Mga Kabataan—Itaguyod ang mga Tunguhing Nagpaparangal sa Diyos
Mga Kabataan—Itaguyod ang mga Tunguhing Nagpaparangal sa Diyos
“Sanayin mo ang iyong sarili na ang tunguhin mo ay makadiyos na debosyon.”—1 TIMOTEO 4:7.
1, 2. (a) Bakit pinuri ni Pablo si Timoteo? (b) Paano ‘sinasanay ng mga kabataan ang kanilang sarili na ang tunguhin ay makadiyos na debosyon’?
“WALA na akong iba pa na may saloobing katulad ng sa kaniya na tunay na magmamalasakit sa mga bagay na may kinalaman sa inyo. . . . Tulad ng isang anak sa ama ay nagpaalipin siyang kasama ko sa ikasusulong ng mabuting balita.” (Filipos 2:20, 22) Inilakip ni apostol Pablo ang nakapagpapasiglang komendasyong ito sa kaniyang liham sa unang-siglong mga Kristiyano sa Filipos. Sino ang tinutukoy niya? Si Timoteo, ang nakababatang kasama niya sa paglalakbay. Tiyak na nagpataba sa puso ni Timoteo ang katunayang ito ng pagmamahal at pagtitiwala ni Pablo!
2 Ang mga kabataang may-takot sa Diyos na gaya ni Timoteo ay talagang isang malaking tulong sa bayan ni Jehova. (Awit 110:3) Sa ngayon, pinagpapala ang organisasyon ng Diyos ng maraming kabataang naglilingkod bilang mga payunir, misyonero, boluntaryo sa konstruksiyon, at mga Bethelite. Kapuri-puri din ang mga kabataang masigasig na nakikibahagi sa mga gawain ng kongregasyon bukod pa sa pag-aasikaso sa ibang mga pananagutan. Ang mga kabataang ito ay nakadarama ng tunay na kasiyahang dulot ng pagtataguyod ng mga tunguhing nagpaparangal sa ating makalangit na Ama, si Jehova. Talagang ‘sinasanay nila ang kanilang sarili na ang tunguhin ay makadiyos na debosyon.’—1 Timoteo 4:7, 8.
3. Anu-anong tanong ang isasaalang-alang natin sa artikulong ito?
3 Bilang kabataan, sinisikap mo bang abutin ang ilang espesipikong tunguhin sa espirituwal? Kanino ka makahihingi ng tulong at pampatibay-loob para magawa ito? Paano mo mapaglalabanan ang panggigipit ng materyalistikong daigdig na ito? Anong mga pagpapala ang naghihintay sa iyo kung itataguyod mo ang mga tunguhing nagpaparangal sa Diyos? Tingnan natin ang mga sagot sa mga tanong na ito mula sa naging buhay at karera ni Timoteo.
Si Timoteo Bilang Kristiyano
4. Isalaysay sa maikli ang buhay ni Timoteo bilang Kristiyano.
4 Si Timoteo ay lumaki sa Listra, isang maliit na bayan sa lalawigan ng Galacia sa Roma. Malamang na una niyang narinig ang tungkol sa Kristiyanismo noong tin-edyer pa siya nang mangaral si Pablo sa Listra mga 47 C.E. Nagkaroon agad si Timoteo ng napakagandang reputasyon sa kanilang kongregasyon. Pagbalik ni Pablo sa Listra pagkalipas ng dalawang taon, nabalitaan niya ang pagsulong ni Timoteo kaya pinili niya ito na makasama sa pagmimisyonero. (Gawa 14:5-20; 16:1-3) Habang sumusulong sa pagkamaygulang si Timoteo, ipinagkatiwala sa kaniya ang mas mabibigat na pananagutan, pati na ang mahalagang atas na patibayin ang mga kapatid. Nang sulatan ni Pablo si Timoteo mula sa bilangguan sa Roma noong mga 65 C.E., si Timoteo ay naglilingkod bilang Kristiyanong elder sa Efeso.
5. Ayon sa 2 Timoteo 3:14, 15, anong dalawang bagay ang nag-udyok kay Timoteo na itaguyod ang espirituwal na mga tunguhin?
