Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagdaig sa mga Balakid sa Panama

Pagdaig sa mga Balakid sa Panama

Pagdaig sa mga Balakid sa Panama

“PANAMA, tulay ng daigdig.” Kalahating siglo na ang nakalilipas, ang bansag na ito ay binanggit sa isang popular na programa sa radyo sa bansang ito sa Sentral Amerika. Sa ngayon, ipinahahayag nito ang pananaw ng marami tungkol sa bansang ito.

Ang Panama ay nagsisilbing tulay sa pagitan ng Hilaga at Timog Amerika. Bukod dito, ang aktuwal na Bridge of the Americas ay masusumpungan sa kilalang Panama Canal. Ang kanal na ito, na isang kamangha-manghang tagumpay sa inhinyeriya, ay bumabagtas sa magkabilang panig ng bansa at nagdurugtong sa mga karagatang Atlantiko at Pasipiko. Dahil dito, ang mga sasakyang pandagat mula sa palibot ng daigdig ay nakatatawid sa kabilang karagatan sa loob lamang ng ilang oras sa halip na maglayag nang maraming araw o linggo. Oo, ang Panama ay nagsisilbing mahalagang tulay sa maraming bahagi ng daigdig.

Tulay at Lupain ng mga Taong Iba’t Iba ang Pinagmulan

Makikita rin sa Panama ang mga taong mula sa iba’t ibang bansa at lahi. Sila, pati na ang maraming grupong katutubo, ang bumubuo sa iba’t ibang uri ng tao na nasa iba’t ibang dako ng magandang lupaing ito. Gayunman, posible kayang madaig ang mga suliraning dulot ng pagkakaiba-iba sa lipunan, kultura, relihiyon, at wika, at pagkaisahin ang pag-iisip at layunin ng mga taong ito batay sa mahahalagang katotohanan sa Salita ng Diyos?

Oo. Ipinahihiwatig ng mga salita ni apostol Pablo na nasa Efeso 2:17, 18 na nagawa ito mismo ng mga Kristiyano​—kapuwa Judio at Gentil​—noong unang siglo salig sa nagbubuklod na epekto ng hain ni Kristo. Sumulat si Pablo: “Dumating siya [si Jesus] at ipinahayag ang mabuting balita ng kapayapaan sa inyo, ang malalayo, at kapayapaan doon sa malalapit, sapagkat sa pamamagitan niya tayo, ang dalawang bayan, ay may paglapit sa Ama sa pamamagitan ng isang espiritu.”

Sa katulad na paraan sa ngayon, ipinahahayag ng mga Saksi ni Jehova “ang mabuting balita ng kapayapaan” sa Panama sa mga indibiduwal at grupo na galing sa malalayong lugar, sa espirituwal at, kung minsan, sa literal na diwa. Nagkakaroon ng pinagpalang pagkakaisa sa gitna ng mga ‘lumalapit’ kay Jehova. Bilang resulta, naitatag ang mga kongregasyon sa Panama na gumagamit ng anim na wika​—Kastila, Cantonese, Panamanian Sign Language, Ingles, at dalawang katutubong wika, ang Kuna at Ngobere (Guaymí). Nakapagpapatibay malaman kung paano nagkakaisa sa pagsamba kay Jehova ang mga tao mula sa iba’t ibang wikang ito.

Pagdaig sa mga Balakid sa Comarca

Ang grupong Ngobe ang pinakamalaki sa walong grupo ng mga katutubo sa Panama. Binubuo ito ng mga 170,000 katao, at ang karamihan sa kanila ay nakatira sa malawak na lugar na tinawag kamakailan na comarca, o reserbasyon. Ang malaking bahagi ng lugar na ito ay kabundukang may kagubatan na karaniwang nararating sa pamamagitan ng paglalakad, at magagandang baybayin na nararating sa pamamagitan ng pagtawid ng dagat. Madalas na itinatayo ang mga pamayanan sa kahabaan ng baybayin at malapit sa mga ilog, na nagsisilbing daanan ng mga tao. Maraming residente ng comarca ang nabubuhay lamang sa pagtatanim ng kape sa kabundukan, pangingisda, o pagsasaka. Marami sa kanila ay miyembro ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Gayunman, may mga miyembro rin ng relihiyon doon na tinatawag na Mama Tata. Ang iba naman ay nagpapagamot sa mga lokal na sukia (babaylan) kapag may sakit sila o kapag inaakala nilang nililigalig sila ng masasamang espiritu. Bagaman marami ang nagsasalita ng Kastila, ang wikang nauunawaan ng karamihan ay Ngobere.

Nagsasagwan Upang Maabot ang mga Puso

Natatanto ng mga Saksi ni Jehova na mahalagang tulungan ang mga tao na malaman ang katotohanan sa paraang hindi lamang aabot sa kanilang isip kundi tatagos din naman sa kanilang puso. Ito ang mag-uudyok sa kanila upang gumawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay at iayon ito sa mga simulain ng Bibliya. Kaya naman, ang mga ministrong special pioneer na naatasan sa walong iba’t ibang bahagi ng reserbasyon ay nag-aral ng wikang Ngobere sa tulong ng kuwalipikadong mga Saksi roon.

