Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Sagot na Talagang Praktikal!

Mga Sagot na Talagang Praktikal!

Mga Sagot na Talagang Praktikal!

KARAMIHAN sa mga payong makukuha sa napakaraming aklat na pansariling-sikap ay nakatuon sa pagtulong sa mga taong dumaranas ng krisis sa buhay. Subalit naiiba ang Bibliya. Bagaman makatutulong ang mga payo nito sa mga taong naghihirap, higit pa rito ang nagagawa ng Bibliya. Nakatutulong ang payo nito para maiwasan ng isa ang mga pagkakamali na maaaring magdulot ng pasakit sa buhay.

Ang Bibliya ay maaaring “magbigay ng katalinuhan sa mga walang-karanasan, ng kaalaman at kakayahang mag-isip sa kabataan.” (Kawikaan 1:4) Kung susundin mo ang payo ng Bibliya, “ang kakayahang mag-isip ay magbabantay sa iyo, ang kaunawaan ay mag-iingat sa iyo, upang iligtas ka mula sa masamang daan.” (Kawikaan 2:11, 12) Isaalang-alang ang ilang espesipikong halimbawa kung paano makatutulong ang pagsunod sa payo ng Bibliya para maingatan ang iyong kalusugan, maging mas maligaya ang iyong buhay pampamilya, at maging mas mabuti kang manggagawa o amo.

Maging Katamtaman sa Pag-inom

Hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang katamtamang pag-inom ng inuming de-alkohol. Binanggit ni apostol Pablo na nakapagpapagaling ang alak nang payuhan niya ang kabataang si Timoteo: “Gumamit ka ng kaunting alak dahil sa iyong sikmura at sa iyong malimit na pagkakasakit.” (1 Timoteo 5:23) Ipinakikita ng ilang teksto sa Bibliya na ang alak ay hindi lamang nilayon ng Diyos bilang medisina. Inilarawan ang alak na “nagpapasaya sa puso ng taong mortal.” (Awit 104:15) Gayunman, nagbababala ang Bibliya na hindi dapat ‘magpaalipin sa maraming alak.’ (Tito 2:3) Sinasabi nito: “Huwag kang sumama sa mga labis uminom ng alak, sa matatakaw kumain ng karne. Sapagkat ang lasenggo at ang matakaw ay sasapit sa karalitaan.” (Kawikaan 23:20, 21) Ano ang mangyayari kung hindi susundin ang gayong timbang na payo? Pansinin ang ulat mula sa ilang bansa.

Sinasabi ng Global Status Report on Alcohol 2004 ng World Health Organization: “Tinatayang €2.4 bilyon [$3 bilyon, U.S.] taun-taon ang nalulugi sa mga mamamayan ng Ireland dahil sa mga problemang dulot ng alak.” Kasama sa malaking pinansiyal na pasaning ito ang “gastos para sa pangangalaga sa kalusugan (€279 milyon), gastos dahil sa mga aksidente sa daan (€315 milyon), gastos dahil sa mga krimen bunga ng kalasingan (€100 milyon), kalugihan dahil sa pagliban sa trabaho dulot ng labis na pag-inom (€1034 milyon),” ang sabi ng ulat.

Mas matindi pa sa pagkalugi dahil sa pag-abuso sa inuming de-alkohol ay ang pahirap na idinudulot nito sa mga tao. Sa Australia, bilang halimbawa, sa loob lamang ng isang taon, mahigit nang kalahating milyong tao ang dumanas ng pambubugbog ng mga taong nasa impluwensiya ng inuming de-alkohol. Sa Pransiya, isinisisi sa pag-abuso sa inuming de-alkohol ang mga 30 porsiyento ng lahat ng karahasan sa sambahayan. Batay sa mga ulat na ito, hindi ba’t talagang praktikal ang payo ng Bibliya hinggil sa inuming de-alkohol?

Iwasan ang Maruruming Bisyo

Noon pa mang 1942, nang tinatanggap pa ng nakararami ang paninigarilyo, tinulungan ng babasahing ito ang mga mambabasa nito na maunawaang labag sa mga simulain ng Bibliya ang paninigarilyo at na dapat itong iwasan. Sinabi sa artikulong inilabas nang taóng iyon na ang mga nagnanais na magpalugod sa Diyos ay dapat sumunod sa utos na “linisin . . . ang [kanilang] sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu.” (2 Corinto 7:1) Makalipas ang humigit-kumulang 65 taon, hindi ba’t napatunayan ngayon na makatuwiran ang payong ito mula sa Bibliya?

Noong 2006, sinabi ng World Health Organization na ang paninigarilyo ang “ikalawa sa pangunahing sanhi ng kamatayan sa buong daigdig.” Taun-taon, mga limang milyon katao ang namamatay dahil sa paninigarilyo. Mas mataas pa ito kung ihahambing sa halos tatlong milyong namamatay taun-taon dahil sa HIV/AIDS. Noong ika-20 siglo, tinatayang 100 milyon katao ang namatay dahil sa paninigarilyo, halos sindami ito ng mga namatay sa lahat ng digmaan nang siglong iyon. Kaya naman sang-ayon na ang karamihan sa ngayon na isang katalinuhan ang umiwas sa paninigarilyo.

