Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Iniligtas sa Pamamagitan ng “Mahalagang Dugo”

Iniligtas sa Pamamagitan ng “Mahalagang Dugo”

Iniligtas sa Pamamagitan ng “Mahalagang Dugo”

ANG pinakadakilang gawa ng pag-ibig ni Jehova ay ang pagsusugo sa kaniyang bugtong na Anak para ialay ang kaniyang sakdal na buhay-tao bilang pantubos. Palibhasa’y makasalanang mga tao, kailangang-kailangan natin ang gayong pagliligtas, dahil walang di-sakdal na tao “ang sa paanuman ay makatutubos sa kaniyang kapatid, ni makapagbibigay man sa Diyos ng pantubos para sa kaniya . . . upang mabuhay pa siya magpakailanman.” (Awit 49:6-9) Laking pasasalamat natin na “ibinigay [ng Diyos] ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan”!​—Juan 3:16.

Paano tayo maililigtas ng pantubos? Isaalang-alang natin ang apat na paraan kung paano tayo mapalalaya dahil sa dakilang pag-ibig na ipinakita ng Diyos na Jehova.

Paglaya sa Pamamagitan ng Pantubos

Una, ang hain ni Jesus ay makapagliligtas sa atin mula sa minanang kasalanan. Lahat tayo ay ipinanganak na makasalanan. Oo, makasalanan na tayo bago pa man natin malabag ang batas ni Jehova. Sa anong paraan? Sinasabi sa Roma 5:12: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan.” Bilang inapo ng makasalanang si Adan, minana natin ang di-kasakdalan. Ngunit dahil sa pantubos, napalaya tayo sa pagkaalipin sa minanang kasalanan. (Roma 5:16) ‘Natikman ni Jesus ang kamatayan para sa bawat tao’ anupat inako ang resulta ng kasalanan para sa mga inapo ni Adan.​—Hebreo 2:9; 2 Corinto 5:21; 1 Pedro 2:24.

Ikalawa, mapalalaya tayo ng pantubos mula sa nakamamatay na epekto ng kasalanan. “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan.” (Roma 6:23) Sa pamamagitan ng sakripisyong kamatayan ng Anak ng Diyos, naging posible ang walang-hanggang buhay para sa masunuring sangkatauhan. Tunay nga, “siya na nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; siya na sumusuway sa Anak ay hindi makakakita ng buhay.”​—Juan 3:36.

Pansinin na mapalalaya tayo sa epekto ng kasalanan tangi lamang kung mananampalataya tayo sa Anak ng Diyos. Nangangahulugan ito ng paggawa ng mga pagbabago sa ating buhay at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Dapat nating itigil ang anumang maling bagay na maaaring ginagawa natin at dapat nating gawin ang kaayaaya sa Diyos. Sinabi ni apostol Pedro na kailangan nating ‘magsisi at manumbalik upang mapawi ang ating mga kasalanan.’​—Gawa 3:19.

Ikatlo, ang hain na inialay ni Jesus ay naglilinis ng ating budhi. Ang lahat ng nag-alay kay Jehova at naging bautisadong alagad ng kaniyang Anak ay nakadarama ng kaaliwan. (Mateo 11:28-30) Sa kabila ng ating di-kasakdalan, tayo ay nakasusumpong ng matinding kagalakan sa paglilingkod sa Diyos nang may malinis na budhi. (1 Timoteo 3:9; 1 Pedro 3:21) Kapag ipinagtapat at itinigil natin ang paggawa ng kasalanan, pagpapakitaan tayo ng awa at magkakaroon ng mapayapang budhi.​—Kawikaan 28:13.

Naglalaan ng Tulong at Pag-asa

Panghuli, sa pananampalataya sa pantubos, hindi na tayo nag-aalala tungkol sa ating katayuan sa harap ng Diyos. Sumulat si apostol Juan: “Kung ang sinuman ay magkasala, tayo ay may katulong sa Ama, si Jesu-Kristo.” (1 Juan 2:1) May kinalaman sa papel ni Jesus bilang katulong, sumulat si apostol Pablo: “Nagagawa rin niyang iligtas nang lubusan yaong mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya ay laging buháy upang makiusap para sa kanila.” (Hebreo 7:25) Hanggang may bahid tayo ng kasalanan, kakailanganin natin ang paglilingkod ng mataas na saserdoteng si Jesu-Kristo para tulungan tayong magkaroon ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos. Paano naglingkod si Jesus bilang mataas na saserdote para sa atin?

Apatnapung araw matapos siyang buhaying muli noong 33 C.E., umakyat si Jesus sa langit at iniharap niya roon ang halaga ng kaniyang “mahalagang dugo” sa Diyos. Bilang resulta, malapit nang palayain ni Jesus ang masunuring sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan. * (1 Pedro 1:18, 19) Kaya hindi ba’t sasang-ayon ka na nararapat nating ibigin at sundin si Jesu-Kristo?

Isa pa, nararapat nating ibigin at sundin ang Diyos na Jehova. Maibigin niyang isinaayos na ‘mapalaya tayo sa pamamagitan ng pantubos.’ (1 Corinto 1:30) Utang natin sa kaniya hindi lamang ang ating buhay sa kasalukuyan kundi pati na rin ang anumang pag-asang taglay natin na matamasa ang buhay na walang hanggan. Kaya nga, nasa atin nang lahat ang dahilan para “sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”​—Gawa 5:29.

[Talababa]

^ par. 12 Tingnan ang 2006 Calendar of Jehovah’s Witnesses, March/​April.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 9]

ALAM MO BA?

• Umakyat si Jesus sa langit mula sa Bundok ng mga Olibo.​—Gawa 1:9, 12.

• Tanging ang tapat na mga apostol ni Jesus lamang ang nakakita sa kaniyang pag-akyat.​—Gawa 1:2, 11-13.