Natatandaan Mo Ba?
Natatandaan Mo Ba?
Nakinabang ka ba sa pagbabasa sa katatapos na mga isyu ng Ang Bantayan? Tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong:
• Paano ‘ililigtas ni Jesus ang dukha,’ gaya ng inihula sa Awit 72:12?
Sa kaniyang paghahari, mabibigyan ng katarungan ang lahat, at wala nang katiwalian. Ang digmaan ay karaniwan nang nagdudulot ng kahirapan, ngunit paiiralin ni Kristo ang sakdal na kapayapaan. May empatiya siya sa mga tao at pagkakaisahin niya ang lahat, at titiyakin niyang may sapat na pagkain para sa sangkatauhan. (Awit 72:4-16)—5/1, pahina 7.
• Bilang mga Kristiyano, paano natin maipakikita ang ating “kalayaan sa pagsasalita”? (1 Timoteo 3:13; Filemon 8; Hebreo 4:16)
Magagawa natin ito sa pamamagitan ng masigasig na pangangaral sa iba nang may katapangan, pagtuturo at pagpapayo sa tamang panahon at sa mabisang paraan, at pagbubuhos ng nilalaman ng ating puso sa Diyos sa panalangin, na nagtitiwalang siya ay makikinig at tutugon.—5/15, pahina 14-16.
• Sa ilalim ng Kautusan, bakit may ilang likas na bagay hinggil sa pagtatalik na itinuturing na ‘nagpaparumi’ sa isang tao?
Ang mga kautusan may kinalaman sa karumihan dahil sa paglabas ng semilya, pagreregla, at panganganak ay nagtaguyod ng mabuting kaugalian sa kalinisan at malusog na pamumuhay, nagdiin sa kabanalan ng dugo, at nagpakita sa pangangailangang magbayad-sala sa mga kasalanan.—6/1, pahina 31.
• Kung nais ng isang tao na maging maligaya, bakit magiging kapaki-pakinabang na isaalang-alang niya ang aklat ng Mga Awit?
Alam ng mga kumatha ng Mga Awit na ang kaligayahan ay nagmumula sa pagkakaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos. (Awit 112:1) Binigyang-diin nila na walang ugnayang pantao, walang materyal na pag-aari, at walang personal na tagumpay ang makapapantay sa kaligayahang dulot ng pagiging bahagi ng “bayan na ang Diyos ay si Jehova.” (Awit 144:15)—6/15, pahina 12.
• Ano ang pantanging pakikipag-ugnayan ng sinaunang mga Israelita kay Jehova?
Noong 1513 B.C.E., gumawa si Jehova ng isang bagong pakikipag-ugnayan sa mga Israelita, isang pakikipagtipan. (Exodo 19:5, 6; 24:7) Pagkatapos nito, ang mga Israelita ay isinilang bilang miyembro ng piniling bansa ng Diyos na nakaalay sa kaniya. Subalit kailangan pa ring personal na magpasiya ang bawat Israelita kung maglilingkod sila sa Diyos o hindi.—7/1, pahina 21-2.
• Bakit dapat nating gawin ang lahat ng bagay “nang walang mga bulung-bulungan”? (Filipos 2:14)
Ipinakikita ng maraming halimbawa sa Kasulatan na ang pagbubulung-bulungan ay nagdulot ng pinsala sa bayan ng Diyos. Makabubuting seryosong pag-isipan ang nakapipinsalang impluwensiya nito sa ngayon. Ang di-sakdal na mga tao ay may tendensiyang magreklamo, at kailangan nating maging alisto upang makita kaagad ang anumang palatandaan nito at iwasan ito.—7/15, pahina 16-17.
• Paano natin nasabi na ang karunungang inilarawan sa Kawikaan 8:22-31 ay hindi tumutukoy sa konsepto ng karunungan?
Ang karunungang iyon ay “ginawa,” o nilalang, bilang pasimula ng lakad ni Jehova. Mula’t sapol ay umiiral at marunong na ang Diyos; hindi nilalang ang karunungan niya. Ang karunungang binanggit sa Kawikaan 8:22-31 ay nasa piling ng Diyos bilang “isang dalubhasang manggagawa,” na tumutukoy sa espiritung nilalang na naging si Jesus na siyang nakipagtulungang mabuti sa Diyos sa paglalang. (Colosas 1:17; Apocalipsis 3:14)—8/1, pahina 31.