Gawin Mong Patnubay sa Iyong mga Hakbang ang Salita ng Diyos
Gawin Mong Patnubay sa Iyong mga Hakbang ang Salita ng Diyos
“Ang iyong salita ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.”—AWIT 119:105.
1, 2. Bakit hindi makita-kita ng karamihan ng tao ang tunay na kapayapaan at kaligayahan?
NARANASAN mo na bang magtanong ng direksiyon sa iba? Baka malapit ka na sa iyong pupuntahan pero hindi mo matiyak ang mga huling lilikuan mo. O baka naman naligaw ka na nga at kailangan mong mag-iba ng daan. Alinman dito, hindi kaya isang katalinuhan na sundin ang direksiyon ng isang nakaaalam ng lugar? Matutulungan ka ng taong iyon na makarating sa iyong pupuntahan.
2 Libu-libong taon nang sinusubukan ng mga tao na mamuhay nang walang tulong ng Diyos. Ngunit sa kanilang paghiwalay sa Diyos, ganap na ngang naligaw ang di-sakdal na mga tao. Talagang hindi nila makita-kita ang daan patungo sa tunay na kapayapaan at kaligayahan. Bakit kaya hindi nila ito marating-rating? Mahigit nang 2,500 taon ang nakalilipas, sinabi ng propetang si Jeremias: “Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Ang sinumang nagtatangkang magtuwid ng kaniyang hakbang nang walang tulong mula sa marunong ay tiyak na mabibigo. Oo, kailangan ng sangkatauhan ang patnubay!
3. Bakit ang Diyos na Jehova ang pinakakuwalipikadong magbigay ng patnubay sa sangkatauhan, at ano ang pangako niya?
3 Ang Diyos na Jehova ang pinakakuwalipikadong magbigay ng gayong patnubay. Bakit? Dahil mas naiintindihan niya ang kayarian ng tao kaysa kaninuman. At alam na alam niya kung paano napalihis ng landas ang mga tao at naligaw. Alam din niya kung ano ang dapat nilang gawin upang maituwid ang kanilang landas. Isa pa, bilang ang Maylalang, palaging alam ni Jehova kung ano ang pinakamabuti para sa atin. (Isaias 48:17) Kaya naman, lubusan tayong makapagtitiwala sa kaniyang pangakong nakaulat sa Awit 32:8: “Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita hinggil sa daan na dapat mong lakaran. Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.” Oo, walang kaduda-duda: Si Jehova ang nagbibigay ng pinakamainam na patnubay. Pero paano nga ba niya ito ginagawa?
4, 5. Paano tayo maaaring patnubayan ng mga pananalita ng Diyos?
4 Isang salmista ang nanalangin kay Jehova: “Ang iyong salita ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.” (Awit 119:105) Ang mga pananalita at paalaala ng Diyos ay nasa Bibliya, at matutulungan tayo nitong malampasan ang mga sagabal na maaaring mapaharap sa atin. Oo, kapag binasa natin ang Bibliya at hinayaang patnubayan tayo nito, mararanasan natin mismo ang sinasabi sa Isaias 30:21: “Ang iyong mga tainga ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Lakaran ninyo ito.’”
5 Pansinin ang dalawang magkaugnay na papel na ginagampanan ng Salita ng Diyos na binabanggit sa Awit 119:105. Una, nagsisilbi itong lampara sa ating paa. Sa araw-araw na mga problemang napapaharap sa atin, ang mga simulain sa Bibliya ang dapat na pumatnubay sa ating mga hakbang upang makapagdesisyon tayo nang tama at makaiwas sa mga bitag at patibong ng daigdig na ito. Ikalawa, ang mga paalaala ng Diyos ay liwanag sa ating landas, na tumutulong sa atin upang makagawa tayo ng mga desisyong kasuwato ng ating pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa Paraiso na ipinangako ng Diyos. Yamang naiilawang mabuti ang ating dinaraanan, makikita natin ang mabuti o masamang ibubunga ng isang partikular na landasin. (Roma 14:21; 1 Timoteo 6:9; Apocalipsis 22:12) Tingnan pa nating mabuti kung paano maaaring maging lampara sa ating paa at liwanag sa ating landas ang mga pananalita ng Diyos na nasa Bibliya.
