos sa aming pamilya dahil sa trabahong iyon, nagtiwala kami na aalagaan kami ni Jehova kung uunahin ng bawat isa sa amin ang mga kapakanan ng Kaharian. (Mateo 6:33) Nang maglaon, inanyayahan ding magpayunir ang aking anak na lalaking si Ewan. Tinutustusan niya ang pinansiyal na pangangailangan ng pamilya, ngunit hinimok namin siya na tanggapin ang paanyaya at hinangad namin na pagpalain siya ni Jehova. Hindi ko kailanman pinigilan ang aking mga anak sa pagpapalawak sa kanilang paglilingkod sa Kaharian, at kaming mga naiwan sa tahanan ay hindi kailanman nagkulang ng aming mga pangangailangan. Sa halip, sumidhi ang aming kagalakan, at kung minsan, nakatutulong pa kami sa ibang nangangailangan.
Sa ngayon, nagdudulot sa akin ng malaking kagalakan na makitang ang aking mga anak ay “lumalakad sa katotohanan.” (3 Juan 4) Ang isa sa aking mga anak na babae, si Melaine, ay kasa-kasama ngayon ng kaniyang asawa sa ministeryo nito bilang naglalakbay na tagapangasiwa ng sirkito. Ang aking anak na babaing si Andrea at ang kaniyang asawa ay naglilingkod naman bilang mga special pioneer, at kasa-kasama siya ng kaniyang asawa kapag dumadalaw ito sa mga kongregasyon bilang kahaliling tagapangasiwa ng sirkito. Ang aking anak na lalaki, si Ewan, at ang kaniyang asawa ay naglilingkod bilang mga special pioneer, at isa siyang elder sa kongregasyon. Ang isa pa sa aking anak na babae, si Ava-Gay, ay naglilingkod kasama ng kaniyang asawa sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Jamaica. Sina Jennifer, Genieve, at Nicole ay naglilingkod kasama ng kani-kanilang asawa at mga anak bilang mga aktibong miyembro sa kani-kanilang kongregasyon. Si Marseree naman ay kasama ko, at kaming dalawa ay dumadalo ngayon sa Kongregasyon ng Port Morant. Malaki ang aking tinamong pagpapala, sapagkat lahat ng walo kong anak ay patuloy na sumasamba kay Jehova.
May mga nararamdaman na akong sakit dahil nagkakaedad na ako. Tinitiis ko ngayon ang rheumatoid arthritis, pero nasisiyahan pa rin ako sa paglilingkod bilang payunir. Subalit sa nakalipas na panahon, naging napakahirap na para sa akin ang maglakad sa maburol na pamayanan kung saan ako nakatira. Nahihirapan akong lumabas sa ministeryo. Sinubukan kong gumamit ng bisikleta at natuklasan kong mas madali pa ito kaysa maglakad. Kaya bumili ako ng segunda-manong bisikleta at ito na ang ginamit ko. Sa simula, alalang-alala ang mga anak ko na makitang nagbibisikleta ang kanilang inang may artritis. Pero tuwang-tuwa silang makita na nagpapatuloy ako sa pangangaral na siyang hangarin ng aking puso.
Tuwang-tuwa akong makita na ang mga taong inaaralan ko ay yumayakap sa katotohanan sa Bibliya. Lagi kong ipinananalangin na tulungan sana ni Jehova ang lahat ng miyembro ng aking pamilya na manatiling tapat sa kaniya sa panahong ito ng kawakasan hanggang sa magpakailanman. Pinupuri at pinasasalamatan ko si Jehova, ang Dakilang “Dumirinig ng panalangin,” sa pagtulong sa akin na maharap ang hamon na palakihin ang aking walong anak sa kaniyang mga daan.—Awit 65:2.
[Larawan sa pahina 10]
Kasama ang aking mga anak, ang kani-kanilang asawa, at ang aking mga apo
[Larawan sa pahina 12]
Gumagamit ako ngayon ng bisikleta upang maipagpatuloy ang aking ministeryo