Tinulungan Ako ni Jehova na Masumpungan Siya
Tinulungan Ako ni Jehova na Masumpungan Siya
AYON SA SALAYSAY NI FLORENCE CLARK
Hawak ko ang kamay ng aking asawa na nasa malubhang kalagayan. Dahil Anglikano ako, nanalangin ako sa Diyos na gumaling sana ang aking asawa, at nangako ako na kung mabubuhay siya, hahanapin ko ang Diyos hanggang sa masumpungan ko siya. At paglilingkuran ko siya.
IPINANGANAK ako noong Setyembre 18, 1937, at pinanganlang Florence Chulung, sa Aboriginal Oombulgurri Community sa liblib na rehiyon ng Kimberley Plateau sa Kanlurang Australia.
Napakaganda ng mga alaala ko noong bata pa ako at wala pang gaanong mga alalahanin sa buhay. Natutuhan ko sa simbahan ang ilang mahahalagang bagay tungkol sa Diyos at sa Bibliya, subalit ang nanay ko ang nagturo sa akin ng Kristiyanong mga simulain. Regular niya akong binabasahan ng Bibliya, at mula pa nang bata ako, mahilig na ako sa espirituwal na mga bagay. Hinahangaan ko rin ang isa sa aking mga tiyahin, na isang misyonera sa kanilang simbahan. Sa kaibuturan ng aking puso, gusto kong sundan ang kaniyang mga yapak.
Sa aming komunidad, na dating tinatawag na Forrest River Mission, may probisyon sa edukasyon mula unang baitang hanggang ikalimang baitang. Dalawang oras lamang ang klase namin sa paaralan tuwing umaga. Kaya naman talagang limitado ang aking pormal na edukasyon, at ikinabahala ito ng aking tatay. Gusto niyang magkaroon ng mas mahusay na edukasyon ang kaniyang mga anak, kaya ipinasiya niyang umalis kami sa Oombulgurri at lumipat ang aming pamilya sa bayan ng Wyndham. Nalungkot ako nang umalis kami, pero sa Wyndham, regular akong nakapasok sa paaralan sa sumunod na
apat na taon, mula 1949 hanggang 1952. Malaki ang pasasalamat ko sa aking tatay sa pagbibigay sa amin ng gayong edukasyon.Nagtatrabaho si Inay sa isang doktor sa lugar na iyon, at nang tumigil ako sa pag-aaral sa edad na 15, inalok ako ng doktor na iyon na magtrabaho bilang nars sa ospital ng Wyndham. Malugod kong tinanggap ito dahil napakahirap maghanap ng trabaho nang panahong iyon.
Makalipas ang ilang taon, nakilala ko si Alec, isang puting rantsero. Nagpakasal kami noong 1964 sa bayan ng Derby, kung saan ako regular na nagsisimba sa Simbahang Anglikano. Isang araw, kumatok sa pintuan ko ang mga Saksi ni Jehova. Sinabi ko sa kanilang hindi ako interesado at na huwag na silang dadalaw pang muli. Gayunman, may sinabi sila na pumukaw ng aking interes—ang Diyos ay may personal na pangalan, Jehova.
“Hindi Ka ba Marunong Magdasal?”
Naging napakahirap ng buhay noong 1965. Tatlong beses naaksidente nang malubha ang aking asawa—dalawa samantalang nangangabayo at isa habang nagmamaneho. Mabuti na lamang at gumaling siya sa mga pinsalang ito at muling nakapagtrabaho. Gayunman, di-nagtagal pagkatapos nito, naaksidente na naman siya sa pangangabayo. Sa pagkakataong ito, nagtamo siya ng malulubhang pinsala sa ulo. Pagdating ko sa ospital, sinabi sa akin ng doktor na wala nang pag-asa ang asawa ko. Lumung-lumo ako. Pinakiusapan ng nars ang isang pari roon na dalawin ako, pero sinabi nito: “Huwag ngayon. Bukas na lang!”
Gusto kong samahan ako ng pari sa pananalangin at binanggit ko ito sa isang madre. Ganito ang sabi niya: “Ano ka ba naman? Hindi ka ba marunong magdasal?” Kaya nagsimula akong manalangin sa mga imahen sa simbahan para tulungan ako—pero walang nangyari. Waring hindi na tatagal ang aking asawa. Naisip ko, ‘Paano na lang ako kapag namatay ang aking asawa?’ Nababahala rin ako sa tatlo kong anak—sina Christine, Nanette, at Geoffrey. Ano ang magiging buhay nila kung mawala ang kanilang ama? Nakatutuwa naman, muling nagkamalay ang aking asawa makalipas ang tatlong araw at nakalabas siya ng ospital noong Disyembre 6, 1966.