“Lampara sa Aking Paa”
6. Sa anong mga kalagayan nagiging lampara sa ating paa ang mga pananalita ng Diyos?
6 Araw-araw tayong gumagawa ng mga desisyon. May ilang desisyon na parang hindi naman gaanong mahalaga, subalit paminsan-minsan, napapaharap din tayo sa isang situwasyon na sumusubok sa ating moralidad, katapatan, o neutralidad. Upang mapagtagumpayan ang gayong mga pagsubok, dapat na ‘nasanay ang ating mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.’ (Hebreo 5:14) Sa pagkuha ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos at pagkakaroon ng kaunawaan sa mga simulain nito, nasasanay natin ang ating budhi upang makagawa ng mga desisyong makalulugod kay Jehova.—Kawikaan 3:21.
7. Ilarawan ang isang situwasyon kung saan ang isang Kristiyano ay maaaring mahikayat na makisama sa mga katrabahong di-sumasampalataya.
7 Tingnan natin ang isang halimbawa. Isa ka bang adulto na taimtim na nagsisikap mapasaya ang puso ni Jehova? (Kawikaan 27:11) Kung oo, dapat kang papurihan. Pero sabihin nating binigyan ka ng tiket ng iyong mga katrabaho para sumama sa kanilang manood ng basketbol. Masarap ka kasing kasama sa trabaho kaya gusto nilang makasama ka pa sa kanilang mga lakaran. Baka sa tingin mo ay hindi naman masasamang tao ang mga ito. Maaaring may magaganda rin naman silang prinsipyo sa buhay. Ano ang gagawin mo? May panganib kaya kung pauunlakan mo ang paanyaya nila? Paano ka matutulungan ng Salita ng Diyos upang makagawa ng tamang desisyon sa bagay na ito?
8. Anong mga simulain sa Kasulatan ang tutulong sa ating mangatuwiran tungkol sa pakikisama?
8 Tingnan natin ang ilang simulain sa Kasulatan. Ang unang maiisip natin marahil ay ang nasa 1 Corinto 15:33, na nagsasabi: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” Nangangahulugan bang lubusan mo nang iiwasan ang mga di-sumasampalataya bilang pagsunod sa simulaing ito? Ang sagot ng Kasulatan sa tanong na iyan ay hindi. Kung tutuusin, mismong si apostol Pablo ay nagpakita ng maibiging konsiderasyon sa “lahat ng uri ng tao,” pati na sa mga di-sumasampalataya. (1 Corinto 9:22) Ang pinakadiwa ng Kristiyanismo ay humihiling na magpakita tayo ng interes sa iba—pati na sa mga hindi natin kapananampalataya. (Roma 10:13-15) Paano nga naman natin masusunod ang payong ‘gumawa ng mabuti sa lahat’ kung ibubukod natin ang ating sarili mula sa mga taong nangangailangan ng ating tulong?—Galacia 6:10.
9. Anong payo ng Bibliya ang tutulong sa atin na maging timbang sa pakikisama sa ating mga katrabaho?
9 Subalit may malaking pagkakaiba ang pagiging palakaibigan sa isang katrabaho at ang pagiging malapít sa kaniya. Dito pumapasok ang isa pang simulain sa Kasulatan. Nagbabala si apostol Pablo sa mga Kristiyano: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya.” (2 Corinto 6:14) Ano ang ibig sabihin ng mga pananalitang “huwag kayong makipamatok nang kabilan”? Ang ilang salin ng Bibliya sa mga salitang iyon ay “huwag makisama,” “huwag makipagsabayan,” o “tigilan ang maling pakikisama.” Kailan nagiging mali ang pakikisama sa isang katrabaho? Kailan masasabing lampas na ito sa hangganan at isa nang pakikipamatok nang kabilan? Maaari kang patnubayan ng Salita ng Diyos sa bagay na ito.
10. (a) Paano pumili ng mga kasama si Jesus? (b) Anu-anong tanong ang tutulong sa isang tao na makagawa ng tamang desisyon tungkol sa pakikisama?
10 Tingnan natin ang halimbawa ni Jesus, na mula pa sa paglalang hanggang ngayon ay naging magiliw na sa mga tao. (Kawikaan 8:31) Habang nasa lupa, naging malapít siya sa kaniyang mga tagasunod. (Juan 13:1) “Nakadama [pa nga siya] ng pag-ibig” sa isang lalaking mas nagpahalaga sa kayamanan kaysa sa maging tagasunod niya. (Marcos 10:17-22) Ngunit nagtakda si Jesus ng malilinaw na hangganan hinggil sa kaniyang pagpili ng malalapít na kasama. Hindi siya naging malapít sa mga taong walang taimtim na interes sa paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama. Minsan, sinabi ni Jesus: “Kayo ay mga kaibigan ko kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo.” (Juan 15:14) Oo, maaaring kagaanan mo ng loob ang isang katrabaho. Pero tanungin mo ang iyong sarili: ‘Handa bang sumunod ang taong ito sa mga utos ni Jesus? Gusto ba niyang matuto tungkol kay Jehova, ang isa na iniutos ni Jesus na sambahin? Ang kaniya bang mga pamantayan sa moral ay gaya ng mga pamantayan ko bilang Kristiyano?’ (Mateo 4:10) Habang nakikipag-usap ka sa iyong mga katrabaho at nagsisikap ikapit ang mga pamantayan ng Bibliya, makikita mo ang mga sagot sa mga tanong na ito.
