Magkaroon ng Kasiyahan sa Pamamagitan ng Pagkakapit ng mga Simulain sa Bibliya
Magkaroon ng Kasiyahan sa Pamamagitan ng Pagkakapit ng mga Simulain sa Bibliya
TIYAK na nakakita ka na ng pusang nakabaluktot at waring naghihilik—isang larawan ng kasiyahan. Kaysarap ngang maging relaks at nasisiyahang gaya ng pusang iyon! Subalit para sa marami, mahirap masumpungan ang kasiyahan, at ito ay agad ding naglalaho. Bakit gayon?
Sapagkat madalas tayong magkamali dahil sa ating di-kasakdalan, at dapat nating pagtiisan ang mga pagkukulang ng iba. Karagdagan pa, nabubuhay tayo sa yugto ng panahon na tinatawag ng Bibliya na “mga huling araw,” na kakikitaan ng “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5) Kahit na alalahanin pa natin ang magagandang alaala ng kasiyahan noong ating kabataan, nararanasan pa rin ng karamihan sa atin sa ngayon ang matinding panggigipit ng “mga panahong mapanganib” na ito. Posible bang magkaroon ng kasiyahan sa ating panahon?
Pansinin na sinasabi ng Kasulatan na ang mga panahong mapanganib na ito ay magiging, hindi imposible, kundi mahirap pakitunguhan. Mahaharap natin ang mga ito sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya. Maaaring hindi natin laging malulutas ang ating mga problema, subalit matatamasa natin ang isang antas ng kasiyahan. Suriin natin ang tatlong simulaing ito.
Panatilihin ang Makatotohanang Saloobin
Upang magkaroon ng kasiyahan, dapat nating panatilihin ang makatotohanang saloobin hinggil sa ating mga limitasyon at yaong sa iba. Sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, sinabi ni apostol Pablo: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Hindi natin kayang unawain ang maraming aspekto ng kaluwalhatian ni Jehova. Isang halimbawa ang simpleng katotohanan na binanggit sa Genesis 1:31: “Nakita ng Diyos ang bawat bagay na ginawa niya at, narito! iyon ay napakabuti.” Kailanma’t gustong alalahanin ni Jehova ang ginawa niya noon, lagi niyang masasabing “iyon ay napakabuti.” Hindi iyan laging masasabi ng sinumang tao. Ang pagkilala natin sa ating mga limitasyon ang unang hakbang upang magkaroon ng kasiyahan. Gayunman, higit pa rito ang kailangan. Kailangan nating maunawaan at tanggapin ang pangmalas ni Jehova sa bagay na ito.
Ang salitang Griego na isinaling “kasalanan” ay galing sa salitang-ugat na nangangahulugang sumala sa marka. (Roma 3:9) Upang ilarawan: Isip-isipin ang isa na umaasang mananalo ng premyo kung tatamaan niya ng palaso ang isang target. May tatlo siyang palaso. Itinudla niya ang unang palaso pero malayo ito nang isang metro sa target. Inasinta niyang mabuti ang ikalawang palaso subalit malayo pa rin ito nang 30 sentimetro. Sinipat niyang mabuti ang target at pinahilagpos ang huling palaso at dalawang sentimetro na lamang ang layo nito. Muntik na itong tumama sa target, subalit sala pa rin ito.
Tayong lahat ay katulad ng bigong mámamanáng iyon. Kung minsan, waring madalas tayong sumala sa marka. Kung minsan naman ay muntik na nating tamaan ang target subalit sumala pa rin tayo sa marka. Nasisiraan tayo ng loob dahil nagsikap tayo nang husto, subalit hindi pa rin ito sapat. Ngayon, balikan natin ang mámamaná.
Dahan-dahan siyang umaalis, lumung-lumo dahil talagang gusto niya ang premyong iyon. Walang anu-ano, tinawag siya ng taong nangangasiwa sa paligsahan at iniabot sa kaniya ang premyo, na sinasabi: “Gusto kong ibigay ito sa iyo dahil natutuwa ako sa iyo, at nakita ko ang puspusan mong pagsisikap.” Tuwang-tuwa ang mámamaná!