Bagaman gumaling ang aking asawa, napinsala naman ang kaniyang utak. Medyo naging makakalimutin siya at ngayon ay mapanakit at pabagu-bago ng disposisyon. Nahihirapan siyang makitungo sa aming mga anak at madaling uminit ang ulo niya kapag kumikilos sila na parang bata. Mahirap siyang alagaan. Halos ako na lahat ang gumagawa ng mga bagay-bagay para sa kaniya. Tinuruan ko pa nga siyang bumasa at sumulat muli. Nakasamâ sa akin ang kaigtingang dulot ng pag-aalaga sa kaniya at pag-aasikaso sa iba ko pang mga gawain sa bahay, at dumanas ako ng nervous breakdown. Makalipas ang pitong taon mula nang maaksidente ang aking asawa, ipinasiya naming pansamantalang maghiwalay para makabawi ang aking kalusugan.
Isinama ko ang aming mga anak at lumipat kami patimog sa lunsod ng Perth. Bago pa ako lumipat, nagsimula nang makipag-aral ng Bibliya ang aking kapatid na babae sa mga Saksi ni Jehova sa Kununurra, isang maliit na bayan sa Kanlurang Australia. Ipinakita niya sa akin ang larawan sa aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, * na nagpapakita sa pangako ng Bibliya na paraisong lupa. Ipinakita rin niya sa akin mula sa aklat na ito na ang Diyos ay may pangalan, Jehova, at naging interesado ako rito. Dahil hindi naituro sa akin ng simbahan ang mga bagay na ito, naisip kong tawagan ang mga Saksi ni Jehova kapag naging permanente na kaming residente sa Perth.
Gayunman, medyo atubili akong tawagan sila. Pagkatapos, may tumimbre sa aming pinto isang gabi. Binuksan ng anak kong lalaki ang pinto at nagmamadaling sinabi sa akin, “Inay, nariyan na po ang mga taong gusto ninyong tawagan.” Medyo nagulat ako at sinabi ko, “Sabihin mo, wala ako!” Pero sumagot siya, “Hindi ba sabi ninyo huwag akong magsisinungaling, Inay?” Napahiya ako kaya binuksan ko ang pinto. Nang batiin ko ang mga bisita, napansin kong nagtataka sila. Dadalawin sana nila ang dating nangungupahan doon, na lumipat na ng tirahan. Pinapasok ko
sila at pinaulanan ng mga tanong at nasiyahan naman ako sa mga sagot nila mula sa Bibliya.Nang sumunod na linggo, nagsimula akong regular na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi gamit ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Nanumbalik ang hilig ko sa espirituwal na mga bagay dahil sa pag-aaral na iyon. Makalipas ang dalawang linggo, dumalo ako sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo Jesus. Nagsimula akong dumalo sa mga pulong tuwing Linggo, at di-nagtagal ay dumadalo na rin ako sa mga pulong sa gitnang sanlinggo. Ibinabahagi ko na rin sa iba ang aking mga natututuhan. Napansin kong bumuti ang aking mental at emosyonal na kalusugan dahil sa pagtulong sa iba na matutuhan ang mga katotohanan sa Bibliya. Makalipas ang anim na buwan, nabautismuhan ako sa pandistritong kombensiyon sa Perth.
Habang sumusulong ako sa espirituwal, naunawaan ko ang pangmalas ni Jehova sa pagiging sagrado ng pag-aasawa, pati na ang simulain sa Bibliya na mababasa sa 1 Corinto 7:13, na nagsasabi: “Ang isang babae na may asawang di-sumasampalataya, at gayunma’y sumasang-ayon ito na tumahang kasama niya, huwag niyang iwan ang kaniyang asawang lalaki.” Ang tekstong ito ang nagtulak sa akin na balikan si Alec.