11. Magbigay ng mga situwasyon kung saan dapat pumatnubay sa ating mga hakbang ang mga pananalita ng Diyos.
11 Marami pang ibang situwasyon kung saan maaaring maging lampara sa ating paa ang mga pananalita ng Diyos. Halimbawa, baka kailangang-kailangan ng isang Kristiyano ng trabaho. Pero ang trabahong iniaalok sa kaniya ay kukuha ng maraming oras, at kung tatanggapin niya ito, hindi siya makakadalo sa ilang pulong Kristiyano at hindi siya makakasama sa iba pang mga gawaing may kaugnayan sa tunay na pagsamba. (Awit 37:25) Baka naman napapaharap ang isa pang Kristiyano sa matinding tukso na manood ng mga bagay na maliwanag na lumalabag sa mga simulain ng Bibliya. (Efeso 4:17-19) May iba na baka masyadong sensitibo sa mga pagkakamali ng mga kapananampalataya. (Colosas 3:13) Sa lahat ng situwasyong ito, gawin nating lampara sa ating paa ang Salita ng Diyos. Oo, kung susundin natin ang mga simulain ng Bibliya, mapagtatagumpayan natin ang anumang hamon sa buhay. Ang Salita ng Diyos ay “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.”—2 Timoteo 3:16.
“Liwanag sa Aking Landas”
12. Paano nagiging liwanag sa ating landas ang mga pananalita ng Diyos?
12 Binabanggit din ng Awit 119:105 na ang mga pananalita ng Diyos ay maaaring maging liwanag sa ating landas, anupat iniilawan ang ating daan. Hindi tayo hinahayaang mangapa sa dilim kung tungkol sa hinaharap, sapagkat ipinaliliwanag ng Bibliya ang kahulugan ng nakapipighating kalagayan ng daigdig at kung ano ang kahihinatnan nito. Oo, alam nating nabubuhay na tayo sa “mga huling araw” ng napakasamang sistemang ito ng mga bagay. (2 Timoteo 3:1-5) Yamang alam natin ang mangyayari sa hinaharap, dapat itong magkaroon ng malaking epekto sa ating paraan ng pamumuhay sa ngayon. Sumulat si apostol Pedro: “Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnaw nang gayon, ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon, na hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova!”—2 Pedro 3:11, 12.
13. Ano ang dapat na maging epekto ng pagkaapurahan ng panahon sa ating pag-iisip at paraan ng pamumuhay?
13 Dapat makita sa ating pag-iisip at paraan ng pamumuhay ang matatag nating paninindigan na “ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito.” (1 Juan 2:17) Makagagawa tayo ng mga tamang desisyon hinggil sa ating mga tunguhin kapag ikinapit natin ang mga tagubilin ng Bibliya. Halimbawa, sinabi ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:33) Kapuri-puri ngang makita ang maraming kabataang nagpapamalas ng pananampalataya sa mga salita ni Jesus sa pamamagitan ng pagtataguyod ng buong-panahong ministeryo! Ang iba naman—pati na ang buong pamilya—ay kusang lumilipat sa mga lupaing malaki ang pangangailangan para sa mga tagapaghayag ng Kaharian.
14. Paano pinalawak ng isang pamilyang Kristiyano ang kanilang ministeryo?
14 Tingnan ang isang mag-asawang Kristiyano na may dalawang anak. Lumipat sila sa Juan 4:35) Ipinaliwanag ng tatay: “Tatlumpung kapatid ang lumipat sa kongregasyong ito para tumulong. Mga 20 sa kanila ang mula sa Estados Unidos, at ang iba naman ay mula sa Bahamas, Canada, Espanya, Italya, at New Zealand. Dumating silang sabik na sabik makibahagi sa ministeryo at nakatulong sila nang malaki sa pagpapasigla sa mga kapatid na tagarito.”
