Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Esther
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Esther
IMPOSIBLENG mabigo ang plano. Ang plano ay ang mabilis at ganap na paglipol sa mga Judio. Sa isang itinakdang araw, tiyak na mamamatay ang lahat ng Judiong naninirahan sa imperyo, na sumasaklaw mula sa India hanggang sa Etiopia. Iyan ang inakala ng nag-isip ng pakana. Subalit isang napakahalagang salik ang hindi niya nabigyang-pansin. Kayang-kaya ng Diyos ng langit na iligtas ang kaniyang piniling bayan mula sa anumang kalagayang magsasapanganib ng kanilang buhay. Ang pagliligtas na iyan ay nakaulat sa aklat ng Bibliya na Esther.
Ang aklat ng Esther ay isinulat ng isang may-edad nang Judio na nagngangalang Mardokeo, at sumasaklaw ito ng mga 18 taon noong namamahala sa Persia si Haring Ahasuero, o Jerjes I. Ipinakikita ng madulang salaysay na ito kung paano inililigtas ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa masasamang pakana ng kanilang mga kaaway, kahit na ang kaniyang mga lingkod ay magkakalayo sa isang napakalaking imperyo. Sa ngayon, ang kaalamang iyan ay tunay na nakapagpapatibay ng pananampalataya sa bayan ni Jehova, na nag-uukol sa kaniya ng sagradong paglilingkod sa 235 lupain. Karagdagan pa, ang mga tauhang inilalarawan sa aklat ng Esther ay nagbibigay sa atin ng mga halimbawang dapat nating tularan at dapat nating iwasan. Tunay nga, “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.”—Hebreo 4:12.
DAPAT MAMAGITAN ANG REYNA
Sa kaniyang ikatlong opisyal na taon ng paghahari (493 B.C.E.), nagdaos si Haring Ahasuero ng isang piging para sa mga maharlika. Galit na galit ang hari kay Reyna Vasti, na kilala sa kaniyang kagandahan, at dahil dito ay inalis siya bilang reyna. Ang babaing Judio na si Hadasa ang napili mula sa lahat ng magagandang dalaga sa lupain upang humalili kay Vasti. Bilang pagsunod sa tagubilin ng pinsan niyang si Mardokeo, inilihim ni Hadasa ang kaniyang pagiging Judio at ginamit ang kaniyang Persianong pangalan na Esther.
Nang maglaon, isang hambog na lalaking nagngangalang Haman ang itinaas ng posisyon at ginawang punong ministro. Nagalit si Haman kay Mardokeo dahil tumanggi itong ‘yumukod o magpatirapa sa kaniya,’ kaya nagpakana siya na lipulin ang lahat ng Judio sa Imperyo ng Persia. (Esther 3:2) Nahikayat ni Haman si Ahasuero at nagtagumpay sa pagkumbinsi sa hari na magpalabas ng utos upang isakatuparan ang paglipol na ito. Si Mardokeo ay nagsuot ng “telang-sako at naglagay ng abo.” (Esther 4:1) Dapat na ngayong mamagitan si Esther. Inanyayahan niya ang hari at ang kaniyang punong ministro sa isang piging nang sila-sila lamang. Nang malugod nilang pinaunlakan ang kaniyang paanyaya, muli silang inanyayahan ni Esther sa isa pang piging kinabukasan. Masaya si Haman. Subalit nagalit siya nang tumanggi si Mardokeo na parangalan siya. Nagplano si Haman na patayin si Mardokeo bago ang piging kinabukasan.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:3-5—Umabot ba nang 180 araw ang piging? Hindi sinasabi ng teksto na umabot ang piging nang gayon katagal pero sinasabi nito na ipinakita ng hari sa mga opisyal ang kayamanan at kagandahan ng kaniyang maluwalhating kaharian sa loob ng 180 araw. Marahil ay ginamit ng hari ang mahabang okasyong ito upang ipagmalaki ang kaluwalhatian ng kaniyang kaharian para pahangain ang mga taong mahal at kumbinsihin sila sa kaniyang kakayahang isakatuparan ang kaniyang mga plano. Kung gayon, ang talata 3 at 5 ay maaaring tumukoy sa 7-araw na piging na ginanap pagkatapos ng 180-araw na pagtitipon.