Pagbalik sa Derby
Nagbalik ako sa Derby noong Hunyo 21, 1979, matapos mapawalay sa aking asawa nang mahigit limang taon. Siyempre pa, magkahalong damdamin ang nadarama ko at nag-iisip ako kung ano kaya ang magiging reaksiyon niya sa pagbalik ko. Nagulat ako na tuwang-tuwa siya sa pagbabalik ko, bagaman medyo dismayado siya na naging Saksi ni Jehova ako. Kaagad niyang iminungkahi na magsimba ako sa kanilang simbahan, na pinupuntahan ko noon bago ako lumipat sa Perth. Ipinaliwanag kong hindi ko magagawa iyon. Sinikap kong mabuti na igalang ang kaniyang pagkaulo at gawin ang pinakamabuti bilang Kristiyanong asawang babae. Sinikap kong ipakipag-usap sa kaniya ang tungkol kay Jehova at sa Kaniyang kamangha-manghang mga pangako sa hinaharap, pero hindi siya interesado.
Gayunman, sa kalaunan, hindi lamang tinanggap ni Alec ang aking bagong paraan ng pamumuhay kundi tinulungan din niya ako sa mga gastusin para makadalo ako sa mga kombensiyon at asamblea, gayundin sa lingguhang mga pulong. Tuwang-tuwa ako nang bumili siya ng kotse—mahalagang pag-aari sa liblib na bahaging ito ng Australia—para magamit ko sa Kristiyanong ministeryo. Madalas makitulog nang ilang gabi sa aming bahay ang mga kapatid, pati na ang tagapangasiwa ng sirkito. Dahil dito, nakilala ni Alec ang ilang Saksi, at waring nagustuhan naman niyang makisama sa kanila.
Para Akong si Ezekiel
Natutuwa ako kapag dumadalaw ang mga kapatid, pero napaharap ako sa isang hamon. Ako lamang ang Saksi sa bayan ng Derby. Nasa Broome ang pinakamalapit na kongregasyon, na 220 kilometro ang layo. Kaya ipinasiya kong gawin ang aking buong makakaya sa pagpapalaganap ng mabuting balita. Sa tulong ni Jehova, naisaayos ko ang aking iskedyul at nagsimulang magpatotoo sa bahay-bahay. Nahirapan akong gawin ito, pero lagi kong ipinaaalaala sa aking sarili ang sinabi ni apostol Pablo: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”—Filipos 4:13.
Hindi natuwa ang mga klero roon sa aking ginagawa, lalo na ang pangangaral ko sa mga kapuwa ko Aborigine. Sinikap nilang takutin ako at patigilin sa pangangaral. Ang pagsalansang nila ay lalo lamang nagpatibay sa akin na magpatuloy, at regular akong nananalangin kay Jehova na tulungan ako. Madalas kong naaalaala ang nakapagpapatibay na mga salitang ibinigay kay Ezekiel: “Narito! Ang iyong mukha ay ginawa kong sintigas mismo ng kanilang mga mukha at ang iyong noo ay sintigas mismo ng kanilang mga Ezekiel 3:8, 9.
noo. Ang iyong noo ay ginawa kong gaya ng diamante, mas matigas pa kaysa sa batong pingkian. Huwag kang matakot sa kanila, at huwag kang mangilabot sa kanilang mga mukha.”—Ilang beses akong nilapitan ng dalawang lalaki na miyembro ng isang relihiyon samantalang namimili ako. Sinikap nilang matawag ang pansin ng ibang mga mamimili sa pamamagitan ng maingay na panunuya sa akin. Hindi ko sila pinansin. Minsan, nang dumadalaw-muli ako sa isang interesado, dumating ang isang ministro ng simbahan doon at nagparatang na hindi raw ako naniniwala kay Jesus. Inagaw niya ang Bibliya sa aking kamay, ipinagduldulan ito sa mukha ko, at pagalit na ibinalik ito sa akin. Habang nakatitig sa kaniya, mahinahon subalit lakas-loob kong sinipi ang Juan 3:16 at tiniyak ko sa kaniya na nananampalataya ako kay Jesus. Gulat na gulat siya sa matatag na sagot ko at umalis siya nang walang kaimik-imik.
Nasisiyahan akong mangaral sa mga Aborigine sa Derby. Sinikap ng isang pari roon na hadlangan ako sa pangangaral sa mga tao sa isang komunidad, pero idinestino siya sa ibang lugar. Kaya naihatid ko sa kanila ang mensahe ng Bibliya. Noon pa man, gusto ko nang maging misyonera gaya ng aking tiyahin, at ngayon ay gawaing pagmimisyonero ang ginagawa ko, anupat tinutulungan ang iba na matuto hinggil sa Salita ng Diyos. Mabuti ang pagtugon ng marami sa mga Aborigine sa aking pangangaral, at nakapagpasimula na ako ng ilang pag-aaral sa Bibliya.
