Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Si Jesus ba ay naging walang-galang o malupit sa paraan ng pagtawag niya sa kaniyang ina sa piging ng kasalan sa Cana?​—Juan 2:4.

Di-nagtagal pagkatapos ng kaniyang bautismo, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay inanyayahan sa isang piging ng kasalan sa Cana. Naroroon din ang kaniyang ina. Nang kapusin ang alak, sinabi ni Maria kay Jesus: “Wala silang alak.” Bilang tugon, sinabi ni Jesus sa kaniyang ina: “Ano ang kinalaman ko sa iyo, babae? Ang aking oras ay hindi pa dumarating.”​—Juan 2:1-4.

Sa ngayon, malamang na ituring na kawalang-galang, o mapang-insulto pa nga, kapag tinawag ng isa ang kaniyang ina na “babae” at sabihin dito na “ano ang kinalaman ko sa iyo?” Pero ang pag-akusa na walang-galang si Jesus ay pagwawalang-bahala sa kultura at wika noong panahong iyon. Makatutulong ang pagkaunawa sa paggamit sa mga pananalitang ito noong panahon ng Bibliya.

Ganito ang sinasabi ng Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words tungkol sa terminong “babae”: “Ang paggamit ng terminong ito sa pagtawag sa isang babae ay hindi nagpapahiwatig ng pagsaway o ng kalupitan, kundi ng pagmamahal o paggalang.” Sumasang-ayon dito ang ibang mga reperensiya. Halimbawa, sinasabi ng The Anchor Bible: “Hindi ito pagsaway, ni kawalan ng galang, o nagpapahiwatig man ng kawalan ng pagmamahal . . . Ito ang pangkaraniwan at magalang na paraan ng pagtawag ni Jesus sa mga babae.” Ipinaliwanag ng The New International Dictionary of New Testament Theology na ang salita “ay isang terminong hindi nagpapahiwatig ng anumang kawalan ng pagpipitagan.” At sinasabi rin ng Theological Dictionary of the New Testament ni Gerhard Kittel na ang paggamit ng gayong termino “ay tiyak na hindi kawalang-galang o mapanghamak.” Kaya hindi natin dapat ipalagay na si Jesus ay walang-galang o malupit sa kaniyang ina sa pagtawag dito na “babae.”​—Mateo 15:28; Lucas 13:12; Juan 4:21; 19:26; 20:13, 15.

Kumusta naman ang pananalitang “ano ang kinalaman ko sa iyo?” Lumilitaw na isa itong pangkaraniwang idyoma ng mga Judio na ilang beses na lumitaw sa Bibliya. Halimbawa, sa 2 Samuel 16:10, mababasa natin na pinigilan ni David si Abisai sa pagpatay kay Simei sa pagsasabi: “Ano ang kinalaman ko sa inyo, kayong mga anak ni Zeruias? Hayaan siyang manumpa nang gayon, sapagkat si Jehova mismo ang nagsabi sa kaniya, ‘Sumpain mo si David!’” Gayundin, mababasa natin sa 1 Hari 17:18 na nang matuklasan ng babaing balo ng Zarepat na namatay ang kaniyang anak, sinabi niya kay Elias: “Ano ang kinalaman ko sa iyo, O lalaki ng tunay na Diyos? Naparito ka sa akin upang ipaalaala ang aking kamalian at upang patayin ang aking anak.”

Mula sa mga halimbawang ito sa Bibliya, makikita natin na ang pananalitang “ano ang kinalaman ko sa iyo?” ay kadalasang ginagamit, hindi upang manghamak o maghambog, kundi sa halip ay upang ipakita na hindi niya nais gawin ang isang iminungkahing pagkilos o magpahayag ng naiibang pananaw o opinyon. Kung gayon, ano ang kahulugan ng sinabi ni Jesus kay Maria?

Nang sabihin ni Maria kay Jesus, “Wala silang alak,” lumilitaw na hindi lamang niya ipinaaalam kay Jesus ang bagay na ito kundi iminumungkahi niyang kumilos si Jesus para malutas ang problema. Ginamit ni Jesus ang pangkaraniwang idyomang iyan upang tanggihan ang di-tuwirang mungkahing iyon ni Maria, at ang idinagdag niyang pananalita, “Ang aking oras ay hindi pa dumarating,” ay makatutulong sa atin na makita kung bakit gayon ang sinabi niya.

Mula nang siya’y bautismuhan at pahiran noong 29 C.E., alam na alam ni Jesus na kalooban ni Jehova na tahakin niya, bilang ang ipinangakong Mesiyas, ang isang landasin ng katapatan na hahantong sa kaniyang kamatayan, pagkabuhay-muli, at kaluwalhatian. “Ang Anak ng tao ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami,” ang sabi niya. (Mateo 20:28) Habang papalapit ang oras ng kaniyang kamatayan, nilinaw ito ni Jesus sa pagsasabi: “Dumating na ang oras.” (Juan 12:1, 23; 13:1) Kaya sa kaniyang panalangin noong gabi bago siya mamatay, sinabi ni Jesus: “Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong anak, upang luwalhatiin ka ng iyong anak.” (Juan 17:1) At sa wakas, nang dumating ang mga mang-uumog upang arestuhin siya sa Getsemani, ginising ni Jesus ang mga apostol at sinabi: “Dumating na ang oras! Narito! Ang Anak ng tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.”​—Marcos 14:41.

Subalit sa kasalan sa Cana, kasisimula pa lamang ni Jesus ng kaniyang ministeryo bilang Mesiyas, at ang kaniyang “oras” ay hindi pa dumarating. Ang pangunahin niyang tunguhin ay ang gawin ang kalooban ng kaniyang Ama sa paraan at sa panahong itinagubilin ng kaniyang Ama, at walang sinuman ang maaaring makialam sa landasing determinado niyang sundin. Ipinahiwatig ito ni Jesus sa kaniyang ina sa mariing paraan ngunit kasabay nito ay may paggalang o kabaitan. Si Maria naman ay hindi napahiya o nainsulto sa sinabi ng kaniyang anak. Sa katunayan, palibhasa’y nauunawaan ang ibig sabihin ni Jesus, sinabihan ni Maria ang mga naglilingkod sa kasalan: “Anuman ang sabihin niya sa inyo, gawin ninyo.” Sa halip na ipagwalang-bahala ang kaniyang ina, ginawa ni Jesus ang kaniyang unang himala bilang Mesiyas​—ginawa niyang de-kalidad na alak ang tubig​—​sa gayo’y ipinakikita ang mahusay na halimbawa ng pagiging timbang sa paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama at pagsasaalang-alang sa ikinababahala ng kaniyang ina.​—Juan 2:5-11.

[Larawan sa pahina 31]

Mariin subalit may-kabaitang nakipag-usap si Jesus sa kaniyang ina