Nanatili Bang Tiwangwang ang Juda?
Nanatili Bang Tiwangwang ang Juda?
INIHULA sa Bibliya na ang lupain ng kaharian ng Juda ay wawasakin ng mga Babilonyo at mananatiling tiwangwang hanggang sa pagbalik ng mga Judiong tapon. (Jeremias 25:8-11) Ang pinakamatibay na dahilan para maniwalang natupad ang hulang ito ay ang kinasihang rekord ng kasaysayan na iniulat mga 75 taon pagkabalik sa kanilang lupain ng unang grupo ng mga tapon. Sinasabi nito na ‘dinalang bihag sa Babilonya ng hari ng Babilonya yaong mga nalabi mula sa tabak, at sila ay naging mga lingkod niya at ng kaniyang mga anak hanggang sa magsimulang maghari ang maharlikang pamahalaan ng Persia.’ At ganito ang iniulat hinggil sa lupain: “Ito ay nangilin ng sabbath sa lahat ng mga araw ng pagkatiwangwang.” (2 Cronica 36:20, 21) Mayroon bang anumang arkeolohikal na katibayan na sumusuporta rito?
Sa babasahing Biblical Archaeology Review, sinabi ni Ephraim Stern, isang propesor sa arkeolohiya ng Palestina sa Hebrew University: “Parehong winasak ng mga Asiryano at ng mga Babilonyo ang malalaking bahagi ng sinaunang Israel, subalit ang arkeolohikal na katibayan na nahukay sa mga labí ng bawat pagkubkob ay nagpapakita ng dalawang lubhang magkaibang kuwento.” Ipinaliwanag niya: “Bagaman malinaw na may arkeolohikal na ebidensiya ng pagkanaroroon ng mga Asiryano sa Palestina, walang anumang nakita matapos ang pagkawasak sa Babilonya. . . . Wala kaming makitang ebidensiya ng pananahanan hanggang sa panahon ng mga Persiano . . . Talagang walang ebidensiyang nagpapahiwatig ng pananahanan. Sa buong panahong iyon, walang isa mang bayan na winasak ng mga Babilonyo ang muling pinamayanan.”
Sang-ayon dito si Propesor Lawrence E. Stager ng Harvard University. “Sa buong Filistia, at nang maglaon ay sa buong Juda,” ang sabi niya, “nagmistulang ilang ang gawing kanluran ng Ilog Jordan dahil sa patakarang militar” ng Babilonyong hari. Idinagdag pa ni Stager: “Sa panahon lamang ni Cirong Dakila, ang Persianong kahalili ng mga Babilonyo, muling nagkaroon ng arkeolohikal na rekord . . . sa Jerusalem at sa Juda, kung saan maraming Judiong tapon ang bumalik sa kanilang sariling lupain.”
Oo, natupad ang salita ni Jehova hinggil sa pagkatiwangwang ng Juda. Ang lahat ng hula ng Diyos na Jehova ay palaging natutupad. (Isaias 55:10, 11) Lubos tayong makapagtitiwala kay Jehova at sa kaniyang mga pangako na nakaulat sa kaniyang Salita, ang Bibliya.—2 Timoteo 3:16.