Kaayaayang Libangan na Nagpapaginhawa
Kaayaayang Libangan na Nagpapaginhawa
“Kayo man ay kumakain o umiinom o gumagawa ng anupaman, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.”—1 CORINTO 10:31.
1, 2. Bakit maituturing na isang “kaloob ng Diyos” ang kasiya-siyang mga gawain, subalit ano ang tuwirang babala ng Bibliya may kaugnayan dito?
NATURAL lamang sa tao na magnais na makibahagi sa mga gawaing nagdudulot ng kasiyahan. Gusto ng ating maligayang Diyos, si Jehova, na masiyahan tayo sa buhay, at naglalaan siya ng saganang probisyon para masiyahan tayo. (1 Timoteo 1:11; 6:17) Sumulat ang matalinong haring si Solomon: “Nalaman ko na wala nang mas mabuti . . . kundi ang magsaya . . . at na ang bawat tao rin ay kumain at uminom nga at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal. Iyon ang kaloob ng Diyos.”—Eclesiastes 3:12, 13.
2 Talagang nakapagpapaginhawa ang gayong pagsasaya kapag iniisip ng isa ang mabubuting bagay na nagawa niya, lalo na kapag nagkakasiyahan kasama ng pamilya o mga kaibigan. Maaaring wasto itong maituturing na isang “kaloob ng Diyos.” Siyempre pa, hindi dahil sa pinaglalaanan tayo ng Maylalang ng saganang probisyon ay maaari na tayong makibahagi sa walang-taros na pagsasaya. Hinahatulan ng Bibliya ang paglalasing, katakawan, at imoralidad, anupat nagbababala na ang mga gumagawa ng gayong mga bagay ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—1 Corinto 6:9, 10; Kawikaan 23:20, 21; 1 Pedro 4:1-4.
3. Ano ang tutulong upang manatili tayong gising sa espirituwal at lagi nating maisaisip ang dakilang araw ni Jehova?
3 Sa mapanganib na mga huling araw na ito, higit kailanman, napapaharap ang mga Kristiyano sa hamon na mamuhay nang may karunungan sa isang tiwaling daigdig nang hindi naiimpluwensiyahan nito. (Juan 17:15, 16) Gaya ng inihula, ang henerasyon sa ngayon ay naging “mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos” hanggang sa punto na ‘hindi na sila nagbibigay-pansin’ sa mga ebidensiya na malapit na ang “malaking kapighatian.” (2 Timoteo 3:4, 5; Mateo 24:21, 37-39) Binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang na ang araw na iyon ay kagyat na mapasainyo na gaya ng silo.” (Lucas 21:34, 35) Bilang mga lingkod ng Diyos, determinado tayong sundin ang babala ni Jesus. Hindi tulad ng di-makadiyos na mga tao sa paligid natin, sinisikap natin na manatiling gising sa espirituwal at laging isaisip ang dakilang araw ni Jehova.—Zefanias 3:8; Lucas 21:36.
4. (a) Bakit mahirap pumili ng angkop na libangan? (b) Anong payo na binabanggit sa Efeso 5:15, 16 ang nais nating ikapit?
4 Hindi madaling umiwas sa masasamang gawain ng sanlibutan, yamang ang mga ito ay ginawa ng Diyablo na lubhang kaakit-akit at palasak. Lalo nang mahirap itong iwasan kapag pumipili tayo ng libangan. Karamihan sa mga iniaalok ng sanlibutan ay dinisenyo upang bigyang-kaluguran ang “mga pagnanasa ng laman.” (1 Pedro 2:11) Nagkalat ang masasamang libangan sa pampublikong mga lugar, subalit maaari rin itong makapasok sa ating pribadong mga tahanan sa pamamagitan ng mga babasahin, TV, Internet, at mga video. Kaya naman, may-katalinuhang pinapayuhan ng Salita ng Diyos ang mga Kristiyano: “Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay balakyot.” (Efeso 5:15, 16) Kung susundin lamang nating mabuti ang payong ito, tiyak na hindi tayo maaakit ng masasamang libangan, hindi nito mauubos ang ating panahon, oo, ni hindi rin nito masisira ang ating kaugnayan kay Jehova, anupat hahantong sa ating pagkapuksa!—Santiago 1:14, 15.