2 Timoteo 3:14, 15) Suriin muna natin ang papel na ginampanan ng ibang Kristiyano sa mga desisyon ni Timoteo.
5 Maliwanag na pinili ni Timoteo na itaguyod ang espirituwal na mga tunguhin. Pero ano ang nag-udyok sa kaniya na gawin ito? Sa kaniyang ikalawang liham kay Timoteo, binanggit ni Pablo ang dalawang bagay. “Magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan at nahikayat na sampalatayanan,” ang isinulat niya, “yamang nalalaman mo kung kaninong mga tao natutuhan mo ang mga ito at na mula sa pagkasanggol ay alam mo na ang banal na mga kasulatan.” (Pakinabang Mula sa Magagandang Impluwensiya
6. Anong pagsasanay ang tinanggap ni Timoteo, at paano siya tumugon?
6 Si Timoteo ay lumaki sa isang sambahayang may magkaibang relihiyon. Griego ang kaniyang ama, at Judio naman ang kaniyang inang si Eunice, at ang kaniyang lolang si Loida. (Gawa 16:1) Itinuro nina Eunice at Loida kay Timoteo ang katotohanan mula sa Hebreong Kasulatan mula pa sa kaniyang pagkabata. Nang makumberte sila sa Kristiyanismo, tiyak na hinikayat nila si Timoteo na sampalatayanan ang mga turong Kristiyano. Maliwanag na nakinabang nang husto si Timoteo sa napakagandang pagsasanay na ito. Sinabi ni Pablo: “Ginugunita ko ang pananampalatayang nasa iyo na walang anumang pagpapaimbabaw, at na unang nanahan sa iyong lolang si Loida at sa iyong inang si Eunice, ngunit may tiwala akong nasa iyo rin.”—2 Timoteo 1:5.
7. Anong pagpapala ang tinatamasa ng maraming kabataan, at paano ito nagiging kapaki-pakinabang sa kanila?
7 Sa ngayon, maraming kabataan ang pinagpapala dahil sa pagkakaroon ng mga magulang at mga lolo’t lola na may takot sa Diyos na, gaya nina Loida at Eunice, nakakakilala ng kahalagahan ng espirituwal na mga tunguhin. Halimbawa, naaalaala pa ni Samira ang mahaba nilang pag-uusap ng kaniyang mga magulang noong tin-edyer pa siya. “Tinuruan ako nina Itay at Inay na tularan ang pananaw ni Jehova sa mga bagay-bagay at gawing pangunahin sa aking buhay ang pangangaral,” ang kuwento niya. “Palagi nila akong pinasisiglang itaguyod ang buong-panahong paglilingkod.” Positibo ang naging tugon ni Samira sa paghimok na iyon ng kaniyang mga magulang at ngayon ay nagkapribilehiyo siyang maglingkod bilang miyembro ng pamilyang Bethel sa kanilang bansa. Kapag hinimok ka ng iyong mga magulang na magtuon ng pansin sa espirituwal na mga tunguhin, pag-isipan mong mabuti ang kanilang payo. Gustung-gusto nilang mapabuti ka.—Kawikaan 1:5.
8. Paano nakinabang si Timoteo sa nakapagpapatibay na pagsasamahang Kristiyano?
8 Mahalaga rin para sa iyo na humanap ng nakapagpapatibay na pagsasamahan sa kapatirang Kristiyano. Nagkaroon ng magandang reputasyon si Timoteo sa mga Kristiyanong elder sa kanilang kongregasyon at sa Iconio, na mga 30 kilometro ang layo. (Gawa 16:1, 2) Naging malapít silang magkaibigan ni Pablo, isang masigasig na lingkod ng Diyos. (Filipos 3:14) Ipinahihiwatig ng mga liham ni Pablo na nakikinig si Timoteo sa payo at agad niyang tinutularan ang mga halimbawa ng pananampalataya. (1 Corinto 4:17; 1 Timoteo 4:6, 12-16) Sumulat si Pablo: “Maingat mong sinundan ang aking turo, ang aking landasin sa buhay, ang aking layunin, ang aking pananampalataya, ang aking mahabang pagtitiis, ang aking pag-ibig, ang aking pagbabata.” (2 Timoteo 3:10) Oo, maingat na sinundan ni Timoteo ang halimbawa ni Pablo. Sa katulad na paraan, ang pagiging malapít sa malakas-sa-espirituwal na mga indibiduwal sa kongregasyon ay makatutulong sa iyo na magkaroon ng magagandang espirituwal na tunguhin.—2 Timoteo 2:20–22.
Pag-aralan ang “Banal na mga Kasulatan”
9. Bukod sa pagpili sa mabubuting kasama, ano pa ang dapat mong gawin upang ‘sanayin ang iyong sarili na ang tunguhin ay makadiyos na debosyon’?
9 Makatitiyak ka bang maaabot mo na ang espirituwal na mga tunguhin dahil lamang sa iyong tamang pagpili ng mga kasama? Hindi. Gaya ni Timoteo, kailangan mo ring suriing mabuti ang “banal na mga kasulatan.” Maaaring hindi ka mahilig mag-aral, pero tandaan mo na kinailangan ni Timoteo na ‘sanayin ang kaniyang sarili na ang tunguhin ay makadiyos na debosyon.’ Madalas na ang mga atleta ay nagsasanay na mabuti sa loob ng maraming buwan upang maabot ang kanilang tunguhin. Sa katulad na paraan, kailangan ang sakripisyo at pagsisikap upang maabot ang espirituwal na mga tunguhin. (1 Timoteo 4:7, 8, 10) ‘Pero paano makatutulong ang pag-aaral ng Bibliya upang maabot ko ang aking mga tunguhin?’ baka itanong mo. Tingnan natin ang tatlong paraan.