Dominican Republic mula sa Estados Unidos upang maglingkod sa isang kongregasyon na nasa isang bayang may populasyon na 50,000. Ang kongregasyon ay binubuo ng 130 mamamahayag ng Kaharian. Gayunman, noong Abril 12, 2006, mga 1,300 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo! Talagang “mapuputi na para sa pag-aani” ang teritoryong iyon anupat makalipas lamang ang limang buwan, ang nabanggit na pamilya ay nagdaraos na ng 30 pag-aaral sa Bibliya. (15. Anu-anong pagpapala ang iyong tinatamasa dahil sa pag-una sa kapakanan ng Kaharian sa iyong buhay?
15 Mangyari pa, hindi naman lahat ay nasa kalagayang lumipat sa ibang lupain para maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Pero yaong mga nasa kalagayan—o yaong makagagawa ng paraan upang magawa ito—ay tiyak na magtatamasa ng napakaraming pagpapala sa pakikibahagi sa pitak na ito ng ministeryo. At saan ka man maglingkod, tiyak na magiging maligaya ka kapag pinaglingkuran mo si Jehova nang iyong buong lakas. Kung uunahin mo ang kapakanan ng Kaharian sa iyong buhay, nangangako si Jehova na “ibubuhos [niya sa iyo] ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.”—Malakias 3:10.
Makinabang sa Patnubay ni Jehova
16. Paano tayo makikinabang kung gagawin nating patnubay ang mga pananalita ng Diyos?
16 Gaya ng nakita natin, ang mga pananalita ni Jehova ay pumapatnubay sa atin sa dalawang magkaugnay na paraan. Nagsisilbi itong lampara sa ating paa, na tumutulong sa atin na tahakin ang tamang direksiyon at pumapatnubay sa atin kapag kailangan nating gumawa ng mga desisyon. At nagsisilbi itong liwanag sa ating landas upang malinaw na makita natin ang mangyayari sa hinaharap. Kaya naman natutulungan tayo nito na sundin ang payo ni Pedro: “Bigkisan ninyo ang inyong mga pag-iisip ukol sa gawain, panatilihing lubos ang inyong katinuan; ilagak ang inyong pag-asa sa di-sana-nararapat na kabaitan na dadalhin sa inyo sa pagkakasiwalat kay Jesu-Kristo.”—1 Pedro 1:13.
17. Paano makatutulong sa atin ang pag-aaral ng Bibliya na sundin ang patnubay ng Diyos?
17 Talagang naglalaan si Jehova ng patnubay. Ang tanong ay, Susundin mo ba ito? Upang maintindihan ang patnubay na ibinibigay ni Jehova, gawin mong determinasyon na basahin ang isang bahagi ng Bibliya araw-araw. Bulay-bulayin mo ang iyong binabasa, sikapin mong maunawaan ang kalooban ni Jehova sa mga bagay-bagay, at mag-isip ka ng iba’t ibang paraan upang maikapit ito sa iyong buhay. (1 Timoteo 4:15) Saka mo gamitin ang iyong “kakayahan sa pangangatuwiran” sa paggawa ng mga desisyon.—Roma 12:1.
18. Kapag ginawa nating patnubay ang Salita ng Diyos, anong mga pagpapala ang tatanggapin natin?
18 Kung susundin natin ang mga simulain mula sa Salita ng Diyos, magkakaroon tayo ng kaunawaan at matutulungan tayo nitong gumawa ng tamang mga desisyon. Makapagtitiwala tayo na ang nasusulat na mga pananalita ni Jehova ay “nagpaparunong sa walang-karanasan.” (Awit 19:7) Kung gagawin nating patnubay ang Bibliya, magkakaroon tayo ng malinis na budhi at kasiyahang dulot ng pagpapalugod kay Jehova. (1 Timoteo 1:18, 19) Kung gagawin nating patnubay sa ating mga hakbang araw-araw ang mga pananalita ng Diyos, gagantimpalaan tayo ni Jehova ng dakilang pagpapalang buhay na walang hanggan.—Juan 17:3.
Naaalaala Mo Ba?
• Bakit mahalagang hayaan nating patnubayan ng Diyos na Jehova ang ating mga hakbang?
• Sa anong paraan nagiging lampara sa ating paa ang mga pananalita ng Diyos?
• Paano nagiging liwanag sa ating landas ang mga pananalita ng Diyos?
• Paano makatutulong sa atin ang pag-aaral ng Bibliya na sundin ang patnubay ng Diyos?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 15]
Kailan nagiging mali ang pakikisama sa isang di-sumasampalataya?
[Larawan sa pahina 16]
Ang malalapít na kasama ni Jesus ay yaong mga gumagawa ng kalooban ni Jehova
[Mga larawan sa pahina 17]
Makikita ba sa ating paraan ng pamumuhay na inuuna natin ang kapakanan ng Kaharian?