Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakikinabang sa Katapatan ng Aking mga Mahal sa Buhay

Nakikinabang sa Katapatan ng Aking mga Mahal sa Buhay

Nakikinabang sa Katapatan ng Aking mga Mahal sa Buhay

AYON SA SALAYSAY NI KATHLEEN COOKE

NOONG 1911, samantalang dumadalaw ang aking lolang si Mary Ellen Thompson sa kaniyang mga kamag-anak sa Glasgow, Scotland, dumalo siya sa isang pahayag ni Charles Taze Russell, isang prominenteng miyembro ng mga Estudyante ng Bibliya, na bandang huli ay nakilala bilang mga Saksi ni Jehova. Talagang nagustuhan ni Lola ang mga napakinggan niya. Nang bumalik siya sa Timog Aprika, nakipag-ugnayan siya sa mga Estudyante ng Bibliya roon. Noong Abril 1914, isa siya sa 16 na nabautismuhan sa kauna-unahang kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya na ginanap sa Timog Aprika. Anim na taóng gulang noon ang anak ni Lola na si Edith, ang aking nanay.

Pagkamatay ni Brother Russell noong 1916, nagkaroon ng di-pagkakasundo sa pagitan ng mga Estudyante ng Bibliya sa buong daigdig. Ang dating 60 tapat sa Durban ay naging 12 na lamang. Ang lola ko sa tatay, si Ingeborg Myrdal, at ang kaniyang anak na si Henry, isang tin-edyer na kababautismo pa lamang noon ay sumuporta sa mga tapat. Noong 1924, pumasok si Henry bilang colporteur, ang tawag noon sa buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Nangaral siya sa maraming lugar sa timugang Aprika nang sumunod na limang taon. Noong 1930, ikinasal sina Henry at Edith, at ipinanganak ako makalipas ang tatlong taon.

Paninirahang Kasama Nina Lolo at Lola

Nanirahan kami sandali sa Mozambique, subalit noong 1939 ay nakipisan kami kina Lolo at Lola Thompson, mga magulang ng nanay ko, sa Johannesburg. Hindi interesado si Lolo sa katotohanan sa Bibliya at kung minsan ay sinasalansang niya si Lola, pero sa kabila nito ay napakamapagpatuloy niya. Ipinanganak ang aking kapatid na si Thelma noong 1940, at pareho kaming natutong mag-asikaso sa mga pangangailangan ng matatanda. Madalas na napakatagal naming kumain ng hapunan dahil sa kuwentuhan ng mga nangyari sa maghapon o kaya naman ay tungkol sa mga nakaraan.

Nasisiyahan ang aming pamilya na makasama ang dumadalaw na mga Saksi, lalung-lalo na ang mga nasa buong-panahong ministeryo. Nagkukuwentuhan kami sa panahon ng hapunan, at nakatulong ang mga kuwento nila para lalo pa naming pahalagahan ang aming espirituwal na pamana. Ito ang nagpatibay sa pagnanais namin ni Thelma na magpayunir tulad nila.

Sa murang edad, tinuruan na kaming masiyahan sa pagbabasa. Naghahalinhinan sina Nanay, Tatay, at Lola sa pagbabasa sa amin ng mga kuwento mula sa maiinam na aklat o mula sa Bibliya mismo. Napakahalagang bahagi ng buhay namin ang Kristiyanong mga pagpupulong at ang ministeryo. Si Tatay ang company servant (tinatawag ngayong punong tagapangasiwa) sa Kongregasyon ng Johannesburg, kaya kailangang maaga kami sa mga pulong. Kapag may kombensiyon kami, abalang-abala si Tatay sa pagtulong sa pangangasiwa sa kombensiyon, samantalang si Nanay naman ay tumutulong sa mga delegado sa paghahanap ng matutuluyan.

Isang Espesyal na Kombensiyon Para sa Amin

Espesyal ang kombensiyong ginanap sa Johannesburg noong 1948. Sa kauna-unahang pagkakataon, naroroon ang mga miyembro ng punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova na nasa Brooklyn, New York. Si Tatay ang inatasang magmaneho para kina Nathan Knorr at Milton Henschel habang naroroon sila. Sa kombensiyong iyon ako nabautismuhan.

Hindi nagtagal pagkatapos nito, laking gulat ni Tatay nang sabihin sa kaniya ng kaniyang ama na labis siyang nagsisisi na nagpaimpluwensiya siya sa mga tumalikod sa mga Estudyante ng Bibliya nang mamatay si Brother Russell. Namatay siya makalipas ang ilang buwan. Si Lola Myrdal naman ay nanatiling tapat hanggang sa matapos niya ang kaniyang makalupang landasin noong 1955.