10, 11. Bakit ka mapapakilos ng Kasulatan na abutin ang espirituwal na mga tunguhin? Magbigay ng halimbawa.
10 Una, mapapakilos ka ng Kasulatan na abutin ang espirituwal na mga tunguhin. Isinisiwalat nito ang kahanga-hangang personalidad ng ating makalangit na Ama, ang kaniyang dakilang pag-ibig sa atin, at ang walang-hanggang pagpapalang nakalaan para sa kaniyang tapat na mga lingkod. (Amos 3:7; Juan 3:16; Roma 15:4) Habang sumusulong ang iyong kaalaman tungkol kay Jehova, susulong din ang iyong pag-ibig sa kaniya at ang iyong hangaring ialay ang iyong buhay sa kaniya.
11 Sinasabi ng maraming kabataang Kristiyano na nakatulong sa kanila ang regular na personal na pag-aaral ng Bibliya upang dibdibin nila ang katotohanan. Halimbawa, si Adele ay pinalaki sa isang pamilyang Kristiyano subalit hindi siya kailanman gumawa ng anumang espirituwal na mga tunguhin. “Isinasama ako ng aking mga magulang sa Kingdom Hall,” ang kuwento niya, “pero wala akong personal na pag-aaral at hindi ako nakikinig sa mga pulong.” Nang mabautismuhan ang kaniyang ate, sineryoso na niya ang katotohanan. “Nagsikap akong basahin ang buong Bibliya. Nagbabasa muna ako ng pailan-ilang talata at pagkatapos ay nagsusulat ng mga komento hinggil sa aking nabasa. Nasa akin pa rin ang lahat ng aking mga nota. Nabasa ko ang Bibliya sa loob ng isang taon.” Dahil dito, naudyukan si Adele na ialay ang kaniyang buhay kay Jehova. Sa kabila ng kaniyang malubhang kapansanan, isa na siya ngayong payunir, o buong-panahong ebanghelisador.
12, 13. (a) Matutulungan ng pag-aaral ng Bibliya ang isang kabataan na gumawa ng anong mga pagbabago, at paano? (b) Magbigay ng mga halimbawa ng praktikal na karunungang nasa Salita ng Diyos.
12 Ikalawa, tutulungan ka ng Bibliya na gumawa 2 Timoteo 3:16, 17) Sa regular na pagbubulay-bulay may kinalaman sa Salita ng Diyos at pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya, hinahayaan mong pasulungin ng espiritu ng Diyos ang iyong personalidad. Malilinang mo ang magagandang katangian, gaya ng kapakumbabaan, pagtitiyaga, kasipagan, at tunay na pag-ibig sa mga kapuwa Kristiyano. (1 Timoteo 4:15) Tinaglay ni Timoteo ang mga katangiang ito, kung kaya naging malaking tulong siya kay Pablo at sa mga kongregasyong pinaglingkuran niya.—Filipos 2:20-22.
ng kinakailangang pagbabago sa iyong personalidad. Sinabi ni Pablo kay Timoteo na ang “banal na mga kasulatan” ay “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” (13 Ikatlo, ang Salita ng Diyos ay pinagmumulan ng praktikal na karunungan. (Awit 1:1-3; 19:7; 2 Timoteo 2:7; 3:15) Tutulungan ka nitong maging matalino sa pagpili ng mga kaibigan, sa pagpili ng maiinam na libangan, at sa pagharap sa iba pang di-mabilang na mga hamon. (Genesis 34:1, 2; Awit 119:37; 1 Corinto 7:36) Napakahalagang gumawa ka na ngayon ng matatalinong desisyon upang maabot mo ang espirituwal na mga tunguhin.
‘Ipakipaglaban ang Mainam na Pakikipaglaban’
14. Bakit mahirap itaguyod ang espirituwal na mga tunguhin?
14 Ang pag-una sa mga tunguhing nagpaparangal kay Jehova ang pinakamatalinong landasin ngunit mahirap itong gawin. Halimbawa, pagdating sa pagpili ng isang karera, posibleng mapalagay ka sa matinding panggigipit mula sa iyong mga kamag-anak, kasamahan, at nagmamalasakit na mga edukador na nag-aakalang ang susi ng tunay na tagumpay at kaligayahan ay ang mataas na pinag-aralan at propesyong malakas pagkakitaan. (Roma 12:2) Gaya ni Timoteo, dapat mong ‘ipakipaglaban ang mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya’ upang ‘makapanghawakan kang mahigpit sa buhay na walang hanggan’ na iniaalok sa iyo ni Jehova—1 Timoteo 6:12; 2 Timoteo 3:12.
