Patunayan ang Iyong Pananampalataya sa Pamamagitan ng Iyong Paraan ng Pamumuhay
Patunayan ang Iyong Pananampalataya sa Pamamagitan ng Iyong Paraan ng Pamumuhay
“Ang pananampalataya, kung wala itong mga gawa, ay patay sa ganang sarili.”—SANTIAGO 2:17.
1. Bakit binigyang-pansin ng unang mga Kristiyano kapuwa ang kanilang pananampalataya at ang kanilang mga gawa?
SA PANGKALAHATAN, pinatunayan ng unang mga Kristiyano ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng kanila mismong paraan ng pamumuhay. Hinimok ng alagad na si Santiago ang lahat ng Kristiyano: “Maging mga tagatupad kayo ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang.” Idinagdag pa niya: “Kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, gayundin ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.” (Santiago 1:22; 2:26) Mga 35 taon matapos niyang isulat iyan, maraming Kristiyano ang patuloy na nagpatunay ng kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng angkop na mga gawa. Subalit nakalulungkot, may ilan na hindi gayon ang ginawa. Pinapurihan ni Jesus ang kongregasyon sa Smirna; subalit sinabi niya sa marami sa kongregasyon sa Sardis: “Alam ko ang iyong mga gawa, na taglay mo ang pangalan na ikaw ay buháy, ngunit ikaw ay patay.”—Apocalipsis 2:8-11; 3:1.
2. Ano ang dapat itanong ng mga Kristiyano sa kanilang sarili hinggil sa kanilang pananampalataya?
2 Alinsunod dito, pinasigla ni Jesus ang mga nasa Sardis—at pati na ang lahat ng makababasa ng kaniyang salita—na patunayan ang kanilang unang pag-ibig sa katotohanang Kristiyano at maging gising sa espirituwal. (Apocalipsis 3:2, 3) Maaaring itanong ng bawat isa sa atin: ‘Kumusta ang aking mga gawa? Ipinakikita ba ng lahat ng ginagawa ko, maging sa mga bagay na hindi naman tuwirang nauugnay sa gawaing pangangaral o sa mga pagpupulong ng kongregasyon, na ginagawa ko ang aking buong makakaya upang patunayan ang aking pananampalataya?’ (Lucas 16:10) Maraming aspekto ng buhay ang maaaring isaalang-alang, subalit isa lamang ang talakayin natin: ang mga salu-salo, kasama na yaong kadalasang ginaganap pagkatapos ng mga kasalang Kristiyano.
Maliit na mga Salu-salo
3. Ano ang pangmalas ng Bibliya sa mga pagsasalu-salo?
3 Natutuwa ang karamihan sa atin na maanyayahan 1 Timoteo 1:11) Kinasihan niya si Solomon na isama sa Bibliya ang katotohanang ito: “Pinapurihan ko ang kasayahan, sapagkat wala nang mas mabuti sa mga tao sa ilalim ng araw kundi ang kumain at uminom at magsaya, at na iyon ay mapasakanila sa kanilang pagpapagal sa mga araw ng kanilang buhay.” (Eclesiastes 3:1, 4, 13; 8:15) Maaaring magkaroon ng gayong kasayahan sa pagsasalu-salo ng pamilya o sa iba pang maliit na pagtitipon ng tunay na mga mananamba.—Job 1:4, 5, 18; Lucas 10:38-42; 14:12-14.
sa pagtitipon ng maliligayang Kristiyano. Si Jehova ang “maligayang Diyos,” at nais niya na maging maligaya ang kaniyang mga lingkod. (4. Ano ang dapat isaalang-alang ng isa na nagsasaayos ng salu-salo?
4 Kung nagsasaayos ka ng gayong salu-salo at ikaw ang may pananagutan dito, dapat mo itong pagplanuhang mabuti, kahit na ilang kapananampalataya lamang ang aanyayahan mo para kumain at magkuwentuhan. (Roma 12:13) Nais mong makita na “maganap ang lahat ng bagay nang disente,” anupat pinapatnubayan ng “karunungan mula sa itaas.” (1 Corinto 14:40; Santiago 3:17) Sumulat si apostol Pablo: “Kayo man ay kumakain o umiinom o gumagawa ng anupaman, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos. Iwasan ninyo ang maging mga sanhi ng ikatitisod.” (1 Corinto 10:31, 32) Anu-ano ang ilang aspekto na nangangailangan ng pantanging atensiyon? Ang patiunang pagsasaalang-alang sa gayong mga bagay ay makatutulong upang matiyak na ang ginagawa mo at ng iyong mga panauhin ay magpapatunay ng inyong pananampalataya.—Roma 12:2.