Tuwang-tuwa! Ganiyan din ang madarama ng lahat ng tatanggap mula sa Diyos ng “kaloob” na buhay na walang hanggan sa kasakdalan. (Roma 6:23) Pagkatapos nito, ang lahat ng gagawin nila ay magiging mabuti—hinding-hindi na sila muling sasala sa marka. Sila ay lubusang masisiyahan. Samantala, kung pananatilihin natin sa isipan ang saloobing ito, mas masisiyahan tayo sa ating sarili at sa mga nasa palibot natin.
Kilalanin na Nangangailangan ng Panahon ang Lahat ng Bagay
Totoo na nangangailangan ng panahon ang lahat ng bagay. Gayunman, napansin mo ba kung gaano kahirap manatiling nasisiyahan kapag ang hinihintay mo ay tila nagluluwat kaysa sa iyong inaasahan o kapag tila nagtatagal ang isang di-kaayaayang situwasyon? Gayunpaman, napananatili ng ilan ang kasiyahan sa gayong mga situwasyon. Isaalang-alang ang halimbawa ni Jesus.
Bago pumarito sa lupa, si Jesus ay huwaran sa pagkamasunurin samantalang nasa langit. Gayunman, “natuto siya ng pagkamasunurin” dito sa lupa. Paano? “Mula sa mga bagay na kaniyang pinagdusahan.” Dati, nakikita niya ang pagdurusa subalit hindi niya kailanman naranasan ito. Noong siya’y nasa lupa, lalo na mula sa kaniyang bautismo sa Jordan hanggang sa kaniyang kamatayan sa Golgota, naranasan niya ang maraming mahihirap na kalagayan. Hindi natin nalalaman ang lahat ng detalye kung paano ‘napasakdal’ si Jesus sa bagay na ito, subalit alam natin na nangailangan ito ng panahon.—Hebreo 5:8, 9.
Nagtagumpay si Jesus sapagkat binulay-bulay niya ang “kagalakang inilagay sa harap niya,” ang gantimpala para sa kaniyang katapatan. (Hebreo 12:2) Gayunpaman, kung minsan siya ay “naghandog . . . ng mga pagsusumamo at ng mga pakiusap din . . . na may malalakas na paghiyaw at mga luha.” (Hebreo 5:7) Kung minsan, nananalangin tayo sa gayunding paraan. Paano ito minamalas ni Jehova? Ipinakikita ng talata ring iyon na “malugod” na dininig ni Jehova si Jesus. Gayundin ang gagawin ng Diyos para sa atin. Bakit?
Sapagkat nalalaman ni Jehova ang ating mga limitasyon, at tinutulungan niya tayo. May hangganan ang pagbabata ng bawat isa. May kasabihan sa Benin, Aprika: “Kahit ang mga palaka ay malulunod sa sobrang tubig.” Kilala tayo ni Jehova nang higit kaysa sa pagkakilala natin sa ating sarili at alam niya kung kailan malapit na tayong masagad. Maibigin siyang nagbibigay ng “awa at . . . di-sana-nararapat na kabaitan bilang tulong sa tamang panahon.” (Hebreo 4:16) Ginawa niya ito kay Jesus, at ginawa rin niya ito sa marami pang iba. Isaalang-alang kung paano ito naranasan ni Monika.
Lumaki si Monika na walang gaanong problema at masayahin. Noong 1968, nang mahigit 20 anyos pa lamang siya, nagitla siya nang malaman niyang may sakit siyang multiple sclerosis, isang sakit na karaniwang humahantong sa bahagyang paralisis. Lubusan nitong binago ang kaniyang buhay at kinailangan niyang gumawa ng malaking pagbabago sa kaniyang buong-panahong
ministeryo. Natanto ni Monika na talagang magtatagal ang pagkakasakit na ito. Pagkalipas ng 16 na taon, sinabi niya: “Wala pa ring lunas sa aking sakit at malamang na manatiling ganito hanggang sa baguhin ng bagong sistema ng Diyos ang lahat ng bagay.” Inamin niya na hindi ito naging madali: “Bagaman sinasabi ng mga kaibigan ko na masayahin pa rin ako at optimistiko gaya ng dati, . . . alam ng matatalik kong kaibigan na kung minsa’y walang tigil ang aking pagluha.”Gayunman sinabi niya: “Natuto akong magtiis at magsaya kahit sa pinakamaliit na pagbuti ng aking kalusugan. Tumibay ang aking kaugnayan kay Jehova nang matanto ko na walang kalaban-laban ang tao sa kaniyang pakikipagbaka sa sakit. Tanging si Jehova lamang ang lubusang makapag-aalis ng sakit.” Sa tulong ni Jehova, nanatiling nasisiyahan si Monika at nagugunita niya ngayon ang mahigit sa 40 taon ng buong-panahong paglilingkod.
