Mga Magulang—Maging Magandang Halimbawa sa Inyong mga Anak
Mga Magulang—Maging Magandang Halimbawa sa Inyong mga Anak
“PUWEDE nang itigil ng mga sikologo ang kanilang napakatagal nang paghahanap ng pinakamahusay na paraan upang lumaking mabait ang isang anak—hindi dahil nakita na nila ito kundi dahil wala silang makikitang ganito.” Iyan ang binanggit sa komentaryo ng magasing Time hinggil sa isang aklat sa pagpapalaki ng anak. Iginigiit ng aklat na mas sinusunod ng mga bata ang mga pamantayan ng kanilang mga kasamahan, at hindi ang sa kanilang mga magulang.
Hindi maikakaila na isa ngang malakas na puwersa ang panggigipit ng kasamahan. (Kawikaan 13:20; 1 Corinto 15:33) Ganito ang komento ng kolumnistang si William Brown: “Kung mayroon pang ibang Diyos ang mga tin-edyer, ito ay ang Diyos ng pakikiayon. . . . Mamatamisin pa ng mga tin-edyer na mamatay kaysa mapaiba sa karamihan.” Kapag hindi napairal ng mga magulang ang pagmamahalan at kaligayahan sa loob ng tahanan o kaya’y wala silang gaanong panahon sa kanilang mga anak—na parehong nangyayari ngayon sa abalang daigdig na ito—inihahantad nila mismo ang kanilang mga anak sa nakapipinsalang impluwensiya ng mga kasamahan.
Isa pa, sa “mga huling araw” na ito, ang pamilya ay sinasalakay dahil, gaya ng hula sa Bibliya, ang mga tao ay abala sa pagkakamal ng salapi, kaluguran, at sa kanilang sariling kapakanan. Magtataka pa ba tayo kung makita natin ang mga bata na nagiging “masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal”?—2 Timoteo 3:1-3.
Ang terminong “likas na pagmamahal,” gaya ng pagkakagamit sa Bibliya, ay lumalarawan sa pagmamahalan ng pamilya. Ang pagmamahalang ito ay isang likas na buklod na nag-uudyok sa mga magulang na pangalagaan ang kanilang mga anak at nag-uudyok sa mga anak na maging malapít sa kanilang mga magulang. Ngunit kapag walang likas na pagmamahal ang mga magulang, ang mga anak ay naghahanap ng emosyonal na suporta mula sa iba—karaniwan nang mula sa kanilang mga kasamahan, hanggang sa tularan na rin nila ang mga pamantayan at saloobin ng mga ito. Gayunman, madalas na maiiwasan ang ganitong situwasyon kung sisikapin ng mga magulang na maugitan ng mga simulain sa Bibliya ang kanilang buhay pampamilya.—Kawikaan 3:5, 6.
Ang Pamilya—Kaayusan ng Diyos
Matapos pag-isahin sina Adan at Eva bilang mag-asawa, inutusan sila ng Diyos: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa.” Mula noon, ang pamilya—tatay, nanay, at mga anak—ay umiral. (Genesis 1:28; 5:3, 4; Efeso 3:14, 15) Upang tulungan ang tao sa pagpapalaki sa kanilang mga anak, ginawa ni Jehova na isang likas na damdamin ang ilang pangunahing pitak ng pagiging magulang. Gayunman, di-gaya ng mga hayop, kailangan ng tao ang karagdagang tulong, kaya naman naglaan si Jehova ng nakasulat na mga tagubilin para sa kanila. Lakip na rito ang moral at espirituwal na mga patnubay at ang tamang pagdisiplina sa mga anak.—Kawikaan 4:1-4.