Anong Uri ng Salu-salo ang Gaganapin?
5. Bakit dapat pag-isipang mabuti ng punong-abala kung magsisilbi siya ng inuming de-alkohol o hindi at kung magpapatugtog ng musika o hindi?
5 Maraming punong-abala ang napaharap sa isyu kung sila ba’y magsisilbi ng inuming de-alkohol o hindi. Hindi naman kailangan ang gayong inumin para maging kasiya-siya ang pagtitipon. Tandaan na naglaan noon si Jesus ng pagkain para sa malaki-laking grupo na lumapit sa kaniya—pinarami niya ang tinapay at isda. Hindi sinasabi ng ulat na makahimala siyang gumawa ng alak nang pagkakataong iyon, bagaman alam natin na kaya niya itong gawin. (Mateo 14:14-21) Kung ipasiya mong magsilbi ng inuming de-alkohol sa isang salu-salo, gawing katamtaman ang dami nito, at tiyaking may ibang inumin din para sa ibang ayaw ng inuming de-alkohol. (1 Timoteo 3:2, 3, 8; 5:23; 1 Pedro 4:3) Huwag na huwag pilitin ang sinuman na uminom ng inumin na maaaring kumagat “tulad ng serpiyente.” (Kawikaan 23:29-32) Kumusta naman ang musika o awitan? Kung magpapatugtog ng musika sa inyong salu-salo, tiyak na maingat mong pipiliin ang mga awit, anupat isinasaalang-alang ang ritmo at liriko ng mga ito. (Colosas 3:8; Santiago 1:21) Napatunayan ng maraming Kristiyano na ang pagpapatugtog ng Kingdom Melodies o maging ang sama-samang pag-aawitan ng gayong mga awit ay nagpapasaya sa pagtitipon. (Efeso 5:19, 20) At siyempre pa, palaging tiyakin na katamtaman ang lakas ng pagpapatugtog upang hindi ito makaistorbo sa masayang kuwentuhan o kaya’y makabulahaw sa mga kapitbahay.—Mateo 7:12.
6. Paano maipakikita ng punong-abala na buháy ang kaniyang pananampalataya pagdating sa pakikipagkuwentuhan o iba pang mga aktibidad?
6 Sa mga salu-salo, posibleng pag-usapan ng mga Kristiyano ang iba’t ibang paksa, magbasa nang malakas ng ilang babasahin, o maglahad ng kawili-wiling mga karanasan. Kapag hindi na nagiging maganda ang usapan, maaaring mataktikang ibahin ng punong-abala ang paksa. Dapat din niyang bantayan na hindi lamang iisang tao ang nangingibabaw sa usapan. Kapag nakita niyang ganiyan ang nangyayari, maaaring mataktika siyang sumali sa usapan at isali niya ang iba sa kuwentuhan, marahil ay pagkuwentuhin niya ang mga kabataan o magbangon siya ng paksa na aakay sa iba’t ibang komento. Kapuwa ang mga kabataan at may-edad na ay masisiyahan sa bahaging ito ng salu-salo. Kung may katalinuhan at mataktika mong papatnubayan ang mga bagay-bagay, bilang isa na nagsaayos ng salu-salo, ‘makikilala ng mga naroroon ang iyong pagkamakatuwiran.’ (Filipos 4:5) Mapapansin nila na ang iyong pananampalataya ay buháy, isa na nakaaapekto sa lahat ng pitak ng iyong buhay.
Mga Kasalan at Handaan sa Kasal
7. Bakit kailangang pagplanuhang mabuti ang mga kasalan at ang kaugnay nitong mga salu-salo?
7 Ang kasalang Kristiyano ay isang espesyal na okasyon para sa pagsasaya. Ang sinaunang mga lingkod ng Diyos, pati na si Jesus at ang kaniyang mga alagad, ay malugod na dumalo sa gayong masasayang okasyon, pati na sa kasama nitong piging. (Genesis 29:21, 22; Juan 2:1, 2) Subalit nitong nakalipas na mga panahon, maliwanag na ipinakikita ng karanasan na upang maipamalas ang pagkamakatuwiran at pagkatimbang bilang Kristiyano, kailangang pagplanuhang mabuti ang gagawing salu-salo may kaugnayan sa mga kasalan. Magkagayunman, ang mga ito ay normal na mga aspekto ng buhay na nagbibigay ng pagkakataon sa isang Kristiyano na maipakita ang kaniyang pananampalataya.
