“Tinipon Nila ang Sanedrin”
“Tinipon Nila ang Sanedrin”
HINDI magkamayaw ang mataas na saserdote at ang mga tagapamahalang Judio. Ano kaya ang gagawin nila para mapatigil ang pagkakaingay hinggil kay Jesu-Kristo? Nagtagumpay sila na ipapatay siya, pero dahil sa mga alagad ni Jesus, nagiging usap-usapan na sa Jerusalem ang hinggil sa kaniyang pagkabuhay-muli. Paano kaya sila mapatatahimik? Upang makapagpasiya, ‘tinipon ng mataas na saserdote at ng kaniyang mga katulong ang Sanedrin,’ ang korte suprema ng mga Judio.—Gawa 5:21.
Noong unang siglo, ang Romanong gobernador na si Poncio Pilato ang may pinakamataas na awtoridad sa Israel. Pero paano nakikipag-ugnayan ang Sanedrin kay Pilato? Anu-ano ang kanilang hurisdiksiyon? Sinu-sino ang bumubuo sa Sanedrin? At paano ito kumikilos?
Kung Paano Nabuo ang Sanedrin
Ang salitang Griego na isinaling “Sanedrin” ay literal na nangangahulugang “pag-upong magkakasama.” Ito ay isang pangkalahatang termino para sa isang pagtitipon o pagpupulong. Sa tradisyong Judio, karaniwan nang tumutukoy ito sa isang relihiyoso at hudisyal na kalipunan, o hukuman.
Ayon sa mga manunulat ng Talmud, na tinipon mga ilang siglo matapos ang pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E., matagal nang umiiral ang Sanedrin bilang isang lupon. Sinasabi nila na noon pa ma’y binubuo na ito ng mga iskolar na nagtitipon upang pagdebatihan ang mga punto sa kautusang Judio at na umiral ito mula pa noong panahong tipunin ni Moises ang 70 matatandang lalaki upang tulungan siya sa pangunguna sa Israel. Bilang 11:16, 17) Tinututulan ng mga istoryador ang ideyang ito. Sinasabi nila na umiral lamang ang isang lupon na katulad ng unang-siglong Sanedrin nang sakupin ng mga Persiano ang Israel. Sinasabi rin ng mga istoryador na ang intelektuwal na akademya ng mga Talmudista ay waring katulad ng mga rabinikong kapulungan noong ikalawa at ikatlong siglo at hindi ng Sanedrin. Kung gayon, kailan umiral ang Sanedrin?
(Isinisiwalat ng Bibliya na ang mga tapon sa Babilonya na bumalik sa Juda noong 537 B.C.E. ay may pambansang sistema ng pamamahala. Binanggit nina Nehemias at Ezra ang mga prinsipe, matatandang lalaki, mga taong mahal, at mga kinatawang tagapamahala—marahil ang pasimula ng mabubuong Sanedrin.—Ezra 10:8; Nehemias 5:7.
Ang yugto mula nang matapos ang Hebreong Kasulatan hanggang sa mabuo ang Ebanghelyo ni Mateo ay isang maligalig na panahon para sa mga Judio. Noong 332 B.C.E., sinakop ni Alejandrong Dakila ang Judea. Pagkamatay ni Alejandro, napasailalim ang Judea sa dalawang Griegong kaharian na nasa kapangyarihan niya—una ang mga Ptolemy, pagkatapos ang mga Seleucido. Makikita natin sa mga rekord hinggil sa pananakop ng mga Seleucido, na nagsimula noong 198 B.C.E., ang unang pagtukoy sa isang senado ng mga Judio. Malamang na limitado ang awtoridad ng kalipunang ito, pero nagbigay ito sa mga Judio ng impresyon na mayroon silang kasarinlan.
Noong 167 B.C.E., sinikap ng hari ng mga Seleucido na si Antiochus IV (Epiphanes) na ipatupad ang kulturang Griego sa mga Judio. Nilapastangan niya ang templo ng Jerusalem sa pamamagitan ng paghahain sa altar nito ng isang baboy para kay Zeus. Dahil dito, naghimagsik ang mga Macabeo at nakalaya sila sa pamamahalang Seleucido at itinatag ang dinastiyang Hasmoneano. * Kasabay nito, nagkaroon ng kapangyarihan sa pamamahala ng estado ang mga eskriba at Pariseo—mga lider ng masa na sumuporta sa paghihimagsik—kaya humina ang impluwensiya ng uring saserdote.