5. Anong gawain ang nagdudulot sa atin ng lubos na kaginhawahan?
5 Yamang napakaabala ng buhay ng mga Kristiyano, hindi kataka-takang makadama sila ng pangangailangang maglibang paminsan-minsan. Sa katunayan, binabanggit sa Eclesiastes 3:4 na may “panahon ng pagtawa” at “panahon ng pagluksu-lukso.” Kaya hindi itinuturing ng Bibliya na pagsasayang lamang ng panahon ang paglilibang. Subalit kailangang makapagpaginhawa sa atin ang paglilibang, at hindi ito dapat magsapanganib ng ating espirituwalidad o makahadlang sa ating espirituwal na mga gawain. Batay sa mismong karanasan ng may-gulang na mga Kristiyano, alam nila na may higit na kaligayahan sa pagbibigay. Pangunahin sa kanilang buhay ang paggawa ng kalooban ni Jehova at dahil dito, nararanasan nila ang ‘kaginhawahan ng kanilang mga kaluluwa’ sa pagtanggap ng may-kabaitang pamatok ni Jesus.—Mateo 11:29, 30; Gawa 20:35.
Pagpili ng Angkop na Libangan
6, 7. Ano ang makatutulong sa iyo na magpasiya kung ano ang angkop o di-angkop na libangan?
6 Paano tayo makatitiyak na angkop para sa isang Kristiyano ang isang uri ng libangan? Pinaglalaanan ng mga magulang ang kanilang mga anak ng patnubay, at kung kinakailangan, tumutulong ang mga elder. Subalit sa katunayan, hindi na kailangan pang sabihan tayo ng iba kung ang isang partikular na aklat, pelikula, laro, sayaw, o awit ay angkop o hindi. Sinabi ni Pablo na ang “mga taong may-gulang . . . dahil sa paggamit ay nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Hebreo 5:14; 1 Corinto 14:20) Naglalaan ang Bibliya ng mga simulaing papatnubay sa atin. Matutulungan ka ng iyong budhi, na sinanay ng Salita ng Diyos, kung pakikinggan mo ito.—1 Timoteo 1:19.
7 Sinabi ni Jesus na “sa bunga nito ay nakikilala ang punungkahoy.” (Mateo 12:33) Kung ang isang libangan ay kakikitaan ng bulok na mga bunga, anupat aakit sa isa sa karahasan, imoralidad, o espiritismo, dapat itong tanggihan. Hindi rin ito maituturing na angkop na libangan kung isinasapanganib nito ang buhay o kalusugan ng isang tao, kung nagiging sanhi ito ng kahirapan sa buhay o panghihina ng loob, o kung nakatitisod ito sa iba. Binabalaan tayo ni apostol Pablo na kung masugatan natin ang budhi ng ating kapatid, nagkakasala tayo. Sumulat si Pablo: “Kapag nagk akasala kayo nang gayon laban sa inyong mga kapatid at sinusugatan ang kanilang budhi na mahina, nagkakasala kayo laban kay Kristo. Kaya nga, kung ang pagkain ay nagpapatisod sa aking kapatid, hindi na ako muling kakain ng karne, upang hindi ko matisod ang aking kapatid.”—1 Corinto 8:12, 13.
8. Anu-ano ang panganib sa paglalaro ng mga video game at panonood ng mga pelikula sa video?
8 Napakaraming ipinagbibiling mga video game at mga pelikula sa video sa mga tindahan. Ang ilan ay hindi naman masama at nakapagpapaginhawa pa nga, subalit lalong itinatampok ng gayong uri ng libangan ang mga bagay na hinahatulan ng Bibliya. Kaya tiyak na hindi basta isang katuwaan lamang ang isang laro kapag hinihilingan nito ang mga manlalaro na mambugbog, pumatay, o gumawa ng imoralidad! Kinapopootan ni Jehova ang mga “umiibig sa karahasan.” (Awit 11:5; Kawikaan 3:31; Colosas 3:5, 6) At kung inuudyukan ka ng isang laro na maging sakim o mapusok, kung sinisira nito ang iyong loob, o inuubos nito ang iyong mahalagang panahon, dapat mong matanto na isinasapanganib nito ang iyong espirituwalidad, at gumawa ka kaagad ng kinakailangang mga pagbabago.—Mateo 18:8, 9.