Ang 14 na kongregasyong nabuo sa dakong iyon ay may malaking potensiyal na sumulong. Halimbawa, ilang taon na ang nakalilipas, sina Dimas at Gisela, mag-asawang special pioneer, ay naatasan sa isang maliit na kongregasyon na may mga 40 mamamahayag sa baybayin ng Tobobe. Hindi naging madali para sa kanila ang madalas na pamamangka upang mangaral sa ordinaryong mga tao sa kahabaan ng Baybaying Atlantiko. Natuklasan nina Dimas at Gisela na ang tahimik na karagatan ay maaaring biglang maging nakamamatay na alon. Madalas sumakit ang kanilang mga braso at likod sa pagsagwan patungo sa iba’t ibang nayon. Isa pang hamon ang pag-aaral ng wika roon. Gayunman, pinagpala ang kanilang sakripisyo at pagtitiyaga noong 2001 nang mga 552 katao ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo.

Nasa kabilang ibayo ng Tobobe ang nayon ng Punta Escondida. Sa loob ng ilang panahon, regular na namamangka sa look ang maliit na grupo ng mga mamamahayag​—kung maganda ang lagay ng panahon​—para dumalo sa mga pulong sa Tobobe, at ipinakikita ng mga ulat na maganda ang posibilidad na bumuo ng bagong kongregasyon sa lugar na ito. Dahil dito, hinilingan sina Dimas at Gisela na lumipat sa Punta Escondida. Wala pang dalawang taon ang lumipas, naging kongregasyon ang Punta Escondida na may 28 mamamahayag, at 114 ang katamtamang bilang ng dumadalo sa pahayag pangmadla linggu-linggo. Noong 2004, nagalak ang bagong kongregasyon nang 458 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo.

Pagdaig sa Hamon ng Kawalan ng Kakayahang Bumasa’t Sumulat

Para sa maraming tapat-pusong tao, nakatutulong ang pag-aaral na bumasa’t sumulat sa kanilang paglilinang ng malapít na kaugnayan kay Jehova. Ganito ang nangyari kay Fermina, isang kabataang babae mula sa bulubunduking rehiyon ng comarca. Napansin ng mga misyonerang Saksi, na gumagawa sa liblib na lugar kung saan siya nakatira, na nakikinig siyang mabuti sa mensahe ng Kaharian. Nang alukan siya ng pag-aaral sa Bibliya, sinabi niyang nais niyang matuto pa. Subalit may problema. Nakapagsasalita siya ng wikang Kastila at Ngobere, pero hindi siya marunong bumasa’t sumulat sa alinman sa mga wikang ito. Isa sa mga misyonera ang nag-alok na turuan siya, gamit ang brosyur na Apply Yourself to Reading and Writing. *

Napakahusay na estudyante ni Fermina, na sabik na naghahanda ng kaniyang mga aralin, gumagawa ng lahat ng kaniyang takdang-aralin, at masikap na nagsasanay sa kaniyang pagbaybay. Sa loob ng isang taon, sumulong na siya upang makapag-aral sa brosyur na Maaari Kang Maging Kaibigan ng Diyos! * Nang magsaayos ng mga pulong, nagsimulang dumalo si Fermina. Subalit dahil sa karalitaan, hirap na hirap siyang mag-ipon ng pamasahe nilang mag-iina para sa pulong. Iminungkahi ng isa sa mga pioneer, na nakaaalam sa kalagayan ni Fermina, na pag-isipan niya ang paggawa at pagbebenta ng tradisyonal na mga damit na pambabae ng Ngobe. Sinunod ito ni Fermina at, kahit na may iba pa siyang materyal na mga pangangailangan, tiniyak niyang gagamitin lamang sa pagdalo sa mga pulong Kristiyano ang kinikita niya mula rito. Siya at ang kaniyang pamilya ay lumipat na ngayon sa ibang lugar, at patuloy siyang sumusulong sa espirituwal. Natutuwa sila hindi lamang dahil natuto silang bumasa’t sumulat, kundi mas mahalaga, nakilala nila si Jehova.

Pagdaig sa Hamon ng Pangangaral sa mga Bingi

Sa Panama, madalas na nahihiya ang maraming pamilya kapag may kapamilya silang bingi. Kung minsan, hindi pinag-aaral ang mga ito. Marami sa mga bingi ang nakadaramang nag-iisa sila at nakabukod, pero napakahirap namang makipag-usap sa kanila.

Kaya naman naging maliwanag na kailangang may gawin upang mapaabutan ng mabuting balita ang mga bingi. Yamang pinasigla ng naglalakbay na tagapangasiwa ang isang grupo ng masisikap na pioneer at iba pang mamamahayag, nag-aral sila ng Panamanian Sign Language. Ginantimpalaan ang kanilang pagsisikap.

