“Maililigtas Kami ng Aming Diyos”
“Maililigtas Kami ng Aming Diyos”
SINADYANG maging kasindak-sindak ang okasyon. Isang pagkalaki-laking imaheng ginto ang itinayo sa kapatagan ng Dura, malamang na malapit sa lunsod ng Babilonya. Pasisinayaan ang imahen sa isang pantanging seremonya na dadaluhan ng matataas na opisyal na inaasahang yuyukod sa harap ng imahen pagtugtog ng iba’t ibang instrumento sa musika. Ipinag-utos ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya na ang sinumang hindi sasamba sa imahen ay mamamatay sa napakainit na hurno. Sino naman kaya ang maglalakas-loob na sumuway sa utos na iyon?
Laking gulat ng mga naroroon nang hindi yumukod ang tatlong may takot sa Diyos na mga mananamba ni Jehova na sina Sadrac, Mesac, at Abednego. Alam nila na ang paggawa nito ay paglabag sa kanilang bukod-tanging debosyon sa Diyos na Jehova. (Deuteronomio 5:8-10) Nang hingan sila ng paliwanag sa kanilang matatag na paninindigan, walang-takot nilang sinabi kay Nabucodonosor: “Kung magkagayon man, maililigtas kami ng aming Diyos na pinaglilingkuran namin. Mula sa nagniningas na maapoy na hurno at mula sa iyong kamay, O hari, ay ililigtas niya kami. Ngunit kung hindi, talastasin mo, O hari, na hindi ang iyong mga diyos ang paglilingkuran namin, at ang imaheng ginto na itinayo mo ay hindi namin sasambahin.”—Daniel 3:17, 18.
Nang ihagis ang tatlong Hebreo sa nagniningas na maapoy na hurno, himala na lamang ang makapagliligtas sa kanilang buhay. Nagsugo ang Diyos ng isang anghel upang ipagsanggalang ang Kaniyang tapat na mga lingkod. At ito ay noong makapagpasiya na silang suungin ang kamatayan sa halip na suwayin si Jehova. * Ang kanilang paninindigan ay gaya ng sa mga apostol ni Jesu-Kristo, na pagkalipas ng anim na siglo ay nagpahayag sa harap ng mataas na hukuman ng mga Judio: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gawa 5:29.
Mahalagang Aral Para sa Atin
Sina Sadrac, Mesac, at Abednego ay magagandang halimbawa ng pananampalataya, pagsunod, at katapatan. May pananampalataya kay Jehova ang tatlong Hebreo. Dahil sa kanilang budhing sinanay sa Kasulatan, hindi sila nakibahagi sa anumang gawa ng huwad na pagsamba o debosyon sa bansa. Ang mga Kristiyano sa ngayon ay lubusan ding nagtitiwala sa tunay na Diyos. Inaakay sila ng kanilang budhing sinanay sa Bibliya at hindi sila nakikibahagi sa mga gawa ng huwad na pagsamba o mga seremonyang labag sa mga kautusan at simulain ng Diyos.
Ang tatlong tapat na Hebreo ay nagtiwala kay Jehova at hindi nila ipinagpalit sa papuri, posisyon, o anumang karangalang iniaalok ng Imperyo ng Babilonya ang kanilang pagsunod sa kaniya. Handang magdusa at mamatay ang mga kabataang iyon sa halip na masira ang kanilang kaugnayan sa Diyos. Gaya ni Moises na nauna sa kanila, “nagpatuloy [silang] matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.” (Hebreo 11:27) Iligtas man sila ni Jehova sa kamatayan o hindi, desidido ang tatlo na manatiling tapat sa Kaniya sa halip na makipagkompromiso para iligtas ang kanilang buhay. Maliwanag na ang kanilang halimbawa ang tinutukoy ni apostol Pablo nang banggitin niya ang tungkol sa mga tapat na “nagpatigil ng puwersa ng apoy.” (Hebreo 11:34) Ang gayong pananampalataya at pagsunod ay ipinamamalas ng mga lingkod ni Jehova kapag sinusubok ang kanilang katapatan sa ating panahon sa ngayon.
Mula sa karanasan nina Sadrac, Mesac, at Abednego, napag-alaman din natin na ginagantimpalaan ng Diyos ang katapatan sa kaniya. Umawit ang salmista: ‘Hindi iiwan ni Jehova ang kaniyang mga matapat.’ (Awit 37:28) Sa ngayon, hindi tayo umaasa na ililigtas tayo ng Diyos sa makahimalang paraan, gaya ng ginawa niya sa tatlong Hebreo. Subalit makapagtitiwala naman tayo na anumang kapighatian ang danasin natin, tutulungan tayo ng ating makalangit na Ama. Magagawa ng Diyos na alisin ang problema, pagkalooban tayo ng lakas para mabata ito, o buhayin tayong muli kung mananatili tayong tapat hanggang kamatayan. (Awit 37:10, 11, 29; Juan 5:28, 29) Ang pananampalataya, pagsunod, at katapatan ay nananaig sa tuwing sinusubok ang ating integridad at pinipili nating sundin ang Diyos sa halip na mga tao.
[Talababa]
^ par. 5 Tingnan ang 2006 Calendar of Jehovah’s Witnesses, July/August.
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
ALAM MO BA?
• Ang tatlong Hebreo ay halos 30 anyos nang subukin ang kanilang katapatan.
• Ang hurno ay malamang na pinainit nang napakainit.—Daniel 3:19.