Patibayin ang Kongregasyon
Patibayin ang Kongregasyon
“Ang kongregasyon . . . ay nagkaroon ng isang yugto ng kapayapaan, anupat napatitibay.”—GAWA 9:31.
1. Anu-anong tanong ang maaaring ibangon hinggil sa “kongregasyon ng Diyos”?
NOONG araw ng Pentecostes 33 C.E., kinilala ni Jehova ang isang grupo ng mga alagad ni Kristo bilang isang bagong bansa, ang “Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16) Ang mga Kristiyano ring ito na pinahiran ng espiritu ay naging “kongregasyon ng Diyos,” na siyang tawag sa Bibliya. (1 Corinto 11:22) Subalit ano ba ang nasasangkot sa pagiging “kongregasyon ng Diyos”? Paano ito oorganisahin? Paano ito pangangasiwaan sa lupa, saanman nakatira ang mga miyembro nito? At ano ang epekto nito sa ating buhay at kaligayahan?
2, 3. Paano ipinahiwatig ni Jesus na magiging organisado ang kongregasyon?
2 Gaya ng binanggit sa naunang artikulo, inihula ni Jesus ang pag-iral ng kongregasyong ito ng pinahirang mga tagasunod, na sinasabi kay apostol Pedro: “Sa batong-limpak na ito [si Jesu-Kristo] ay itatayo ko ang aking kongregasyon, at ang mga pintuang-daan ng Hades ay hindi makapananaig dito.” (Mateo 16:18) Bukod diyan, noong kasama pa ni Jesus ang kaniyang mga apostol dito sa lupa, nagbigay siya ng mga tagubilin hinggil sa pangangasiwa at kaayusan sa kongregasyong iyon na malapit nang itatag.
3 Itinuro ni Jesus sa salita at sa gawa na may ilang indibiduwal sa kongregasyon na mangunguna. Gagawin nila ito sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba sa kanilang grupo. Sinabi ni Kristo: “Alam ninyo na yaong mga sa wari’y namamahala sa mga bansa ay namamanginoon sa kanila at ang kanilang mga dakila ay gumagamit ng awtoridad sa kanila. Hindi ganito ang paraan sa inyo; kundi ang sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay dapat na maging lingkod ninyo, at ang sinumang nagnanais na maging una sa inyo ay dapat na maging alipin ng lahat.” (Marcos 10:42-44) Maliwanag na ang “kongregasyon ng Diyos” ay hindi isang grupo na binubuo ng mga indibiduwal na magkakabukod at walang tiyak na kaayusan. Sa halip, magiging organisado ito, na binubuo ng mga indibiduwal na nagtutulungan at nakikipag-ugnayan sa isa’t isa.
4, 5. Paano natin nalaman na kailangang turuan ang kongregasyon hinggil kay Jehova?
4 Ipinahiwatig ng Isa na magiging Ulo ng ‘kongregasyong iyon ng Diyos’ na ang kaniyang mga apostol at iba pa na natuto sa kaniya ay magkakaroon ng espesipikong mga pananagutan sa kongregasyon. Na gawin ang ano? Ang isang mahalagang atas ay turuan ang mga miyembro ng kongregasyon hinggil kay Jehova. Alalahanin ang sinabi ng binuhay-muling si Jesus kay Pedro sa harap ng ilang apostol: “Simon na anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Sumagot si Pedro: “Oo, Panginoon, alam mong may pagmamahal ako sa iyo.” Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Pakainin mo ang aking mga kordero. . . . Pastulan mo ang aking maliliit na tupa. . . . Pakainin mo ang aking maliliit na tupa.” (Juan 21:15-17) Napakahalaga ngang atas niyan!
5 Makikita natin sa mga salita ni Jesus na yaong mga tinipon sa kongregasyon ay kagaya ng mga tupa sa isang kulungan. Ang mga tupang ito—mga Kristiyanong lalaki, babae, at mga bata—ay dapat turuan tungkol kay Jehova at pastulang mabuti. Bukod diyan, yamang iniutos ni Jesus sa lahat ng kaniyang tagasunod na turuan nila ang iba at gumawa ng mga alagad, ang lahat ng baguhan na magiging mga tupa niya ay kailangang sanayin kung paano tutuparin ang utos na ito mula sa Diyos.—Mateo 28:19, 20.
