Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paglilingkod Kasama ng Kongregasyon na Banyaga ang Wika

Paglilingkod Kasama ng Kongregasyon na Banyaga ang Wika

Paglilingkod Kasama ng Kongregasyon na Banyaga ang Wika

“NAKAKITA ako ng isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit,” ang isinulat ni apostol Juan, “at mayroon siyang walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa, at sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” (Apocalipsis 14:6) Bilang katuparan ng makahulang pangitaing ito, ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay ipinangangaral sa buong daigdig sa iba’t ibang wika. Marami sa mga wikang ito ay sinasalita ng mga dayuhang malayo sa kanilang sariling bayan. Naririnig din ng mga indibiduwal na ito ang mabuting balita mula sa masisigasig na Saksi ni Jehova na natuto ng ibang wika.

Kabilang ka ba sa mga Saksi na naglilingkod kasama ng kongregasyon na banyaga ang wika? O iniisip mong gawin ito? Upang magtagumpay ka, kailangang hindi mapag-imbot ang iyong motibo at tama ang iyong pangkaisipang saloobin. Dahil ang iyong layunin ay tulungan ang iba na matuto ng katotohanan mula sa Salita ng Diyos, taglay mo ang pinakamabuting motibo​—pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. (Mateo 22:37-39; 1 Corinto 13:1) Ang pagnanais na tulungan ang iba na makilala ang Diyos ay mas matibay na dahilan kaysa sa basta masiyahan sa pakikisalamuha, pagkain, at kultura ng mga tao mula sa ibang bansa o grupo. Iniisip mo bang mahirap mag-aral ng ibang wika? Kung oo, makatutulong ang pagkakaroon ng tamang kaisipan. “Huwag kang matakot sa wika,” ang sabi ni James, na natuto ng wikang Hapones. Ang pagkatanto na marami na ang nagtagumpay ay makatutulong sa iyo na magtiyaga at mapanatili ang positibong saloobin. Kung gayon, paano ka matututo ng ibang wika? Ano ang makatutulong sa iyo na maging palagay sa kongregasyon kung saan ginagamit ang wikang iyon? At ano ang dapat mong gawin upang manatiling malakas sa espirituwal?

Pag-aaral ng Wika

Maraming paraan upang matuto ng isang wika. Ang mga guro at mga estudyante ay may iba’t ibang pamamaraan. Ngunit para sa maraming estudyante, mas mabilis at mas madaling matuto kapag pumapasok sa ilang klase na may kuwalipikadong guro. Ang pagbabasa ng Bibliya at ng mga publikasyong salig sa Bibliya sa iyong bagong wika at pakikinig sa anumang rekording na makukuha ay makatutulong sa iyo na paunlarin ang iyong bokabularyo at palawakin ang iyong kaalaman sa teokratikong mga termino. Magiging pamilyar ka rin sa wika at kultura sa pamamagitan ng panonood sa angkop na mga programa sa radyo, TV, at video. Hinggil sa tagal ng mga sesyon sa pag-aaral, karaniwan nang mas epektibo ang pag-aaral nang paunti-unti araw-araw, kaysa sa nakapapagod, mahahaba, subalit bihirang mga sesyon sa pag-aaral.

Ang pag-aaral ng isang wika ay katulad ng pag-aaral na lumangoy. Hindi ka matututong lumangoy kung basta ka lamang magbabasa ng isang aklat. Kailangan mong lumusong sa tubig at magbabad doon. Ganiyan din sa pag-aaral ng wika. Mahirap matuto ng isang wika sa pamamagitan ng pag-aaral lamang. Kailangan mong makipag-usap sa mga tao hangga’t maaari​—makinig sa kanilang pagsasalita, makisalamuha sa kanila, at huwag mahiyang magsalita! Magandang pagkakataon ang inilalaan ng mga gawaing Kristiyano para magawa ito. Kadalasan, magagamit mo kaagad sa ministeryo sa larangan ang iyong natututuhan. “Parang nakatatakot,” ang sabi ni Midori, na nag-aaral ng wikang Tsino, “pero nakikita ng mga may-bahay na tayong mga Saksi ay nagsisikap nang husto. Nakaaantig ito ng puso. Sabihin lamang namin na, ‘Natutuwa po akong makilala kayo’ sa wika nila, at magniningning na ang kanilang mga mata!”