1:8—Sa anong paraan ‘walang sinumang namimilit kung tungkol sa oras ng pag-inom ayon sa kautusan’? Lumilitaw na kaugalian noon ng mga Persiano na magtakda ng partikular na dami ng iinumin sa mga pagtitipon subalit sa okasyong ito, gumawa ng eksepsiyon si Haring Ahasuero. “Makaiinom sila ng kahit gaano karaming alak hangga’t gusto nila,” ang sabi ng isang reperensiyang akda.
1:10-12—Bakit patuloy na tumatangging humarap sa hari si Reyna Vasti? Ipinahihiwatig ng ilang iskolar na tumangging sumunod ang reyna sapagkat ayaw niyang mabawasan ang kaniyang dignidad yamang mga lasing na panauhin ng hari ang makakasama niya. O marahil ay hindi talaga mapagpasakop ang magandang reynang ito. Bagaman hindi sinasabi ng Bibliya ang kaniyang motibo, inisip ng mga taong marurunong noon na malaking bagay ang pagsunod sa asawang lalaki at ang masamang halimbawa ni Vasti ay makaiimpluwensiya sa lahat ng asawang babae sa mga probinsiya ng Persia.
2:14-17—Si Esther ba ay imoral na nakipagtalik sa hari? Ang sagot ay hindi. Sinasabi ng ulat na sa umaga, ang ibang mga babae na dinala sa hari ay ibinabalik sa ikalawang bahay sa ilalim ng pangangasiwa ng bating ng hari, “ang tagapag-alaga sa mga babae.” Kaya ang mga babaing nagpalipas ng gabi kasama ng hari ay naging mga babae, o mga pangalawahing asawa niya. Subalit si Esther ay hindi dinala sa bahay ng mga babae pagkatapos niyang makipagkita sa hari. Nang si Esther ay dinala sa harap ni Ahasuero, “inibig ng hari si Esther nang higit kaysa sa lahat ng iba pang babae, anupat ito ay nagtamo ng higit na lingap at maibiging-kabaitan sa harap niya kaysa sa lahat ng iba pang dalaga.” (Esther 2:17) Paano niya natamo ang “lingap at maibiging-kabaitan” ni Ahasuero? Kung paano niya natamo ang lingap ng iba, gayundin niya nakamit ang lingap ng hari. “Ang kabataang babae ay kalugud-lugod sa . . . paningin [ni Hegai], anupat nagtamo ito ng maibiging-kabaitan sa harap niya.” (Esther 2:8, 9) Pinagpakitaan ni Hegai ng lingap si Esther batay sa kaniyang naobserbahan—ang hitsura at magagandang katangian ng dalaga. Sa katunayan, “patuloy na nagtatamo si Esther ng lingap sa paningin ng lahat ng nakakakita sa kaniya.” (Esther 2:15) Sa katulad na paraan, humanga ang hari sa nakita niya kay Esther kung kaya inibig niya ito.
3:2; 5:9—Bakit tumangging yumukod kay Haman si Mardokeo? Hindi naman mali para sa mga Israelita na magpatirapa sa harapan ng isang dakilang tao bilang pagkilala sa kaniyang nakatataas na posisyon. Subalit iba ang kaso kay Haman. Si Haman ay isang Agagita, malamang na isang Amalekita, at itinakda ni Jehova ang Amalek sa pagkalipol. (Deuteronomio 25:19) Para kay Mardokeo, ang pagyukod kay Haman ay mangangahulugan ng kawalan ng katapatan kay Jehova. Tahasan siyang tumanggi, na sinasabing siya ay isang Judio.—Esther 3:3, 4.