Nabubuo na noon ang Sanedrin gaya ng inilarawan sa Griegong Kasulatan. Ito ay magiging isang lupon na mangangasiwa sa bansa at magsisilbing pinakamataas na hukuman para sa pagbibigay-kahulugan sa kautusang Judio.
Pagbalanse sa Kapangyarihan
Pagsapit ng unang siglo, nasakop na ng Roma ang Judea. Subalit may kalayaan pa rin naman ang mga Judio. Patakaran ng Roma na pahintulutan ang mga bansang nasasakupan nito na pumili ng kanilang sariling paraan ng pamamahala. Kaya naman, hindi nakikialam ang mga opisyal ng Roma sa ginagawa ng mga lokal na hukuman, at iniiwasan nila ang mga problemang maaaring bumangon dahil sa pagkakaiba ng kultura. Ang layunin nito ay upang itaguyod ang kapayapaan at katapatan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa kanila na sundin ang kani-kanilang kaugalian at pangunahin na upang pamahalaan ang kanilang sarili. Bukod sa paghirang at pag-aalis sa mataas na saserdote—na siyang pinakapinuno ng Sanedrin—at pagpapataw ng mga buwis, nakikialam lamang ang mga Romano sa gawain ng mga Judio kapag naaapektuhan na ang kanila mismong pamamahala at ang kapakanan ng Roma. Gaya ng ipinakita sa paglilitis kay Jesus, waring naingatan ng Roma ang kapangyarihan nitong magpataw ng parusang kamatayan.—Juan 18:31.
Juan 7:32) Nalilitis ng mas mabababang hukuman ang maliliit na krimen at mga kasong sibil nang hindi nakikialam ang mga Romano. Kapag hindi makapagdesisyon sa isang kaso ang mabababang hukuman, ipinapasa ito sa Sanedrin, na ang mga kapasiyahan ay itinuturing na di-mababago.
Kaya ang Sanedrin ang namamahala sa karamihan sa mga gawain ng mga Judio. May mga opisyal ito na umaaresto sa sinumang nais hulihin ng hukuman. (Upang maingatan ang kapangyarihan nito, dapat mapanatili ng Sanedrin ang kapayapaan at suportahan ang pamamahala ng Roma. Pero kapag nagsuspetsa ang mga Romano na may pulitikal na mga paglabag, namamagitan sila at gumagawa ng kung ano ang iniisip nilang nararapat. Ang isang halimbawa nito ay ang pag-aresto kay apostol Pablo.—Gawa 21:31-40.
Mga Miyembro ng Hukuman
Ang Sanedrin ay may 71 miyembro—ang mataas na saserdote at ang 70 sa mga prominenteng lalaki ng bansa. Noong panahon ng Roma, binubuo ito ng mga maharlikang saserdote (pangunahin na ng mga Saduceo), aristokrata, at iskolar na eskriba ng mga Pariseo. Kontrolado ng mga aristokratang saserdote, na sinusuportahan ng kilaláng mga mamamayan, ang hukuman. * Ang mga Saduceo ay konserbatibo, samantalang ang mga Pariseo naman ay liberal at pangunahin nang binubuo ng karaniwang mga mamamayan na may malaking impluwensiya sa mga tao. Ayon sa istoryador na si Josephus, bantulot na sundin ng mga Saduceo ang mga kahilingan ng mga Pariseo. Sinamantala ni Pablo ang alitan at pagkakaiba sa paniniwala ng dalawang grupong ito nang ipagtanggol niya ang kaniyang sarili sa harap ng Sanedrin.—Gawa 23:6-9.
Dahil sa binubuo ng mga aristokrata ang Sanedrin, malamang na permanente ang mga miyembro nito at ang kasalukuyang mga miyembro ang humihirang ng kapalit kapag may mga miyembrong natanggal o namatay. Ayon sa Mishnah, ang mga bagong miyembro ay dapat na “mga saserdote, Levita, at Israelita na ang mga anak na babae ay pinahihintulutang mag-asawa ng mga saserdote,” iyon ay, mga Judio na makapagpapatunay sa kanilang pinagmulang angkan sa pamamagitan ng mga rekord ng talaangkanan. Yamang pinangangasiwaan ng mataas na hukuman ang sistema ng mga korte sa buong bansa, waring makatuwirang isipin na ang prominenteng mga lalaki sa mabababang hukuman ang binibigyan ng posisyon sa Sanedrin.