Palaisip sa Aking Espirituwal na Pangangailangan
Sa loob ng limang taon, ako lamang ang Saksi ni Jehova sa Derby. Nahirapan akong manatiling malakas sa espirituwal nang walang pampatibay-loob mula sa regular na mga pulong kasama ng mga kapuwa mananamba. Noong minsan, lumung-lumo ako kaya naisip kong lumabas dala ang aming sasakyan. Pagbalik ko ng bahay nang
dapit-hapon, hinihintay pala ako roon ng isang sister at ng kaniyang pitong anak. May dala silang suplay ng literatura para sa akin mula sa kongregasyon sa Broome, na kilu-kilometro ang layo. Mula noon, isinaayos ng sister na ito, si Betty Butterfield, na magpunta sa Derby minsan sa isang buwan at samahan ako sa dulo ng sanlinggo. Magkasama kaming nangangaral at saka nag-aaral ng Ang Bantayan sa aming bahay. Nagpupunta naman ako sa Broome minsan sa isang buwan.Napakamatulungin ng mga kapatid sa Broome at paminsan-minsan, naglalakbay sila nang malayo patungong Derby upang tulungan ako sa paglilingkod sa larangan. Hinimok nila ang sinumang kapatid mula sa ibang bayan na magdaraan sa Derby na dalawin ako at samahan sa ministeryo. Dinalhan din ako ng mga naglalakbay na ito ng inirekord na mga pahayag pangmadla. Sinamahan ako ng ilan sa pag-aaral ng Ang Bantayan. Talagang nakapagpapatibay ang maiikling pagdalaw na ito.
Parating Pa ang Tulong
Sa loob ng ilang taon, malaking pampasigla sa akin sina Arthur at Mary Willis, retiradong mag-asawa mula sa timugang bahagi ng Kanlurang Australia, na dumadalaw sa akin upang tulungan ako sa loob ng tatlong buwan tuwing malamig ang panahon. Si Brother Willis ang nangangasiwa sa karamihan ng mga pulong at nangunguna sa ministeryo sa larangan. Sama-sama naming nilalakbay ang mas liblib na mga bahagi ng Kimberley Plateau, na dinadalaw ang mga rantso ng baka sa malalayong lugar na ito. Tuwing aalis sina Brother at Sister Willis, lubha akong nangungulila.
Sa wakas, nang papatapos na ang 1983, nakatanggap ako ng masayang balita na isang pamilya—sina Danny at Denise Sturgeon kasama ang kanilang apat na anak—ang maninirahan sa Derby. Pagdating nila, nakapagdaos kami ng regular na lingguhang pagpupulong at sama-samang nakibahagi sa paglilingkod sa larangan. Nabuo ang isang kongregasyon pagsapit ng 2001. May isa na ngayong matatag na kongregasyon sa Derby na binubuo ng 24 na mamamahayag ng Kaharian, at dalawang elder at isang ministeryal na lingkod ang nangangalaga nang husto sa amin sa espirituwal na paraan. Paminsan-minsan, umaabot nang 30 ang dumadalo sa aming mga pulong.
Kapag nagbabalik-tanaw ako sa nakalipas na mga taon, nalulugod akong makita kung paano ako tinulungan ni Jehova na mapaglingkuran siya. Bagaman hindi ko pa kapananampalataya ang aking asawa, patuloy niya akong sinusuportahan sa ibang mga paraan. Limang miyembro ng aming pamilya ang naging bautisadong mga Saksi na—ang aking dalawang anak na babae, dalawang apong babae, at isang pamangkin. Bukod diyan, ilan pang kamag-anak ko ang nakikipag-aral ng Bibliya sa bayan ni Jehova.
Malaki ang pasasalamat ko na tinulungan ako ni Jehova na masumpungan siya. Determinado akong paglingkuran siya magpakailanman.—Awit 65:2.
[Talababa]
^ par. 14 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova subalit hindi na inililimbag ngayon.
[Mapa/Mga larawan sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
AUSTRALIA
Wyndham
Kimberley Plateau
Derby
Broome
Perth
[Credit Lines]
Kangaroo and lyrebird: Lydekker; koala: Meyers
[Larawan sa pahina 14]
Nagtatrabaho bilang nars sa ospital sa Wyndham, 1953
[Larawan sa pahina 15]
Kongregasyon ng Derby, 2005