Isang Maaasahang Patnubay Upang Maging Maligaya
Isang Maaasahang Patnubay Upang Maging Maligaya
“ANG paghahanap ng Kaligayahan” ay karapatan ng lahat ng tao. Iyan ang pananaw ng mga kumatha ng Deklarasyon ng Kasarinlan ng Estados Unidos ng Amerika. Ngunit ang paghahanap o pagsisikap na abutin ang isang tunguhin ay iba sa pagtatamo nito. Bagaman maraming kabataan ang nagsisikap na magkaroon ng karera sa daigdig ng libangan at isport, ilan ba sa kanila ang alam mong nakaabot sa tagumpay na pinakamimithi nila? “Malamang na hindi ka magtatagumpay,” ang sabi ng isang sikat na mang-aawit na pamilyar sa pagpupunyaging kailangang gawin upang maging sikat na manunugtog.
Kung ganiyan ang iyong nadarama sa paghahanap mo sa kaligayahan, huwag kang masiraan ng loob. Kung hahanapin mo ang kaligayahan sa tamang paraan, matatamo mo ito. Bakit masasabi ang gayon? Ang naunang artikulo ay bumanggit sa “maligayang Diyos,” si Jehova. (1 Timoteo 1:11) Sa Bibliya, naglalaan ang Diyos ng patnubay upang hindi mauwi sa kabiguan ang paghahanap mo sa kaligayahan. Matutulungan ka ni Jehova na mapagtagumpayan ang karaniwang mga dahilan ng kalungkutan. Halimbawa, isaalang-alang ang kaaliwang ibinibigay niya sa iyo kapag namatayan ka ng mahal sa buhay.
Kapag Namatay ang Isang Minamahal
May mabuti ba sa kamatayan? Inaagaw ng kamatayan ang mga magulang sa mga anak at ang mga anak sa mga magulang. Pinaghihiwalay nito ang malalapít na magkakaibigan at nagdudulot ito ng kawalang-katiyakan sa isang komunidad na malapít ang mga tao sa isa’t isa. Kapag sumapit ang kamatayan, ang isang maligayang pamilya ay maaaring malipos ng kalungkutan.
Maliwanag na ang kamatayan ay isang napakalungkot na pangyayari. Gayunman, itinatanggi ng ilang tao ang katotohanang ito at inilalarawan nila ang kamatayan bilang isang pagpapala. Pansinin kung ano ang nangyari matapos humampas
ang Bagyong Katrina sa Gulpo ng Mexico noong Agosto 2005. Sa libing ng isang biktima, isang ministro ang nagsabi: “Hindi siya pinatay ng Katrina. Kinuha na siya ng Diyos.” Sa isa pang pagkakataon, isang klerk sa ospital na may mabuting intensiyon ang nagsabi sa isang anak na babae na huwag mag-alala dahil nasa langit na ang kaniyang ina sapagkat kinuha na raw ito ng Diyos. Dumaing ang anak: “Bakit, bakit kailangan pa niyang kunin siya sa akin?”Maliwanag na hindi naaaliw ang mga naulila sa gayong maling mga ideya tungkol sa patay. Bakit? Dahil hindi ipinaliliwanag ng mga paniniwalang ito ang katotohanan tungkol sa kamatayan. Ang masaklap pa rito, inilalarawan nila ang Diyos bilang mang-aagaw ng mga mahal sa buhay mula sa pamilya at mga kaibigan sa pamamagitan ng nakapangingilabot at nakapipighating paraan. Sa halip na maging pinagmumulan ng kaaliwan, pinalilitaw nila na kontrabida ang Diyos sa trahedya ng kamatayan. Ngunit sinasabi ng Salita ng Diyos ang katotohanan tungkol sa kamatayan.
Tinatawag ng Bibliya ang kamatayan na isang kaaway. Inihahalintulad nito ang kamatayan sa isang haring namamahala sa sangkatauhan. (Roma 5:17; 1 Corinto 15:26) Ang kamatayan ay isang napakalakas na kaaway na hindi kayang labanan ng tao, at ang bawat mahal sa buhay na namamatay ay isa lamang sa mga di-mabilang na biktima nito. Ang katotohanang ito mula sa Bibliya ang lubusang nagpapaliwanag sa nadarama nating pamimighati at pagiging walang kalaban-laban kapag namatayan ng isang mahal sa buhay. Ipinakikita nito na normal ang gayong damdamin. Gayunpaman, ginagamit ba ng Diyos ang kaaway na kamatayan upang dalhin sa langit ang ating mga mahal sa buhay? Hayaan nating ang Bibliya ang sumagot sa katanungang iyan.
Sinasabi ng Eclesiastes 9:5, 10: “Kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran . . . Walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol, ang dako na iyong paroroonan.” Ano ba ang Sheol? Ito ang karaniwang libingan ng sangkatauhan kung saan napupunta ang mga tao kapag namatay sila. Sa libingan, ang mga tao ay lubusang di-aktibo, hindi kumikilos, walang pakiramdam o pag-iisip. Para bang natutulog sila nang mahimbing. * Kaya nililiwanag ng Bibliya na hindi kinukuha ng Diyos ang ating mga mahal sa buhay upang makasama niya sa langit. Dahil sa epekto ng kamatayan, wala na silang buhay sa libingan.
