Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Narinig Ninyo ang Tungkol sa Pagbabata ni Job”

“Narinig Ninyo ang Tungkol sa Pagbabata ni Job”

“Narinig Ninyo ang Tungkol sa Pagbabata ni Job”

“Narinig ninyo ang tungkol sa pagbabata ni Job at nakita ang kinalabasan na ibinigay ni Jehova, na si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.”​—SANTIAGO 5:11.

1, 2. Anong pagsubok ang napaharap sa isang mag-asawang taga-Poland?

 WALA pang isang taóng naglilingkod bilang Saksi ni Jehova si Harald Abt nang sakupin ng hukbo ni Hitler ang Danzig (ngayo’y Gdańsk) sa hilagang Poland. Pagkatapos ay naging mahirap ang mga kalagayan, mapanganib pa nga, para sa mga tunay na Kristiyano roon. Sinikap ng Gestapo na pilitin si Harald na pumirma sa isang dokumento na nagtatakwil sa kaniyang pananampalataya, pero tumanggi siya. Makalipas ang ilang linggo sa bilangguan, ipinadala si Harald sa kampong piitan sa Sachsenhausen, kung saan paulit-ulit siyang pinagbantaan at binugbog. Itinuro ng isang opisyal ang tsiminea ng krematoryo at sinabi kay Harald, “Diyan ka aakyat patungo sa Jehova mo sa loob ng 14 na araw kapag nanatili ka sa pananampalataya mo.”

2 Nang arestuhin si Harald, pinapasuso pa lamang noon ni Elsa, na kaniyang asawa, ang kanilang sampung-buwang-gulang na sanggol na babae. Pero hindi pinalampas ng Gestapo si Elsa. Hindi nagtagal, kinuha nila ang kaniyang sanggol, at ipinadala si Elsa sa kampo sa Auschwitz kung saan isinasagawa ang pagpatay. Ngunit nanatili siyang buhay sa loob ng maraming taon, gaya ni Harald. Sa Ang Bantayan ng Oktubre 15, 1980, marami ka pang mababasa kung paano sila nakapagbata. Sumulat si Harald: ‘Lahat-lahat, 14 na taon ng aking buhay ang ginugol ko sa mga kampong piitan at sa mga bilangguan dahil sa aking pananampalataya sa Diyos. Itinatanong nila sa akin: “Ang iyo bang maybahay ay nakatulong sa iyo upang mabata mo ang lahat ng ito?” Siyempre! Mula’t sapol ay batid kong hindi niya kailanman ikokompromiso ang kaniyang pananampalataya, at iyan din ang nagpalakas sa akin. Batid kong mas gusto pa niyang makita akong isang bangkay na nasa istretser kaysa malaman niyang ako’y nakalaya dahil nakipagkompromiso ako. Maraming hirap ang tiniis ni Elsa noong mga taon na nasa loob siya ng mga kampong piitan ng mga Aleman.’

3, 4. (a) Kaninong mga halimbawa ang makapagpapatibay sa mga Kristiyano na magbata? (b) Bakit tayo hinihimok ng Bibliya na pag-aralan ang karanasan ni Job?

3 Tiyak na hindi madaling batahin ang kasamaan, gaya ng pinatutunayan ng maraming Saksi. Dahil dito, pinapayuhan ng Bibliya ang lahat ng Kristiyano: “Kunin ninyo bilang parisan ng pagbabata ng kasamaan at ng pagkamatiisin ang mga propeta, na nagsalita sa pangalan ni Jehova.” (Santiago 5:10) Sa nakalipas na mga siglo, maraming lingkod ng Diyos ang pinag-usig nang walang dahilan. Ang mga halimbawang ipinakita ng malaking “ulap [na ito] ng mga saksi” ay makapagpapatibay sa atin na patuloy na takbuhin nang may pagbabata ang ating takbuhang Kristiyano.​—Hebreo 11:32-38; 12:1.

