Pagpapakita ng Paggalang sa Ating Sagradong mga Pagtitipon
Pagpapakita ng Paggalang sa Ating Sagradong mga Pagtitipon
“Dadalhin ko rin sila sa aking banal na bundok at pagsasayahin ko sila sa loob ng aking bahay-panalanginan.”—ISAIAS 56:7.
1. Anu-ano ang maka-Kasulatang dahilan kung bakit dapat tayong magpakita ng angkop na paggalang sa ating mga pagpupulong?
TINITIPON ni Jehova ang kaniyang bayan, na binubuo ng mga pinahirang Kristiyano at ng kanilang mga kasamahan, upang sumamba sa kaniya sa kaniyang “banal na bundok.” Pinagsasaya niya sila sa loob ng kaniyang “bahay-panalanginan,” ang kaniyang espirituwal na templo, na siyang “bahay-panalanginan para sa lahat ng mga bansa.” (Isaias 56:7; Marcos 11:17) Ipinakikita ng mga kaganapang ito na ang pagsamba kay Jehova ay banal, dalisay, at nakatataas. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng angkop na paggalang sa ating mga pagpupulong para sa pag-aaral at pagsamba, pinatutunayan natin na ang ating pangmalas sa mga bagay na sagrado ay katulad ng pangmalas ni Jehova.
2. Ano ang nagpapakita na itinuring ni Jehova na sagrado ang dakong pinili niya sa pagsamba sa kaniya, at paano ipinakita ni Jesus na gayon din ang kaniyang pananaw?
2 Sa sinaunang Israel, dapat ituring na sagrado ang dakong pinili ni Jehova para sa pagsamba sa kaniya. Ang tabernakulo at ang mga kasangkapan at kagamitan nito ay papahiran at pababanalin “upang ang mga iyon ay maging kabanal-banalan.” (Exodo 30:26-29) Ang dalawang silid ng santuwaryo ay tinawag na “ang Dakong Banal” at “ang Kabanal-banalan.” (Hebreo 9:2, 3) Nang maglaon, ang tabernakulo ay pinalitan ng templo sa Jerusalem. Bilang sentro ng pagsamba kay Jehova, tinawag ang Jerusalem na “banal na lunsod.” (Nehemias 11:1; Mateo 27:53) Noong kaniyang ministeryo sa lupa, si Jesus mismo ay nagpakita ng nararapat na paggalang sa templo. Nagalit siya sa mga tao dahil hindi nila iginalang ang templo—ginamit nila ito sa kanilang pagnenegosyo at bilang daanan.—Marcos 11:15, 16.
3. Ano ang nagpapakita na sagrado ang mga kapulungan ng Israel?
3 Regular na nagtitipon ang mga Israelita upang sumamba kay Jehova at makinig sa pagbasa ng kaniyang Kautusan. Ang ilan sa mga araw ng kanilang mga kapistahan ay tinatawag na mga banal na kombensiyon o mga kapita-pitagang kapulungan, anupat nagpapahiwatig na sagrado ang mga pagtitipong ito. (Levitico 23:2, 3, 36, 37) Sa isang pangmadlang kapulungan noong panahon nina Ezra at Nehemias, ang mga Levita “ay nagpaliwanag ng kautusan sa bayan.” Yamang “ang buong bayan ay tumatangis habang naririnig nila ang mga salita ng kautusan,” “pinagsasabihan ng mga Levita ang buong bayan na tumahimik, na sinasabi: ‘Tumahimik kayo! sapagkat ang araw na ito ay banal.’” Pagkatapos, ipinagdiwang ng mga Israelita ang pitong-araw na Kapistahan ng mga Kubol nang may “napakalaking pagsasaya.” Bukod diyan, “binasa nang malakas ang aklat ng kautusan ng tunay na Diyos araw-araw, mula nang unang araw hanggang sa huling araw; at idinaos nila ang kapistahan nang pitong araw, at nang ikawalong araw ay nagkaroon ng isang kapita-pitagang kapulungan, ayon sa alituntunin.” (Nehemias 8:7-11, 17, 18) Ang mga pagtitipong ito ay tunay na banal na mga okasyon na humihiling sa mga dumalo na mag-ukol ng pansin at pagpipitagan.
Ang Ating mga Pagpupulong ay Sagradong mga Pagtitipon
4, 5. Anu-anong pitak ng ating mga pagpupulong ang nagpapatunay na ang mga ito ay sagradong mga pagtitipon?
