Pagtitipon sa mga Bagay na Nasa Langit at sa mga Bagay na Nasa Lupa
Pagtitipon sa mga Bagay na Nasa Langit at sa mga Bagay na Nasa Lupa
“Ito ay ayon sa kaniyang ikinalulugod na . . . muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit at ang mga bagay na nasa lupa.”—EFESO 1:9, 10.
1. Ano ang “ikinalulugod” ni Jehova para sa langit at sa lupa?
PANSANSINUKOB NA KAPAYAPAAN! Iyan ang maluwalhating layunin ni Jehova, “ang Diyos ng kapayapaan.” (Hebreo 13:20) Kinasihan niya si apostol Pablo upang isulat na ang Kaniyang “ikinalulugod” ay ang “muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit at ang mga bagay na nasa lupa.” (Efeso 1:9, 10) Ano ba talaga ang ipinahihiwatig ng pandiwa na isinaling “muling tipunin” sa talatang ito? Ganito ang sabi ng iskolar sa Bibliya na si J. B. Lightfoot: “Ipinahihiwatig ng pananalitang iyon ang lubusang pagkakasuwato ng uniberso, na hindi na magkakaroon ng salungat na mga elementong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, sa halip ang lahat ng bahagi nito ay nakasentro at nabubuklod kay Kristo. Mawawala na ang kasalanan at kamatayan, pamimighati at kabiguan at pagdurusa.”
“Mga Bagay na Nasa Langit”
2. Sinu-sino ang “mga bagay na nasa langit” na kailangang tipunin?
2 Ibinuod ni apostol Pedro ang kamangha-manghang pag-asa ng mga tunay na Kristiyano nang isulat niya: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Ang “mga bagong langit” na ipinangako rito ay tumutukoy sa bagong namamahalang awtoridad, ang Mesiyanikong Kaharian. “Ang mga bagay na nasa langit” na binanggit ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Efeso ay titipunin “kay Kristo.” Sila ang limitadong bilang ng mga tao na pinili upang mamahalang kasama ni Kristo sa langit. (1 Pedro 1:3, 4) Ang 144,000 pinahirang mga Kristiyanong ito ay “binili mula sa lupa,” “binili mula sa sangkatauhan,” upang makasama ni Kristo bilang tagapagmana sa kaniyang makalangit na Kaharian.—Apocalipsis 5:9, 10; 14:3, 4; 2 Corinto 1:21; Efeso 1:11; 3:6.
3. Paano masasabi na ang mga pinahiran ay ‘nakaupo sa makalangit na mga dako’ kahit nasa lupa pa sila?
3 Ang mga pinahirang Kristiyano ay isinilang, o ipinanganak na muli, sa pamamagitan ng banal na espiritu upang maging mga espirituwal na anak ni Jehova. (Juan 1:12, 13; 3:5-7) Dahil inampon sila ni Jehova bilang “mga anak,” naging mga kapatid sila ni Jesus. (Roma 8:15; Efeso 1:5) Dahil dito, kahit nasa lupa pa, sinasabing sila ay ‘ibinangon at pinaupong magkakasama sa makalangit na mga dako kaisa ni Kristo Jesus.’ (Efeso 1:3; 2:6) Taglay nila ang mataas na espirituwal na posisyong ito dahil sila ay “tinatakan ng ipinangakong banal na espiritu, na isang paunang tanda ng [kanilang] mana” na nakalaan para sa kanila sa langit. (Efeso 1:13, 14; Colosas 1:5) Kaya nga, ito ang mga “mga bagay na nasa langit,” na ang kabuuang bilang ay patiunang itinalaga ni Jehova at kailangang tipunin.
Nagsimula ang Pagtitipon
4. Kailan at paano nagsimula ang pagtitipon sa “mga bagay na nasa langit”?
4 Kasuwato ng paraan ng “pangangasiwa” ni Jehova sa mga bagay-bagay, ang pagtitipon sa “mga bagay na nasa langit” ay magsisimula “sa hustong hangganan ng mga takdang panahon.” (Efeso 1:10) Sumapit ang panahong iyon noong Pentecostes 33 C.E. Nang araw na iyon, ibinuhos ang banal na espiritu sa mga apostol at sa isang grupo ng mga alagad, mga lalaki at mga babae. (Gawa 1:13-15; 2:1-4) Ito ang patotoo na nagkabisa na ang bagong tipan, na tanda ng pagsilang ng Kristiyanong kongregasyon at ng bagong bansa ng espirituwal na Israel, ang “Israel ng Diyos.”—Galacia 6:16; Hebreo 9:15; 12:23, 24.