Pinatunayan ni Jesus ang katotohanang ito nang mamatay ang kaniyang kaibigang si Lazaro. Inihalintulad ni Jesus ang kamatayan sa pagtulog. Kung nagtungo si Lazaro sa langit upang makasama ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang pagbabalik sa kaniya ni Jesus sa lupa upang mamatay uli sa kalaunan ay hindi isang kabaitan. Binanggit ng kinasihang ulat na sa dakong libingan ay nagsalita si Jesus sa isang malakas na tinig: “Lazaro, lumabas ka!” Nagpatuloy ang Bibliya: “Ang taong namatay ay lumabas.” Muling nabuhay si Lazaro. Alam ni Jesus na hindi kailanman umalis si Lazaro sa lupa. Siya ay walang-buhay na nakahimlay sa libingan.—Juan 11:11-14, 34, 38-44.
Tinutulungan tayo ng pangyayaring ito na nakaulat sa Bibliya na maunawaan na ang kamatayan ay hindi paraan ng Diyos upang ilipat ang mga tao mula sa lupa tungo sa langit. Kaya naman mapapalapít tayo sa Diyos, sa pagkaalam na hindi siya ang dahilan ng ating kalungkutan. Makapagtitiwala rin tayo na lubusan niyang nauunawaan ang pighati at sakit na idinudulot sa atin ng kaaway na kamatayan. At pinatutunayan ng
katotohanan sa Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay na hindi sila nagdurusa sa apoy ng impiyerno o sa purgatoryo kundi sa halip ay wala silang buhay sa libingan. Kaya naman, ang alaala ng ating mga mahal sa buhay ay hindi dapat mahaluan ng paghihinanakit sa Diyos o ng pagkatakot dahil sa hindi natin alam kung nasaan sila. Bukod diyan, naglaan pa si Jehova ng karagdagang kaaliwan na mababasa sa Bibliya.Ang Pag-asa ay Umaakay sa Kaligayahan
Ipinakikita ng mga teksto sa Bibliya na tinalakay natin na ang pag-asa ay napakahalagang bahagi ng tunay na kaligayahan. Ang salitang “pag-asa” na ginamit sa Bibliya ay nagpapahiwatig ng pagtitiwala na may mangyayaring mabuti. Upang makita kung paano tayo maaaring lumigaya ngayon dahil sa pag-asa, balikan natin ang ulat nang buhaying muli ni Jesus si Lazaro.
May dalawang dahilan kung bakit ginawa ni Jesus ang himalang iyon. Ang isa ay upang alisin ang kalungkutan nina Marta, Maria, at ng namimighating mga kaibigan. Muli nilang makakasama ang kanilang mahal sa buhay. Ngunit binanggit ni Jesus kay Marta ang pangalawa, at mas mahalagang dahilan: “Hindi ko ba sinabi sa iyo na kung maniniwala ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” (Juan 11:40) Isinalin ng The New Testament in Modern English, ni J. B. Phillips, ang huling parirala bilang “ang nakapanggigilalas na bagay na magagawa ng Diyos.” Nang buhaying muli si Lazaro, patiunang ipinakita ni Jesus kung ano ang kayang gawin at tiyak na gagawin ng Diyos na Jehova sa hinaharap. Narito ang higit pang detalye tungkol sa “nakapanggigilalas na bagay [na ito] na magagawa ng Diyos.”
Sa Juan 5:28, 29, sinabi ni Jesus: “Huwag kayong mamangha rito, sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.” Nangangahulugan ito na ang lahat ng patay na nasa Sheol, pati na ang mga mahal natin sa buhay, ay bubuhaying muli. Ganito pa ang isinisiwalat ng Gawa 24:15 tungkol sa kamangha-manghang pangyayaring ito: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” Kaya maging ang “mga di-matuwid,” ang maraming indibiduwal na hindi nakakilala at nakapaglingkod kay Jehova, ay may pag-asang matamo ang lingap ng Diyos.
Saan mangyayari ang pagkabuhay-muling ito? Ang Awit 37:29 ay nagsasabi: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” Isip-isipin kung ano ang ibig sabihin nito! Ang magkakapamilya at magkakaibigan na pinaghiwa-hiwalay ng kamatayan ay muling magkikita-kita rito sa lupa. Habang ginuguniguni mo ang pagkakataon na muling makasama ang mga taong minamahal mo, makatuwiran lamang na mag-umapaw sa kaligayahan ang iyong puso.