4 Totoo na sa ngayon, si Jehova ay walang literal na banal na lunsod sa lupa, na may pantanging templo na nakaalay sa pagsamba sa kaniya. Gayunpaman, hindi natin dapat kalimutan ang Nehemias 8:8) Ang lahat ng ating pagpupulong ay nagsisimula at nagtatapos sa panalangin, at sa karamihan sa mga ito, umaawit tayo ng mga awit ng papuri kay Jehova. (Awit 26:12) Ang mga pagpupulong sa kongregasyon ay tunay na bahagi ng ating pagsamba at dapat tayong magpakita ng kataimtiman at pagpipitagan sa mga ito.
bagay na ang mga pagpupulong para sa pagsamba kay Jehova ay sagradong mga pagtitipon. Tatlong beses sa isang linggo, nagtitipon tayo upang basahin at pag-aralan ang Kasulatan. Ang Salita ni Jehova ay “ipinaliliwanag,” at gaya noong panahon ni Nehemias, “binibigyan iyon ng kahulugan.” (5 Pinagpapala ni Jehova ang kaniyang bayan habang nagtitipon sila upang sumamba sa kaniya, pag-aralan ang kaniyang Salita, at tamasahin ang kalugud-lugod na pagsasamahang Kristiyano. Kapag panahon ng pagpupulong, makatitiyak tayo na doon ‘iniuutos ni Jehova na mamalagi ang pagpapala.’ (Awit 133:1, 3) Tinatanggap natin ang pagpapalang ito kung naroroon tayo at matamang nakikinig sa espirituwal na programa. Karagdagan pa, sinabi ni Jesus: “Kung saan may dalawa o tatlo na nagtitipon sa aking pangalan, naroon ako sa gitna nila.” Sa konteksto nito, kumakapit ang pananalitang ito sa Kristiyanong matatanda na nagpupulong upang asikasuhin ang malulubhang problema sa pagitan ng mga indibiduwal, pero maikakapit din ito sa ating mga pagpupulong. (Mateo 18:20) Kung si Kristo, sa pamamagitan ng banal na espiritu, ay naroroon kapag nagtitipon ang mga Kristiyano sa kaniyang pangalan, hindi ba’t dapat ituring na sagrado ang gayong mga pagtitipon?
6. Ano ang masasabi hinggil sa ating mga dako ng pagpupulong, kapuwa malaki at maliit?
6 Totoong hindi naninirahan si Jehova sa mga templong gawa ng tao. Gayunpaman, ang ating mga Kingdom Hall ay mga dako ng tunay na pagsamba. (Gawa 7:48; 17:24) Nagtitipon tayo roon upang pag-aralan ang Salita ni Jehova, manalangin sa kaniya, at umawit ng mga papuri sa kaniya. Totoo rin iyan sa ating mga Assembly Hall. Ang mas malalaking pasilidad na inaarkila para sa ating mga kombensiyon—gaya ng mga awditoryum, exhibition hall, o mga sports stadium—ay nagiging mga dako ng pagsamba tuwing ginagamit ang mga ito sa ating sagradong mga pagtitipon. Ang mga okasyong ito para sa pagsamba, malaki at maliit, ay nararapat nating pag-ukulan ng paggalang, at dapat itong makita sa ating saloobin at paggawi.
Mga Paraan Upang Ipakita ang Paggalang sa Ating mga Pagtitipon
7. Ano ang isang paraan upang maipakita natin ang paggalang sa ating mga pagtitipon?
7 May mga paraan upang maipakita natin ang paggalang sa ating mga pagtitipon. Ang isa ay sa pamamagitan ng pakikibahagi sa pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian. Marami sa mga liriko nito ay nasa anyong panalangin at dahil dito, dapat itong awitin nang may pagpipitagan. Sa pagsipi sa Awit 22, sumulat si apostol Pablo bilang pagtukoy sa sinabi ni Jesus: “Ipahahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid; sa gitna ng kongregasyon ay pupurihin kita ng awit.” (Hebreo 2:12) Kaya dapat nating gawing kaugalian na naroroon na tayo sa ating mga upuan bago pa magpaawit ang tsirman at pagkatapos ay ituon natin ang ating pansin sa kahulugan ng mga liriko ng awit habang tayo’y umaawit. Makita nawa sa ating pag-awit ang damdamin ng salmista na sumulat: “Dadakilain ko si Jehova nang aking buong puso sa matalik na kapisanan ng mga matuwid at sa kapulungan.” (Awit 111:1) Oo, ang pag-awit ng mga papuri kay Jehova ay isang napakainam na dahilan upang dumating nang maaga sa ating mga pagpupulong at manatili hanggang sa matapos ang pulong.