Sinasapatan ang mga Pangangailangang Maglibang sa Kapaki-pakinabang na mga Paraan
9, 10. Anu-ano ang maaaring gawin ng mga taong may pang-unawa upang masapatan ang kanilang mga pangangailangang maglibang?
9 Kung minsan, itinatanong ng mga Kristiyano: “Ano ba ang maituturing na angkop na libangan? Karamihan naman sa mga libangan sa sanlibutan ay hindi kasuwato ng mga pamantayan ng Bibliya.” Makatitiyak ka na may masusumpungan kang kasiya-siyang libangan, subalit nangangailangan ito ng pagsisikap. Kailangan ang patiunang pagpaplano, partikular na sa bahagi ng mga magulang. Marami ang nasisiyahang maglibang kasama ng kanilang pamilya at ng kongregasyon. Ang pagsasalu-salo samantalang pinagkukuwentuhan ang mga nangyari sa maghapon o ang isang paksa sa Bibliya ay kasiya-siya at nakapagpapatibay. Maaaring magsaayos ng mga piknik, angkop na mga laro, kamping, o hiking. Ang gayong kaayaayang libangan ay kasiya-siya at nakagiginhawa.
10 Isang elder at ang kaniyang asawa na nakapagpalaki ng tatlong anak ang nagsabi: “Mula pa sa pagkabata, isinasama na namin ang aming mga anak sa pagpaplano kung saan kami magbabakasyon. Kung minsan, para maging mas masaya ang bakasyon, pinapayagan namin silang magsama ng matalik nilang kaibigan. Ipinagdiriwang namin ang ilang mahahalagang pangyayari sa buhay ng aming mga anak. Sa pana-panahon, inaanyayahan namin sa bahay ang aming mga kamag-anak at mga kaibigan sa kongregasyon. Nagluluto kami sa labas ng bahay at naglalaro. May mga panahong namamasyal kami sa mga bundok, anupat ginagamit ang mga pagkakataong iyon para matuto hinggil sa mga nilalang ni Jehova.”
11, 12. (a) Kapag nagpaplanong maglibang sa pana-panahon, anu-ano ang maaari ninyong gawin upang maisama ang iba? (b) Anong uri ng mga okasyon ang napatunayang hindi malilimot ng marami?
11 Kapag nagpaplanong maglibang sa pana-panahon Lucas 14:12-14) Maaari rin ninyong isama ang ilang bagong-ugnay sa kongregasyon, anupat nag-iingat na hindi sila mahantad sa anumang masasamang kasama. (2 Timoteo 2:20, 21) Kung nahihirapan nang lumabas ng bahay ang mga mahina ang kalusugan, marahil ay maisasaayos na dalhan sila ng pagkain sa kanilang tahanan at makisalo sa kanila.—Hebreo 13:1, 2.
bilang indibiduwal o pamilya, puwede ba kayong magpalawak, anupat isinasama ang iba? Maaaring nangangailangan ng pampatibay-loob ang ilan, gaya ng mga balo, walang asawa, o pamilyang may nagsosolong magulang. (12 Ang simpleng mga salu-salo, kung saan nagkakakuwentuhan ang mga panauhin kung paano sila naging mga Kristiyano, at kung ano ang nakatulong sa kanila na makapanatiling tapat sa Diyos, ay di-malilimutang mga okasyon para sa marami. Maaaring pag-usapan ng lahat ng naroroon, kasama ang mga bata, ang mga paksa sa Bibliya. Ang gayong mga talakayan ay kapaki-pakinabang na pagpapalitan ng pampatibay-loob nang walang napapahiya o nakadarama na kulang siya ng kaalaman.
13. Paano naglaan si Jesus at si Pablo ng halimbawa sa pagiging mapagpatuloy at sa pagpapaunlak sa pagkamapagpatuloy ng iba?