4 Sa ulat ng Bibliya, namumukod-tangi si Job bilang huwaran sa pagbabata. “Narito! Ipinahahayag nating maligaya yaong mga nakapagbata,” ang isinulat ni Santiago. “Narinig ninyo ang tungkol sa pagbabata ni Job at nakita ang kinalabasan na ibinigay ni Jehova, na si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.” (Santiago 5:11) Ang karanasan ni Job ay nagbibigay sa atin ng ideya hinggil sa gantimpalang naghihintay sa mga tapat, na pinagpapala ni Jehova. Higit sa lahat, isinisiwalat nito ang mga katotohanan na pakikinabangan natin sa panahon ng kapighatian. Tinutulungan tayo ng aklat ng Job na sagutin ang mga tanong na ito: Kapag sinusubok, bakit kailangan nating maunawaan ang mga pangunahing isyung nasasangkot? Anu-anong mga katangian at saloobin ang makatutulong sa atin na magbata? Paano natin mapatitibay ang mga kapuwa Kristiyano na dumaranas ng kapighatian?

Pagkaunawa sa Lahat ng Isyung Nasasangkot

 5. Anong pangunahing isyu ang dapat tandaan kapag napapaharap tayo sa mga pagsubok o mga tukso?

5 Upang mapanatili ang pagiging timbang sa espirituwal sa harap ng kapighatian, kailangan nating maunawaan ang lahat ng isyung nasasangkot. Kung hindi, baka maging malabo ang ating espirituwal na pananaw dahil sa personal na mga problema. Ang isyu ng pagkamatapat sa Diyos ang pinakamahalaga. Ganito ang panawagan ng ating makalangit na Ama na maaari nating isapuso: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” (Kawikaan 27:11) Isa ngang natatanging pribilehiyo iyan! Sa kabila ng ating mga kahinaan at di-kasakdalan, maaari nating pasayahin ang ating Maylalang. Nagagawa natin ito kapag nakakayanan natin ang mga pagsubok at mga tukso dahil sa ating pag-ibig kay Jehova. Binabata ng tunay na Kristiyanong pag-ibig ang lahat ng bagay. Hindi ito kailanman nabibigo.​—1 Corinto 13:7, 8.

 6. Paano tinutuya ni Satanas si Jehova, at hanggang sa anong antas niya ito ginagawa?

6 Maliwanag na tinutukoy ng aklat ng Job si Satanas bilang ang isa na tumutuya kay Jehova. Isinisiwalat din nito ang napakasamang saloobin ng di-nakikitang kaaway na ito at ang kaniyang pagnanais na sirain ang ating kaugnayan sa Diyos. Gaya ng ipinakikita sa kaso ni Job, sa diwa ay inaakusahan ni Satanas ang lahat ng mga lingkod ni Jehova na makasarili raw ang kanilang motibo at sinisikap niyang patunayan na maaaring lumamig ang kanilang pag-ibig sa Diyos. Libu-libong taon na niyang tinutuya ang Diyos. Nang palayasin si Satanas sa langit, isang tinig mula sa langit ang naglarawan sa kaniya bilang “tagapag-akusa sa ating mga kapatid” at sinabing ginagawa niya ang mga akusasyong ito “araw at gabi sa harap ng ating Diyos.” (Apocalipsis 12:10) Sa pamamagitan ng ating matapat na pagbabata, maipakikita natin na hindi totoo ang kaniyang mga akusasyon.

 7. Ano ang pinakamabisang paraan upang malabanan natin ang pisikal na kahinaan?

7 Dapat nating tandaan na sasamantalahin ng Diyablo ang anumang kapighatian na maaaring mapaharap sa atin upang sikapin tayong ilayo kay Jehova. Kailan ba niya tinukso si Jesus? Noong si Jesus ay gutóm matapos mag-ayuno nang maraming araw. (Lucas 4:1-3) Gayunman, ang espirituwal na kalakasan ni Jesus ang nakatulong sa kaniya upang matatag na tanggihan ang mga tukso ng Diyablo. Napakahalaga ngang labanan ang anumang pisikal na kahinaan​—marahil dulot ng sakit o katandaan​—​sa pamamagitan ng espirituwal na kalakasan! Bagaman “ang pagkatao [natin] sa labas ay nanghihina,” hindi tayo sumusuko dahil “ang pagkatao [natin] sa loob ay nababago sa araw-araw.”​—2 Corinto 4:16.