Mga Pangyayaring Bumago sa Aking Buhay

Nagsimula akong maglingkod bilang regular pioneer noong Pebrero 1, 1949. Di-nagtagal, nanabik kami nang ianunsiyo na isang internasyonal na kombensiyon ang gaganapin sa New York City sa susunod na taon. Gusto naming pumunta, pero hindi namin kaya ang gastusin. Pagkatapos, noong Pebrero 1950, namatay si Lolo Thompson, at ginamit ni Lola ang perang minana niya para ipamasahe naming lima.

Ilang linggo bago kami umalis, nakatanggap ako ng liham mula sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Paanyaya ito sa akin na dumalo sa ika-16 na klase ng paaralang Gilead para sa mga misyonero. Talaga namang kapana-panabik ito, sapagkat wala pa akong 17 anyos noon! Nang magsimula ang klase, sampu kaming taga-Timog Aprika na nagkaroon ng malaking pribilehiyo na mapabilang sa mga estudyante ng Paaralang Gilead.

Pagkatapos ng gradwasyon namin noong Pebrero 1951, walo kaming bumalik sa Timog Aprika upang maglingkod bilang mga misyonero. Sa sumunod na ilang taon, kami ng aking kapareha ay nangaral pangunahin na sa maliliit na bayan na nagsasalita ng wikang Afrikaans. Sa simula, hindi ako gaanong magaling magsalita sa wikang iyon, at naaalaala ko pa nang minsang umuwi akong nakabisikleta at umiiyak dahil pakiramdam ko’y hindi ako naging epektibo sa ministeryo. Gayunman, sumulong ako nang maglaon, at pinagpala ni Jehova ang aking mga pagsisikap.

Pag-aasawa at Gawaing Paglalakbay

Noong 1955, nakilala ko si John Cooke. Tumulong siya sa pagpapasimula ng gawaing pangangaral sa Pransiya, Portugal, at Espanya bago at pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II at naging misyonero sa Aprika nang taóng makilala ko siya. Pagkatapos ay sumulat siya: “Nakatanggap ako ng tatlong sorpresa sa loob ng isang linggo . . . Binigyan ako ng maliit na sasakyan ng isang bukas-palad na brother; inatasan ako bilang district servant; at may nagpatibok ng puso ko.” * Ikinasal kami noong Disyembre 1957.

Noong nililigawan niya ako, tiniyak sa akin ni John na hinding-hindi ako mababagot sa piling niya, at tama naman siya. Dinalaw namin ang mga kongregasyon sa buong Timog Aprika, karamihan ay sa lugar ng mga itim. Linggu-linggo kaming napapaharap sa mga hamon ng pagkuha ng permiso para lamang makapasok sa gayong mga lugar, at nagpapalipas pa nga kami ng gabi sa lugar na iyon. May mga pagkakataong natutulog kami sa sahig ng isang bakanteng tindahan na malapit sa lugar ng mga puti, kung saan sinisikap naming hindi mapansin ng mga dumaraan. Kadalasan ay kailangan naming tumuloy sa pinakamalapit na mga Saksing puti, na madalas namang nakatira maraming kilometro ang layo.

Naging hamon din sa amin ang paggamit ng simpleng mga pasilidad ng asamblea na nasa gitna mismo ng kaparangan. Nagpapalabas kami ng mga pelikulang ginawa ng mga Saksi ni Jehova na tumulong sa mga tao na pahalagahan ang ating pambuong-daigdig na kapatiran. May dala-dala kaming sariling generator, yamang karaniwan nang walang kuryente sa gayong mga lugar. Kailangan din naming harapin ang mahirap na kalagayan sa ilalim ng kontrol ng Britanya kung saan ipinagbabawal noon ang aming literatura. Naririyan din ang hamon na matutuhan ang wikang Zulu. Gayunman, masaya kami dahil nakapaglilingkod kami sa aming mga kapatid.

Noong Agosto 1961, si John ang naging unang instruktor ng apat-na-linggong kurso ng Kingdom Ministry School sa Timog Aprika, na dinisenyo para tulungan ang mga tagapangasiwa ng kongregasyon. Magaling siyang magturo at naaabot niya ang puso sa pamamagitan ng kaniyang simpleng lohika at malinaw na mga ilustrasyon. Sa loob ng halos isang taon at kalahati, palagi kaming nagbibiyahe para sa sunud-sunod na mga klase na gumagamit ng wikang Ingles. Samantalang nagtuturo si John, nakikibahagi naman ako sa ministeryo sa larangan kasama ng mga Saksi sa lugar na iyon. Pagkatapos, laking gulat namin nang makatanggap kami ng sulat na nag-aanyaya sa amin na maglingkod sa tanggapang pansangay ng Timog Aprika malapit sa Johannesburg simula Hulyo 1, 1964.

