Pagkasumpong sa Tunay na Kaliwanagan
Pagkasumpong sa Tunay na Kaliwanagan
DISYEMBRE 18, 1810 noon. Nagsisimula nang magtakip-silim. Sa maunos na dagat sa may timog-silangang baybayin ng Scotland, nalihis ng direksiyon ang maliit na barko ng Hukbong Pandagat ng Britanya na HMS Pallas. Dahil sa dumidilim na at umuulan pa ng niyebe, lalong nahirapan ang tripulante na makita ang mga liwanag mula sa parola na kailangan nila upang gabayan ang kanilang barko sa ligtas na dako. Isip-isipin ang kanilang pasasalamat nang sa wakas ay makita nila ang mga liwanag at ginabayan ang kanilang barko patungo roon! Subalit nakalulungkot, hindi ito ang gumagabay na mga liwanag na kailangan nila. Sa katunayan, ang mga ito ay mga sigâ ng mga manggagawa na malapit sa baybayin. Ang Pallas ay sumadsad sa batuhan at lubusang nawasak. Nalunod ang labing-isang marino. Kaylaking trahedya nga!
Sa kaso ng Pallas, ang isang pagkakamali ay humantong sa kasakunaan. Subalit kung minsan, mas malaking panganib pa ang napapaharap sa mga marino—kunwaring mga liwanag ng parola. Ang gayong mga liwanag ay sadyang ginawa upang akayin ang mga barko sa mabatong mga baybayin at madambong ang nawasak na mga barko, ayon sa aklat na Wrecks, Wreckers and Rescuers.
‘Banal na mga Kasulatan na Maaaring Umakay sa Iyo sa Kaligtasan’
Sa paghahanap mo sa kaliwanagan, mapapaharap ka sa mga panganib na katulad ng mga napaharap sa mga marinong iyon. Maaari kang mailigaw ng maling impormasyon, o baka maging biktima ka pa nga ng sadyang panlilinlang. Ang alinmang landasin ay maaaring umakay sa trahedya. Ano ang magagawa mo upang maipagsanggalang ang iyong sarili? Tiyaking tunay at mapagkakatiwalaan ang pinagmumulan ng kaliwanagan na sinusundan mo. Sa loob ng mahigit na 125 taon, itinataguyod ng magasing ito ang kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya, bilang ang pinakamaaasahang pinagmumulan ng kaliwanagan sapagkat naglalaman ito ng “banal na mga kasulatan na may kapangyarihang makapagpaparunong sa iyo at aakay sa iyo sa kaligtasan.”—2 Timoteo 3:15-17, New English Bible.
Sabihin pa, upang makapagtiwala ka sa Bibliya bilang isang mapananaligang pumapatnubay na Awit 119:105; Kawikaan 14:15) Huwag mag-atubiling sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito para sa impormasyon na nakatulong sa milyun-milyon na makumbinsing ang Bibliya ay talagang kinasihan ng Diyos. Halimbawa, basahin ang brosyur na pinamagatang Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao. * Inihaharap nito ang maraming impormasyon na nagpapakitang ang Bibliya ay tumpak, totoo, at kinasihan.
liwanag, makatuwirang suriin mo ang pagiging totoo nito. (Mahahalagang Katotohanan
Kung gayon, anu-anong mahahalagang katotohanan ang nilalaman ng “banal na mga kasulatan” na ito? Isaalang-alang ang sumusunod na mga halimbawa.
May isang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat at Maylalang na gumawa ng lahat ng bagay. (Genesis 1:1) Umiiral lamang tayo “sapagkat nilalang [ng Diyos] ang lahat ng bagay” at binigyan niya tayo ng buhay. (Apocalipsis 4:11) Kaya siya lamang ang karapat-dapat sa ating pagsamba. Ang Maylalang ang sukdulang Pinagmumulan ng lahat ng kaliwanagan. (Awit 36:9; Isaias 30:20, 21; 48:17, 18) Mayroon siyang pangalan na nais niyang gamitin natin. (Exodo 3:15) Ang pangalang iyan, na isinulat sa mga titik Hebreo at isinaling YHWH, ay lumilitaw nang mga 7,000 ulit sa Bibliya. Sa loob ng maraming taon, ginamit ito sa Tagalog sa anyong “Jehova.”—Awit 83:18.