“Tumakas Kayo Mula sa Pakikiapid”

Nahihirapan ang marami na tanggapin ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa sekso. Salungat sa pinaniniwalaan ng marami, hindi hinahatulan ng Bibliya ang lahat ng seksuwal na pagnanasa. Subalit naglalaan ito ng praktikal na payo hinggil sa mga limitasyon pagdating sa sekso. Itinuturo ng Bibliya na ang pagtatalik ay para lamang sa babae at lalaki na mag-asawa. (Genesis 2:24; Mateo 19:4-6; Hebreo 13:4) Ang pagtatalik ay paraan ng mag-asawa para ipahayag ang kanilang pag-ibig at magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. (1 Corinto 7:1-5) Makikinabang ang anak kapag ang mga magulang nito ay kasal at nag-iibigan sa isa’t isa.​—Colosas 3:18-21.

Hinggil sa seksuwal na imoralidad, ganito ang utos ng Bibliya: “Tumakas kayo mula sa pakikiapid.” (1 Corinto 6:18) Ano ang isang dahilan kung bakit ito ipinag-utos? Ipinagpatuloy ng teksto: “Ang lahat ng iba pang kasalanan na magagawa ng isang tao ay nasa labas ng kaniyang katawan, ngunit siya na namimihasa sa pakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.” Ano ang resulta kapag ipinagwalang-bahala ang payo ng Bibliya hinggil sa sekso?

Isaalang-alang ang nangyayari sa Estados Unidos. Ang bansang iyon ang nangunguna ngayon sa lahat ng industriyalisadong mga bansa pagdating sa dami ng mga tin-edyer na nagdadalang-tao​—mga 850,000 taun-taon. Marami sa mga sanggol na hindi ipinalaglag ay anak ng mga dalagang-ina. Tiyak na sinisikap ng marami sa mga kabataang inang ito na palakihin ang kanilang mga anak sa pag-ibig at disiplina, at nagtagumpay naman ang ilan. Subalit ang masaklap, ang kanilang mga anak na lalaki ay mas malamang na mauwi sa bilangguan at ang mga anak na babae naman ay mas malamang na magdalang-tao samantalang tin-edyer pa. Matapos pag-aralan ang estadistika ng nakalipas na mga dekada, sumulat ang mananaliksik na si Robert Lerman: “Nagiging pangkaraniwan na ang mga pamilyang may nagsosolong magulang at marahil isa ito sa mga dahilan ng pagdami ng iba pang mga problema sa lipunan, gaya ng pagdami ng mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral, umiinom ng alak at gumagamit ng droga, nagdadalang-taong mga tin-edyer, at mga delingkuwenteng kabataan.”

Ang mga taong imoral ay nanganganib ding magkasakit nang malubha, kapuwa sa pisikal at mental. Halimbawa, ganito ang ulat ng babasahing Pediatrics: “Ipinahihiwatig ng report na malaki ang tendensiyang manlumo at magpakamatay ang mga kabataang mapusok sa sekso.” Hinggil sa iba pang panganib sa kalusugan, ganito ang sinabi ng American Social Health Association: “Mahigit kalahati ng kabuuang populasyon [ng Estados Unidos] ang magkakaroon ng STD [sexually transmitted disease].” Napakatinding hirap at pasakit ang maiiwasan kung susundin lamang ang praktikal na payo ng Bibliya hinggil sa sekso!

Patibayin ang Buklod ng Pamilya

Ang Bibliya ay hindi lamang nagbababala tungkol sa nakapipinsalang mga kaugalian. Pansinin kung ano ang praktikal na payo nito kung paano magiging mas maligaya ang buhay pampamilya.

Sinasabi sa Salita ng Diyos: “Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan.” (Efeso 5:28) Sa halip na bale-walain ang kanilang asawang babae, pinapayuhan ang mga asawang lalaki na manahanang kasama nila “ayon sa kaalaman, na pinag-uukulan sila ng karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan, yaong may katangiang pambabae.” (1 Pedro 3:7) Hinggil sa mga di-pagkakasundo na maaaring bumangon, pinapayuhan ang mga asawang lalaki: “Patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae at huwag kayong magalit sa kanila nang may kapaitan.” (Colosas 3:19) Hindi ba’t sasang-ayon ka na ang asawang lalaking sumusunod sa payong ito ay mamahalin at iibigin ng kaniyang asawa?

Para naman sa mga asawang babae, ganito ang utos ng Bibliya: “Ang mga asawang babae ay magpasakop sa kani-kanilang asawang lalaki gaya ng sa Panginoon, sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae kung paanong ang Kristo rin ay ulo ng kongregasyon . . . Ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” (Efeso 5:22, 23, 33) Hindi ba’t ang asawang babae na sumusunod sa payong ito kapag kinakausap niya​—o ikinukuwento sa iba—​ang kaniyang asawa ay pakamamahalin ng kaniyang asawang lalaki?