Malaking tulong din ang Kristiyanong pagpupulong. Sa bawat pulong, sikaping magkomento kahit isang beses lamang. Nakatatakot man sa simula, huwag kang mag-alala. Gusto ng kongregasyon na magtagumpay ka! Si Monifa, na nag-aaral ng wikang Koreano, ay nagsabi: “Laking pasasalamat ko sa sister na tumatabi sa akin sa panahon ng mga pulong. Isinusulat niya ang kahulugan ng ilang salita para sa akin. Talagang nakatutulong sa akin ang kaniyang masigla at matiyagang pagsuporta.” Habang dumarami ang salitang nalalaman mo, makapagsisimula ka nang mag-isip ayon sa bagong wika​—tuwirang iniuugnay ang mga salita sa kahulugan nito sa halip na isalin ang bawat salita sa iyong isip.

Ang dapat na unang tunguhin mo sa pag-aaral ng wika ay ‘bumigkas ng pananalitang madaling maunawaan.’ (1 Corinto 14:8-11) Bagaman maaaring pagpasensiyahan ka ng mga tao, baka mahadlangan ang pakikinig nila sa iyong sinasabi dahil sa paggamit mo ng maling salita o maling pagdiriin. Kung sa simula pa lamang ay bibigyang-pansin mo na ang tamang bigkas at gramatika, maiiwasan mong mahirati sa mga pagkakamaling mahirap nang baguhin. Si Mark, na natuto ng Swahili, ay nagmumungkahi: “Hilingin sa mga matatas magsalita na ituwid ang iyong malalaking pagkakamali, at pasalamatan sila!” Siyempre pa, maging makonsiderasyon sa panahon at lakas ng mga tumutulong sa iyo sa ganitong paraan. Kahit na puwede mo namang patingnan sa iba kung tama ang iyong nota, subukan mo pa ring ihanda ang iyong mga pahayag at komento na ginagamit ang mga salitang alam mo na o natingnan mo na sa diksyunaryo. Napabibilis nito ang iyong pagkatuto at tutulong na makapagsalita ka nang may kumpiyansa.

Patuloy na Sumulong

“Ang pag-aaral ng ibang wika ang pinakamahirap sa lahat ng ginawa ko,” ang sabi ni Monifa. “Minsan ay gusto ko nang sumuko. Pero naaalaala ko ang kasiyahan ng estudyante sa Bibliya na marinig sa aking simpleng Koreano ang tungkol sa malalalim na espirituwal na katotohanan at ang kagalakan ng mga kapatid kapag sumusulong ako kahit kaunti.” Ibig sabihin, huwag kang basta-basta titigil. Ang tunguhin mo ay makapagturo sa iba ng nagliligtas-buhay na katotohanan mula sa Kasulatan. (1 Corinto 2:10) Kaya nangangailangan ng lubusan at mahabang-panahong pagsisikap para makapagturo ng Bibliya sa ibang wika. Habang sumusulong ka, iwasan mong sukatin ang iyong pagsulong sa pamamagitan ng paghahambing ng iyong sarili sa iba sa negatibong paraan. Ang mga nag-aaral ng bagong wika ay sumusulong sa iba’t ibang bilis at paraan. Gayunman, makatutulong din kung alam mo ang iyong nagagawang pagsulong. (Galacia 6:4) “Sa pag-aaral ng wika, ang pagsulong ay tulad ng pag-akyat sa isang hagdanan,” ang sabi ni Joon na nag-aral ng wikang Tsino. “Kapag naiisip mong hindi ka sumusulong, saka mo naman biglang mapapansing humuhusay ka na pala.”

Ang pag-aaral ng ibang wika ay habambuhay na gawain. Kaya masiyahan ka sa pag-aaral ng ibang wika, at huwag umasa na hindi ka magkakamali. (Awit 100:2) Natural lamang ito. Bahagi ito ng proseso ng pagkatuto. Nang magsimula siyang mangaral sa wikang Italyano, isang Kristiyano ang nagtanong sa may-bahay, “Alam mo ba ang walis ng buhay?” Ang ibig niyang sabihin ay “layunin ng buhay.” Isang Saksi na nag-uumpisa pa lamang matuto ng wikang Polako ang nag-anyaya sa kongregasyon na awitin ang aso sa halip na awit. At sa bahagyang pag-iiba ng tono, isang nag-aaral ng wikang Tsino ang humimok sa kaniyang tagapakinig na manampalataya sa istante ng mga aklat ni Jesus sa halip na sa pantubos. Ang ganitong mga pagkakamali ay tumutulong na mas matandaan ang tamang salita.

