Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang matututuhan natin sa pagbabawal na mababasa sa Exodo 23:19: “Huwag mong pakukuluan ang batang kambing sa gatas ng kaniyang ina”?
Ang batas na ito sa Kautusang Mosaiko, na lumitaw nang tatlong ulit sa Bibliya, ay tutulong sa atin na maunawaan ang habag, ang pagkamagiliw, at ang pangmalas ni Jehova sa kung ano ang nararapat. Idiniriin din nito ang kaniyang pagkasuklam sa huwad na pagsamba.—Exodo 34:26; Deuteronomio 14:21.
Ang pagpapakulo sa batang kambing o iba pang hayop sa gatas ng ina nito ay salungat sa likas na kaayusan ni Jehova sa mga bagay-bagay. Inilaan ng Diyos ang gatas ng ina bilang pagkain ng batang kambing at upang tumulong sa paglaki nito. Ang pagluluto sa batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina, ayon sa isang iskolar, ay “kawalang-galang sa ugnayan ng ina at ng supling nito na itinatag at pinabanal ng Diyos.”
Bukod diyan, sinasabi ng ilan na ang pagpapakulo sa batang kambing sa gatas ng ina nito ay maaaring isang paganong ritwal na isinasagawa para magpasapit ng ulan. Kung totoo ito, ang pagbabawal ay nagsanggalang sa mga Israelita mula sa hangal at walang-awang relihiyosong mga gawain ng mga bansang nakapalibot sa kanila. Sa Kautusang Mosaiko, ang mga Israelita ay tahasang pinagbawalan na sumunod sa batas ng mga bansang iyon.—Levitico 20:23.
Bilang panghuli, makikita natin sa espesipikong batas na ito ang magiliw na pagkamahabagin ni Jehova. Sa katunayan, ang Kautusan ay naglalaman ng maraming katulad na utos laban sa kalupitan sa mga hayop at mga tuntunin laban sa mga gawaing salungat sa likas na kaayusan ng mga bagay-bagay. Halimbawa, may mga utos sa Kautusan na nagbabawal sa paghahain ng mga hayop na hindi pa nakakasama ng ina nito sa loob ng di-kukulangin sa pitong araw, pagpatay sa isang hayop at sa anak nito sa iisang araw, at pagkuha sa inahin kasama ng mga itlog o inakay nito mula sa pugad.—Levitico 22:27, 28; Deuteronomio 22:6, 7.
Maliwanag, ang Kautusan ay hindi lamang masalimuot na listahan ng mga utos at pagbabawal. Bukod sa iba pang mga bagay, ang mga simulain nito ay tumutulong sa atin na maging mas sensitibo sa mga pamantayang moral na talagang nagpapaaninag sa kamangha-manghang mga katangian ni Jehova.—Awit 19:7-11.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
© Timothy O’Keefe/Index Stock Imagery