8, 9. Paano malinaw na ipinakikita ng mga kaugalian sa maraming kasalan ang mababasa natin sa 1 Juan 2:16, 17?
8 Itinuturing ng maraming taong hindi nakaaalam o nagwawalang-bahala sa makadiyos na mga simulain na ang kasal ay isang okasyon kung saan maaari nang gawin ang anumang pagpapakalabis. Iniulat sa isang magasin sa Europa ang sinabi ng isang bagong kasal na babae hinggil sa kaniyang “maharlikang” kasal: ‘Nagparada kami sakay ng isang karwahe na hinihila ng apat na kabayo at nasa likuran namin ang 12 pang karwahe na hinihila ng mga kabayo at mayroon pang banda na nakasakay sa isa pang karwahe. Pagkatapos, napakasarap ng inihain sa amin at napakaganda ng musika; napakagara ng okasyong iyon. Iyon talaga ang pinangarap ko, ang maging reyna nang araw na iyon.’
9 Bagaman posibleng magkakaiba ang kaugalian sa bawat lupain, malinaw na sinusuhayan ng gayong pananaw ang isinulat ni apostol Juan: “Ang lahat ng bagay na nasa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan.” Mayroon kayang may-gulang na magkasintahang Kristiyano na gustong magkaroon ng “maharlikang” kasal na may napakagarbong handaan? Sa halip na ganiyan, dapat makita sa kanilang mga plano na isinasaalang-alang nila ang payo na “siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:16, 17.
10. (a) Para maging makatuwiran ang isang kasalan, bakit mahalaga ang pagpaplano? (b) Paano magpapasiya hinggil sa mga aanyayahan?
10 Nais ng mga magkasintahang Kristiyano na maging makatotohanan at makatuwiran, at matutulungan sila ng Bibliya sa bagay na iyan. Bagaman mahalaga ang araw ng kasal, alam nila na pasimula lamang ito ng buhay bilang mag-asawa ng dalawang Kristiyano na may pag-asang mabuhay magpakailanman. Hindi sila obligadong magkaroon ng malaking handaan sa kasal. Kung pipiliin nilang magkaroon ng salu-salo, nanaisin nilang kalkulahin ang magagastos at planuhin kung anu-ano ang gagawin doon. (Lucas 14:28) Sa kanilang pagsasama bilang mga Kristiyano, ang asawang lalaki ang magiging ulo ayon sa Kasulatan. (1 Corinto 11:3; Efeso 5:22, 23) Kaya ang kasintahang lalaki ang pangunahing may pananagutan sa handaan sa kasal. Sabihin pa, maibigin niyang kukonsultahin ang kaniyang mapapangasawa hinggil sa kung sino ang nais nilang imbitahan at kung ilan ang kaya nilang anyayahan sa piging ng kasal. Baka hindi nila kaya o hindi praktikal na anyayahan ang lahat ng kanilang mga kaibigan at mga kamag-anak; kaya, kakailanganin ang makatuwirang mga pagpapasiya. Dapat magtiwala ang magkasintahan na kung hindi nila maanyayahan ang ilang kapuwa Kristiyano, ang mga ito ay makauunawa at hindi magdaramdam.—Eclesiastes 7:9.
“Tagapangasiwa ng Piging”
11. Anong papel ang maaaring gampanan ng “tagapangasiwa ng piging” sa kasal?
11 Kung pipiliin ng magkasintahan na magkaroon ng salu-salo upang ipagdiwang ang kanilang kasal, paano nila matitiyak na magiging marangal ang okasyon? Sa loob ng ilang dekada na ngayon, kinikilala ng mga Saksi ni Jehova na isang karunungan na tularan ang isang aspektong binabanggit may kaugnayan sa salu-salong dinaluhan ni Jesus sa Cana. Mayroong “tagapangasiwa ng piging,” at tiyak na isa siyang responsableng kapananampalataya. (Juan 2:9, 10) Sa katulad na paraan, ang pipiliin ng matalinong kasintahang lalaki para sa mahalagang papel na ito ay isang Kristiyanong kapatid na lalaki na maygulang sa espirituwal. Kapag nalaman ng tagapangasiwa ng piging ang mga gustong mangyari ng kasintahang lalaki, maaari na niyang isagawa ang lahat ng detalye bago ang salu-salo at sa panahon ng salu-salo.