Ginawa ni Jehova ang mga lalaki at babae upang mabuhay magpakailanman sa mala-Paraisong kalagayan dito mismo sa lupa. Pinagkalooban niya ang mga tao ng espirituwal na mga katangian na sumasalamin sa kaniya mismong mga katangian. Binigyan niya sila ng talino at kakayahan upang magtamasa sila ng walang katapusan at kasiya-siyang buhay sa lupa. (Genesis 1:26-28) Ang lupa ay hindi niya kailanman nilayong gamitin upang dito subukin ang mga tao para ihanda sila sa espiritung buhay sa langit, na para bang doon lamang sila maaaring magkaroon ng kaugnayan sa Diyos.
Nang lalangin ng Diyos ang tao, wala itong bahid ng kasamaan. Umiral lamang ang kasamaan nang gamitin ng ilan sa mga nilalang ng Diyos—tao at espiritu—sa maling paraan ang kanilang kalayaang pumili at nang maghimagsik sila laban sa Diyos. (Deuteronomio 32:5) Kinuha ng ating unang mga magulang ang karapatang magpasiya para sa kanilang sarili kung ano ang mabuti at kung ano ang masama. (Genesis 2:17; 3:1-5) Nagdulot iyan ng kamatayan sa sambahayan ng tao. (Genesis 3:19; Roma 5:12) Upang lutasin ang mga usaping ibinangon ng paghihimagsik, nagpasiya si Jehova na pansamantalang pahintulutan ang kasamaan. Subalit ang kaniyang layunin para sa lupa at sa pamilya ng tao ay hindi nagbabago. (Isaias 45:18) Ang mga lalaki at babae ay mabubuhay magpakailanman sa mala-Paraisong kalagayan sa isang nilinis na lupa.—Mateo 6:10; Apocalipsis 21:1-5.
Si Jesu-Kristo ay Anak ng Diyos, hindi ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Tinuruan mismo ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Mateo 6:9) Hindi niya kailanman inangkin na kapantay siya ng Diyos. Bagkus, sinabi niya: “Ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin.”—Juan 14:28.
Si Jesus ay gumanap ng napakahalagang papel sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos. Isinugo siya ng Diyos “bilang liwanag sa sanlibutan, upang ang bawat isa na nananampalataya sa [kaniya] ay hindi manatili sa kadiliman.” (Juan 12:46) Ayon kay apostol Pedro, “walang kaligtasan sa kanino pa man.” (Gawa 4:12) Totoo ito sapagkat ang ating kaligtasan ay nakadepende sa mahalagang dugo ni Kristo. (1 Pedro 1:18, 19) Ibinigay ni Jesu-Kristo ang kaniyang buhay bilang haing pantubos upang tubusin ang sangkatauhan mula sa kasalanan na ipinamana ng ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, sa sambahayan ng tao. (Mateo 20:28; 1 Timoteo 2:6) Ginamit din ng Diyos si Jesus upang isiwalat ang Kaniyang kalooban at layunin.—Juan 8:12, 32, 46, 47; 14:6; Gawa 26:23.
Nagtatag ang Diyos ng isang makalangit na Kaharian, o pamahalaan, na binubuo ni Jesu-Kristo at ng mga pinili mula sa sangkatauhan. Paulit-ulit na masusumpungan ang temang ito sa buong Bibliya. Inatasan ng Diyos ang pamahalaang ito na tiyaking mangyayari sa lupa ang kaniyang kalooban na gaya ng sa langit. (Mateo 6:10) Hindi bahagi ng orihinal na layunin ng Diyos na pumunta sa langit ang sinumang tao. Ang lupa ang kanilang tahanan. Subalit pagkatapos magkasala ang tao, isang bagong bagay ang nilayon ng Diyos. Isinaayos niyang pumili ng mga tao ‘mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa upang mamahala bilang mga hari’ kasama ni Kristo sa isang makalangit na pamahalaan. (Apocalipsis 5:9, 10) Malapit nang ‘durugin at wakasan’ ng pamamahala ng Kahariang iyon ang lahat ng anyo ng pamamahala ng tao, na nagdulot ng labis na kahapisan at kirot sa sambahayan ng tao.—Daniel 2:44.
Namamatay ang kaluluwa. Nililiwanag ng mahalagang katotohanang ito sa Bibliya ang maraming bagay tungkol sa tao at sa kaniyang pag-asa sa buhay. Inaalis din nito ang maling pagkaunawa at maling impormasyon na nakalito sa mga tao tungkol sa kalagayan ng mga patay.