6. Ano ang ginawang mga kaayusan sa katatatag pa lamang na “kongregasyon ng Diyos”?
6 Nang maitatag ang “kongregasyon ng Gawa 2:42, 46, 47) Ang isa pang kapansin-pansing detalyeng binanggit sa ulat ay ang pag-aatas sa ilang kuwalipikadong lalaki na tumulong sa pag-aasikaso sa ilang praktikal na mga bagay. Hindi sila pinili dahil sa sila’y may pinag-aralan o kasanayan. Ang mga lalaking ito ay “puspos ng espiritu at karunungan.” Ang isa rito ay si Esteban, at idiniin ng ulat na siya ay “isang lalaking puspos ng pananampalataya at banal na espiritu.” Dahil inorganisa ang mga Kristiyano sa mga kongregasyon, “ang salita ng Diyos ay patuloy na lumago, at ang bilang ng mga alagad ay patuloy na lubhang dumami sa Jerusalem.”—Gawa 6:1-7.
Diyos,” ang mga miyembro nito ay regular na nagtitipon upang matuto at magpatibayan sa isa’t isa: “Patuloy nilang iniukol ang kanilang sarili sa turo ng mga apostol at sa pagbabahagi sa isa’t isa, sa mga pagkain at sa mga pananalangin.” (Mga Lalaking Ginagamit ng Diyos
7, 8. (a) Ang mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem noong panahon ng sinaunang mga Kristiyano ay naglilingkod bilang ano? (b) Ano ang resulta nang ilaan ang tagubilin sa pamamagitan ng mga kongregasyon?
7 Mangyari pa, ang mga apostol ang nangunguna sa kongregasyon noon, pero hindi lamang sila ang nangunguna. Minsan, si Pablo at ang kaniyang mga kasamahan ay bumalik sa Antioquia ng Sirya. Ganito ang pagkakalahad sa Gawa 14:27: “Nang makarating sila at matipon ang kongregasyon, inilahad nila ang maraming bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila.” Noong naroroon pa sila sa kongregasyong iyon, bumangon ang usapin kung kailangan pa bang tuliin ang mga mananampalatayang Gentil. Upang malutas ito, ipinadala sina Pablo at Bernabe “sa Jerusalem sa mga apostol at matatandang lalaki,” na maliwanag na naglilingkod bilang lupong tagapamahala noon.—Gawa 15:1-3.
8 Ang Kristiyanong elder na si Santiago, ang kapatid sa ina ni Jesus pero hindi isang apostol, ang nangasiwa nang “ang mga apostol at ang matatandang lalaki ay [magtipon] upang tingnan ang tungkol sa bagay na ito.” (Gawa 15:6) Matapos ang masusing pag-uusap, at sa tulong ng banal na espiritu, nakapagpasiya sila kasuwato ng Kasulatan. Ipinaalam nila ito sa lokal na mga kongregasyon sa pamamagitan ng liham. (Gawa 15:22-32) Tinanggap naman at ikinapit ito ng mga kongregasyong nakabasa nito. Ano ang resulta? Napatibay at napasigla ang mga kapatid. Ganito ang ulat ng Bibliya: “Dahil nga rito, ang mga kongregasyon ay patuloy na napatatag sa pananampalataya at dumami ang bilang sa araw-araw.”—Gawa 16:5.
9. Ayon sa Bibliya, anu-ano ang mga pananagutan ng kuwalipikadong mga Kristiyanong lalaki?
9 Pero paano regular na mapangangasiwaan ang lokal na mga kongregasyon? Halimbawa, isaalang-alang ang mga kongregasyon sa isla ng Creta. Bagaman hindi maganda ang reputasyon ng maraming naninirahan doon, ang ilan ay nagbago at naging mga tunay na Kristiyano. (Tito 1:10-12; 2:2, 3) Nakatira sila sa iba’t ibang lunsod, at silang lahat ay malayo sa lupong tagapamahala sa Jerusalem. Subalit hindi ito malaking problema dahil may hinirang na espirituwal na “matatandang lalaki” sa bawat kongregasyon sa Creta, gaya rin sa ibang mga lugar. Naabot ng gayong mga lalaki ang mga kuwalipikasyong mababasa natin sa Bibliya. Hinirang sila bilang mga elder, o tagapangasiwa, na maaaring “magpayo sa pamamagitan ng turo na nakapagpapalusog at sumaway doon sa mga sumasalungat.” (Tito 1:5-9; 1 Timoteo 3:1-7) Ang ibang espirituwal na mga lalaki ay kuwalipikadong tumulong sa mga kongregasyon bilang mga ministeryal na lingkod, o diyakono.—1 Timoteo 3:8-10, 12, 13.