8. Anong halimbawa sa Bibliya ang nagpapakita na ang mga panalangin sa ating mga pagpupulong ay dapat nating pag-ukulan ng pansin at paggalang?
8 Ang isa pang pitak na nakadaragdag sa espirituwal na kahalagahan ng lahat ng ating pagpupulong ay ang taos-pusong pananalangin alang-alang sa lahat ng naroroon sa pulong. Sa isang okasyon, nagtipon ang unang-siglong mga Kristiyano sa Jerusalem at “may-pagkakaisa nilang inilakas ang kanilang mga tinig sa Diyos” sa marubdob na panalangin. Bilang resulta, nagpatuloy sila—sa kabila ng pag-uusig—sa ‘pagsasalita sa salita ng Diyos nang may katapangan.’ (Gawa 4:24-31) Mayroon kaya sa mga naroroon na gumagala-gala ang isip sa panahon ng pananalangin nilang iyon? Wala, yamang nanalangin sila nang ‘may pagkakaisa.’ Ipinakikita ng mga panalanging sinasambit sa ating mga pagpupulong ang damdamin ng lahat ng dumalo. Dapat nating pag-ukulan ng pansin at paggalang ang mga ito.
9. Paano natin maipakikita ang ating paggalang sa sagradong mga pagtitipon sa pamamagitan ng ating pananamit at paggawi?
9 Bukod diyan, maipakikita natin kung gaano kalaki ang ating paggalang sa pagiging sagrado ng ating mga pagtitipon sa ating paraan ng pananamit. Ang ating hitsura may kaugnayan sa ating pananamit at istilo ng buhok ay may malaking bahagi upang lalong maging marangal ang ating mga pagpupulong. Nagpayo si apostol Pablo: “Nais ko na sa bawat dako ay magpatuloy sa pananalangin ang mga lalaki, na itinataas ang matatapat na kamay, hiwalay sa poot at mga debate. Gayundin naman nais kong gayakan ng mga babae ang kanilang sarili ng maayos na pananamit, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip, hindi ng mga istilo ng pagtitirintas ng buhok at ginto o mga perlas o napakamamahaling kagayakan, kundi sa paraan na angkop sa mga babae na nag-aangking nagpipitagan sa Diyos.” (1 Timoteo 2:8-10) Kapag dumadalo tayo sa malalaking kombensiyon na idinaraos sa mga istadyum na walang bubong, ang ating pananamit ay maaaring iangkop sa klima at kasabay nito ay marangal pa rin. Bukod diyan, dahil iginagalang natin ang okasyon, iiwasan nating kumain o ngumuya ng chewing gum sa panahon ng sesyon. Ang angkop na pananamit at paggawi sa ating mga pagtitipon ay nagpaparangal sa Diyos na Jehova, sa pagsamba sa kaniya, at sa ating mga kapuwa mananamba.
Paggawing Naaangkop sa Sambahayan ng Diyos
10. Paano ipinakita ni apostol Pablo na dapat nating sundin ang mataas na pamantayan ng paggawi sa ating mga Kristiyanong pagpupulong?
10 Sa 1 Corinto, kabanata 14, mababasa natin ang matalinong payo ni apostol Pablo kung paano dapat idaos ang mga Kristiyanong pagpupulong. Nagtapos siya sa pagsasabi: “Maganap ang lahat ng bagay nang disente at ayon sa kaayusan.” (1 Corinto 14:40) Ang ating mga pagpupulong ay isang mahalagang bahagi ng gawain ng kongregasyong Kristiyano, at humihiling ito na sundin natin ang pamantayan ng paggawi na naaangkop sa sambahayan ni Jehova.
11, 12. (a) Ano ang dapat ikintal sa isipan ng mga batang dumadalo sa ating mga pagpupulong? (b) Sa anong angkop na paraan maaaring ipahayag ng mga bata ang kanilang pananampalataya sa panahon ng ating mga pagpupulong?