Hurisdiksiyon at Awtoridad
Lubhang iginagalang ng mga Judio ang Sanedrin, at obligado ang mga hukom sa mabababang hukuman na tanggapin ang mga desisyon nito dahil kung hindi, papatawan sila ng parusang kamatayan. Partikular nang inaasikaso ng hukuman ang mga kuwalipikasyon ng mga saserdote at ang mga bagay-bagay hinggil sa Jerusalem, sa templo nito, at sa pagsamba sa templo. Ang totoo, ang Judea lamang ang sakop ng hurisdiksiyong sibil ng Sanedrin. Pero dahil ang Sanedrin ang itinuturing na pinakamataas na awtoridad sa pagbibigay-kahulugan sa Kautusan, may impluwensiya ito sa mga komunidad ng mga Judio sa buong daigdig sa pagpapasiya kung ano ang tama at mali. Halimbawa, inutusan ng mataas na saserdote at ng kaniyang konsilyo ang mga lider ng mga sinagoga sa Damasco na makipagtulungan sa pag-aresto sa mga tagasunod ni Kristo. (Gawa 9:1, 2; 22:4, 5; 26:12) Sa katulad na paraan, ang mga kapahayagan ng Sanedrin ay malamang na ibinalita ng mga Judiong nagsiuwi mula sa mga kapistahan sa Jerusalem sa kani-kanilang lugar.
Ayon sa Mishnah, ang Sanedrin lamang ang may hurisdiksiyon hinggil sa mga pambansang usapin, sa pakikitungo sa mga hukom na sumasalungat sa mga pasiya nito, at sa paghatol sa mga bulaang propeta. Sina Jesus at Esteban ay humarap sa hukuman at pinaratangan bilang mga mamumusong, sina Pedro at Juan bilang mga tagapagbagsak ng bansa, at si Pablo bilang isa na lumalapastangan sa templo.—Marcos 14:64; Gawa 4:15-17; 6:11; 23:1; 24:6.
Paghatol kay Jesus at sa Kaniyang mga Alagad
Maliban sa mga Sabbath at banal na mga araw, nagpupulong ang Sanedrin araw-araw mula sa pang-umagang hain hanggang sa panggabing Mateo 26:57-59; Juan 11:47-53; 19:31.
handog. Sa araw lamang ginaganap ang mga paglilitis. Yamang ang sentensiyang kamatayan ay ibinababa lamang kinabukasan pagkatapos ng paglilitis, ang gayong mga kaso ay hindi nililitis sa gabi bago ng Sabbath o ng isang kapistahan. Mahigpit na pinaaalalahanan ang mga saksi hinggil sa kaselangan ng pagbububo ng dugo ng isang inosente. Kaya ilegal ang paglilitis at paghatol kay Jesus sa tahanan ni Caifas sa gabi bago ng isang kapistahan. Ang masahol pa rito, ang mga hukom mismo ang humanap ng mga bulaang saksi at humikayat kay Pilato na ipapatay si Jesus.—Ayon sa Talmud, sinisikap ng mga hukom sa mga kasong nagsasangkot ng parusang kamatayan na iligtas ang nasasakdal sa panahon ng mga paglilitis kung kailan maingat na sinusuri ang mga ebidensiya. Subalit hindi nilitis sa gayong paraan si Esteban, gaya ng ginawa kay Jesus na nauna sa kaniya. Dahil sa kaniyang pagtatanggol sa harap ng Sanedrin, pinagbabato siya ng mga mang-uumog. Kung hindi namagitan ang mga Romano, malamang na napatay si apostol Pablo sa gayunding mga kalagayan. Sa katunayan, nagsabuwatan ang mga hukom ng Sanedrin na patayin siya.—Gawa 6:12; 7:58; 23:6-15.
Sa paanuman, may ilang miyembro ng hukuman na nagtaguyod ng moral na mga simulain. Marahil ang tagapamahalang Judio na nakipag-usap kay Jesus ay miyembro ng Sanedrin. Bagaman naging hadlang sa lalaki ang kayamanan, malamang na may mabubuti siyang katangian, yamang inanyayahan siya ni Jesus na maging tagasunod Niya.—Mateo 19:16-22; Lucas 18:18, 22.