Sabihin pa, mahirap ang mga kalagayang gaya ng kay Monika. Subalit tiyak na ikaw ay higit na masisiyahan kung kikilalanin mo na ang ilang bagay ay nangangailangan ng higit na panahon kaysa sa inaasahan mo. Tulad ni Monika, makapagtitiwala ka rin sa “tulong [ni Jehova] sa tamang panahon.”
Huwag Ihambing ang Iyong Sarili sa Iba—Magtakda ng Makatuwirang mga Tunguhin
Naiiba ka. Wala kang katulad. Ang katotohanang ito ay ipinahahayag ng isang kasabihan sa wikang Gun sa Aprika: “Hindi magkakasinghaba ang mga daliri sa kamay.” Isang kamangmangang ihambing ang alinmang daliri sa kamay sa iba pang daliri. Hindi mo gugustuhin na ihambing ka ni Jehova sa ibang tao, at hinding-hindi niya gagawin iyon. Gayunman, karaniwan sa mga tao na maghambing at dahil dito’y nababawasan ang kasiyahan ng isa. Pansinin kung paano ito mabisang inilarawan ni Jesus, gaya ng mababasa natin sa Mateo 20:1-16.
Binanggit ni Jesus ang tungkol sa isang “panginoon” na nangangailangan ng mga manggagawa sa kaniyang ubasan. Nakahanap siya ng ilang lalaking walang trabaho at inupahan sila “nang maaga sa kinaumagahan,” marahil mga 6:00 n.u. Nagkasundo sila sa karaniwang sahod sa araw-araw nang panahong iyon, isang denario para sa 12-oras na pagtatrabaho sa isang araw. Walang-alinlangang masaya ang mga lalaki na makasumpong ng trabaho at na ito ay sa karaniwang sahod. Nang maglaon, ang panginoon ay nakakita ng iba pang grupo ng mga lalaking walang trabaho at pinagtrabaho sila—nang 9:00 n.u., 12:00 ng tanghali, 3:00 n.h., at kahit pa nga 5:00 n.h. Wala sa mga grupong ito ang magtatrabaho nang buong araw. Para sa sahod, ang panginoon ay nangako sa kanila ng “anuman na makatarungan,” at sumang-ayon ang mga manggagawa.
Sa pagtatapos ng araw, inutusan ng panginoon ang kaniyang tauhang tagapangasiwa na bayaran ang mga manggagawa. Sinabi niyang tawagin ang mga manggagawa at bayaran muna ang mga huling inupahan. Ang mga ito ay nagtrabaho lamang ng isang oras, subalit nakapagtatakang tumanggap sila ng sahod para sa buong araw. Maguguniguni natin ang naging mainit na diskusyon doon. Ang mga nagtrabaho nang buong 12 oras ay nag-isip na tatanggap sila nang higit. Pero tumanggap din sila ng parehong halaga.
Ang kanilang reaksiyon? “Pagkatanggap nito ay nagsimula silang magbulung-bulungan laban sa may-bahay at nagsabi, ‘Ang mga huling ito ay gumugol ng isang oras na trabaho; gayunma’y ginawa mo silang kapantay namin na nagtiis ng pasanin ng maghapon at ng nakasusunog na init!’”