Eclesiastes 5:1) Tinuruan ni Moises ang mga Israelita na magtipun-tipon ang mga adulto kasama ang “maliliit na bata.” Sinabi niya: “Tipunin mo ang bayan . . . upang makapakinig sila at upang matuto sila, upang matakot sila kay Jehova na inyong Diyos at maingat na tuparin ang lahat ng mga salita ng kautusang ito. At ang kanilang mga anak na hindi pa nakaaalam ay dapat makinig, at pag-aaralan nilang matakot kay Jehova.”—Deuteronomio 31:12, 13.
11 Kinakailangang turuan partikular na ang mga bata kung paano dapat gumawi sa panahon ng ating mga pagpupulong. Dapat ipaliwanag ng Kristiyanong mga magulang sa kanilang mga anak na ang Kingdom Hall at ang dako na ginagamit sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay hindi mga lugar para maglaro. Ang mga ito ay mga dako kung saan sinasamba natin si Jehova at pinag-aaralan ang kaniyang Salita. Sumulat ang matalinong haring si Solomon: “Bantayan mo ang iyong mga paa kailanma’t pumaparoon ka sa bahay ng tunay na Diyos; at mangyari ang paglapit upang makinig.” (12 Sa katulad na paraan sa ngayon, ang ating mga kabataan ay dumadalo sa mga pagpupulong kasama ng kanilang mga magulang pangunahin na upang makinig at matuto. Kapag nakapagtutuon na sila ng pansin at nauunawaan na nila kahit ang pangunahing mga katotohanan lamang sa Bibliya, maaari na ring gumawa ang mga bata ng “pangmadlang pagpapahayag” ng kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagbibigay ng maiikling komento. (Roma 10:10) Maaaring magsimula ang isang bata sa pagsasabi ng ilang salita bilang sagot sa isang tanong na nauunawaan niya. Sa una, baka kailangan niyang basahin ang sagot, pero sa paglipas ng panahon, sisikapin na niyang sumagot sa sarili niyang pananalita. Kapaki-pakinabang ito at kasiya-siya para sa bata, at ang gayong kusang-loob na paghahayag ng pananampalataya ay nagpapasigla sa puso ng mga may-gulang na dumadalo. Sabihin pa, dapat magbigay ng halimbawa ang mga magulang sa pamamagitan ng kanila mismong pagkokomento. Makabubuti na hangga’t maaari, ang mga bata ay may sariling Bibliya, aklat-awitan, at kopya ng publikasyong pinag-aaralan. Dapat nilang matutuhan ang pagpapakita ng wastong paggalang sa gayong mga publikasyon. Ikikintal ng lahat ng ito sa isipan ng mga bata na ang ating mga pagpupulong ay sagradong mga pagtitipon.
13. Ano ang ating inaasahan sa mga nagsidalo sa kauna-unahang pagkakataon sa ating mga pagpupulong?
13 Siyempre pa, hindi natin nais na ang ating mga pagpupulong ay maging kagaya ng mga serbisyo sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Maaaring ang mga ito ay walang damdamin at pagbabanal-banalan o maingay na parang mga rock concert. Nais natin na ang mga pagpupulong sa ating mga Kingdom Hall ay maging masigla at kasiya-siya pero hindi sa punto na maging gaya ng mga di-pormal na pagtitipon ng magkakapitbahay. Nagtitipon tayo para sambahin si Jehova, kaya ang ating mga pagpupulong ay dapat na palaging marangal. Ang ating hangarin ay na pagkatapos mapakinggan ng mga nagsidalo sa kauna-unahang pagkakataon ang iniharap na materyal at mapagmasdan nila ang paggawi natin at ng ating mga anak, kanilang sasabihin: “Ang Diyos ay tunay ngang nasa gitna ninyo.”—1 Corinto 14:25.
Permanenteng Pitak ng Ating Pagsamba
14, 15. (a) Paano natin maiiwasang ‘pabayaan ang bahay ng ating Diyos’? (b) Paano natutupad sa ngayon ang Isaias 66:23?