Sinasabi sa atin ng unang aklat ng Bibliya: “Pinasimulang anyuan ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa at inihihip sa mga butas ng kaniyang ilong ang hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” (Genesis 2:7) Nauunawaan mo ba ang ibig sabihin niyan? Ang kaluluwa ay hindi isang tulad-aninong bagay na umiiral sa loob ng katawan ng tao. Ang tao ay hindi nagtataglay ng kaluluwa. Siya mismo ay isang kaluluwa—binubuo ng mga elemento na masusumpungan sa “alabok ng lupa” at ng puwersa ng buhay na mula sa Diyos. Ang kaluluwa ay hindi imortal. Kapag namatay ang tao, namamatay ang kaluluwa.—Genesis 3:19; Eclesiastes 9:5, 10.
Ang mga namatay ay maaaring buhaying muli. Kapag natapos na ang panahon ng pansamantalang pagpapahintulot ng Diyos sa kasamaan, “lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng . . . tinig [ni Jesus] at lalabas, yaong mga gumawa ng mabubuting bagay tungo sa pagkabuhay-muli sa buhay, yaong mga gumawa ng buktot na mga bagay tungo sa pagkabuhay-muli sa paghatol.” (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Bubuhaying muli ang mga tao sa isang paraisong lupa, ang uri ng buhay na orihinal na nilayon ng Diyos para sa kaniyang pamilya ng tao.
Masusing Suriin ang Kasulatan Araw-araw
Nauunawaan mo ba kung paano makatutulong sa iyo ang pagkaalam ng gayong mahahalagang katotohanan? Sa mapanganib at maunos na mga panahong ito, maipagsasanggalang ka ng gayong kaalaman mula sa “may-kabulaanang tinatawag na ‘kaalaman’” na ipinalalaganap ni Satanas na Diyablo. Nagkukunwari siyang “isang anghel ng liwanag,” at ang kaniyang mga alipores ay nag-aanyong “mga ministro ng katuwiran.” (1 Timoteo 6:20; 2 Corinto 11:13-15) Maipagsasanggalang ka ng tumpak na kaalaman sa Bibliya mula sa tinatawag na kaliwanagang batay sa mga pilosopiya ng “marurunong at matatalino” sa sanlibutan, na ‘nagtakwil sa mismong salita ni Jehova.’—Mateo 11:25; Jeremias 8:9.
Dahil napakaraming nakaliligaw na mga turo at pilosopiya noong kaniyang panahon, binabalaan ni apostol Juan ang mga Kristiyano noong unang siglo: “Huwag ninyong paniwalaan ang bawat kinasihang kapahayagan.” Sinabi niya: “Subukin ang mga kinasihang kapahayagan upang makita kung ang mga ito ay nagmumula sa Diyos.” (1 Juan 4:1) Isaalang-alang ang ilustrasyong ito. Kung tumanggap ka ng isang mensahe na maaaring magkaroon ng malaking epekto sa iyong buhay, basta mo na lamang ba ito tatanggapin nang hindi pinag-iisipan dahil waring mapananaligan naman ang pinagmulan nito? Siyempre hindi. Titiyakin mo muna ang pinagmulan nito at susuriin ang mga nilalaman nito bago ka kumilos alinsunod dito.
Sa pamamagitan ng paglalaan ng isang kinasihang nasusulat na rekord na naglalaman ng mahahalagang katotohanan, ganiyang-ganiyan ang ginawa ng Diyos para magawa mo ito—“tiyakin” kung ang pumapatnubay na mga liwanag na sinusunod mo ay tunay. (1 Tesalonica 5:21) Noong unang siglo, ang mga taong may marangal na pag-iisip ay pinapurihan dahil kanilang “maingat na sinusuri ang Kasulatan sa araw-araw” upang tiyakin na ang kanilang natututuhan ay siya ngang katotohanan. (Gawa 17:11) Magagawa mo rin ito. Hayaan mo ang Bibliya, tulad ng “isang lamparang lumiliwanag sa isang dakong madilim,” na pumatnubay sa iyo sa kaligtasan. (2 Pedro 1:19-21) Kung gagawin mo iyan, “masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos,” na nagdudulot ng tunay na kaliwanagan.—Kawikaan 2:5.
[Talababa]
^ par. 6 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 4]
Ang Salita ng Diyos ay tulad ng isang lampara
[Larawan sa pahina 5]
Ano ang pangalan ng Diyos?
[Larawan sa pahina 5]
Ano ang kinabukasan ng sangkatauhan?
[Larawan sa pahina 6]
Si Jesus ba ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat?
[Larawan sa pahina 6]
Nasaan ang mga patay?
[Larawan sa pahina 7]
Ang pagkabuhay-muli ng mga patay ay isa sa mahahalagang katotohanan na itinuturo sa Bibliya