5. Bakit lumikha si Jehova ng isang bagong “bansa” na kapalit ng Israel sa laman?
5 Ang tipang Kautusan na ginawa sa Israel sa laman ay hindi nagluwal ng “isang kaharian ng mga saserdote . . . at isang banal na bansa” na maglilingkod sa langit magpakailanman. (Exodo 19:5, 6) Sinabi ni Jesus sa mga Judiong lider ng relihiyon: “Ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga nito.” (Mateo 21:43) Ang bansang iyon, ang espirituwal na Israel, ay binubuo ng pinahirang mga Kristiyano na dinala sa bagong tipan. Sinulatan sila ni apostol Pedro: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari, upang ipahayag ninyo nang malawakan ang mga kagalingan’ ng isa na tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag. Sapagkat dati ay hindi kayo bayan, ngunit ngayon ay bayan na ng Diyos.” (1 Pedro 2:9, 10) Hindi na ang Israel sa laman ang katipang bayan ni Jehova. (Hebreo 8:7-13) Gaya ng inihula ni Jesus, ang pribilehiyo ng pagiging bahagi ng Mesiyanikong Kaharian ay kinuha sa kanila at ibinigay sa 144,000 miyembro ng espirituwal na Israel.—Apocalipsis 7:4-8.
Dinala sa Tipan Ukol sa Kaharian
6, 7. Anong pantanging pakikipagtipan ang ginawa ni Jesus sa kaniyang mga kapatid na inianak sa espiritu, at ano ang kahulugan nito para sa kanila?
6 Noong gabing pasinayaan ni Jesus ang Memoryal ng kaniyang kamatayan, sinabi niya sa kaniyang tapat na mga apostol: “Kayo ang mga nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok; at nakikipagtipan ako sa inyo, kung paanong ang aking Ama ay nakipagtipan sa akin, ukol sa isang kaharian, upang kayo ay makakain at makainom sa aking mesa sa kaharian ko, at makaupo sa mga trono upang humatol sa labindalawang tribo ng Israel.” (Lucas 22:28-30) Tinukoy rito ni Jesus ang pantanging pakikipagtipan niya sa kaniyang 144,000 kapatid na inianak sa espiritu, na mananatiling “tapat . . . hanggang sa kamatayan” at magpapatunay na sila ay ‘mga nanaig.’—Apocalipsis 2:10; 3:21.
7 Tinalikdan ng mga kasama sa maliit na grupong ito ang lahat ng pag-asa na mabuhay magpakailanman sa lupa bilang tao na may laman at dugo. Maghahari silang kasama ni Kristo sa langit at uupo sa mga trono upang hatulan ang sangkatauhan. (Apocalipsis 20:4, 6) Suriin natin ngayon ang iba pang mga teksto na tumutukoy lamang sa mga pinahirang ito at nagpapakita kung bakit ang “ibang mga tupa” ay hindi nakikibahagi sa mga emblema ng Memoryal.—Juan 10:16.
8. Ano ang ipinahihiwatig ng mga pinahiran sa pakikibahagi nila sa tinapay? (Tingnan ang kahon sa pahina 23.)
8 Ang mga pinahiran ay magdurusa ring gaya ni Kristo at handang dumanas ng kamatayan na gaya ng kaniyang kamatayan. Bilang isa na kabilang sa grupong iyan, sinabi ni Pablo na handa siyang gumawa ng anumang sakripisyo upang “matamo [niya] si Kristo . . . upang makilala siya at ang kapangyarihan ng kaniyang pagkabuhay-muli at ang pakikibahagi sa kaniyang mga pagdurusa.” Oo, handa si Pablo na magpasakop “sa isang kamatayan na tulad ng sa kaniya.” (Filipos 3:8, 10) Binatá ng maraming pinahirang Kristiyano sa kanilang katawang laman ang “nakakamatay na pakikitungo na ginawa kay Jesus.”—2 Corinto 4:10.
