Lumalakad sa Landas ng Tumitinding Liwanag
Lumalakad sa Landas ng Tumitinding Liwanag
“Ang landas ng mga matuwid ay tulad ng maningning na liwanag na lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ang araw ay malubos.”—KAWIKAAN 4:18.
1, 2. Ano ang nararanasan ng bayan ng Diyos dahil sa tumitinding espirituwal na liwanag mula kay Jehova?
MAY mas mahusay pa bang makapaglalarawan sa epekto ng sumisikat na araw sa kadiliman ng gabi kaysa sa mismong Pinagmumulan ng liwanag, ang Diyos na Jehova? (Awit 36:9) ‘Kapag humawak sa mga dulo ng lupa ang liwanag sa umaga,’ ang sabi ng Diyos, ‘ang lupa ay nagbabagong tulad ng luwad sa ilalim ng pantatak, at ang mga bagay ay lumalagay sa kanilang dako gaya ng sa damit.’ (Job 38:12-14) Dahil sa tumitinding liwanag mula sa araw, nagiging mas kitang-kita at maliwanag ang anyo ng lupa, gaya ng malambot na luwad na nagbabago kapag namarkahan ito ng emblema ng isang pantatak.
2 Si Jehova rin ang Pinagmumulan ng espirituwal na liwanag. (Awit 43:3) Samantalang nasa pusikit na kadiliman ang sanlibutan, patuloy na pinasisikat ng tunay na Diyos ang liwanag sa kaniyang bayan. Ano ang resulta? Ganito ang sagot ng Bibliya: “Ang landas ng mga matuwid ay tulad ng maningning na liwanag na lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ang araw ay malubos.” (Kawikaan 4:18) Ang tumitinding liwanag mula kay Jehova ay patuloy na tumatanglaw sa landas ng kaniyang bayan. Pinasusulong nito ang kanilang organisasyon, doktrina, at moral na mga pamantayan.
Sumulong ang Organisasyon Dahil sa Tumitinding Liwanag
3. Ano ang ipinangako sa Isaias 60:17?
3 Inihula ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Kahalili ng tanso ay magdadala ako ng ginto, at kahalili ng bakal ay magdadala ako ng pilak, at kahalili ng kahoy ay tanso, at kahalili ng mga bato ay bakal.” (Isaias 60:17) Kung paanong ang paghahalili ng mataas na uri ng materyales kapalit ng mababang uri ay nagpapahiwatig ng pagsulong, nararanasan ng mga Saksi ni Jehova ang pagsulong sa mga kaayusan ng kanilang organisasyon sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” o sa “mga huling araw.”—Mateo 24:3; 2 Timoteo 3:1.
4. Anong kaayusan ang ipinatupad noong 1919, at paano ito nakatulong?
4 Sa pasimula ng mga huling araw, inihahalal ng mga kongregasyon ng mga Estudyante ng Bibliya, na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, ang kanilang mga elder at diyakono sa demokratikong paraan. Gayunman, walang tunay na espiritu ng pag-eebanghelyo ang ilang elder. Ang ilan ay hindi lamang nag-aatubiling mangaral kundi pinahihina pa nga ang loob ng iba na nakikibahagi sa gawaing ito. Kaya noong 1919, isang bagong katungkulan ang pinasimulan sa bawat kongregasyon—yaong sa direktor sa paglilingkod.
Ang direktor sa paglilingkod ay hindi inihahalal ng kongregasyon kundi hinihirang sa teokratikong paraan ng tanggapang pansangay ng bayan ng Diyos. Kasali sa mga pananagutan ng hinirang na direktor ang pag-oorganisa sa gawaing pangangaral, pag-aatas ng mga teritoryo, at pagpapasigla sa iba na makibahagi sa ministeryo sa larangan. Nang sumunod na mga taon, sumigla nang husto ang pangangaral hinggil sa Kaharian.5. Anong pagsulong ang nangyari noong dekada ng 1920?