12. Ano ang dapat isaalang-alang ng kasintahang lalaki may kaugnayan sa pagsisilbi ng inuming de-alkohol?
12 Kasuwato ng tinalakay sa parapo 5, pinipili ng ilang magkasintahan na hindi na magsilbi ng inuming de-alkohol sa piging ng kanilang kasal upang makaiwas sa pag-abuso rito na makasisira sa kaligayahan at tagumpay ng okasyon. (Roma 13:13; 1 Corinto 5:11) Gayunman, kung ipasiya nilang magsilbi ng inuming de-alkohol, dapat tiyakin ng kasintahang lalaki na katamtaman lamang ang isisilbi. May alak sa kasal na dinaluhan ni Jesus sa Cana, at gumawa pa siya ng alak na mainam ang kalidad. Kapansin-pansin, ang tagapangasiwa ng piging na iyon ay nagkomento: “Bawat tao ay naglalabas muna ng mainam na alak, at kapag lango na ang mga tao, ang mababang uri naman. Itinabi mo ang mainam na alak hanggang sa ngayon.” (Juan 2:10) Tiyak na hindi hinimok ni Jesus ang mga tao na maglasing, sapagkat itinuturing niya iyon na masama. (Lucas 12:45, 46) Malinaw na ipinakikita sa sinabi ng tagapangasiwa nang magulat siya sa kalidad ng alak, na napansin niya na may mga pagkakataong nalalasing ang ilang panauhin sa kasal. (Gawa 2:15; 1 Tesalonica 5:7) Kaya dapat tiyakin ng kasintahang lalaki at ng mapagkakatiwalaang Kristiyano na inatasan niya bilang tagapangasiwa ng piging na sinusunod ng lahat ng panauhin ang malinaw na tagubilin: “Huwag kayong magpakalasing sa alak, kung saan may kabuktutan.”—Efeso 5:18; Kawikaan 20:1; Oseas 4:11.
13. Ano ang dapat isaalang-alang ng magkasintahan kung plano nilang magkaroon ng musika sa piging ng kasal, at bakit?
13 Tulad ng iba pang mga salu-salo, kung magpapatugtog ng musika, kailangang bigyang-pansin ang lakas nito upang magkarinigan nang maayos ang mga panauhin. Isang Kristiyanong elder ang nagsabi: “Habang lumalalim ang gabi, kapag masaya na ang kuwentuhan o nagsasayawan na, kung minsan ay lumalakas ang musika. Ang musika na dati’y mahina ay maaaring mapalakas at nakahahadlang na sa kuwentuhan. Ang handaan sa kasal ay nagbibigay ng pagkakataon para sa kasiya-siyang pakikipagsamahan. Nakalulungkot nga kung masisira ang pagkakataong ito dahil lamang sa malakas na pagpapatugtog!” Responsable rin sa bagay na ito ang kasintahang lalaki at ang tagapangasiwa ng piging, anupat hindi nila ipauubaya sa mga manunugtog, inupahan man o hindi, ang pagpapasiya kung ano ang patutugtugin at kung gaano ito kalakas. Sumulat si Pablo: “Anuman ang inyong ginagawa sa salita o sa gawa, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa pangalan ng Panginoong Jesus.” (Colosas 3:17) Pag-uwi ng mga panauhin mula sa piging ng kasal (o, handaan), ano kaya ang impresyon nila sa musikang pinatugtog sa kasalan? Maiisip kaya nila na ginawa ng mag-asawa ang lahat sa pangalan ni Jesus? Ganiyan ang dapat mangyari.
14. Ano ang dapat na may-kasiyahang maalaala ng mga Kristiyano may kinalaman sa kasalan?
14 Oo, ang maayos na kasalan ay kasiya-siyang alalahanin. Sina Adam at Edyta, na 30 taon nang kasal, ay nagkomento hinggil sa isang kasalang dinaluhan nila: “Talagang madarama mo ang Kristiyanong kapaligiran. May mga awiting pumupuri kay Jehova subalit may iba ring magagandang programa. Pangalawahin lamang ang sayawan at musika. Iyon ay kasiya-siya at nakapagpapatibay, at lahat ay kaayon ng mga simulain ng Bibliya.” Maliwanag na maraming puwedeng gawin ang kasintahang
lalaki at kasintahang babae upang ipakita na pinatutunayan nila ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.Mga Regalo sa Kasal