9. Anong katawan ang inilalarawan ng tinapay ng Memoryal?
9 Nang pasimulan niya ang Hapunan ng Panginoon, sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng aking katawan.” (Marcos 14:22) Ang tinutukoy niya ay ang kaniyang literal na katawan na malapit nang bugbugin at maging duguan. Ang tinapay na walang lebadura ay angkop na simbolo ng katawang iyan. Bakit? Dahil sa Bibliya, ang lebadura ay maaaring tumukoy sa kasalanan o kabalakyutan. (Mateo 16:4, 11, 12; 1 Corinto 5:6-8) Sakdal si Jesus, at ang kaniyang katawan ay walang kasalanan. Ibibigay niya ang sakdal na katawang iyon bilang pampalubag-loob na hain. (Hebreo 7:26; 1 Juan 2:2) Makikinabang ang lahat ng tapat na Kristiyano sa paggawa niya nito, sila man ay may pag-asang mabuhay sa langit o mabuhay nang walang hanggan sa paraiso sa lupa.—Juan 6:51.
10. Sa anong paraan ‘nakikibahagi sa dugo ng Kristo’ ang mga nakikibahagi sa alak ng Memoryal?
10 May kaugnayan sa alak na iniinom ng mga pinahirang Kristiyano sa Memoryal, sumulat si Pablo: “Ang kopa ng pagpapala na pinagpapala natin, hindi ba ito isang pakikibahagi sa dugo ng Kristo?” (1 Corinto 10:16) Sa anong paraan ‘nakikibahagi sa dugo ng Kristo’ yaong mga nakikibahagi sa alak? Tiyak na hindi sila nakikibahagi sa paglalaan ng haing pantubos, yamang sila mismo ay nangangailangan ng katubusan. Sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa tumutubos na kapangyarihan ng dugo ni Kristo, pinatawad ang kanilang mga kasalanan at ipinahayag silang matuwid para sa buhay sa langit. (Roma 5:8, 9; Tito 3:4-7) Dahil sa itinigis na dugo ng Kristo, ang 144,000 kasama ni Kristo bilang tagapagmana ay “pinabanal,” ibinukod, nilinis mula sa kasalanan upang maging “mga banal.” (Hebreo 10:29; Daniel 7:18, 27; Efeso 2:19) Oo, sa pamamagitan ng itinigis na dugo ni Kristo ay “bumili [siya] ng mga tao para sa Diyos mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa, at ginawa . . . silang isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos, at mamamahala sila bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.”—Apocalipsis 5:9, 10.
11. Ano ang ipinahihiwatig ng mga pinahiran sa pag-inom sa alak ng Memoryal?
11 Nang pasinayaan ni Jesus ang Memoryal ng kaniyang kamatayan, ipinasa niya ang kopa ng alak sa kaniyang tapat na mga apostol at sinabi: “Uminom kayo mula rito, kayong lahat; sapagkat ito ay nangangahulugan ng aking ‘dugo ng tipan,’ na siyang ibubuhos alang-alang sa marami ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan.” (Mateo 26:27, 28) Kung paanong ang dugo ng mga toro at mga kambing ay nagbigay-bisa sa tipang Kautusan sa pagitan ng Diyos at ng bansang Israel, ang dugo ni Jesus ang nagbigay-bisa sa bagong tipan na gagawin ni Jehova sa espirituwal na Israel, pasimula sa Pentecostes 33 C.E. (Exodo 24:5-8; Lucas 22:20; Hebreo 9:14, 15) Sa pamamagitan ng pag-inom sa alak na sumasagisag sa “dugo ng tipan,” ipinababatid ng mga pinahiran na sila ay dinala sa bagong tipan at tumatanggap na ng mga pagpapala nito.