Subalit nang panahong iyon, nagkakasakit na si John at hindi namin malaman kung anong dahilan. Noong 1948, nagkasakit siya ng tuberkulosis at pagkatapos nito, madalas na siyang manghina. Para siyang matatrangkaso at mararatay siya nang mga ilang araw​—hindi siya makagawa ng anumang bagay o makadalaw sa mga tao. Bago pa kami ipatawag sa sangay, nakapagpakonsulta na si John sa doktor at ayon sa diyagnosis ay depresyon ang sakit niya.

Hindi namin maubos-maisip na babaguhin namin ang takbo ng aming buhay, gaya ng payo ng doktor. Sa sangay, inatasan si John sa Service Department, at ako naman ay sa proofreading. At isang pagpapala para sa amin na magkaroon ng sariling kuwarto! Bago pa kami ikasal ay nakapaglingkod na si John sa teritoryong nagsasalita ng Portuges, kaya noong 1967, hinilingan kaming tulungan ang kaisa-isang pamilyang Saksing Portuges na tagaroon para mangaral sa malaking komunidad ng mga Portuges sa loob at labas ng Johannesburg. Nangangahulugan ito na dapat kong pag-aralan ang isa pang wika.

Yamang kalat-kalat sa malawak na lugar ang komunidad ng mga Portuges, palagi kaming nagbibiyahe​—kung minsan ay hanggang 300 kilometro para maabot ang mga karapat-dapat. Mula nang panahong iyon, tuwing asamblea, dinadalaw na kami ng mga Saksing nagsasalita ng Portuges na galing sa Mozambique, na malaking tulong naman sa mga baguhan. Sa loob ng 11 taóng pangangaral namin sa mga Portuges, nakita naming ang aming dating maliit na grupo na binubuo ng mga 30 miyembro ay naging apat na kongregasyon.

Mga Pagbabago sa Tahanan

Samantala, nagkaroon ng pagbabago sa tahanan ng mga magulang ko. Noong 1960, pinakasalan ng kapatid kong si Thelma si John Urban, isang payunir mula sa Estados Unidos. Noong 1965, nag-aral sila sa ika-40 klase ng Gilead at matapat silang naglingkod bilang mga misyonero sa Brazil sa loob ng 25 taon. Noong 1990, nagbalik sila sa Ohio para alagaan ang may-sakit nang mga magulang ni John. Sa kabila ng kaigtingan ng pangangalaga, nakapanatili sila sa buong-panahong ministeryo hanggang sa araw na ito.

Natapos ni Lola Thompson ang kaniyang makalupang landasin noong 1965, anupat nanatiling tapat sa Diyos sa edad na 98. Nagretiro si Tatay sa kaniyang sekular na trabaho nang taon ding iyon. Kaya nang kami ni John ay anyayahang tumulong sa pangangaral sa mga Portuges, nagboluntaryo sina Tatay at Nanay na samahan kami. Malaking pampatibay sila sa grupo ng mga Portuges, at makalipas ang ilang buwan, naitatag ang unang kongregasyon. Di-nagtagal pagkatapos nito, unti-unting naramdaman ni Nanay ang epekto ng kanser na ikinamatay niya noong 1971. Namatay naman si Tatay makalipas ang pitong taon.

Pagharap sa Sakit ni John

Pagsapit ng dekada ng 1970, hindi pa rin bumubuti ang kalusugan ni John. Unti-unti, kailangan niyang bitiwan ang ilan sa kaniyang minamahal na mga pribilehiyo sa sangay, pati na ang pangangasiwa sa aming lingguhang pampamilyang Pag-aaral sa Bantayan at pagtalakay ng teksto sa Bibliya sa umaga. Binago ang kaniyang trabaho. Mula sa Service Department ay inilipat siya sa Mail Room at pagkatapos ay sa pag-aasikaso sa hardin.

Dahil sa sigasig ni John, nahirapan siyang magbago. Kapag palagi ko siyang sinasabihan na maghinay-hinay, pabiro niyang sasabihin sa akin na para akong kadenang nakakabit sa kaniya​—na kadalasan naman ay may kasamang maibiging yakap. Bandang huli ay napagtanto namin na mas makabubuti kung iwan namin ang larangang Portuges at maglingkod kami sa kongregasyong nagpupulong sa Kingdom Hall na nasa sangay.