Paggawang Kasama ng Kongregasyon

Hindi lamang wika ang nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi sa mga tao. Kadalasan, lalo pang nagkakalayo ang sangkatauhan dahil sa pagkakaiba sa kultura, lahi, at bansang pinagmulan. Pero mapagtatagumpayan naman ang mga hadlang na ito. Naobserbahan ng isang iskolar, na nagsuri sa mga relihiyosong grupo sa Europa na gumagamit ng wikang Tsino, na bale-wala sa mga Saksi ni Jehova ang pagkakaiba-iba ng lahi. Sa gitna ng mga Saksi, ang sabi niya, “hindi mahalaga ang lahing pinagmulan, at ang wika ay isa lamang paraan para maunawaan ang Salita ng Diyos.” Sa katunayan, ang pagkakapit sa mga simulain ng Bibliya ang nakatutulong sa tunay na mga Kristiyano na mapagtagumpayan ang mga pagkakaiba dahil sa bansang pinagmulan. Para sa mga nagbibihis ng ‘bagong personalidad, walang Griego ni Judio ni banyaga.’​—Colosas 3:10, 11.

Kaya dapat sikapin ng lahat ng kabilang sa kongregasyon na itaguyod ang pagkakaisa. Kailangang handa kang makibagay sa bagong paraan ng pag-iisip, damdamin, at paggawa sa mga bagay-bagay. Hindi hahantong sa pagkakabaha-bahagi ang mga pagkakaiba kung hindi mo labis na itutuon ang iyong pansin sa personal na mga kagustuhan. (1 Corinto 1:10; 9:19-23) Masiyahan ka sa pinakamagagandang katangian ng iba’t ibang kultura. Tandaan, ang di-makasariling pag-ibig ay susi sa mabuting ugnayan at tunay na pagkakaisa.

Karamihan sa mga kongregasyong banyaga ang wika ay nag-uumpisa sa maliliit na grupo, kadalasang binubuo pangunahin na ng mga nag-aaral ng ibang wika, kasama ng ilan na bago pa lamang natututo ng mga simulain ng Bibliya. Kaya, mas maasahan na magkakaroon ng di-pagkakaunawaan sa gitna ng gayong grupo kaysa sa isang malaki at matatag nang kongregasyon. Kung gayon, dapat sikapin ng may-gulang na mga Kristiyano na maging nakapagpapatibay sa iba. Susulong sa espirituwal ang mga baguhan kung makikita ka nilang nagpapamalas ng pag-ibig at kabaitan sa salita at sa gawa.

Ang mga nagboboluntaryong tumulong sa kongregasyon na banyaga ang wika ay kailangan ding maging makatuwiran sa kanilang inaasahan sa iba. Ganito ang paliwanag ni Rick, isang elder sa gayong kongregasyon: “Ang ilang baguhang Saksi ay maaaring hindi pa gaanong sanáy sa pag-oorganisa di-tulad ng mga kabilang sa matatatag nang kongregasyon na gumagamit ng lokal na wika. Pero kulang man sila sa kakayahan, kadalasang napupunan naman ito ng kanilang pag-ibig at sigasig. At maraming interesado ang naaakay sa katotohanan.” Sa pamamagitan ng regular na pakikibahagi sa mga gawain ng kongregasyon at pagiging handang maglingkod sa anumang paraan na kaya mo, makikinabang ang kongregasyon, kahit na nag-aaral ka pa lamang ng wika. Sa paggawang magkakasama, ang lahat ay makatutulong sa espirituwal na pagsulong ng kongregasyon.

Pananatiling Malakas sa Espirituwal

Naulinigan ng isang kapatid na lalaki, na baguhan sa isang kongregasyon na banyaga ang wika, ang isang ina habang tinutulungan ang kaniyang anak na maghanda ng komento. “Pero Inay, hindi po ba puwedeng maigsi na lang?” ang pakiusap ng bata. “Hindi anak,” ang sagot ng ina. “Kailangan nating ipaubaya ang maiigsing sagot sa mga nag-aaral ng wika.”