12. Paano binabautismuhan ang mga pinahiran sa kamatayan ni Kristo?
12 May iba pang ipinaaalaala ito sa mga pinahiran. Sinabi ni Jesus sa kaniyang tapat na mga Marcos 10:38, 39) Binanggit nang maglaon ni apostol Pablo na ang mga Kristiyano ay ‘babautismuhan sa kamatayan ni Kristo.’ (Roma 6:3) Ang mga pinahiran ay may mapagsakripisyong buhay. Ang kanilang kamatayan ay isang hain sa diwa na tinalikuran nila ang lahat ng pag-asa na mabuhay magpakailanman sa lupa. Ang bautismo ng mga pinahirang Kristiyanong ito sa kamatayan ni Kristo ay matatapos kapag binuhay silang muli bilang mga espiritung nilalang pagkaraang mamatay nang tapat, upang ‘mamahalang magkakasama bilang mga hari’ kasama ni Kristo sa langit.—2 Timoteo 2:10-12; Roma 6:5; 1 Corinto 15:42-44, 50.
alagad: “Ang kopa na aking iniinuman ay iinuman ninyo, at sa bautismo na ibinabautismo sa akin ay babautismuhan kayo.” (Pakikibahagi sa mga Emblema
13. Bakit hindi nakikibahagi sa mga emblema ng Memoryal ang mga may makalupang pag-asa, ngunit bakit sila dumadalo sa Memoryal?
13 Yamang ang pakikibahagi sa tinapay at alak na ipinapasa sa panahon ng Memoryal ay nagsasangkot sa lahat ng nabanggit na, maliwanag na hindi angkop na makibahagi rito ang mga may makalupang pag-asa. Nauunawaan ng mga may makalupang pag-asa na sila mismo ay hindi mga pinahirang miyembro ng katawan ng Kristo, ni kabilang man sila sa bagong tipan na ginawa ni Jehova sa mga mamamahalang kasama ni Jesu-Kristo. Yamang lumalarawan ang “kopa” sa bagong tipan, ang mga kasama lamang sa bagong tipan ang nakikibahagi sa mga emblema. Ang mga umaasang mabubuhay magpakailanman sa kasakdalan bilang tao rito sa lupa sa ilalim ng Kaharian ay hindi binabautismuhan sa kamatayan ni Kristo ni tinawag man upang mamahalang kasama niya sa langit. Kung makikibahagi sila sa mga emblema, ipahihiwatig nito ang isang bagay na hindi naman totoo hinggil sa kanila. Kaya hindi sila nakikibahagi, bagaman dumadalo sila sa Memoryal bilang magagalang na tagapagmasid. Nagpapasalamat sila sa lahat ng ginawa ni Jehova para sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang Anak, pati na ang paglalaan ng kapatawaran salig sa itinigis na dugo ni Kristo.
14. Paano napalalakas sa espirituwal ang mga pinahiran dahil sa kanilang pakikibahagi sa tinapay at alak?
14 Malapit nang matapos ang pangwakas na pagtatatak sa maituturing na maliit na bilang ng mga Kristiyano na tinawag upang magharing kasama ni Kristo sa langit. Ang pakikibahagi ng mga pinahiran sa mga emblema ng Memoryal ay nagpapalakas sa kanila sa espirituwal hanggang sa wakas ng kanilang mapagsakripisyong buhay sa lupa. Nadarama nilang kaisa sila ng kanilang pinahirang mga kapatid bilang mga miyembro ng katawan ng Kristo. Ang pakikibahagi nila sa emblemang tinapay at alak ay nagpapaalaala sa kanilang pananagutan na manatiling tapat hanggang kamatayan.—2 Pedro 1:10, 11.
Pagtitipon sa “mga Bagay na Nasa Lupa”
15. Sino ang mga tinipon sa panig ng mga pinahirang Kristiyano?
15 Mula noong kalagitnaan ng dekada ng 1930, isang lumalaking bilang ng “ibang mga tupa,” na hindi kabilang sa “munting kawan” at may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa, ang sumuporta sa mga pinahiran. (Juan 10:16; Lucas 12:32; Zacarias 8:23) Sila ay naging matapat na mga kasamahan ng mga kapatid ni Kristo, at nagbibigay ng mahalagang tulong sa pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian” bilang patotoo sa lahat ng bansa. (Mateo 24:14; 25:40) Sa paggawa nito, maaari silang ituring ni Kristo bilang kaniyang “mga tupa,” anupat nasa kaniyang “kanan” ng pagsang-ayon kapag dumating siya upang hatulan ang mga bansa. (Mateo 25:33-36, 46) Sa pamamagitan ng pananampalataya sa dugo ni Kristo, sila ang bubuo sa “malaking pulutong,” na makaliligtas sa “malaking kapighatian.”—Apocalipsis 7:9-14.