13 Naglaan si Jesus ng wastong halimbawa sa pagiging mapagpatuloy at pagpapaunlak sa pagkamapagpatuloy ng iba. Palagi niyang ginagamit ang mga pagkakataong iyon upang ibahagi ang espirituwal na mga pagpapala. (Lucas 5:27-39; 10:42; 19:1-10; 24:28-32) Tinularan ng sinaunang mga alagad niya ang kaniyang halimbawa. (Gawa 2:46, 47) Sumulat si apostol Pablo: “Nananabik akong makita kayo, upang maibahagi ko sa inyo ang ilang espirituwal na kaloob nang sa gayon ay mapatatag kayo; o, kaya, upang magkaroon ng pagpapalitan ng pampatibay-loob sa gitna ninyo, ng bawat isa sa pamamagitan ng pananampalataya ng iba, kapuwa ang sa inyo at sa akin.” (Roma 1:11, 12) Sa katulad na paraan, dapat magkaroon ng malayang pagpapalitan ng pampatibay-loob sa ating mga pagtitipon.—Roma 12:13; 15:1, 2.
Ilang Paalaala at Babala
14. Bakit hindi inirerekomenda ang malalaking sosyal na pagtitipon?
14 Hindi inirerekomenda ang malalaking sosyal na pagtitipon, yamang kadalasan nang mahirap itong pangasiwaan. Sa mga panahong hindi nakagagambala sa espirituwal na mga gawain, ang ilang pamilya ay maaaring magsama-sama para magpiknik o maglaro nang hindi naman nagtatampok ng kompetisyon. Kapag kasama sa mga sosyal na pagtitipon ang ilang elder, mga ministeryal na lingkod, o iba pang may-gulang na mga indibiduwal, nagiging mabuti silang impluwensiya at mas nakapagpapaginhawa ang okasyon.
15. Bakit kailangang pangasiwaan nang wasto ng punong-abala ang isang pagtitipon?
15 Sa mga sosyal na pagtitipon, hindi dapat ipagwalang-bahala ng mga nagsasaayos ang pangangailangang pangasiwaan ito nang wasto. Bagaman nais mong maging mapagpatuloy, hindi ba’t labis kang malulungkot kapag nalaman mong dahil sa iyong kapabayaan, isang panauhin ang natisod sa mga naganap sa iyong tahanan? Isaalang-alang ang simulaing tinalakay sa Deuteronomio 22:8. Ang isang Israelitang magtatayo ng bagong bahay ay kailangang gumawa ng halang sa palibot ng kaniyang patag na bubong, kung saan karaniwang inaasikaso ang mga panauhin. Bakit? “Upang hindi ka makapaglagay ng pagkakasala sa dugo sa iyong bahay dahil baka may sinumang mahulog at mula roon siya mahulog.” Sa katulad na paraan, anumang hakbang na gagawin mo—nang hindi naman nagtatakda ng di-makatuwirang mga paghihigpit—upang protektahan ang iyong mga panauhin sa sosyal na pagtitipon ay dapat na para sa kanilang pisikal at espirituwal na mga kapakanan.
16. Anong pag-iingat ang dapat gawin kung magsisilbi ng inuming de-alkohol sa sosyal na pagtitipon?
Efeso 5:18, 19) Maaaring tanggihan ng ilang panauhin ang inuming de-alkohol dahil sa iba’t ibang kadahilanan. Sa maraming lugar, may mga batas na nagtatakda ng edad ng mga pinahihintulutang uminom. Sinusunod ng mga Kristiyano ang mga batas ni Cesar kahit na waring napakahigpit ng mga tuntuning ito.—Roma 13:5.
16 Kung magsisilbi ng inuming de-alkohol sa sosyal na pagtitipon, kailangan itong gawin nang buong-ingat. Maraming Kristiyanong punong-abala ang nagpasiyang magsilbi ng inuming de-alkohol tangi lamang kung sila mismo ang mangangasiwa kung ano at gaano karami ang isisilbi sa mga panauhin. Hindi dapat pahintulutan ang anumang bagay na makatitisod sa iba o makatutukso sa isa na magpakalabis. (17. (a) Bakit mahalagang maging lubhang mapamili ang punong-abala sa mga musikang patutugtugin sa isang sosyal na pagtitipon? (b) Kung magkakaroon ng sayawan sa pagtitipon, paano maipakikita ang kahinhinan?