5 Ang lahat ng kabilang sa kongregasyon ay higit pang napasigla ng payo na “Ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian,” na ibinigay noong 1922 sa kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa Cedar Point, Ohio, E.U.A. Noong 1927, inorganisa ang paglilingkod sa larangan at itinakda pa nga ang Linggo bilang pinakaangkop na araw para mangaral sa bahay-bahay. Bakit ang araw na iyon? Dahil walang pasok sa trabaho ang karamihan ng mga tao kung Linggo. Ipinakikita ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ang gayunding espiritu sa pamamagitan ng pagsisikap na dalawin ang mga tao sa panahong mas malamang na nasa bahay sila, gaya kung mga dulong sanlinggo at gabi.
6. Noong 1931, anong resolusyon ang pinagtibay, at paano iyon nakaapekto sa paghahayag ng Kaharian?
6 Noong Linggo ng hapon, Hulyo 26, 1931, isang resolusyon ang pinagtibay, una sa kombensiyon sa Columbus, Ohio, E.U.A., at nang maglaon ay sa iba’t ibang panig ng daigdig, na lalong nagpasigla sa kanila na ihayag ang Kaharian. Ganito ang isinasaad sa isang bahagi ng resolusyon: “Tayo ay mga lingkod ng Diyos na Jehova na inatasan upang gumanap ng isang gawain sa kaniyang pangalan, at, bilang pagtalima sa kaniyang utos, upang ihatid ang patotoo ni Jesu-Kristo, at upang ipakilala sa mga tao na si Jehova ang tunay na Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat; samakatuwid ating buong kagalakang niyayakap at tinatanggap ang pangalan na ipinangalan ng bibig ng Panginoong Diyos, at ibig nating makilala at tawagin sa pangalang ito, alalaong baga’y, mga saksi ni Jehova.” (Isaias 43:10) Talagang malinaw na ipinakita ng bagong pangalang iyon ang pangunahing gawain ng lahat ng nagtataglay ng pangalang iyon! Oo, may gawain si Jehova para sa lahat ng kaniyang mga lingkod. Napakasigla nga ng naging pagtugon sa pangkalahatan!
7. Anong pagbabago ang ginawa noong 1932, at bakit?
7 Maraming elder ang mapagpakumbabang nagpagal sa pangangaral. Pero sa ilang lugar, hindi sumang-ayon ang inihalal na mga elder na kailangang makibahagi sa pangmadlang ministeryo ang lahat ng kabilang sa kongregasyon. Gayunman, malapit nang maganap noon ang higit pang pagsulong. Noong 1932, ang mga kongregasyon
ay tumanggap ng tagubilin sa pamamagitan ng The Watchtower na huwag nang maghalal ng mga elder at diyakono. Sa halip, maghahalal sila ng isang komite sa paglilingkod na binubuo ng espirituwal na mga lalaki na nakikibahagi sa pangmadlang pangangaral. Ang pangangasiwa ay ipinagkatiwala sa mga aktibong nakikibahagi sa ministeryo, kaya sumulong ang gawain.Higit Pang Pagsulong Dahil sa Tumitinding Liwanag
8. Anong pagbabago ang naganap noong 1938?
8 Ang liwanag ay “lumiliwanag nang lumiliwanag.” Noong 1938, ganap nang itinigil ang paghahalal. Ang lahat ng lingkod sa kongregasyon ay hihirangin sa teokratikong paraan sa ilalim ng pangangasiwa ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Ang pagbabagong ito ay malugod na tinanggap ng halos lahat ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, kaya patuloy na nagbunga ang gawaing pagpapatotoo.
9. Noong 1972, anong kaayusan ang pinasimulan, at bakit masasabing isang pagsulong ito?
9 Simula noong Oktubre 1, 1972, isa pang pagbabago sa pangangasiwa sa kongregasyon ang ipinatupad. Sa kaayusang pinasimulan noon sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, hindi na iisang lingkod ng kongregasyon, o tagapangasiwa, ang mangangasiwa kundi isang lupon ng matatanda. Ang bagong kaayusang ito ay naging malaking pampatibay-loob sa may-gulang na mga lalaki na abutin ang mga kuwalipikasyon sa pangunguna sa kongregasyon. (1 Timoteo 3:1-7) Dahil dito, maraming kapatid na lalaki ang nagkaroon ng karanasan sa pagganap ng mga responsibilidad sa kongregasyon. Talagang malaking tulong sila sa pagpapastol sa maraming baguhan na tumanggap sa katotohanan sa Bibliya!