 8. (a) Paano maaaring magkaroon ng masamang epekto ang negatibong damdamin? (b) Anong saloobin mayroon si Jesus?

8 Bukod diyan, ang negatibong damdamin ay maaaring makasira sa espirituwalidad ng isa. ‘Bakit pinahihintulutan ito ni Jehova?’ ang maaaring isipin ng isa. ‘Bakit ganoon ang pakikitungo sa akin ng kapatid na iyon?’ ang maaaring itanong naman ng isa pa matapos siyang pakitunguhan sa di-mabait na paraan. Ang gayong damdamin ay maaaring maging dahilan upang makaligtaan natin ang pangunahing mga isyu at magtuon na lamang ng pansin sa personal na mga kalagayan. Waring ang pagkasiphayo ni Job dahil sa kaniyang tatlong kasamahan na may maling pangangatuwiran ay nagdulot sa kaniya ng emosyonal na pinsala na kasintindi ng pisikal na pinsalang idinulot ng kaniyang karamdaman. (Job 16:20; 19:2) Sa katulad na paraan, binanggit ni apostol Pablo na ang matagal na pagkagalit ay maaaring ‘magbigay ng dako [o pagkakataon] sa Diyablo.’ (Efeso 4:26, 27) Sa halip na ibunton ang pagkasiphayo o galit sa mga indibiduwal o masyadong pagtuunan ng pansin ang kawalang-katarungan na dulot ng isang situwasyon, makabubuting tularan ng mga Kristiyano si Jesus at ‘ipagkatiwala ang kanilang sarili sa isa na humahatol nang matuwid,’ ang Diyos na Jehova. (1 Pedro 2:21-23) Ang pagkakaroon ng “disposisyon ng kaisipan” na gaya ng kay Jesus ay malaking sanggalang laban sa mga pagsalakay ni Satanas.​—1 Pedro 4:1.

 9. Anong katiyakan ang ibinibigay sa atin ng Diyos hinggil sa mga pasanin na kailangan nating dalhin o mga tukso na kailangan nating harapin?

9 Higit sa lahat, hindi natin dapat ituring ang ating mga problema bilang patotoo na hindi nalulugod ang Diyos sa atin. Nasaktan si Job dahil sa gayong maling pagkaunawa noong panahong binabatikos siya ng masasakit na pananalita ng kaniyang di-umano’y mga mang-aaliw. (Job 19:21, 22) Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni sinusubok man niya ang sinuman.” (Santiago 1:13) Sa kabaligtaran, nangangako si Jehova na tutulungan niya tayong dalhin ang anumang pasanin natin at paglalaanan niya tayo ng matatakasan mula sa anumang tukso na napapaharap sa atin. (Awit 55:22; 1 Corinto 10:13) Sa pamamagitan ng pagiging malapít sa Diyos sa panahon ng kapighatian, maaari tayong magkaroon ng mas malawak na pananaw sa mga bagay-bagay at sa gayo’y matagumpay na malalabanan ang Diyablo.​—Santiago 4:7, 8.

Mga Tulong Upang Makapagbata

10, 11. (a) Ano ang nakatulong kay Job na magbata? (b) Paano nakatulong kay Job ang pagkakaroon ng mabuting budhi?