Ang pagkatakot sa maaaring isipin ng mga kapuwa hukom ang malamang na dahilan kung bakit dumalaw kay Jesus si Nicodemo, “isang tagapamahala ng mga Judio,” sa kadiliman ng gabi. Subalit ipinagtanggol ni Nicodemo si Jesus sa harap ng Sanedrin sa pamamagitan ng pagtatanong: “Hindi hinahatulan ng ating kautusan ang isang tao malibang marinig muna sa kaniya at malaman kung ano ang kaniyang ginagawa, hindi ba?” Nang maglaon, naglaan si Nicodemo ng “isang rolyo ng mira at mga aloe” upang ihanda ang katawan ni Jesus sa paglilibing.—Juan 3:1, 2; 7:51, 52; 19:39.
Ang katawan ni Jesus ay lakas-loob na hiningi kay Pilato ni Jose ng Arimatea, isa pang miyembro ng Sanedrin, at inilibing ito sa kaniya mismong bagong libingan. Si Jose ay “naghihintay sa kaharian ng Diyos,” pero dahil sa pagkatakot sa mga Judio, hindi siya nagpakilala bilang isa sa mga alagad ni Jesus. Gayunman, kapuri-puri si Jose dahil hindi siya bumoto kaayon ng pakana ng Sanedrin na patayin si Jesus.—Marcos 15:43-46; Mateo 27:57-60; Lucas 23:50-53; Juan 19:38.
May-karunungang pinayuhan ng isang miyembro ng Sanedrin na si Gamaliel ang kaniyang mga kapuwa hukom na pabayaan na lamang ang mga alagad ni Jesus. “Sa halip,” ang sabi niya, “baka masumpungan pa kayong lumalaban mismo sa Diyos.” (Gawa 5:34-39) Ano ang pumigil sa mataas na hukuman na kilalanin na sinusuportahan ng Diyos si Jesus at ang kaniyang mga alagad? Sa halip na kilalanin ang mga himala ni Jesus, nangatuwiran ang Sanedrin: “Ano ang ating gagawin, sapagkat ang taong ito ay gumagawa ng maraming tanda? Kung pababayaan natin siya nang ganito, silang lahat ay mananampalataya sa kaniya, at darating ang mga Romano at kukunin kapuwa ang ating dako at ang ating bansa.” (Juan 11:47, 48) Ang pagiging hayok sa kapangyarihan ang pumilipit sa katarungan ng mataas na hukuman ng mga Judio. Sa katulad na paraan, sa halip na magsaya nang pagalingin ng mga alagad ni Jesus ang mga tao, “napuno ng paninibugho” ang relihiyosong mga lider. (Gawa 5:17) Bilang mga hukom, dapat sana’y makatarungan sila at may takot sa Diyos, pero tiwali at di-tapat ang karamihan sa kanila.—Exodo 18:21; Deuteronomio 16:18-20.
Paghatol ng Diyos
Dahil sa pagsuway ng Israel sa Kautusan ng Diyos at pagtatakwil sa Mesiyas, sa wakas ay itinakwil ni Jehova ang bansa bilang kaniyang piniling bayan. Noong 70 C.E., winasak ng mga Romano ang lunsod ng Jerusalem at ang templo nito at winakasan ang buong Judiong sistema ng mga bagay at nang bandang huli, ang Sanedrin mismo.
Ang hinirang ni Jehova na Hukom, si Jesu-Kristo, ang magpapasiya kung may mga miyembro ng unang-siglong Sanedrin ang nararapat buhaying muli at kung sino sa mga ito ang nagkasala laban sa banal na espiritu. (Marcos 3:29; Juan 5:22) Makatitiyak tayo na magpapasiya si Jesus sa mga bagay na ito taglay ang sakdal na katarungan.—Isaias 11:3-5.
[Mga talababa]
^ par. 9 Tungkol sa mga Macabeo at mga Hasmoneano, tingnan Ang Bantayan, Nobyembre 15, 1998, pahina 21-4, at Hunyo 15, 2001, pahina 27-30.
^ par. 16 Kapag binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa “mga punong saserdote,” tinutukoy nito ang mga nanunungkulan noon at ang dating mataas na mga saserdote at mga miyembro ng mga pamilyang iyon na kuwalipikadong maupo sa matataas na posisyon ng pagkasaserdote sa hinaharap.—Mateo 21:23.