10. Anong kaayusan ang ipinatupad noong 1976?
10 Ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ay inorganisa sa anim na komite, at simula noong Enero 1, 1976, ang lahat ng gawain ng organisasyon at ng mga kongregasyon sa buong lupa ay pinangasiwaan na ng mga komiteng ito. Tunay ngang kapaki-pakinabang na ang lahat ng aspekto ng gawaing pang-Kaharian ay pinangangasiwaan ng ‘maraming tagapayo’!—Kawikaan 15:22; 24:6.
11. Anong pagbabago ang ginawa noong 1992, at bakit?
11 Isa pang pagbabago ang naganap noong 1992, na maihahalintulad sa nangyari matapos magbalik ang mga Israelita at ang iba pa mula sa pagkakatapon sa Babilonya. Nang panahong iyon, hindi sapat ang bilang ng mga Levita na mag-aasikaso ng gawain sa templo. Kaya binigyan ng higit pang gawain ang mga di-Israelitang Netineo upang matulungan ang mga Levita. Alinsunod dito, ang ilan sa “ibang mga tupa” ay tumanggap ng karagdagang mga pananagutan sa paglilingkod noong 1992 upang makatulong sa uring tapat at maingat na alipin sa pag-aasikaso sa dumarami nilang mga responsibilidad may kaugnayan sa mga gawain sa lupa. Hinirang sila para tumulong sa mga komite ng Lupong Tagapamahala.—Juan 10:16.
12. Paano inatasan ni Jehova ang kapayapaan bilang ating tagapangasiwa?
12 Ano ang naging resulta ng lahat ng ito? “Aatasan ko ang kapayapaan bilang iyong mga tagapangasiwa at ang katuwiran bilang iyong mga tagapagbigay-atas,” ang sabi ni Jehova. (Isaias 60:17) May “kapayapaan” sa gitna ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon, at ang pag-ibig sa “katuwiran” ang naging “tagapagbigay-atas” nila—ang puwersa na nag-uudyok sa kanila na maglingkod sa Diyos. Lubha silang organisado para mangaral hinggil sa Kaharian at gumawa ng mga alagad.—Mateo 24:14; 28:19, 20.
Tinatanglawan ni Jehova ang Landas May Kinalaman sa Doktrina
13. Noong dekada ng 1920, paano tinanglawan ni Jehova ang landas ng kaniyang bayan may kinalaman sa doktrina?
13 Pasulong din na tinatanglawan ni Jehova ang landas ng kaniyang bayan may kinalaman sa doktrina. Isang halimbawa ang Apocalipsis 12:1-9. Tinutukoy sa ulat ang tatlong makasagisag na tauhan—“isang babaing” nagdadalang-tao at nagsilang, isang “dragon,” at “isang anak na lalaki, isang lalaki.” Alam mo ba kung sino ang kinakatawan ng bawat tauhan? Ipinakilala ang mga ito sa artikulong pinamagatang “Birth of the Nation,” na lumabas sa isyu ng The Watch Tower na may petsang Marso 1, 1925. Ang artikulong ito ay nagbigay sa bayan ng Diyos ng mas malinaw na pagkaunawa sa mga hula hinggil sa pagsilang ng Kaharian, at dahil sa kaunawaang ito, naging malinaw sa kanila na umiiral ang dalawang magkaibang organisasyon—yaong kay Jehova at yaong kay Satanas. Pagkatapos, noong 1927/28, nalaman ng bayan ng Diyos na hindi maka-Kasulatan ang pagdiriwang ng Pasko at kaarawan, kaya hindi na nila ipinagdiwang ang mga ito.