Hinggil sa pagsasanay sa anak, kayong mga magulang ay pinapayuhan ng Bibliya na kausapin ang inyong mga anak. Sinasabi ng Deuteronomio 6:7: “Ikikintal mo [ang mga pamantayan ng Diyos] sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.” Ang mga ama, partikular na, ay tinagubilinang turuan ang kanilang mga anak hinggil sa moralidad at disiplinahin ang mga ito sa maibiging paraan. “Mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova,” ang sabi ng Salita ng Diyos. (Efeso 6:4) Ang mga anak naman ay sinabihan: “Maging masunurin kayo sa inyong mga magulang,” at “parangalan [ninyo] ang [inyong] ama at ang [inyong] ina.” *​—Efeso 6:1, 2.

Makikinabang kaya ang mga pamilya kapag sinunod nila ang payong ito? Baka sabihin mong ‘Oo, mukha ngang maganda ang payo, pero, talaga nga bang praktikal ito?’ Inaanyayahan ka naming dumalaw sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar. Makikilala mo roon ang mga pamilyang nagsisikap magkapit ng matalinong payo ng Bibliya. Makipagkuwentuhan ka sa kanila. Obserbahan mo kung paano nakikitungo sa isa’t isa ang bawat miyembro ng pamilya. Ikaw mismo ang makapagpapatunay na kapag sinusunod ang mga simulain ng Bibliya, talagang magiging maligaya ang pamilya!

Masipag na Manggagawa at Tapat na Amo

Araw-araw, isang hamon kung paano makapananatili sa trabaho. Ano ang ipinapayo ng Bibliya hinggil dito? Sinasabi nito na ang isang manggagawa na mahusay sa kaniyang trabaho ay malamang na pahahalagahan at gagantimpalaan. “Nakakita ka na ba ng taong dalubhasa sa kaniyang gawain?” ang tanong ng matalinong haring si Solomon. “Sa harap ng mga hari siya tatayo.” (Kawikaan 22:29) Sa kabilang dako, ang “taong tamad” ay gaya ng “usok sa mga mata” ng kaniyang amo. (Kawikaan 10:26) Hinihimok ng Bibliya ang mga manggagawa na maging matapat at masikap. “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi sa halip ay magtrabaho siya nang masikap, na gumagawa ng mabuting gawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay.” (Efeso 4:28) Dapat pa ring sundin ang payong ito kahit wala ang amo. “Maging masunurin kayo sa lahat ng bagay doon sa inyong mga panginoon ayon sa laman, hindi sa pamamagitan ng mga gawa na pakitang-taong paglilingkod, gaya ng mga nagpapalugod sa tao, kundi may kataimtiman ng puso, na may takot kay Jehova.” (Colosas 3:22) Kung ikaw ay isang amo, hindi ba’t pahahalagahan mo ang manggagawa na sumusunod sa payong ito?

Para sa mga amo, ganito ang paalaala ng Bibliya: “Ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang kabayaran.” (1 Timoteo 5:18) Ang Kautusang ibinigay ng Diyos sa mga Israelita ay nag-uutos sa mga amo na magbigay ng tamang pasuweldo sa eksaktong panahon. Sumulat si Moises: “Huwag mong dadayain ang iyong kapuwa, at huwag kang magnanakaw. Ang kabayaran ng upahang trabahador ay hindi dapat manatili sa iyo nang buong magdamag hanggang sa umaga.” (Levitico 19:13) Hindi ba’t masisiyahan kang magtrabaho kapag ang iyong amo ay sumusunod sa utos ng Bibliya at nagbibigay ng tamang pasuweldo sa eksaktong panahon?

Pinakamainam na Pinagmumulan ng Karunungan

Hindi ka ba nagtataka kung bakit praktikal pa rin hanggang sa ngayon ang payo ng sinaunang aklat​—ang Bibliya? Lipas na ang maraming ibang aklat pero hindi ang Bibliya, sapagkat “salita ng Diyos,” hindi ng tao, ang nilalaman nito.​—1 Tesalonica 2:13.

Pinasisigla ka namin na maglaan ng sapat na panahon para lalo kang maging pamilyar sa Salita ng Diyos. Kung gagawin mo iyan, mapapalapít ka sa Awtor ng Bibliya, ang Diyos na Jehova. Sundin mo ang kaniyang mga payo, at ipagsasanggalang ka nito mula sa panganib at tutulungan kang magkaroon ng mas maligayang buhay. Kung gagawin mo ito, magiging ‘malapít ka sa Diyos, at lalapit siya sa iyo.’ (Santiago 4:8) Wala nang iba pang aklat ang makatutulong sa iyo nang ganiyan.

[Talababa]

^ par. 20 Para sa detalyadong pagtalakay sa mga simulain ng Bibliya na makatutulong sa inyong pamilya, tingnan ang aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 4]

Sa palagay mo, praktikal ba ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa paggamit ng inuming de-alkohol?

[Larawan sa pahina 5]

Sang-ayon ka ba sa payo ng Bibliya na umiwas sa paninigarilyo?

[Mga larawan sa pahina 7]

Nagiging mas maligaya ang buhay pampamilya kapag sinusunod ang payo ng Bibliya

[Picture Credit Line sa pahina 5]

Globo: Based on NASA photo