Sa bandang dulo ng 2001, isang grupo ng wikang pasenyas sa Panama City ang naitatag. Mga 20 ang dumalo sa pulong. Habang nagiging mas bihasa ang mga kapatid sa wikang ito, napatotohanan nila ang maraming tao na sa kauna-unahang pagkakataon ay “nakarinig” ng katotohanan sa Bibliya sa kanilang wika. Maraming Saksing may mga anak na bingi ang dumalo na rin sa mga pulong at nasumpungan nilang mas madaling nauunawaan ng kanilang mga anak ang mga turo ng Bibliya at mas nagagalak na matuto ang mga ito tungkol sa katotohanan. Kadalasang natututong magsenyas ang mga magulang at sa gayon ay mas nakakausap nila ang kanilang mga anak. Natutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa espirituwal at napatitibay ang pamilya. Inilalarawan ito ng karanasan ni Elsa at ng kaniyang anak na babaing si Iraida.

Isang Saksi na nasa grupo ng wikang pasenyas ang nakaalam ng kalagayan ni Iraida, dumalaw sa kaniya, at nagpasakamay ng brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! * Gustung-gusto ni Iraida ang natututuhan niya sa mga larawan tungkol sa bagong sanlibutan. Sinimulan ang pag-aaral sa Bibliya sa brosyur na iyon. Nang matapos na ang pag-aaral sa publikasyong iyon, ginamit nila ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? * Mula noon, hiniling ni Iraida sa kaniyang ina na tulungan siyang maghanda at ipaliwanag sa kaniya ang impormasyon doon.

Dalawa ang problema ni Elsa: Dahil hindi siya Saksi, hindi niya alam ang katotohanan sa Bibliya, at hindi niya nauunawaan ang wikang pasenyas. May nagsabi sa kaniya noon na hindi siya ang dapat magsenyas sa kaniyang anak kundi ang anak niya ang dapat matutong magsalita. Kaya naging limitado ang pag-uusap nilang mag-ina. Dahil sa pamamanhik ni Iraida, hiniling ni Elsa na isang Saksi sa kongregasyon ang magdaos ng pag-aaral sa kaniya. Sinabi niya: “Hiniling ko ito alang-alang sa aking anak, yamang ngayon ko lamang nakitang nasasabik sa isang bagay si Iraida.” Sumama si Elsa sa kaniyang anak sa pag-aaral at natuto ng wikang pasenyas. Habang gumugugol ng mas maraming oras si Elsa sa kaniyang anak, naging mas maganda ang pag-uusap ng pamilya sa tahanan. Naging mas mapili si Iraida sa kaniyang mga kaibigan, at nakisama siya sa kongregasyon. Regular nang dumadalo ngayon ang mag-inang ito sa mga pulong Kristiyano. Nabautismuhan nitong kamakailan si Elsa, at sumusulong si Iraida sa tunguhing iyan. Sinasabi ni Elsa na sa kauna-unahang pagkakataon, nakikilala niya ang kaniyang anak at nakakapag-usap na sila ngayon tungkol sa maraming mahahalagang bagay na malapit sa puso nila.

Ang grupong wikang pasenyas, na naging kongregasyon noong Abril 2003, ay binubuo na ngayon ng mga 50 mamamahayag ng Kaharian, at mas marami pa rito ang dumadalo sa pulong. Mahigit sangkatlo sa mga ito ay bingi. May iba pang mga grupong wikang pasenyas ang binubuo sa tatlong lunsod sa labas ng sentro ng Panama City. Bagaman marami pang kailangang gawin sa larangang ito, walang alinlangan na isang malaking hakbang ang nagawa na upang mabasag ang “katahimikan” sa pagitan ng tapat-pusong mga bingi at ng kanilang maibiging Maylalang, ang Diyos na Jehova.

Karaniwan ang gayong mga karanasan sa buong Panama. Bagaman iba’t iba ang kanilang kultura, wika, at pinagmulan, marami ang napagkakaisa sa pagsamba sa tanging tunay na Diyos. Matagumpay na naihahatid ang katotohanan ng Salita ni Jehova sa kabila ng mga balakid sa pakikipagtalastasan sa bansang ito, na itinuturing ng marami na “tulay ng daigdig.”​—Efeso 4:4.

[Mga talababa]

^ par. 15 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 16 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 21 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 21 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Mga mapa sa pahina 8]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

DAGAT NG CARIBBEAN

PANAMA

Tobobe

KARAGATANG PASIPIKO

Panama Canal

[Larawan sa pahina 8]

Mga babaing Kuna na may hawak na mga tapestri

[Larawan sa pahina 9]

Misyonerang nangangaral sa isang Ngobe

[Larawan sa pahina 10]

Mga Saksi mula sa grupong Ngobe na sumasakay ng bangka para dumalo sa programa ng araw ng pantanging asamblea

[Mga larawan sa pahina 11]

Naihahatid ang katotohanan sa Bibliya sa kabila ng magkakaibang kultura at wika sa Panama

[Larawan sa pahina 12]

Pag-aaral ng “Bantayan” sa wikang pasenyas

[Larawan sa pahina 12]

Nakapag-uusap na si Elsa at ang kaniyang anak na si Iraida

[Picture Credit Lines sa pahina 8]

Barko at mga babaing Kuna: © William Floyd Holdman/​Index Stock Imagery; nayon: © Timothy O’Keefe/​Index Stock Imagery