Para sa isang adulto, nakapanghihina sa mental, emosyonal, at espirituwal na paraan kung hindi pa rin siya makapagsalita nang matatas sa loob ng maraming buwan o mga taon pa nga. “Madali akong manlumo dahil sa aking mga limitasyon,” ang naalaala ni Janet, na ngayon ay matatas nang magsalita ng wikang Kastila. Ganito ang naiisip noon ni Hiroko, na natuto ng wikang Ingles: ‘Mas marami pang alam sa Ingles ang mga aso at pusa sa aming teritoryo kaysa sa akin.’ At sinabi ni Kathie: “Dati ay nagdaraos ako ng ilang pag-aaral sa Bibliya at may kuwadernong punô ng mga pagdalaw-muli, pero nang lumipat ako sa kongregasyon na gumagamit ng wikang Kastila nawala itong lahat. Parang wala akong nagagawa.”

Mahalaga ang positibong saloobin sa mga panahong ito. Nang panghinaan siya ng loob, nangatuwiran si Hiroko: “Kung kaya nila, kaya ko rin.” Ang sabi naman ni Kathie: “Inisip ko ang aking asawa na talagang sumusulong at maraming nagagawa para sa kongregasyon. Kaya nalampasan ko ang unang hadlang. Nahihirapan pa rin ako, pero unti-unti na akong nakapangangaral at nakapagtuturo kaya natutuwa ako.” Idinagdag pa ng kaniyang asawang si Jeff: “Nalulungkot ako kapag hindi ko naiintindihang lahat ang mga patalastas at ang pinag-uusapan sa pulong ng mga elder. Kailangan kong magpakumbaba, aminin na hindi ko naiintindihan, at magtanong tungkol sa mga detalye, at handa namang tumulong sa akin ang mga kapatid.”

Para maiwasan ang panghihina sa espirituwal habang gumagawang kasama ng kongregasyon na banyaga ang wika, dapat mong unahin ang iyong espirituwal na kalusugan. (Mateo 5:3) Si Kazuyuki, maraming taon nang naglilingkod sa Portugal, ay nagsabi: “Mahalagang ingatan ang ating espirituwal na kalusugan. Kaya bilang isang pamilya, nag-aaral at naghahanda kami para sa mga pulong sa aming sariling wika pati na rin sa wikang Portuges.” Ang ilan ay paminsan-minsang dumadalo sa mga pulong sa kanilang sariling wika. Isa pa, mahalaga ang sapat na pahinga.​—Marcos 6:31.

Tuusin ang Halaga

Kung nagbabalak kang lumipat sa kongregasyon na iba ang wika, dapat mo munang tuusin ang halaga. (Lucas 14:28) Sa bagay na ito, ang pinakamahalagang isasaalang-alang mo ay ang iyong espirituwalidad at kaugnayan kay Jehova. Ipanalangin ang iyong situwasyon. Isaalang-alang ang iyong asawa at mga anak. Tanungin ang iyong sarili, ‘Nasa angkop na kalagayan ba ako at sapat ba ang aking espirituwal na lakas at tibay ng loob na kailangan sa gayong pangmatagalang proyekto?’ Isang katalinuhan na pangalagaang mabuti ang espirituwalidad mo at ng iyong pamilya. Marami pang kailangang gawin at masidhing kagalakan ang madarama mo saan ka man naglilingkod bilang tagapaghayag ng Kaharian.

Para sa mga makapaglilingkod sa kongregasyon na banyaga ang wika, malaki ang gantimpala. “Isa ito sa pinakamaliligayang karanasan ko sa buhay,” ang sabi ni Barbara, na lumipat kasama ng kaniyang asawa sa kongregasyon na gumagamit ng wikang Kastila. “Para kang muling nag-aaral ng katotohanan sa Bibliya. Labis akong nagpapasalamat sa ganitong pagkakataon, lalo na dahil hindi kami makapaglilingkod bilang misyonero sa ibang bansa.”

Sa buong daigdig, libu-libong ordinaryong tao na may iba’t ibang edad ang lakas-loob na nag-aaral ng ibang wika para itaguyod ang mabuting balita. Kung isa ka sa kanila, panatilihing dalisay ang iyong motibo at positibo ang iyong saloobin. Higit sa lahat, magtiwala kang pagpapalain ni Jehova ang iyong mga pagsisikap.​—2 Corinto 4:7.

[Larawan sa pahina 18]

Mas mabilis at mas madaling matuto kapag pumapasok sa mga klase sa wika na may kuwalipikadong guro

[Larawan sa pahina 20]

Hindi dapat pabayaan ang iyong espirituwal na kalusugan samantalang nag-aaral ka ng banyagang wika