Patungkol sa mga ama, sinabi ng Diyos: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso; at ikikintal mo iyon sa iyong Deuteronomio 6:6, 7; Kawikaan 1:8, 9) Pansinin na kailangang isapuso muna ng mga magulang ang kautusan ng Diyos. Bakit kaya ito mahalaga? Sapagkat ang uri ng pagtuturo na talagang nagpapakilos sa iba ay hindi mula sa bibig kundi mula sa puso. Maaabot lamang ng mga magulang ang puso ng kanilang mga anak kung magtuturo sila mula sa puso. Magiging magandang halimbawa rin ang gayong mga magulang para sa kanilang mga anak, na madaling makahalata ng pagkukunwari.—Roma 2:21.
anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.” (Sinabihan ang mga magulang na Kristiyano na ituro sa kanilang mga anak mula sa pagkasanggol “ang pagsasanay at disiplina at payo at paalaala ng Panginoon.” (Efeso 6:4, The Amplified Bible; 2 Timoteo 3:15) Mula sa pagkasanggol? Oo! “Kung minsan, minamaliit nating mga magulang ang ating mga anak,” isinulat ng isang ina. “Minamaliit natin ang kanilang mga kakayahan. May potensiyal sila. Gamitin natin ito bilang mga magulang.” Oo, gustung-gusto ng mga batang matuto, at kung tuturuan sila ng makadiyos na mga magulang, matututo rin silang magmahal. Madarama ng gayong mga bata na sila’y ligtas at tiwasay sa ilalim ng mga restriksiyong ipinasusunod sa kanila. Sa gayon, nagsisikap ang matagumpay na mga magulang na maging mapagmahal na kasama, mabait na kausap, at matiyaga pero istriktong guro, anupat naglalaan ng kasiya-siyang kapaligiran kung saan natututo ang kanilang mga anak. *
Ingatan ang Inyong mga Anak
Sa isang liham sa mga magulang, ganito ang isinulat ng isang nagmamalasakit na punong-guro sa Alemanya: “Gusto sana naming pasiglahin kayong mga mahal naming magulang na subukang maglaan ng panahon sa pagpapalaki sa inyong mga anak at huwag ipaubaya sa telebisyon o sa kalye ang sa totoo’y [pananagutan] ninyo sa paghubog sa kanilang personalidad.”
Kung ipinauubaya mo sa telebisyon o sa kalye ang pangangalaga sa iyong anak, para mo na rin siyang itinutulak na lumaki sa impluwensiya ng espiritu ng sanlibutan. (Efeso 2:1, 2) Salungat sa espiritu ng Diyos, ang makasanlibutang espiritung ito, gaya ng malakas na hangin, ay may dalang mga binhi ng ‘makalupa, makahayop, at makademonyong’ pag-iisip na walang-patumanggang naitatanim sa isip at puso ng mga batang walang-muwang o mangmang. (Santiago 3:15) Darating ang araw, pasasamain ng tulad panirang-damong pag-iisip na ito ang kanilang puso. Inilarawan ni Jesus ang resulta ng inihahasik sa puso, sa pagsasabi: “Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa mabuting kayamanan ng kaniyang puso, ngunit ang balakyot na tao ay naglalabas ng bagay na balakyot mula sa kaniyang balakyot na kayamanan; sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig.” (Lucas 6:45) Sa gayon, pinapayuhan tayo ng Bibliya: “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso, sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.”—Kawikaan 4:23.
Mangyari pa, ang bata ay bata, at may ilan na sadyang matigas ang ulo o suwail pa nga. (Genesis 8:21) Ano ang puwedeng gawin ng mga magulang? “Ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata; ang pamalong pandisiplina ang maglalayo nito sa kaniya,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 22:15) Para sa ilan, ito raw ay isang kalupitan at wala na sa uso. Ang totoo, talaga namang hindi sang-ayon ang Bibliya sa anumang uri ng karahasan at pang-aabuso. Ang “pamalo,” bagaman kung minsan ay literal, ay kumakatawan sa awtoridad ng magulang na mahigpit na ipinatutupad dahil na rin sa mapagmahal at naaangkop na pagmamalasakit sa walang-hanggang kapakanan ng kanilang mga anak.—Hebreo 12:7-11.