14 Gaya ng nabanggit na, tinitipon ni Jehova ang kaniyang bayan at pinagsasaya niya sila sa loob ng kaniyang “bahay-panalanginan,” ang kaniyang espirituwal na templo. (Isaias 56:7) Pinaalalahanan ng tapat na lalaking si Nehemias ang kaniyang mga kapuwa Judio na dapat silang magpakita ng wastong paggalang sa literal na templo sa pamamagitan ng pagsuporta rito sa materyal na paraan. Sinabi niya: “Hindi namin dapat pabayaan ang bahay ng aming Diyos.” (Nehemias 10:39) Karagdagan pa, hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang paanyaya ni Jehova na sambahin siya sa loob ng kaniyang “bahay-panalanginan.”
15 Upang ipakita ang pangangailangang magtipon nang regular para sa pagsamba, humula si Isaias: “‘Tiyak na mangyayari na mula sa bagong buwan hanggang sa bagong buwan at mula sa sabbath hanggang sa sabbath ay paroroon ang lahat ng laman upang yumukod sa harap ko,’ ang sabi ni Jehova.” (Isaias 66:23) Nangyayari iyan sa ngayon. Bawat linggo ng bawat buwan, regular na nagtitipon ang mga nakaalay na Kristiyano upang sumamba kay Jehova. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong at pakikibahagi sa pangmadlang ministeryo, bukod pa sa ibang mga bagay. Isa ka ba sa mga regular na ‘pumaparoon at yumuyukod sa harap ni Jehova’?
16. Bakit dapat maging permanenteng pitak ng ating buhay sa ngayon ang regular na pagdalo sa mga pagpupulong?
16 Ganap na matutupad ang Isaias 66:23 sa magiging buhay sa bagong sanlibutan na ipinangako ni Jehova. Sa panahong iyon, ang “lahat ng laman,” sa literal na diwa, linggu-linggo at buwan-buwan, ay ‘paroroon upang yumukod sa harap’ ni Jehova, o sumamba sa Kaniya, magpakailanman. Yamang ang pagtitipon upang sumamba kay Jehova ay magiging permanenteng pitak ng ating espirituwalidad sa bagong sistema ng mga bagay, hindi ba’t dapat nating gawing permanenteng pitak ng ating buhay sa ngayon ang regular na pagdalo sa ating sagradong mga pagtitipon?
17. Bakit natin kailangan ang ating mga pagpupulong “lalung-lalo na samantalang . . . nakikita [natin] na papalapit na ang araw”?
17 Habang papalapit ang wakas, dapat na lalo tayong maging determinado higit kailanman na daluhan ang ating mga Kristiyanong pagtitipon ukol sa pagsamba. Bilang paggalang sa pagiging sagrado ng ating mga pagpupulong, hindi natin hinahayaan ang sekular na trabaho, takdang aralin sa paaralan, o pagpasok sa klase sa gabi na maging sanhi upang hindi tayo makipagtipon nang regular kasama ng ating mga kapananampalataya. Kailangan natin ang lakas na nagmumula sa pakikisama sa kanila. Sa pamamagitan ng ating mga pagpupulong sa kongregasyon, nagkakaroon tayo ng pagkakataon na makilala ang isa’t isa, magpatibay-loob sa iba, at mag-udyukan sa isa’t isa sa “pag-ibig at sa maiinam na gawa.” Kailangan natin itong gawin “lalung-lalo na samantalang . . . nakikita [natin] na papalapit na ang araw.” (Hebreo 10:24, 25) Kung gayon, palagi nawa nating ipakita ang angkop na paggalang sa ating sagradong mga pagtitipon sa pamamagitan ng regular na pagdalo sa mga ito, pagsusuot ng angkop na pananamit, at wastong paggawi. Sa paggawa nito, ipinakikita natin na ang pangmalas natin sa mga sagradong bagay ay katulad ng pangmalas ni Jehova.
Bilang Repaso
• Ano ang nagpapakita na dapat ituring na sagrado ang mga pagtitipon ng bayan ni Jehova?
• Anu-anong pitak ng ating mga pagtitipon ang nagpapatunay na ang mga ito ay sagradong mga pagtitipon?
• Paano maipakikita ng mga bata na itinuturing nilang sagrado ang ating mga pagpupulong?
• Bakit natin dapat gawing permanenteng pitak ng ating buhay ang regular na pagdalo sa mga pagpupulong?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 28]
Ang mga pagpupulong ukol sa pagsamba kay Jehova ay sagradong mga pagtitipon saanman idaos ang mga ito
[Larawan sa pahina 31]
Ang ating maliliit na anak ay dumadalo sa mga pagpupulong upang makinig at matuto