Pag-abot sa Puso ng Bata
Pag-abot sa Puso ng Bata
NAKADARAMA ka ba ng kalungkutan kapag nakakakita ka ng batang naglalaro ng baril-barilan? Nagiging pangkaraniwan na lamang ito maging sa mga musmos, yamang laganap na ang karahasan sa daigdig ng libangan. Paano mo matutulungan ang isang bata na ipagpalit ang kaniyang mga laruang pandigma sa mga laruang pangkapayapaan? Si Waltraud, isang matagal nang misyonera ng mga Saksi ni Jehova sa Aprika, ay nakatuklas ng paraan para matulungan ang isang batang lalaki na gawin iyan.
Dahil sa digmaan, kinailangang lisanin ni Waltraud ang bansa kung saan siya naninirahan at lumipat sa ibang bansa sa Aprika. Doon napasimulan niyang pagdausan ng pag-aaral sa Bibliya ang ina ng isang limang-taóng-gulang na batang lalaki. Tuwing pinupuntahan niya ang ina, pinaglalaruan ng bata ang isang maliit na baril-barilang plastik, ang kaisa-isa niyang laruan. Hindi naman nakikita ni Waltraud na may binabaril ang bata, pero palagi nitong ikinakasa ang kaniyang laruan na parang tunay na baril.
Sinabi ni Waltraud sa bata: “Werner, alam mo ba kung bakit ako lumipat dito sa inyong bansa? Dahil sa digmaan—kailangan kong lisanin ang bansa namin para takasan ang masasamang tao na namamaril ng mga tao gamit ang mga baril na kahawig ng laruan mo. Sa palagay mo ba’y mabuti ang ginagawa nilang pamamaril?”
“Hindi po,” ang malungkot na tugon ni Werner.
“Tama ka,” ang sabi ni Waltraud. Pagkatapos ay itinanong niya: “Alam mo ba kung bakit ko kayo pinupuntahang mag-ina linggu-linggo? Dahil nais ng mga Saksi ni Jehova na tulungan ang iba na makipagpayapaan sa Diyos at sa kanilang kapuwa.” Sa pahintulot ng ina ni Werner, sinabi ni Waltraud kay Werner: “Kung ibibigay mo sa akin ang baril mo, itatapon ko ito, at titiyakin kong magkakaroon ka ng laruang trak na may apat na gulong.”
Ibinigay ni Werner ang kaniyang baril-barilan. Kinailangan niyang maghintay nang apat na linggo, pero dumating ang kaniyang bagong laruan—isang laruang trak na gawa sa kahoy, na lubha niyang ikinatuwa.
Gumugugol ka ba ng panahon upang makipag-usap sa iyong mga anak at sinisikap na abutin ang kanilang puso upang mapakilos sila na itapon ang mga laruang kahawig ng mga sandatang pandigma? Kung gayon, tuturuan mo sila ng isang aral na habambuhay nilang pakikinabangan.