10 Sa kabila ng abang kalagayan ni Job​—lakip na ang berbal na pang-aabuso ng kaniyang “mga mang-aaliw” at ang pagkalito niya kung sino ang tunay na sanhi ng kaniyang kasawian​—​nanatiling tapat si Job. Ano ang matututuhan natin sa kaniyang pagbabata? Walang alinlangan na ang pangunahing dahilan ng kaniyang tagumpay ay ang kaniyang katapatan kay Jehova. ‘Natakot siya sa Diyos at lumihis sa kasamaan.’ (Job 1:1) Iyan ang kaniyang paraan ng pamumuhay. Tumanggi si Job na talikuran si Jehova, kahit na hindi niya naunawaan kung bakit biglang naging masama ang mga kalagayan. Naniniwala si Job na dapat niyang paglingkuran ang Diyos sa hirap at ginhawa.​—Job 1:21; 2:10.

11 Ang pagkakaroon ng mabuting budhi ay nakaaliw din kay Job. Noong waring mamamatay na siya, nagkaroon siya ng kaaliwan sa pagkaalam na ginawa niya ang lahat ng makakaya niya sa pagtulong sa iba, itinaguyod niya ang matataas na pamantayan ni Jehova, at iniwasan niya ang anumang anyo ng huwad na pagsamba.​—Job 31:4-11.

12. Paano tumugon si Job sa tulong na ibinigay ni Elihu sa kaniya?

12 Sabihin pa, hindi maikakaila na kailangan ni Job ng tulong upang mabago ang kaniyang pananaw sa ilang bagay. At mapagpakumbaba niyang tinanggap ang tulong na iyan​—isa pang susi kung bakit matagumpay siyang nakapagbata. Magalang na nakinig si Job sa matalinong payo ni Elihu, at positibo siyang tumugon sa pagtutuwid ni Jehova. “Nagsalita ako, ngunit hindi ko nauunawaan,” ang inamin niya. “Binabawi ko ang aking sinabi, at ako ay nagsisisi sa alabok at abo.” (Job 42:3, 6) Sa kabila ng sakit na sumalot sa kaniya, nagsaya si Job dahil ang pagtutuwid na ito sa kaniyang pag-iisip ay lalong nagpalapít sa kaniya sa Diyos. “Napag-alaman ko na kaya mong [Jehova] gawin ang lahat ng bagay,” ang sabi ni Job. (Job 42:2) Dahil sa paglalarawan ni Jehova sa Kaniyang karingalan, mas malinaw na naunawaan ni Job ang kaniyang katayuan kung ihahambing sa Maylalang.

13. Paano naging kapaki-pakinabang kay Job ang pagpapakita ng awa?

13 Bilang panghuli, si Job ay isang namumukod-tanging halimbawa sa pagpapakita ng awa. Labis siyang nasaktan ng kaniyang huwad na mga mang-aaliw, subalit nang hilingin ni Jehova kay Job na ipanalangin niya sila, ginawa niya ito. Pagkatapos nito, pinanauli ni Jehova ang kalusugan ni Job. (Job 42:8, 10) Maliwanag, hindi tayo matutulungan ng paghihinanakit na magbata, sa halip, ang pag-ibig at awa ang makatutulong sa atin. Kung hindi tayo magkikimkim ng sama ng loob, makadarama tayo ng kaginhawahan sa espirituwal, at ito ang landasin na pinagpapala ni Jehova.​—Marcos 11:25.

Matatalinong Tagapayo na Tumutulong sa Ating Magbata

14, 15. (a) Anu-anong mga katangian ang tutulong sa isang tagapayo na matulungan ang iba? (b) Ipaliwanag kung bakit matagumpay si Elihu sa pagtulong kay Job.

14 Ang isa pang aral na matututuhan natin mula sa ulat ni Job ay ang kahalagahan ng matatalinong tagapayo. Ang mga ito ay mga kapatid na “ipinanganganak kapag may kabagabagan.” (Kawikaan 17:17) Gayunman, gaya ng ipinakikita ng karanasan ni Job, ang ilang mga tagapayo ay maaaring makasakit sa halip na makatulong. Ang isang mabuting tagapayo ay kailangang magpakita ng empatiya, respeto, at kabaitan, gaya ng ginawa ni Elihu. Baka kailangang ituwid ng mga elder at iba pang may-gulang na mga Kristiyano ang pag-iisip ng mga kapatid na napabibigatan ng mga problema, at sa paggawa nito, maraming matututuhan ang mga tagapayong ito mula sa aklat ng Job.​—Galacia 6:1; Hebreo 12:12, 13.

