Gaano Ka Kahusay Makipag-usap?
Gaano Ka Kahusay Makipag-usap?
“LIHAM ng Pag-ibig ng 60-Anyos.” Iyan ang tema ng isang sweepstakes contest na inorganisa ng isang bangko sa Hapon ilang taon na ang nakalilipas. Inudyukan nito ang mga Hapones na nasa mga 50 at mga 60 anyos na ipahayag ang kanilang “tunay na nadarama” sa kani-kanilang asawa. Isang kalahok ang sumulat sa kaniyang misis: “Baka matawa ka, pero pagsisisihan ko kung hindi ko ito masasabi sa ’yo, kaya heto na, isisigaw ko: Salamat at pinakasalan mo ako.”
Sa maraming kultura, kasama na ang ilan sa Silangan, hindi sinanay ang mga tao na ipahayag ang kanilang damdamin. Subalit mahigit na 15,000 pa rin ang sumali sa paligsahang iyon ng pagsulat ng liham ng pag-ibig. Nagustuhan iyon ng marami anupat nasundan ito ng isa pa, at naglathala pa nga ng mga aklat batay sa mga liham. Ipinakikita nito na sa kaibuturan ng kanilang puso, marami pa rin ang nagnanais na maipahayag ang kanilang damdamin sa kanilang minamahal na asawa. Pero hindi ito ginagawa ng ilan. Bakit? Malamang na nahihirapan silang sabihin sa iba—halimbawa, sa kanilang asawa—ang kanilang damdamin.
Sinabi ni Hitoshi Kato, sumulat ng isang aklat hinggil sa pagreretiro, na sa mga may-edad nang mag-asawa sa Hapon, kadalasan nang mga asawang babae ang nakikipagdiborsiyo sa kanilang kabiyak dahil sa mga hinanakit na naipon sa paglipas ng mga taon. “Subalit,” ang sabi niya, “bunga rin ito ng hindi nila pag-uusap kapag may mga problema sila.”
Kapag nagretiro ang asawang lalaki, magugulat na lamang siya na inaabutan siya ng kaniyang kabiyak ng papeles sa diborsiyo. Sa loob ng maraming taon, malamang na hindi napag-uusapan ng mag-asawa kung ano ang nadarama nila sa isa’t isa. Maaaring ilang beses tinangka ng bawat isa na ipahayag ang kanilang damdamin subalit nauuwi lamang ito sa hindi
magandang pag-uusap. Sa halip na lalong mapalapít sa isa’t isa, palagi na lamang silang nag-aaway.Paano maaayos ng mag-asawa ang kanilang di-pagkakasundo sa mapayapang paraan at paano nila maipahahayag ang kanilang damdamin sa magandang paraan? Tiyak na interesado kang malaman na ang pinakapraktikal na mga mungkahi ay matatagpuan, hindi sa pinakabagong aklat na isinulat ng isang tagapayo sa pag-aasawa, kundi sa pinakamatandang aklat na maraming siglo nang pinahahalagahan—ang Bibliya.