Nais ni Jehova na Maging Maligaya Ka
Natalakay natin ang dalawang paraan kung paano ka matutulungan ni Jehova na maging mas maligaya kahit na may mga problema ka. Una, sa pamamagitan ng Bibliya, naglalaan siya ng kaalaman at patnubay upang tulungan kang mapagtagumpayan ang mga kapighatian. Bukod sa pagtulong sa atin na harapin ang lumbay na dulot ng kamatayan, matutulungan din tayo ng payo ng Bibliya na harapin ang mga suliranin sa kabuhayan at kalusugan. Mabibigyan ka nito ng lakas upang mabata ang kawalang-katarungan sa lipunan at kaguluhan sa pulitika. At kung ikakapit mo sa iyong buhay ang payo nito, matutulungan ka nitong harapin ang iba pang personal na mga suliranin.
Ikalawa, sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya, magkakaroon ka ng pag-asa na di-hamak na nakahihigit sa anumang maibibigay ng lipunan ng tao. Ang pagkabuhay-muli ng mga kaibigan at kapamilya ay bahagi ng pag-asang binabanggit ng Bibliya. Ang Apocalipsis 21:3, 4 ay nagbibigay ng higit pang detalye: “Ang Diyos mismo ay sasakanila [sa sangkatauhan]. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” Nangangahulugan ito na malapit nang mawala magpakailanman ang anumang bagay na pinagmumulan ng kalungkutan sa iyong buhay. Ang mga pangako ng Bibliya ay matutupad, at maaari mo itong matamasa. Ang pagkaalam pa lamang na darating ang mas mabuting panahon ay nakaaaliw na. Ang pagkaalam na hindi ka daranas ng walang-hanggang pagdurusa pagkamatay mo ay dahilan upang maging maligaya.
Bilang paglalarawan: Ilang taon pa lamang ang nakararaan, nasaksihan ni Maria ang unti-unti at napakasakit na pagkamatay ng kaniyang asawa dahil sa kanser. Hindi pa naiibsan ang kaniyang pagdadalamhati dahil sa pagkamatay ng kaniyang asawa nang siya at ang kaniyang tatlong anak na babae ay napilitang umalis sa kanilang bahay dahil sa problema sa pinansiyal. Pagkaraan ng dalawang taon, natuklasan ni Maria na mayroon din siyang kanser. Dalawang beses na siyang sumailalim sa maselang operasyon at araw-araw siyang dumaranas ng matinding kirot. Sa kabila ng mga problemang ito, napakapositibo pa rin ng kaniyang pananaw sa buhay anupat napakilos siya nito na patibaying-loob ang ibang tao. Paano niya napananatili ang kaniyang kaligayahan?
Sinabi ni Maria: “Kapag may problema ako, sinusubukan kong huwag masyadong mag-isip tungkol sa aking sarili. Iniiwasan kong magtanong gaya ng: ‘Bakit ako pa? Bakit ko kailangang magdusa nang ganito? Bakit kailangan ko pang magkasakit?’ Ang negatibong kaisipan ay nakakapagod. Sa halip, ginagamit ko ang aking lakas upang paglingkuran si Jehova at tulungan ang iba. Iyon ang nagpapaligaya sa akin.”
Paano nakakatulong kay Maria ang pag-asa? Umaasa siya na sa hinaharap, aalisin na ni Jehova ang sakit at iba pang mga suliranin ng sangkatauhan. Kapag nagpupunta siya sa ospital upang magpagamot, ibinabahagi niya ang pag-asang iyon sa iba pang mga pasyenteng may kanser, na maaaring nawawalan na ng pag-asa. Gaano kahalaga kay Maria ang pag-asa? Sinabi niya: “Palagi kong iniisip ang sinasabi ng Bibliya sa Hebreo 6:19, kung saan inilalarawan ni Pablo ang pag-asa bilang angkla para sa kaluluwa. Kung wala ang angklang iyan, maaanod kang tulad ng isang bangka na tinatangay ng bagyo. Ngunit kung nakatali ka sa angklang iyan, magiging matatag ka sa kabila ng tulad-bagyong mga problema na dinaranas mo.” Ang “pag-asa sa buhay na walang hanggan na ipinangako ng Diyos, na hindi makapagsisinungaling” ay tumutulong kay Maria na manatiling maligaya. Matutulungan ka rin nito.—Tito 1:2.
Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya, makasusumpong ka ng tunay na kaligayahan kahit na mayroon kang mga problema. Gayunman, baka nag-aalinlangan ka kung praktikal nga bang pag-aralan ang Bibliya. Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na ipakita sa iyo ang maka-Kasulatang kasagutan na kailangan mong malaman upang ikaw ay maging tunay na maligaya. Habang hinihintay mo ang katuparan ng mga pangako ni Jehova, maaari kang maging isa sa mga inilarawan sa ganitong paraan: “Sila’y mangagtatamo ng kasayahan at kagalakan, at ang kapanglawan at ang pagbubuntong-hininga ay mapaparam.”—Isaias 35:10, Ang Biblia.
[Talababa]
^ par. 9 Inilalarawan ng Encyclopædia Britannica (2003) ang Sheol bilang “isang dako, hindi ng kirot ni kasiyahan, hindi ng kaparusahan ni gantimpala.”
[Larawan sa pahina 7]
Makapagpapaligaya sa iyo ang pag-asa ng pagkabuhay-muli na nasa Bibliya