15 Maraming maiinam na aral kung paano hinarap ni Elihu ang mga bagay-bagay. Matiyaga siyang nakinig bago sagutin ang maling pananalita ng tatlong kasamahan ni Job. (Job 32:11; Kawikaan 18:13) Ginamit ni Elihu ang pangalan ni Job at namanhik siya rito na gaya ng isang kaibigan. (Job 33:1) Di-tulad ng tatlong huwad na mga mang-aaliw, hindi itinuring ni Elihu ang kaniyang sarili na mas mahusay kaysa kay Job. “Hinubog ako mula sa luwad, ako man,” ang sabi niya. Ayaw niyang makaragdag pa sa pagdurusa ni Job sa pamamagitan ng walang-ingat na mga pananalita. (Job 33:6, 7; Kawikaan 12:18) Sa halip na punahin ang naging paggawi ni Job, pinapurihan ni Elihu si Job dahil sa pagiging matuwid nito. (Job 33:32) Mahalaga sa lahat, nakita ni Elihu ang mga bagay-bagay mula sa pangmalas ng Diyos, at tinulungan niya si Job na magtuon ng pansin sa katotohanan na hindi kailanman gagawi si Jehova nang di-makatarungan. (Job 34:10-12) Pinasigla niya si Job na maghintay kay Jehova, sa halip na sikaping ipakita ang pagiging matuwid nito. (Job 35:2; 37:14, 23) Tiyak na makikinabang ang Kristiyanong mga elder at ang iba pa mula sa gayong mga aral.

16. Paano nagpagamit kay Satanas ang tatlong huwad na mang-aaliw ni Job?

16 Ang matalinong payo ni Elihu ay kabaligtaran ng nakasasakit na mga pananalita nina Elipaz, Bildad, at Zopar. “Hindi kayo nagsalita ng katotohanan tungkol sa akin,” ang sabi sa kanila ni Jehova. (Job 42:7) Kahit na sinabi pa nilang maganda ang kanilang hangarin, nagpagamit sila kay Satanas sa halip na maging tapat na mga kasamahan. Sa pasimula pa lamang, ipinagpalagay na nilang tatlo na si Job mismo ang dapat sisihin sa kaniyang mga kasawian. (Job 4:7, 8; 8:6; 20:22, 29) Ayon kay Elipaz, walang tiwala ang Diyos sa mga lingkod niya, at na hindi mahalaga sa Kaniya kung tayo man ay matuwid o hindi. (Job 15:15; 22:2, 3) Inakusahan pa nga ni Elipaz si Job ng mga pagkakamali na hindi naman nito ginawa. (Job 22:5, 9) Sa kabaligtaran, tinulungan ni Elihu si Job sa espirituwal na paraan, na siyang laging tunguhin ng isang maibiging tagapayo.

17. Ano ang dapat nating tandaan kapag nasa ilalim ng pagsubok?

17 May isa pang aral tungkol sa pagbabata na matututuhan natin sa aklat ng Job. Inoobserbahan ng ating maibiging Diyos ang ating kalagayan at handa siya at kaya niyang tulungan tayo sa iba’t ibang paraan. Sa pasimula, nabasa natin ang karanasan ni Elsa Abt. Bulay-bulayin ang naging konklusyon niya: ‘Bago ako naaresto, nabasa ko ang liham ng isang kapatid na babae na nagsasabing kapag ikaw ay nasa ilalim ng matinding pagsubok, tumutulong ang espiritu ni Jehova upang maging mahinahon ka. Inakala ko noon na parang sumobra naman yata siya sa kaniyang sinabi. Pero noong maranasan ko mismo ang mga pagsubok, natanto kong totoo ang mga sinabi niya. Ganoon pala talaga ang nangyayari. Mahirap isipin ito kung hindi mo pa ito nararanasan. Pero talagang nangyari ito sa akin. Si Jehova ay tumutulong.’ Ang tinutukoy rito ni Elsa ay hindi kung ano ang kayang gawin ni Jehova o kung ano ang ginawa Niya libu-libong taon na ang nakalilipas noong panahon ni Job. Ang tinutukoy niya ay ang ating panahon. Oo, “si Jehova ay tumutulong”!

