Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Hindi binabanggit ng Bibliya ang pagto-toast, kaya bakit hindi nakikibahagi rito ang mga Saksi ni Jehova?
Ang pagto-toast ng baso ng alak ay matagal at malaganap nang kaugalian, iba-iba nga lamang ang pamamaraan depende sa lugar. Kung minsan, bahagyang pinag-uumpog ng mga nagto-toast ang kanilang baso. Ang taong nagmumungkahi ng pagto-toast ay karaniwan nang humihiling ng kaligayahan, kalusugan, at mahabang buhay, o iba pa, para sa isang tao. Ang iba naman na kasali sa toast ay magsasabing sang-ayon sila sa kahilingan o kaya’y itataas ang kanilang baso at iinom ng alak. Para sa marami, simpleng kostumbre lamang ito ng paggalang, pero may makatuwirang mga dahilan kung bakit hindi ito ginagawa ng mga Saksi ni Jehova.
Hindi naman ibig sabihin nito na ayaw ng mga Kristiyano na maging maligaya o maging malusog ang iba. Sa konklusyon ng isang liham para sa mga kongregasyon, ginamit ng lupong tagapamahala noong unang siglo ang isang salita na maaaring isaling “mabuting kalusugan sa inyo,” o “mapabuti nawa kayo.” (Gawa 15:29) At may ilang tunay na mananamba na nagsabi sa mga hari: ‘Mabuhay ang panginoon ko hanggang sa panahong walang takda’ o “Mabuhay ang hari hanggang sa panahong walang takda.”—1 Hari 1:31; Nehemias 2:3.
Gayunman, paano ba nagsimula ang kaugalian na pagto-toast? Sinipi ng isyu ng The Watchtower noong Enero 1, 1968, ang The Encyclopædia Britannica (1910), Tomo 13, pahina 121: “Ang kaugalian na pag-inom ng alak para sa ‘kalusugan’ ng isa ay malamang na nagmula sa sinaunang relihiyosong ritwal na pag-inom bilang handog sa mga diyos at sa mga patay. Kapag kumakain ang mga Griego at Romano, nagbubuhos sila ng handog na inumin para sa kanilang mga diyos, at umiinom sila sa seremonyal na mga piging bilang hain sa mga ito at sa mga patay.” Sinabi pa ng ensayklopidiya: “Ang mga kaugaliang ito na pag-inom bilang handog ay may malapit na kaugnayan sa pag-inom para hilinging maging malusog ang iba.”
Totoo pa rin ba ito? Sinabi ng 1995 International Handbook on Alcohol and Culture: “[Ang pagto-toast] ay malamang na walang kinalaman sa relihiyon ngayon, pero galing ito sa sinaunang kaugalian na paghahandog ng inumin kung saan isang sagradong likido ang inihahain sa mga diyos: dugo o alak kapalit ng isang kahilingan, isang panalangin na ibinubuod sa mga salitang ‘mahabang buhay!’ o ‘para sa iyong kalusugan!’”
Mangyari pa, hindi naman lahat ng bagay, disenyo, o kaugalian na nagmula o may kahalintulad sa sinaunang huwad na relihiyon ay bawal sa isang tunay na mananamba. Isaalang-alang ang prutas na granada. Sinasabi ng isang kilalang ensayklopidiya sa Bibliya: “Waring ginamit din ang granada bilang banal na sagisag sa paganong mga relihiyon.” Gayunman, iniutos ng Diyos na lagyan ng granadang yari sa sinulid ang laylayan ng damit ng mataas na saserdote, at may dekorasyong granada ang tansong mga haligi sa templo ni Solomon. (Exodo 28:33; 2 Hari 25:17) Bukod diyan, ang singsing sa kasal ay may kaugnayan noon sa relihiyon. Pero hindi iyan alam ng karamihan sa mga tao sa ngayon, at itinuturing na lamang na katibayan ito na kasal na ang isang tao.