14. Anong mga katotohanan hinggil sa doktrina ang nilinaw noong dekada ng 1930?
14 Tatlong katotohanan hinggil sa doktrina ang higit pang niliwanag noong dekada ng 1930. Maraming taon nang alam ng mga Estudyante ng Bibliya na ang lubhang karamihan, o “malaking pulutong,” na binanggit sa Apocalipsis 7:9-17 ay iba sa 144,000, na mamamahalang kasama ni Kristo bilang mga hari at saserdote. (Apocalipsis 5:9, 10; 14:1-5) Gayunman, hindi pa rin malinaw sa kanila kung sino ang lubhang karamihan. Kung paanong nagiging mas kitang-kita ang hugis at kulay ng mga bagay dahil sa tumitinding liwanag sa umaga, naunawaan noong 1935 na ang lubhang karamihan ay yaong makaliligtas sa “malaking kapighatian,” at may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Di-nagtagal nang taon ding iyon, nilinaw ang isang bagay na nakaapekto sa mga estudyanteng anak ng mga Saksi ni Jehova sa maraming bansa. Bagaman matindi ang alab ng pagkamakabayan sa buong daigdig, naunawaan ng mga Saksi na hindi pormalidad lamang ang pagsaludo sa bandila. Nang sumunod na taon, isa pang katotohanan hinggil sa doktrina ang ipinaliwanag—si Jesus ay namatay sa isang tulos, hindi sa krus.—Gawa 10:39.
15. Kailan at paano idiniin ang tungkol sa kabanalan ng dugo?
15 Noong Digmaang Pandaigdig II, naging karaniwang paraan ng paggamot sa nasugatang mga sundalo ang pagsasalin ng dugo. Pagkatapos ng digmaan, tumindi ang liwanag hinggil sa kabanalan ng dugo. Hinimok ng isyu ng The Watchtower na may petsang Hulyo 1, 1945 ang “lahat ng mananamba ni Jehova na naghahangad ng walang-hanggang buhay sa kaniyang bagong sanlibutan ng katuwiran na igalang ang kabanalan ng dugo at sumunod sa matuwid na mga tuntunin ng Diyos hinggil sa mahalagang usapin na ito.”
16. Kailan inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Ingles, at ano ang dalawang namumukod-tanging katangian nito?
16 Noong 1946, nakita ang pangangailangan para sa isang bagong salin ng Bibliya na inihanda sa tulong ng makabagong kaalaman at na walang bahid ng mga doktrinang batay sa mga tradisyon ng Sangkakristiyanuhan. Nagsimula ang pagsasalin noong Disyembre 1947. Noong 1950, inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Ingles. Inilimbag ang Hebreong Kasulatan sa wikang Ingles sa limang tomo, at sunud-sunod na inilabas simula noong 1953. Inilabas ang huling tomo noong 1960, mahigit lamang sa 12 taon mula nang simulan ang proyekto sa pagsasalin. Inilabas ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Ingles sa iisang tomo noong 1961. Ang saling ito na makukuha na sa maraming wika ay may ilang namumukod-tanging katangian. Isinauli nito ang banal na pangalang Jehova. Bukod diyan, ang literal na pagkakasalin nito mula sa orihinal na mga sulat ay naglaan ng saligan para sa patuloy na pagsulong sa kaunawaan hinggil sa Salita ng Diyos.
17. Anong tumitinding liwanag ang pinasikat noong 1962?
17 Nilinaw noong 1962 ang hinggil sa “nakatataas na mga awtoridad” na binanggit sa Roma 13:1 at kung hanggang sa anong antas dapat magpasakop sa kanila ang isang Kristiyano. Dahil sa masusing pag-aaral sa ika-13 kabanata ng Roma at sa mga teksto sa Kasulatan gaya ng Tito 3:1, 2 at ng 1 Pedro 2:13, 17, naging malinaw na ang pananalitang “nakatataas na mga awtoridad” ay tumutukoy, hindi sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo, kundi sa mga awtoridad ng pamahalaan ng tao.
18. Anu-anong katotohanan ang nilinaw noong dekada ng 1980?
18 Nang sumunod pang mga taon, ang landas ng mga matuwid ay lumiwanag pa nang lumiwanag. Noong 1985, naunawaan kung ano ang kahulugan ng ipahayag na matuwid “para sa buhay” at matuwid bilang kaibigan ng Diyos. (Roma 5:18; Santiago 2:23) Noong 1987, ipinaliwanag nang husto ang kahulugan ng Kristiyanong Jubileo.
19. Paano naglaan si Jehova ng higit na espirituwal na liwanag para sa kaniyang bayan nitong nakalipas lamang na mga taon?