Mga Aral Para sa Atin:
2:10, 20; 4:12-16. Sinunod ni Esther ang tagubilin at payo ng isang may-gulang na mananamba ni Jehova. Matalino tayo kung ‘magiging masunurin tayo doon sa mga nangunguna sa atin at magiging mapagpasakop.’—Hebreo 13:17.
2:11; 4:5. Dapat na patuloy tayong ‘magtuon ng ating mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng ating sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.’—Filipos 2:4.
2:15. Nagpakita si Esther ng kahinhinan at pagpipigil sa sarili sa pamamagitan ng hindi paghiling ng karagdagang alahas o maiinam na damit bukod sa inilaan ni Hegai. “Ang lihim na pagkatao ng puso sa walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu” ang dahilan kung kaya natamo ni Esther ang lingap ng hari.—1 Pedro 3:4.
2:21-23. Sina Esther at Mardokeo ay mabubuting halimbawa ng ‘pagpapasakop sa nakatataas na mga awtoridad.’—Roma 13:1.
3:4. Sa ilang situwasyon, maaaring isang karunungan ang manatiling tahimik hinggil sa ating pagkakakilanlan, gaya ng ginawa ni Esther. Subalit pagdating sa paninindigan sa mahahalagang usapin, gaya ng soberanya ni Jehova at ng ating katapatan, hindi tayo dapat matakot na ipakilalang tayo ay mga Saksi ni Jehova.
4:3. Kapag napaharap sa mga pagsubok, dapat tayong manalangin kay Jehova ukol sa lakas at karunungan.
4:6-8. Sa legal na paraan, humanap si Mardokeo ng solusyon sa panganib na idinulot ng pakikipagsabuwatan ni Haman.—Filipos 1:7.
4:14. Isang huwaran si Mardokeo sa pagtitiwala kay Jehova.
4:16. Sa pamamagitan ng lubusang pananalig kay Jehova, may-katapatan at may-katapangang hinarap ni Esther ang kalagayang maaaring ikinamatay niya. Napakahalaga na magtiwala tayo kay Jehova at hindi sa ating sarili.
5:6-8. Upang matamo ang lingap ni Ahasuero, inanyayahan ni Esther ang hari sa isa pang piging. Kumilos si Esther nang may karunungan, na dapat nating tularan.—Kawikaan 14:15.
NABALIGTAD ANG MGA PANGYAYARI
Sa paglipas ng panahon, nabaligtad ang kalagayan. Ibinitin si Haman sa tulos na ginawa para kay Mardokeo, at ang nilayong maging biktima ay naging punong ministro! Kumusta naman ang isinaplanong paglipol sa mga Judio? Bigla ring magbabago ang situwasyong iyan.
Muling nagsalita ang tapat na si Esther. Isinapanganib niya ang kaniyang buhay at humarap sa hari na nagsusumamong pigilan nito ang pakana ni Haman. Alam ni Ahasuero kung ano ang dapat gawin. Kaya nang dumating ang araw ng Esther 10:3.
paglipol, hindi mga Judio ang pinatay kundi ang mga naghahangad na lumipol sa kanila. Idineklara ni Mardokeo na idaos taun-taon ang Kapistahan ng Purim upang alalahanin ang dakilang pagliligtas na ito. Bilang pangalawa kay Haring Ahasuero, si Mardokeo ay ‘gumawa sa ikabubuti ng kaniyang bayan at nagsalita ng kapayapaan sa lahat ng kanilang supling.’—Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
7:4—Bakit magdudulot ng ‘pinsala sa hari’ ang pagkalipol ng mga Judio? Sa mataktikang paraan, sinabi ni Esther ang posibilidad na ipagbili ang mga Judio bilang mga alipin at ang pinsalang maidudulot sa hari kapag nilipol ang mga ito. Di-hamak na maliit na halaga ang 10,000 piraso ng pilak na ipinangakong ihuhulog ni Haman sa ingatang-yaman ng hari kung ihahambing sa salaping makukuha kung naisip ni Haman na ipagbili ang mga Judio bilang mga alipin. Kapag isinagawa ang pakana, mangangahulugan din ito ng kamatayan ng reyna.