16. Sino ang mapapabilang sa “mga bagay na nasa lupa,” at paano magkakaroon ng pagkakataon ang lahat ng ito na maging “mga anak ng Diyos”?
Apocalipsis 7:1-4) Sa loob ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo at ng kaniyang mga kasamang haring-saserdote, makakasama ng malaking pulutong ang di-mabilang na mga binuhay-muli. (Apocalipsis 20:12, 13) Magkakaroon ng pagkakataon ang mga ito na maging permanenteng makalupang sakop ng Mesiyanikong Hari, si Kristo Jesus. Sa katapusan ng Milenyong Paghahari, ang lahat ng “mga bagay [na ito] na nasa lupa” ay isasailalim sa huling pagsubok. Ang mga mapatutunayang tapat ay aampunin bilang makalupang “mga anak ng Diyos.”—Efeso 1:10; Roma 8:21; Apocalipsis 20:7, 8.
16 Kapag ganap nang natatakan ang mga nalabi ng 144,000, pakakawalan na ang mga “hangin” ng pagkapuksa laban sa balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas sa lupa. (17. Paano matutupad ang layunin ni Jehova?
17 Kaya, sa pamamagitan ng kaniyang napakatalinong paraan ng “pangangasiwa” sa mga bagay-bagay, tutuparin ni Jehova ang kaniyang layunin na “muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit at ang mga bagay na nasa lupa.” Ang lahat ng matatalinong nilalang sa langit at sa lupa ay matitipong sama-sama at magtatamasa ng pansansinukob na kapayapaan, anupat may kagalakang nagpapasakop sa matuwid na soberanya ng Dakilang Tagapaglayon, si Jehova.
18. Paano makikinabang kapuwa ang mga pinahiran at ang kanilang mga kasamahan sa pagdalo sa Memoryal?
18 Tunay ngang mapatitibay ang pananampalataya ng maliit na bilang ng mga pinahiran at ng kanilang milyun-milyon na kasamang ibang mga tupa kapag nagtipon sila sa Abril 12, 2006! Ipagdiriwang nila ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo, gaya ng iniutos ni Jesus: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (Lucas 22:19) Dapat alalahanin ng lahat ng dadalo ang ginawa ni Jehova para sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang sinisintang Anak, si Kristo Jesus.
Bilang Repaso
• Ano ang layunin ni Jehova para sa mga bagay na nasa langit at sa mga bagay na nasa lupa?
• Sinu-sino “ang mga bagay na nasa langit,” at paano sila tinipon?
• Sinu-sino ang “ang mga bagay na nasa lupa,” at anong pag-asa ang nasasangkot?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon sa pahina 23]
Ang “Katawan ng Kristo”
Sa 1 Corinto 10:16, 17, binanggit ni Pablo ang “katawan” sa isang pantanging diwa sa kaniyang pagtalakay sa partikular na kahulugan ng tinapay para sa pinahiran-ng-espiritung mga kapatid ni Kristo. Sinabi niya: “Ang tinapay na pinagpuputul-putol natin, hindi ba ito isang pakikibahagi sa katawan ng Kristo? Sapagkat may iisang tinapay, tayo, bagaman marami, ay iisang katawan, dahil nakikibahagi tayong lahat sa iisang tinapay na iyon.” Kapag nakikibahagi ang mga pinahirang Kristiyano sa tinapay ng Memoryal, ipinahahayag nila ang kanilang pakikiisa sa kongregasyon ng mga pinahiran, na parang isang katawan at si Kristo ang Ulo.—Mateo 23:10; 1 Corinto 12:12, 13, 18.
[Mga larawan sa pahina 23]
Bakit ang mga pinahiran lamang ang nakikibahagi sa tinapay at alak?
[Larawan sa pahina 25]
Sa pamamagitan ng pangangasiwa ni Jehova, magkakaisa ang lahat ng nilalang sa langit at sa lupa