Gayunman, iba ang pananaw dito ng panginoon. Binanggit niya na tinanggap nila ang napagkasunduan nila, walang labis walang kulang. Kung tungkol sa iba, ipinasiya niyang bigyan sila ng buong-araw na sahod, na tiyak na higit kaysa sa inaasahan nila. Sa totoo lamang, walang tumanggap ng kulang ayon sa napagkasunduan; marami, sa katunayan, ang tumanggap nang higit kaysa sa kanilang inaasahan. Kaya bilang pagtatapos, nagtanong ang panginoon: “Hindi ba kaayon ng kautusan na gawin ko ang ibig ko sa aking sariling mga bagay?”
Ngayon, isip-isipin kung ang unang binayaran ng tauhang tagapangasiwa ay ang mga unang nagtrabaho at pagkatapos ay umalis kaagad ang mga ito. Malamang na nasiyahan na sila. Nawala lamang ang kanilang kasiyahan nang makita nila
ang iba na tumanggap ng parehong sahod sa kaunting trabaho. Ito ang ikinagalit nila, hanggang sa punto na magbulung-bulungan sila laban sa panginoon, ang isa na dapat sana’y lubos nilang pinasalamatan dahil inupahan niya sila.Mainam nitong inilalarawan kung ano ang nangyayari kapag gumagawa tayo ng mga paghahambing. Kung bubulay-bulayin mo ang iyong kaugnayan kay Jehova at pahahalagahan kung paano ka niya pinagpapala, masisiyahan ka. Huwag mong ihambing ang iyong kalagayan sa iba. Kung tila higit ang ginagawa ni Jehova para sa iba, matuwa ka at makigalak sa kanila.
Gayunman, may inaasahan sa iyo si Jehova. Ano iyon? Ang Galacia 6:4 ay nagsasabi: “Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan na magbunyi may kinalaman sa kaniyang sarili lamang.” Sa ibang salita, magtakda ng makatuwirang mga tunguhin para sa iyong sarili. Maging makatotohanan at magplano alinsunod sa magagawa mo, at pagkatapos ay gawin ito. Kung makatuwiran ang tunguhin at naabot mo ito, ‘magkakaroon ka ng dahilan na magbunyi.’ Magkakaroon ka ng kasiyahan.
May mga Gantimpala
Ipinakikita ng tatlong simulaing isinaalang-alang natin na ang pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya ay maaari ngang tumulong sa atin na magkaroon ng kasiyahan kahit sa mga huling araw na ito at sa kabila ng di-kasakdalan. Sa iyong pagbabasa ng Bibliya sa araw-araw, bakit hindi hanapin ang mga simulaing iyon, na tuwirang binabanggit o ipinahihiwatig sa mga salaysay at ilustrasyon?
Kung nadarama mong nababawasan ang iyong kasiyahan, sikaping alamin ang tunay na dahilan. Pagkatapos, hanapin ang mga simulaing maikakapit mo upang maituwid ang kalagayan. Halimbawa, maaari mong tingnan ang pahina 110-11 ng aklat na “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang.” * Sa aklat na ito, tinatalakay ang aklat ng Kawikaan, at masusumpungan mo ang maraming simulain at payo na nakatala sa ilalim ng 12 uluhan. Ang The Watch Tower Publications Index * at Watchtower Library on CD-ROM * ay ekselenteng mga pinagmumulan ng impormasyon. Kung madalas mong gagamitin ang mga ito, masasanay ka sa paghahanap ng praktikal na mga simulain.
Malapit na ang panahon kung kailan ibibigay ni Jehova sa mga karapat-dapat ang buhay na walang hanggan sa kasakdalan sa isang paraisong lupa. Ang kanilang buhay ay lubusang malilipos ng kasiyahan.
[Talababa]
^ par. 30 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 30 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 30 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Blurb sa pahina 12]
“Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.”—Roma 3:23
[Blurb sa pahina 13]
‘Natuto si Jesus ng pagkamasunurin mula sa mga bagay na kaniyang pinagdusahan.’—Hebreo 5:8, 9
[Blurb sa pahina 15]
“Magkakaroon siya ng dahilan na magbunyi may kinalaman sa kaniyang sarili lamang, at hindi kung ihahambing sa ibang tao.”—Galacia 6:4