7:8—Bakit tinakpan ng mga opisyal ng korte ang mukha ni Haman? Malamang na ipinahihiwatig nito ang kahihiyan o nalalapit na kapahamakan. Ayon sa isang reperensiyang akda, “noong sinaunang panahon, tinatakpan kung minsan ang mga ulo ng mga bibitayin.”
8:17—Sa anong paraan ‘nagpapakilalang mga Judio ang marami mula sa mga bayan ng lupain’? Maliwanag na maraming Persiano ang naging mga proselitang Judio, na iniisip na ang kontra-batas ay pahiwatig ng lingap ng Diyos sa mga Judio. Ang simulaing ito ay kapit din sa katuparan ng hulang masusumpungan sa aklat ng Zacarias. Ganito ang sinasabi: “Sampung lalaki mula sa lahat ng wika ng mga bansa ang tatangan, oo, tatangan sila sa laylayan ng lalaki na isang Judio, na sinasabi: ‘Yayaon kaming kasama ninyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay sumasainyo.’ ”—Zacarias 8:23.
9:10, 15, 16—Bagaman ipinahihintulot ng batas na kumuha sila ng samsam, bakit tumanggi ang mga Judio na gawin ito? Maliwanag na ipinakikita ng kanilang pagtanggi na ang layunin nila ay maingatan ang kanilang buhay, hindi ang magpayaman.
Mga Aral Para sa Atin:
6:6-10. “Ang pagmamapuri ay nauuna sa pagbagsak, at ang palalong espiritu bago ang pagkatisod.”—Kawikaan 16:18.
7:3, 4. Lakas-loob ba nating ipinakikilala ang ating sarili na mga Saksi ni Jehova, kahit mangahulugan pa ito ng pag-uusig?
8:3-6. Maaari at dapat tayong humingi ng tulong sa mga awtoridad ng pamahalaan at hudisyal na mga korte upang maprotektahan tayo laban sa ating mga kaaway.
8:5. Naging mataktika si Esther dahil hindi niya binanggit ang pananagutan ng hari hinggil sa utos na lipulin ang mga Judio. Sa katulad na paraan, dapat tayong maging mataktika kapag nagpapatotoo sa matataas na opisyal.
9:22. Hindi natin dapat kalimutan ang mga dukhang kasama natin.—Galacia 2:10.
Si Jehova ay Maglalaan ng “Kaginhawahan at Katubusan”
Ipinahiwatig ni Mardokeo na kalooban ng Diyos na makamit ni Esther ang maharlikang dangal. Nang manganib ang kanilang buhay, nag-ayuno at nanalangin ang mga Judio para sa tulong. Sa bawat pagkakataong humarap ang reyna sa hari nang hindi siya inaanyayahan, tinanggap siya nito nang may paglingap. Sa napakahalagang gabing iyon na humarap ang reyna sa hari, hindi makatulog ang hari. Tunay nga, ang aklat ng Esther ay hinggil sa pagmamaniobra ni Jehova sa mga pangyayari para sa kapakinabangan ng kaniyang bayan.
Ang kapana-panabik na ulat ng Esther ay partikular nang nakapagpapatibay sa atin na nabubuhay sa “panahon ng kawakasan.” (Daniel 12:4) “Sa huling bahagi ng mga araw,” o huling bahagi ng panahon ng kawakasan, si Gog ng Magog—si Satanas na Diyablo—ay puspusang sasalakay sa bayan ni Jehova. Ang tunguhin niya ay lubusang lipulin ang tunay na mga mananamba. Subalit gaya noong panahon ni Esther, si Jehova ay maglalaan ng “kaginhawahan at katubusan” para sa kaniyang mga mananamba.—Ezekiel 38:16-23; Esther 4:14.
[Larawan sa pahina 10]
Sina Esther at Mardokeo sa harap ni Ahasuero