15. Anong payo ng Bibliya ang maaaring ikapit may kinalaman sa mga regalo sa kasal?
15 Sa maraming lupain, karaniwan na para sa mga kaibigan at mga kamag-anak na magregalo sa mga ikakasal. Kung gagawin mo ito, ano ang dapat mong tandaan? Buweno, alalahanin ang komento ni apostol Juan hinggil sa “pagpaparangya ng kabuhayan ng isa.” Iniugnay niya ang gayong pagpaparangya, hindi sa mga Kristiyano na nagsasagawa ng kanilang pananampalataya, kundi sa ‘sanlibutan na lumilipas.’ (1 Juan 2:16, 17) Alinsunod sa kinasihang obserbasyon ni Juan, dapat bang ipaalam sa madla ng bagong kasal kung kanino galing ang regalo? Ang mga Kristiyano sa Macedonia at Acaya ay nag-abuloy sa mga kapatid sa Jerusalem, subalit walang pahiwatig na inihayag sa madla ang kanilang mga pangalan. (Roma 15:26) Sa halip na kumuha ng labis na atensiyon sa kanilang sarili, maraming Kristiyano na nagreregalo ang nagpasiyang huwag nang sabihin na sila ang nagregalo. May kinalaman dito, repasuhin ang payo ni Jesus na masusumpungan sa Mateo 6:1-4.
16. Paano maiiwasan ng bagong kasal na masaktan ang iba pagdating sa mga regalo sa kasal?
16 Ang pagpapakilala kung kanino galing ang regalo ay maaaring umakay sa ‘pagsusulsol ng pagpapaligsahan’ hinggil sa kung aling regalo ang mas maganda o mas mamahálin. Kaya iiwasan ng matalinong mga Kristiyanong bagong kasal na ipatalastas kung kanino galing ang regalo. Maaaring mapahiya ang ilan na hindi kayang magregalo kung ipatatalastas ang pangalan ng mga nagregalo. (Galacia 5:26; 6:10) Totoo, hindi naman masamang malaman ng ikinasal kung kanino galing ang isang regalo. Posibleng malaman nila iyon sa angkop na kard na nasa regalo subalit hindi nila ito ipatatalastas. Kapag namimilí, nagbibigay, at tumatanggap ng mga regalo sa kasal, lahat tayo ay may pagkakataong patunayan na maging sa gayong pribadong bagay, nakaaapekto sa ating ginagawa ang ating pananampalataya. *
17. Ano ang dapat na tunguhin ng mga Kristiyano may kaugnayan sa kanilang pananampalataya at mga gawa?
17 Walang alinlangang hindi lamang pamumuhay nang malinis sa moral, pagdalo sa Kristiyanong mga pagpupulong, at pakikibahagi sa gawaing pangangaral ang nasasangkot upang patunayan ang ating pananampalataya. Nawa’y bawat isa sa atin ay magkaroon ng buháy na pananampalataya na nakaaapekto sa lahat ng ating ginagawa. Oo, maipakikita natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng mga gawa na “lubusang naisagawa,” pati na sa mga pitak ng buhay na tinalakay sa itaas.—Apocalipsis 3:2.
18. Paano maikakapit ang mga salita sa Juan 13:17 may kaugnayan sa mga kasalang Kristiyano at mga salu-salo?
18 Matapos magpakita si Jesus ng halimbawa sa kaniyang tapat na mga apostol sa pamamagitan ng mapagpakumbabang gawa ng paghuhugas sa kanilang mga paa, sinabi niya: “Kung alam ninyo ang mga bagay na ito, maligaya kayo kung gagawin ninyo ang mga iyon.” (Juan 13:4-17) Sa lugar na tinitirhan natin sa ngayon, maaaring hindi na kailangan o hindi na karaniwan na hugasan ang paa ng iba, gaya ng sa isang panauhin sa ating tahanan. Gayunman, gaya ng tinalakay natin sa artikulong ito, may iba pang aspekto ng buhay kung saan maipakikita natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng maibigin at makonsiderasyong mga gawa, kasama na yaong may kaugnayan sa mga salu-salo at mga kasalang Kristiyano. Magagawa natin iyan tayo man ang ikakasal o ang panauhin sa kasal o sa kasunod nitong masayang salu-salo ng mga Kristiyanong nagnanais magpakita ng kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.
[Talababa]
^ par. 16 Tinatalakay ang iba pang mga aspekto ng kasal at kaugnay nitong mga handaan sa sumusunod na artikulo, “Gawing Mas Masaya at Mas Marangal ang Araw ng Inyong Kasal.”
Paano Mo Sasagutin?
Paano mo mapatutunayan ang iyong pananampalataya
• kapag nag-oorganisa ng isang salu-salo?
• kapag nag-oorganisa ng kasal o handaan?
• kapag nagbibigay o tumatanggap ng mga regalo sa kasal?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 24]
Kahit na iilan lamang ang aanyayahan mong panauhin, gawing patnubay ang “karunungan mula sa itaas”