Makisaya sa Inyong mga Anak sa Paglilibang
Batid ng lahat na ang mga bata ay kailangang maglaro at maglibang upang lumaki sila nang maayos. Sinasamantala ng matatalinong magulang ang mga pagkakataong mapatibay ang buklod ng pagsasamahan nilang mag-anak sa pamamagitan ng pakikisaya sa kanilang mga anak sa paglilibang hangga’t maaari. Sa gayon, hindi lamang matuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pagpili ng tamang paglilibang kundi maipakikita rin nila sa mga bata na gustung-gusto nilang makasama sila.
Isang amang Saksi ang nagsabi na madalas siyang makipaglaro ng bola sa kaniyang anak na lalaki kapag umuuwi siya galing sa trabaho. Naaalaala naman ng isang ina na mga board game ang paborito nilang mag-iina. Naaalaala pa ng isang anak na babae na gustung-gusto nilang mag-anak na mamisikleta. Lahat ng mga batang ito ay malalaki na, pero ang pag-ibig nila sa kanilang mga magulang—at kay Jehova—ay matibay pa rin at lalo pang tumitibay.
Oo, kapag ipinakikita ng mga magulang sa salita at sa gawa na mahal nila ang kanilang mga anak at natutuwang makasama sila, hindi na nila ito malilimutan hanggang sa kanilang paglaki. Halimbawa, marami sa mga nagtapos sa isang klase sa Watchtower Bible School of Gilead ang nagkuwento na dahil sa halimbawa at pampatibay-loob ng kanilang mga magulang, ninais nilang itaguyod ang pambuong-panahong ministeryo. Kaygandang pamana para sa mga anak at kaylaking pagpapala para sa mga magulang! Oo nga’t hindi lahat ng anak ay nasa kalagayang pumasok sa buong-panahong ministeryo paglaki nila, subalit tiyak na silang lahat ay makikinabang at magpaparangal sa may-takot sa Diyos na mga magulang na siyang pinakamatalik nilang kaibigan at magandang halimbawa.—Kawikaan 22:6; Efeso 6:2, 3.
Maaaring Magtagumpay ang mga Nagsosolong Magulang
Sa ngayon, maraming bata ang lumalaki sa pangangalaga ng nagsosolong magulang. Bagaman dagdag na hamon ito sa pagpapalaki sa anak, maaari rin naman silang magtagumpay. Mapatitibay ang mga nagsosolong magulang sa mababasa sa Bibliya na halimbawa ni Eunice, isang Judiong Kristiyano noong unang siglo. Palibhasa’y kasal sa hindi mananampalataya, malamang na walang espirituwal na suporta si Eunice mula sa kaniyang asawa. Gayunman, isa siyang magandang halimbawa sa pagtuturo kay Timoteo. Ang mabuting impluwensiya niya kay Timoteo mula pagkasanggol, pati na ang impluwensiya ni Loida, lola ni Timoteo, ay napatunayang mas malakas kaysa sa anumang negatibong impluwensiya na maaaring magmula sa ilang kasamahan ni Timoteo.—Gawa 16:1, 2; 2 Timoteo 1:5; 3:15.
Maraming kabataan sa ngayon na pinalaki ng di-sumasampalataya o nagsosolong magulang ang nagpapakita ng maiinam na katangiang gaya ng sa kabataang si Timoteo. Halimbawa, si Ryan, 22 taóng gulang na ngayon at buong-panahong ministro
ay lumaki sa pangangalaga ng nagsosolong magulang kasama ng kaniyang kuya at ate. Lasenggo ang kanilang tatay, at iniwan sila noong apat na taon si Ryan. “Determinado si Inay na magpatuloy kaming lahat sa paglilingkod kay Jehova,” naaalaala pa ni Ryan, “at buong-puso niyang pinangatawanan ang pasiyang iyon.”“Halimbawa,” ang sabi ni Ryan, “tiniyak ni Inay na mababait na bata lamang ang nakakasama naming magkakapatid. Hindi niya kami kailanman pinayagang makisama sa tinatawag ng Bibliya na masasamang kasama, sa labas man o sa loob ng kongregasyon. Ikinintal din niya sa aming isipan ang tamang pananaw sa sekular na edukasyon.” Bagaman madalas na abala at pagod sa trabaho ang nanay ni Ryan, naipadama pa rin nito ang pagmamahal sa kaniyang mga anak. “Gusto niyang palagi kaming kasama at kausap,” ang sabi ni Ryan. “Isa siyang mapagpasensiya ngunit istriktong guro, at ginagawa niya ang lahat upang maging regular ang aming pampamilyang pag-aaral ng Bibliya. Pagdating sa mga simulain ng Bibliya, walang ‘kompo-kompromiso’ sa kaniya.”