19 Noong 1995, mas malinaw na naunawaan ang tungkol sa pagbubukod sa “mga tupa” mula sa “mga kambing.” Detalyadong ipinaliwanag noong taóng 1998 ang pangitain ni Ezekiel tungkol sa templo, na kasalukuyan nang natutupad. Nilinaw noong 1999 kung kailan at kung paano ‘tatayo sa isang dakong banal ang kasuklam-suklam na bagay.’ (Mateo 24:15, 16; 25:32) At noong 2002, lalong naunawaan ang kahulugan ng pagsamba sa Diyos “sa espiritu at katotohanan.”—Juan 4:24.
20. Sa anong iba pang pitak naranasan ng bayan ng Diyos ang pagsulong?
20 Bukod sa pagsulong sa organisasyon at doktrina, may mga pagsulong din hinggil sa Kristiyanong paggawi. Halimbawa, noong 1973, naunawaan na ang paninigarilyo ay “karungisan ng laman” at dapat ituring na malubhang kasalanan. (2 Corinto 7:1) Makalipas ang isang dekada, niliwanag ng isyu ng Ang Bantayan na may petsang Enero 15, 1984, ang paninindigan natin hinggil sa paggamit ng armas. Ilan lamang ito sa mga halimbawa ng tumitinding liwanag sa ating panahon.
Patuloy na Lumakad sa Landas ng Tumitinding Liwanag
21. Anong saloobin ang tutulong sa atin na patuloy na lumakad sa landas ng tumitinding liwanag?
21 “Maaaring mahirap tanggapin at ikapit ang pagbabago kapag dumating ito,” ang pag-amin ng isang matagal nang elder. Ano ang nakatulong sa kaniya na tanggapin ang maraming pagbabagong nasaksihan niya sa loob ng 48 taon bilang tagapaghayag ng Kaharian? Ganito ang sagot niya: “Mahalagang magkaroon ng tamang saloobin. Kung tatanggihan mo ang mga pagbabago, hindi ka makaaalinsabay sa pagsulong ng organisasyon. Kapag waring nahihirapan akong tanggapin ang mga pagbabago, binubulay-bulay ko ang sinabi ni Pedro kay Jesus: ‘Panginoon, kanino kami paroroon? Ikaw ang may mga pananalita ng buhay na walang hanggan.’ Saka ko tinatanong ang aking sarili, ‘Saan ako paroroon—sa labas sa kadiliman ng sanlibutan?’ Tumutulong ito sa akin na manghawakang mahigpit sa organisasyon ng Diyos.”—Juan 6:68.
22. Paano tayo nakikinabang sa paglakad sa liwanag?
22 Walang-alinlangang nasa pusikit na kadiliman ang sanlibutan sa palibot natin. Habang patuloy na nagpapasikat ng liwanag si Jehova sa kaniyang bayan, lalong lumalaki ang kanilang agwat sa mga tao sa sanlibutan. Paano tayo nakikinabang sa liwanag na ito? Buweno, kung paanong hindi maaalis ng sinag ng liwanag ang lubak sa isang madilim na lansangan, hindi rin maaalis ng liwanag mula sa Salita ng Diyos ang mga patibong. Gayunman, tiyak na tinutulungan tayo ng liwanag mula sa Salita ng Diyos na iwasan ang mga ito upang patuloy tayong makalakad sa landas ng tumitinding liwanag. Kaya nga patuloy tayong magbigay-pansin sa makahulang salita ni Jehova, “gaya ng sa isang lamparang lumiliwanag sa isang dakong madilim.”—2 Pedro 1:19.
Naaalaala Mo Ba?
• Anong mga pagsulong sa organisasyon ang ginawa ni Jehova para sa kaniyang bayan?
• Dahil sa tumitinding liwanag, anong mga pagsulong sa doktrina ang naganap?
• Anu-anong pagbabago ang personal mong nasaksihan, at ano ang nakatulong sa iyo na tanggapin ang mga ito?
• Bakit gusto mong patuloy na lumakad sa landas ng tumitinding liwanag?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 27]
Ang kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, noong 1922 ay nagpasigla sa mga Estudyante ng Bibliya na ganapin ang gawain ng Diyos
[Larawan sa pahina 29]
Ang “Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan” sa wikang Ingles na inilabas ni N. H. Knorr noong 1950
[Picture Credit Line sa pahina 26]
© 2003 BiblePlaces.com