Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matindi at Nagtatagal na Kirot

Matindi at Nagtatagal na Kirot

Matindi at Nagtatagal na Kirot

GUSTONG malaman kamakailan ng isang lalaki kung ano ang nagiging damdamin ng mga namatayan ng mahal sa buhay habang lumilipas ang panahon. Nagpadala siya ng mga talatanungan sa ilang magulang na namatayan ng anak ilang taon na ang nakalilipas. Hindi tumugon ang lahat ng magulang. Isang amang nagngangalang Vladimir, na namatayan ng anak limang taon na ang nakalipas, ang nahihirapan pa ring pag-usapan ang kaniyang anak. *

Karaniwan ang gayong nagtatagal na pagdadalamhati sa nangungulilang mga magulang. Sampung taon na ang nakalilipas nang malunod at mamatay ang 18-anyos na anak ni William. Sumulat si William, “Nararamdaman ko pa rin ang kirot hanggang ngayon, at hindi na ito mawawala habang ako’y nabubuhay.” Si Lucy, na may anak na limang taon nang patay dahil sa isang di-inaasahang karamdaman, ay sumulat: “Sa unang ilang araw, palagi kong iniisip, ‘Totoo ba itong nangyayari sa amin?’ Pakiramdam ko’y bangungot lamang ito at magigising din ako. Pero nang maglaon, natanggap ko na rin ang katotohanan na talagang hindi na siya uuwi. Limang taon nang patay ang anak ko, pero kung minsan, kapag nag-iisa ako, napapaiyak pa rin ako.”

Bakit kaya nakadarama ang mga nangungulilang magulang, tulad nina Vladimir, William, at Lucy, ng gayon katindi at nagtatagal na kirot? Tingnan natin ang ilang dahilan.

Bakit Gayon na Lamang ang Kalungkutan?

Kapag isinilang ang isang sanggol sa pamilya, nakadarama ang mga magulang ng damdaming wala sa ibang ugnayan. Makalong lamang nila ang kanilang sanggol, mapanood itong natutulog, o makita ang maganda nitong ngiti ay tuwang-tuwa na sila. Mahal na mahal ng maibiging mga magulang ang kanilang mga anak. Sinasanay nila ito na magpakita ng kagandahang-asal at maging magalang. (1 Tesalonica 2:7, 11) Habang sumusunod ang mga bata sa pagsasanay na ito, tuwang-tuwa naman ang mga magulang at bumubuo sila ng mga pangarap para sa kanilang mga anak.

Nagsusumakit ang mapagkalingang mga magulang para sa kanilang mga anak. Maaaring regular silang nagtatabi ng pera o materyal na mga bagay para matulungan ang kanilang mga anak na makapagpasimula ng pamilya sa hinaharap. (2 Corinto 12:14) Itinatampok ng malaking pagsasakripisyong ito ng emosyon, panahon, lakas, at salapi ang isang katotohanan​—pinalalaki ng mga magulang ang kanilang mga anak upang mabuhay ang mga ito, hindi para mamatay. Kapag namatay ang isang anak, hindi nakumpleto ang pagpapalaki sa kaniya, at gumuguho ang mga pangarap ng mga magulang para sa kaniya. Napuputol ang magiliw na pag-ibig at pagmamahal ng mga magulang sa bata, anupat tinutuldukan ito ng kamatayan. Wala na ang kanilang anak na naging bahagi na ng kanilang buhay. Nadarama ng mga magulang ang matinding kalungkutan na hindi madaling maglaho.

Binabanggit ng Bibliya na talagang matindi at nagtatagal ang kirot na nadarama ng nangungulilang mga magulang. Ganito ang sinabi ng Bibliya upang ilarawan ang nangyari nang mabalitaan ng patriyarkang si Jacob na pinatay ang kaniyang anak na si Jose: “Hinapak ni Jacob ang kaniyang mga balabal at naglagay ng telang-sako sa kaniyang mga balakang at nagdalamhati sa kaniyang anak nang maraming araw. At ang lahat ng kaniyang mga anak na lalaki at ang lahat ng kaniyang mga anak na babae ay tumitindig upang aliwin siya, ngunit siya ay tumatangging maaliw at nagsasabi: ‘Sapagkat ako ay bababang nagdadalamhati sa aking anak patungo sa Sheol [o, libingan]!’” Pagkalipas ng maraming taon, nagdadalamhati pa rin si Jacob dahil sa kaniyang anak na akala niya’y patay na. (Genesis 37:34, 35; 42:36-38) Ang isa pang halimbawang binanggit sa Bibliya ay ang tapat na babaing nagngangalang Noemi na namatayan ng dalawang anak. Dahil sa labis na kalungkutan, nais niyang baguhin ang kaniyang pangalan mula sa Noemi, na nangangahulugang “Ang Aking Kaigayahan,” tungo sa Mara, na nangangahulugang “Mapait.”​—Ruth 1:3-5, 20, 21.

Subalit hindi lamang binabanggit ng Bibliya ang pamimighating nararanasan ng mga magulang. Sinasabi rin nito kung paano nagbibigay si Jehova ng lakas sa mga namimighati. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang ilang paraan kung paano nagbibigay ang Diyos ng kaaliwan sa mga nagdadalamhati.

[Talababa]

^ par. 2 Binago ang ilang pangalan.