Kapag binabalikan niya ang nakaraan, napag-iisip-isip ni Ryan na ang pinakamalakas na impluwensiya sa kanilang magkakapatid ay ang kanilang ina na talagang umiibig sa Diyos at sa kaniyang mga anak. Kaya kayong mga magulang na Kristiyano—may asawa o balo, sumasampalataya man ang asawa o hindi—huwag kayong padadala sa pagkasira ng loob o pansamantalang kabiguan habang sinisikap ninyong turuan ang inyong mga anak. Kung minsan, may ilang kabataang tumatalikod sa katotohanan, gaya ng alibughang anak. Subalit kapag nakita nila na talagang walang halaga at malupit ang sanlibutan, baka sakaling manumbalik sila. Oo, “ang matuwid ay lumalakad sa kaniyang katapatan. Maligaya ang kaniyang mga anak na kasunod niya.”—Kawikaan 20:7; 23:24, 25; Lucas 15:11-24.
[Talababa]
^ par. 9 Para sa mas detalyadong pagtalakay sa partikular na mga puntong ito, tingnan ang pahina 55-9 ng aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 11]
Mga Magulang ni Jesus Pinili ng Diyos
Nang isugo niya ang kaniyang Anak upang isilang bilang tao, maingat na pinili ni Jehova ang magiging mga magulang ni Jesus. Kapansin-pansin, pinili niya ang mababang-loob at may-takot sa Diyos na mag-asawa na nagpalaki kay Jesus hindi sa layaw kundi sa turo ng Salita ng Diyos at sa kahalagahan ng kasipagan at pagiging responsable. (Kawikaan 29:21; Panaghoy 3:27) Itinuro ni Jose kay Jesus ang pagkakarpintero, at tiyak na hiniling nina Jose at Maria sa panganay nilang si Jesus na tulungan sila sa pag-aalaga sa iba pa nilang mga anak, na di-kukulangin sa anim.—Marcos 6:3.
Maguguniguni mo ang pamilya ni Jose na sama-samang naghahanda noong panahon ng Paskuwa para sa kanilang taunang paglalakbay sa Jerusalem—isang 200-kilometro na balikang paglalakbay nang walang modernong transportasyon. Kung siyam o higit pa ang miyembro ng iyong pamilya, tiyak na kailangang organisadung-organisado kayo para sa gayon kahabang paglalakbay. (Lucas 2:39, 41) Bagaman mahirap, walang-alinlangang pinahalagahan nina Jose at Maria ang mga okasyong ito, anupat marahil ay sinasamantala ang mga pagkakataong ito para ituro sa kanilang mga anak ang tungkol sa mga nangyari noong panahon ng Bibliya.
Habang lumalaki, si Jesus ay ‘patuloy na nagpasakop’ sa kaniyang mga magulang, na ‘sumusulong sa karunungan at sa pisikal na paglaki at sa lingap ng Diyos at ng mga tao.’ (Lucas 2:51, 52) Oo, naipakita nina Jose at Maria na sila’y karapat-dapat sa pagtitiwala ni Jehova. Kaygandang halimbawa para sa mga magulang sa ngayon!—Awit 127:3.