Maligaya ang Taong Nagbabata

18. Anu-ano ang naging kapakinabangan ni Job sa pagbabata?

18 Iilan sa atin ang mapapaharap sa kapighatian na kasintindi ng naranasan ni Job. Pero anumang mga pagsubok ang maaaring maranasan natin sa sistemang ito ng mga bagay, may makatuwiran tayong dahilan para manatiling tapat, gaya ng ginawa ni Job. Sa katunayan, lalong naging makabuluhan ang buhay ni Job dahil sa pagbabata. Pinasakdal siya nito, anupat ginawa siyang ganap. (Santiago 1:2-4) Pinatibay nito ang kaniyang kaugnayan sa Diyos. “Sa sabi-sabi ay nakarinig ako ng tungkol sa iyo, ngunit ngayon ay nakikita ka nga ng aking mata,” ang tiniyak ni Job. (Job 42:5) Napatunayang sinungaling si Satanas dahil hindi niya nasira ang katapatan ni Job. Makalipas ang daan-daang taon, tinutukoy pa rin ni Jehova ang kaniyang lingkod na si Job bilang halimbawa ng pagiging matuwid. (Ezekiel 14:14) Ang kaniyang rekord ng katapatan at pagbabata ay nakapagpapatibay sa bayan ng Diyos maging sa ngayon.

19. Bakit mo masasabing sulit ang pagbabata?

19 Nang sumulat si Santiago sa unang-siglong mga Kristiyano hinggil sa pagbabata, binanggit niya ang kasiyahang dulot ng pagbabata. At ginamit niya ang halimbawa ni Job upang ipaalaala sa kanila na mayamang pinagpapala ni Jehova ang Kaniyang tapat na mga lingkod. (Santiago 5:11) Mababasa natin sa Job 42:12: “Kung tungkol kay Jehova, pinagpala niya ang huling wakas ni Job nang higit pa kaysa sa kaniyang pasimula.” Dinoble ng Diyos kung ano ang nawala kay Job, at nagkaroon siya ng mahaba at maligayang buhay. (Job 42:16, 17) Sa katulad na paraan, anumang kirot, pagdurusa, o pighati na maaari nating batahin sa wakas ng sistemang ito ng mga bagay ay aalisin at malilimutan sa bagong sanlibutan ng Diyos. (Isaias 65:17; Apocalipsis 21:4) Narinig natin ang tungkol sa pagbabata ni Job, at determinado tayong tularan ang halimbawa ni Job sa tulong ni Jehova. Nangangako ang Bibliya: “Maligaya ang tao na patuloy na nagbabata ng pagsubok, sapagkat kapag sinang-ayunan siya ay tatanggapin niya ang korona ng buhay, na ipinangako ni Jehova doon sa mga patuloy na umiibig sa kaniya.”​—Santiago 1:12.

Paano Mo Sasagutin?

• Paano natin mapasasaya ang puso ni Jehova?

• Bakit hindi tayo dapat mag-isip na ang ating mga problema ay patotoo na hindi tayo sinasang-ayunan ng Diyos?

• Anu-anong salik ang nakatulong kay Job na magbata?

• Paano natin matutularan si Elihu sa pagpapatibay sa ating mga kapananampalataya?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 28]

Ang isang mabuting tagapayo ay nagpapakita ng empatiya, respeto, at kabaitan

[Mga larawan sa pahina 29]

Sina Elsa at Harald Abt