10. Ayon sa Mateo 18:15-17, paano lulutasin ang malulubhang problema?
10 Ipinahiwatig ni Jesus na iiral ang gayong kaayusan. Alalahanin ang ulat sa Mateo 18:15-17, kung saan sinabi niya na sa pana-panahon ay maaaring bumangon ang mga di-pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang lingkod ng Diyos, halimbawa kapag nagkasala ang isa laban sa iba. Ang pinagkasalahan ay maaaring lumapit sa nagkasala sa kaniya at ‘ihayag ang pagkakamali nito’ nang silang dalawa lamang. Kung hindi malutas ng gayong hakbang ang problema, maaaring hilingang tumulong ang isa o dalawang iba pa na nakaaalam ng mga detalye ng usapin. Paano kung hindi pa rin malutas ang usapin? Sinabi ni Jesus: “Kung hindi siya makinig sa kanila, sabihin mo sa kongregasyon. Kung hindi siya makinig kahit sa kongregasyon, ituring mo siyang gaya ng tao ng mga bansa at gaya ng maniningil ng buwis.” Nang sabihin ito ni Jesus, ang mga Judio pa rin ang bumubuo sa “kongregasyon ng Diyos,” kaya ang kaniyang mga salita ay unang kumapit sa kanila. * Pero nang maitatag ang kongregasyong Kristiyano, sa kanila na kumakapit ang tagubilin ni Jesus. Isa pa itong pahiwatig na ang bayan ng Diyos ay oorganisahin bilang kongregasyon kung saan patitibayin at papatnubayan ang bawat Kristiyano.
11. Ano ang papel ng mga elder sa paglutas ng mga problema?
11 Angkop naman na ang matatandang lalaki, o mga tagapangasiwa, ang kakatawan sa lokal na kongregasyon sa pag-aasikaso o paglutas sa mga problema o paghawak sa mga kaso ng pagkakasala. Kasuwato ito ng mga kuwalipikasyon ng mga elder na binanggit sa Tito 1:9. Sabihin pa, hindi sakdal ang mga elder na ito, gaya ni Tito, na isinugo ni Pablo sa mga kongregasyon upang “maituwid . . . ang mga bagay na may depekto.” (Tito 1:4, 5) Sa ngayon, dapat na mapatunayan muna ng mga inirerekomendang elder ang kanilang pananampalataya at katapatan bago sila hirangin. Sa gayon, makapagtitiwala ang ibang mga miyembro ng kongregasyon sa patnubay at pangungunang inilalaan sa pamamagitan ng kaayusang ito.
12. Ano ang pananagutan ng mga elder sa kongregasyon?
12 Ganito ang sinabi ni Pablo sa mga elder sa kongregasyon ng Efeso: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na sa kanila ay inatasan kayo ng banal na espiritu bilang mga tagapangasiwa, upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak.” (Gawa 20:28) Sa ngayon, ang mga tagapangasiwa sa kongregasyon ay hinihirang “upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos.” Gagawin nila ito sa maibiging paraan, anupat hindi namamanginoon sa kawan. (1 Pedro 5:2, 3) Dapat pagsikapan ng mga tagapangasiwa na patibayin at tulungan ang “buong kawan.”