Kumusta naman ang paggamit ng alak sa relihiyosong mga ritwal? Halimbawa, may pagkakataon noon na ang mga lalaki sa Sikem na sumasamba kay Baal ay “pumasok . . . sa bahay ng kanilang diyos at kumain at uminom at isinumpa si Abimelec,” na anak ni Gideon. (Hukom 9:22-28) Sa palagay mo, makikisali kaya sa inumang iyon ang isang tapat na lingkod ni Jehova at marahil ay mananawagan sa isang huwad na diyos para sumpain si Abimelec? Inilarawan ni Amos ang kalagayan noong marami sa Israel ang maghimagsik kay Jehova: “Humihiga sila sa tabi ng bawat altar; at ang alak niyaong mga pinagmulta ay iniinom nila sa bahay ng kanilang mga diyos.” (Amos 2:8) Makikisali kaya rito ang tunay na mga mananamba, ang alak man ay ibinubuhos bilang handog sa mga diyos o basta iniinom ito sa gayong mga pagkakataon? (Jeremias 7:18) O magtataas kaya ng baso ng alak ang isang tunay na mananamba at hihilingin sa isang diyos na pagpalain ang isang tao?
Kapansin-pansin naman, itinataas kung minsan ng mga mananamba ni Jehova ang kanilang kamay para humiling ng tagumpay. Itinataas nila ang kanilang kamay sa tunay na Diyos. Mababasa natin: “Si Solomon ay nagsimulang tumayo sa harapan ng altar ni Jehova . . . at iniunat niya ngayon ang kaniyang mga palad tungo sa langit; at sinabi niya: ‘O Jehova na Diyos ng Israel, walang Diyos na tulad mo . . . at makinig ka nawa sa iyong dakong tinatahanan, sa langit, at makinig ka at magpatawad.’” (1 Hari 8:22, 23, 30) Sa katulad na paraan, “pinagpala ni Ezra si Jehova . . . at doon ay sumagot ang buong bayan, ‘Amen! Amen!’ kasabay ng pagtataas ng kanilang mga kamay. Pagkatapos ay yumukod sila at nagpatirapa kay Jehova.” (Nehemias 8:6; 1 Timoteo 2:8) Maliwanag, hindi itinataas ng mga tapat na ito ang kanilang kamay para hilingin ang pagpapala ng isang diyos ng suwerte.—Isaias 65:11.
Hindi alam ng maraming nagto-toast ngayon na humihiling pala sila ng pagpapala mula sa isang diyos, pero hindi rin naman nila maipaliwanag kung bakit itinataas nila kanilang mga baso ng alak. Bagaman hindi nila napag-iisipang mabuti ang bagay na ito, hindi naman dahilan ito para maobliga ang isang Kristiyano na gayahin sila.
Alam ng marami na umiiwas ang mga Saksi ni Jehova sa iba pang kaugalian na karaniwan namang ginagawa ng mga tao. Halimbawa, maraming tao ang sumasaludo sa pambansang mga sagisag, o bandila; hindi nila itinuturing na pagsamba ang gayong pagsaludo. Hindi pinipigilan ng tunay na mga Kristiyano ang iba na sumaludo, pero hindi sila mismo nakikibahagi rito. Kapag alam nila kung kailan magaganap ang seremonyang ito, maraming Saksi ang hindi na lamang pumupunta roon para hindi magalit ang iba. Anuman ang kalagayan, determinado silang hindi sumaludo sapagkat hindi ito kasuwato sa sinasabi ng Bibliya. (Exodo 20:4, 5; 1 Juan 5:21) Para sa marami ngayon, wala nang kaugnayan sa relihiyon ang pagto-toast. Pero may katuwiran pa rin ang mga Kristiyano kung bakit hindi sila nakikibahagi sa pagto-toast, dahil nga nag-ugat ito sa relihiyon at maaaring itinuturing pa rin ito hanggang ngayon na paghiling ng pagpapala mula sa ‘langit,’ anupat waring namamanhik sa isang diyos.—Exodo 23:2.