17 Dapat tiyakin ng punong-abala na lahat ng musika, sayaw, o iba pang libangan ay kasuwato ng mga simulaing Kristiyano. Iba-iba ang panlasa ng bawat indibiduwal, at napakaraming uri ng musikang mapagpipilian. Gayunman, karamihan ng mga musika sa ngayon ay nagtataguyod ng espiritu ng paghihimagsik, imoralidad, at karahasan. Kailangang maging mapamili. Ang angkop na musika ay hindi naman laging malumanay, subalit hindi rin ito dapat na mahalay o malaswa, at hindi rin naman masyadong malakas at dumadagundong. Mag-ingat na huwag ipaubaya ang pagpili ng musika sa isa na hindi nakauunawa kung bakit kailangang katamtaman lamang ang lakas ng pagpapatugtog. Ang di-mahinhing mga sayaw na nagtatampok ng galaw ng balakang at dibdib upang pumukaw ng seksuwal na pagnanasa, ay malinaw na hindi angkop sa isang Kristiyano.—1 Timoteo 2:8-10.
18. Bakit isang proteksiyon sa mga anak kung susubaybayan sila ng kanilang mga magulang sa kanilang mga sosyal na pagtitipon?
18 Dapat alamin ng mga Kristiyanong magulang kung ano ang nakaplanong gawin sa anumang sosyal na pagtitipong dadaluhan ng kanilang mga anak, at karaniwan nang isang katalinuhan na samahan sila. Nakalulungkot, hinayaan ng ilang magulang ang kanilang mga anak na dumalo sa mga parti na walang nangangasiwa, kung saan ang ilang naroroon ay natuksong gumawa ng imoralidad o iba pang di-angkop na paggawi. (Efeso 6:1-4) Kahit na sila ay nasa mga huling taon na ng pagkatin-edyer at mapagkakatiwalaan na, kailangan pa rin silang tulungan na ‘tumakas mula sa mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan.’—2 Timoteo 2:22.
19. Anong katotohanan ang makatutulong sa atin na magtuon ng pansin sa mga bagay na dapat nating “hanapin muna”?
19 Ang paminsan-minsang pagkakaroon ng kaayaaya at nakapagpapaginhawang libangan ay lalong nagpapasaya ng buhay. Hindi ipinagkakait sa atin ni Jehova ang kasiyahang iyan, subalit dapat nating tanggapin ang katotohanan na hindi nakatutulong ang gayong mga gawain upang makapag-imbak tayo ng espirituwal na mga kayamanan sa langit. (Mateo 6:19-21) Tinulungan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na maunawaan na ang ‘paghanap muna sa kaharian at sa katuwiran ng Diyos’ ang mahalaga sa buhay, hindi ang ating kinakain o iniinom o isinusuot, ang “mga bagay na masikap na hinahanap ng mga bansa.”—Mateo 6:31-34.
20. Anu-anong mabubuting bagay mula sa Dakilang Tagapaglaan ang maaasahan ng tapat na mga lingkod ni Jehova?
20 Oo, tayo man ay “kumakain o umiinom o gumagawa ng anupaman,” magagawa natin “ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos,” anupat pinasasalamatan ang Dakilang Tagapaglaan sa ibinibigay Niyang mabubuting bagay na maaari nating tamasahin nang hindi nagpapakalabis. (1 Corinto 10:31) Sa kaniyang Paraisong lupa na napakalapit na, hindi tayo kailanman mauubusan ng pagkakataong tamasahin nang lubusan ang pagkabukas-palad ni Jehova, pati na ang nakapagpapatibay na pakikipagsamahan sa lahat ng makaaabot sa kaniyang matuwid na mga kahilingan.—Awit 145:16; Isaias 25:6; 2 Corinto 7:1.
Natatandaan Mo Ba?
• Bakit mahirap para sa mga Kristiyano sa ngayon na pumili ng kaayaayang libangan?
• Anu-ano ang ilang uri ng libangan na napatunayang kasiya-siya para sa mga Kristiyanong pamilya?
• Kapag nakikibahagi sa kaayaayang libangan, anu-anong paalaala at babala ang dapat na palaging isaisip ng isa?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 18]
Piliin ang mga libangang nagdudulot ng mabubuting bunga
[Mga larawan sa pahina 19]
Anu-anong uri ng libangan ang tinatanggihan ng mga Kristiyano?