Habang lumalala ang sakit ni John, nakababagbag-damdaming makita ang kaniyang matalik na kaugnayan kay Jehova. Kapag nagigising si John sa hatinggabi dahil sa matinding depresyon, nagkukuwentuhan kami hanggang sa maging kalmado na siya upang makapanalangin kay Jehova para sa tulong. Sa dakong huli, nakayanan na niyang paglabanang mag-isa ang mahirap na mga sandaling iyon​—pilit niyang uulit-ulitin nang marahan ang Filipos 4:6, 7: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay . . .” Pagkatapos ay magiging kalmado na siya para makapanalangin. Madalas na gising ako at tahimik kong pinanonood ang kaniyang mga labi na gumagalaw habang paulit-ulit at taimtim siyang nagsusumamo kay Jehova.

Yamang napakasikip na para sa amin ng mga pasilidad ng sangay, sinimulan ang pagtatayo ng bagong malaking sangay sa labas ng Johannesburg. Palagi kaming pumapasyal ni John sa tahimik na lugar na iyon, malayo sa ingay at polusyon ng lunsod. Malaking tulong kay John nang payagan kaming lumipat sa pansamantalang mga tuluyan doon hanggang sa matapos ang bagong sangay.

Bagong mga Hamon

Habang lalong humihina ang kakayahan ni John sa pag-iisip at pangangatuwiran, lalo siyang nahirapang gawin ang kaniyang trabaho. Labis akong naantig sa pagsuporta ng iba kay John sa kaniyang mga pagsisikap. Halimbawa, kapag pumupunta sa pampublikong aklatan ang isang brother para magsaliksik, isinasama niya si John. Punô ng mga tract at magasin ang bulsa ni John para sa pamamasyal na iyon. Nakatulong ito kay John na mapanatili ang damdaming mayroon siyang nagagawa at halaga.

Sa dakong huli, hindi na talaga makabasa si John dahil sa Alzheimer’s disease. Laking pasasalamat namin at mayroong mga audiotape ng mga literatura sa Bibliya at mga awiting pang-Kaharian. Paulit-ulit naming pinakikinggan ang mga ito. Palaging balisa si John kung hindi niya ako katabing nakikinig, kaya paggagantsilyo ang pinagkaabalahan ko sa mga oras na iyon. Dahil dito, napakarami naming pangginaw at kumot!

Nang maglaon, mas maraming panahon ang kailangan kong gugulin para alagaan si John. Kahit na kadalasan ay pagod na pagod na ako para magbasa o mag-aral, pribilehiyo kong alagaan siya hanggang wakas. Ang wakas na iyon ay sumapit noong 1998 nang tahimik na mamatay si John sa aking mga bisig, noong siya’y 85 anyos. Hindi nagmaliw ang kaniyang katapatan hanggang sa wakas. Sabik na sabik akong makita siya sa pagkabuhay-muli, kung kailan mabuti na ang kaniyang kalusugan at pag-iisip!

Naginhawahan

Pagkamatay ni John, hindi naging madali para sa akin na mamuhay nang mag-isa. Kaya noong Mayo 1999, dinalaw ko ang aking kapatid na si Thelma at ang kaniyang asawa sa Estados Unidos. Talagang kasiya-siya at nakagiginhawang makita ang maraming tapat at mahal na mga kaibigan, lalo na noong dumalaw kami sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa New York! Iyon talaga ang kailangan kong pampatibay sa espirituwal noon.

Ang paggunita sa mga karanasan ng tapat kong mga mahal sa buhay ay nagpapaalaala ng napakaraming bagay na naging kapaki-pakinabang sa akin. Dahil sa kanilang pagtuturo, halimbawa, at tulong, natuto akong palawakin ang aking pag-ibig sa mga tao na iba ang nasyonalidad at lahi. Natuto akong magmatiyaga, magtiis, at makibagay. Higit sa lahat, naranasan ko ang kabutihan ni Jehova, ang Dumirinig ng panalangin. Masasabi ko rin ang isinulat ng salmista: “Maligaya siya na iyong pinipili at pinalalapit, upang tumahan siya sa iyong mga looban. Kami ay tunay na masisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay.”​—Awit 65:4.

[Talababa]

^ par. 18 Tingnan ang The Watchtower ng Agosto 1, 1959, pahina 468-72.

[Larawan sa pahina 8]

Si Lola kasama ang kaniyang mga anak

[Larawan sa pahina 9]

Kasama ang aking mga magulang nang mabautismuhan ako noong 1948

[Larawan sa pahina 10]

Kasama si Albert Schroeder, ang rehistrador ng Gilead, at ang siyam na iba pang mga estudyante mula sa Timog Aprika

[Larawan sa pahina 10]

Kasama si John noong 1984