Manatili sa Loob ng Kongregasyon
13. Ano kung minsan ang maaaring mangyari sa loob ng isang kongregasyon, at bakit?
13 Hindi sakdal ang mga elder at ang lahat ng iba pang miyembro ng kongregasyon, kaya paminsan-minsan, bumabangon ang mga di-pagkakaunawaan at mga problema, gaya ng nangyari noong unang siglo nang kasama pa ng kongregasyon ang ilan sa mga apostol. (Filipos 4:2, 3) Ang isang tagapangasiwa o ibang Kristiyano ay maaaring makapagsalita ng isang bagay na waring hindi maganda, nakasasakit, o may bahid ng kasinungalingan. O baka isipin natin na may nangyayaring di-makakasulatan, pero tila hindi ito itinutuwid ng mga elder sa kongregasyon bagaman alam na nila ito. Siyempre pa, baka naman inasikaso na ang bagay na ito o inaasikaso alinsunod sa Kasulatan at sa impormasyong hindi natin alam. Pero kahit na may nangyayari ngang di-makakasulatan, isaalang-alang ito: Sa loob ng ilang panahon, isang malubhang pagkakasala ang hindi naituwid sa loob ng kongregasyon ng Corinto, isang kongregasyon na minamahal ni Jehova. Nang maglaon, tiniyak niya na inasikaso at itinuwid ang masamang gawa sa matatag na paraan. (1 Corinto 5:1, 5, 9-11) Maaari nating itanong sa ating sarili, ‘Kung nabuhay ako sa Corinto noong panahong iyon, ano kaya ang magiging reaksiyon ko?’
14, 15. Bakit tumigil ang ilan sa pagsunod kay Jesus, at ano ang matututuhan natin dito?
14 Isaalang-alang ang isa pang posibilidad sa loob ng kongregasyon. Ipagpalagay nang nahihirapan ang isa na unawain at tanggapin ang isang maka-Kasulatang turo. Baka nagsaliksik na siya sa Bibliya at sa mga publikasyong makukuha sa kongregasyon at humingi na ng tulong sa may-gulang na mga kapuwa Kristiyano, maging sa mga elder. Pero talagang nahihirapan siyang maunawaan o tanggapin ang turong iyon. Ano ang posible niyang gawin? May kahawig itong pangyayari noong mga isang taon bago mamatay si Jesus. Sinabi niya na siya ang “tinapay ng buhay” at upang mabuhay magpakailanman ang isa, kailangan niyang “kainin . . . ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo.” Gulat na gulat dito ang ilan sa kaniyang mga alagad. Sa halip na humingi ng paliwanag o ipaubaya ito kay Jehova, maraming alagad ang “hindi na lumakad na kasama [ni Jesus].” (Juan 6:35, 41-66) Muli, kung naroroon tayo, ano kaya ang gagawin natin?
15 Sa ngayon, may ilan na ring tumigil sa pakikisama sa kanilang kongregasyon, anupat iniisip na sa sariling paraan na lamang sila maglilingkod sa Diyos. Maaaring sabihin nila na ginawa nila ito
dahil nasaktan sila, hindi naitutuwid ang isang pagkakamali, o hindi nila matanggap ang isang partikular na turo. Makatuwiran ba ito? Bagaman totoo na dapat magkaroon ng personal na kaugnayan sa Diyos ang bawat Kristiyano, hindi natin maikakaila na ginagamit ni Jehova ang isang pandaigdig na kongregasyon, gaya ng ginawa niya noong panahon ng mga apostol. Karagdagan pa, ginamit at pinagpala ni Jehova ang lokal na mga kongregasyon noong unang siglo, at nag-atas siya ng kuwalipikadong mga elder at ministeryal na lingkod upang makinabang ang mga kongregasyon. Ganiyan din sa ngayon.16. Kung natutukso ang isa na iwan ang kongregasyon, ano ang dapat niyang pag-isipan?
16 Kung inaakala ng isang Kristiyano na sapat na ang kaniyang personal na kaugnayan sa Diyos at hindi na niya kailangan ang kongregasyon, tinatanggihan niya ang kaayusang itinalaga ni Jehova—ang kaayusan ng pandaigdig na kongregasyon at ang kaayusan ng lokal na mga kongregasyon ng bayan ng Diyos. Kung sasambahin ng isa ang Diyos sa sarili niyang paraan o makikisama sa ilang indibiduwal lamang, paano siya makikinabang sa inilaang kaayusan may kaugnayan sa mga elder at mga ministeryal na lingkod sa kongregasyon? Kapansin-pansin, nang sumulat si Pablo sa kongregasyon sa Colosas at itagubilin na ipabasa rin ang sulat sa Laodicea, sinabi niya ang tungkol sa mga “nakaugat at itinatayo [kay Kristo].” Ang mga nasa loob ng kongregasyon, hindi ang mga indibiduwal na humiwalay rito, ang makikinabang sa paglalaang ito.—Colosas 2:6, 7; 4:16.
Haligi at Suhay ng Katotohanan
17. Ano ang sinasabi ng 1 Timoteo 3:15 hinggil sa kongregasyon?
17 Sa kaniyang unang liham sa Kristiyanong elder na si Timoteo, binanggit ni apostol Pablo ang mga kuwalipikasyon ng mga elder at mga ministeryal na lingkod sa lokal na mga kongregasyon. Pagkatapos na pagkatapos nito, binanggit ni Pablo ang “kongregasyon ng Diyos na buháy,” na sinasabing ito ay “isang haligi at suhay ng katotohanan.” (1 Timoteo 3:15) Tiyak na napatunayang isang haligi ng katotohanan ang buong kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano noong unang siglo. At walang alinlangan na ang pangunahing paraan para tumanggap ng gayong katotohanan ang mga indibiduwal na mga Kristiyano ay sa pamamagitan ng kongregasyon. Dito nila maririnig na itinuturo at ipinagtatanggol ang mga katotohanan sa Bibliya, at dito sila mapapatibay.
18. Bakit napakahalaga ng mga pagpupulong ng kongregasyon?
18 Sa katulad na paraan, ang pandaigdig na kongregasyong Kristiyano ay sambahayan ng Diyos, “isang haligi at suhay ng katotohanan.” Ang ating regular na pagdalo at pakikibahagi sa mga pagpupulong ng ating kinauugnayang kongregasyon ay isang pangunahing paraan upang mapalakas tayo, mapatibay ang ating kaugnayan sa Diyos, at maging handa na gawin ang kaniyang kalooban. Nang sumulat si Pablo sa kongregasyon sa Corinto, nagtuon siya ng pansin sa kung ano ang tinatalakay sa gayong mga pagpupulong. Isinulat niya na nais niyang maging maliwanag at madaling maunawaan ang sinasabi sa mga pagpupulong upang ‘mapatibay’ ang mga dumadalo roon. (1 Corinto 14:12, 17-19) Sa ngayon, mapapatibay rin tayo kung kinikilala natin na galing sa Diyos na Jehova ang kaayusan ng kongregasyon at na sinusuportahan niya ito.
19. Bakit ka nagpapasalamat sa inyong kongregasyon?
19 Oo, kung nais nating mapatibay bilang mga Kristiyano, dapat tayong manatili sa loob ng kongregasyon. Matagal na itong napatunayan na isang proteksiyon laban sa huwad na mga turo, at ginagamit ito ng Diyos upang maipahayag sa buong lupa ang mabuting balita ng kaniyang Mesiyanikong Kaharian. Walang alinlangan, marami nang naisakatuparan ang Diyos sa pamamagitan ng kongregasyong Kristiyano.—Efeso 3:9, 10.
[Talababa]
^ par. 10 Kinilala ng iskolar sa Bibliya na si Albert Barnes na ang tagubilin ni Jesus na ‘sabihin sa kongregasyon’ ay maaaring tumukoy sa “mga awtorisadong mag-imbestiga sa gayong mga kaso—mga kinatawan ng simbahan, o mga kumikilos para sa kanila. Sa sinagogang Judio, may matatanda na nagsisilbing mga hukom at sa kanila inihaharap ang gayong mga kaso.”
Maalaala Mo Kaya?
• Bakit dapat nating asahan na gagamitin ng Diyos ang mga kongregasyon sa lupa?
• Bagaman di-sakdal, ano ang ginagawa ng mga elder para sa kongregasyon?
• Paano ka napapatibay ng inyong kongregasyon?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 26]
Ang mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem ay naglingkod bilang lupong tagapamahala
[Larawan sa pahina 28]
Tumatanggap ng tagubilin ang mga elder at ministeryal na lingkod upang matupad nila ang kanilang mga pananagutan sa kongregasyon