15. Anong pagtutol ang posibleng napaharap kay Timoteo?
15 Kapag tutol ang iyong di-sumasampalatayang kapamilya sa mga desisyon mo, napakalaking pagsubok nito. Posibleng kinailangang pagtagumpayan ni Timoteo ang gayong pagtutol. Ayon sa isang reperensiya, malamang na ang pamilya ni Timoteo ay “mula sa may-pinag-aralan at mayamang angkan.” Malamang na inasahan ng ama niya na kukuha siya ng mataas na edukasyon at ipagpapatuloy ang kanilang negosyo. * Isip-isipin na lamang ang maaaring naging reaksiyon ng ama ni Timoteo nang matuklasan niyang ginusto pa ni Timoteo na suungin ang mga panganib at walang-suweldong pagmimisyonero kasama ni Pablo!
16. Paano hinarap ng isang kabataan ang pagsalansang ng magulang?
16 Ganito rin ang mga hamong napapaharap sa mga kabataan ngayon. Nagugunita pa ni Matthew na naglilingkod sa isang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova: “Nang magpayunir ako, dismayadung-dismayado si Itay. Inisip niyang ‘sinayang’ ko lamang ang aking pinag-aralan nang magtrabaho ako bilang dyanitor para masuportahan ko ang aking ministeryo. Madalas niya akong tinutuya at sinasabing malaki na sana ang kinikita ko kung kumuha ako ng buong-panahong trabaho.” Paano hinarap ni Matthew ang pagsalansang na ito? “Hinding-hindi ko pinabayaan ang iskedyul ko sa pagbabasa ng Bibliya at palagi akong nananalangin, lalo na kapag malapit na akong maubusan ng pasensiya.” Ginantimpalaan ang katatagan ni Matthew. Sa paglipas ng panahon, naglubag din ang kalooban ng kaniyang tatay. Naging mas malapít din si Matthew kay Jehova. “Naranasan ko ang paglalaan ni Jehova, ang kaniyang pagpapatibay, at pagsasanggalang sa akin mula sa mga maling desisyon,” ang sabi ni Matthew. “Hindi ko mararanasan ang alinman sa mga ito kung hindi ko inabót ang espirituwal na mga tunguhin.”
Panatilihing Nakatuon ang Pansin sa Espirituwal na mga Tunguhin
17. Paanong sa di-sinasadyang paraan ay pahinain ng iba ang mga nagpaplanong pumasok sa buong-panahong paglilingkod? (Mateo 16:22)
17 Maaaring sa di-sinasadyang paraan ay
pahinain tayo maging ng ating mga kapananampalataya sa pag-abot sa espirituwal na mga tunguhin. ‘Bakit ka pa magpapayunir?’ baka itanong ng ilan. ‘Puwede ka namang magkaroon ng normal na buhay at makapaglingkod pa rin sa larangan. Kumuha ka ng trabahong malaki ang suweldo para hindi ka magkaproblema sa pera.’ Mukhang praktikal naman ang payong ito, subalit talaga nga kayang sinasanay mo ang iyong sarili na ang tunguhin ay makadiyos na debosyon kung susundin mo ito?18, 19. (a) Paano mo mapananatiling nakatuon ang iyong pansin sa espirituwal na mga tunguhin? (b) Ipaliwanag kung anong mga sakripisyo, bilang isang kabataan, ang ginagawa mo alang-alang sa Kaharian.
18 Ang ilang Kristiyano noong panahon ni Timoteo ay malamang na may gayunding pag-iisip. (1 Timoteo 6:17) Upang tulungan si Timoteo na mapanatiling nakatuon ang pansin sa espirituwal na mga tunguhin, pinatibay siya ni Pablo sa pagsasabing: “Walang taong naglilingkod bilang kawal ang sumasangkot sa mga pangkabuhayang pangangalakal, upang makamit niya ang pagsang-ayon ng isa na nagtala sa kaniya bilang kawal.” (2 Timoteo 2:4) Ang isang sundalong nasa tungkulin ay hindi maaaring maabala ng mga gawaing pansibilyan. Nakadepende ang kaniyang buhay at ang buhay ng iba sa kaniyang pagiging laging handang sumunod sa mga utos ng kaniyang kumandante. Bilang isang kawal sa ilalim ni Kristo, dapat na maging determinado ka rin at hindi nagpapaabala sa di-kinakailangang pagsusumakit sa materyal na hahadlang sa iyo upang lubos na maisakatuparan ang nagbibigay-buhay na ministeryo.—Mateo 6:24; 1 Timoteo 4:16; 2 Timoteo 4:2, 5.
19 Sa halip na gawing tunguhin ang magpasarap sa buhay, linangin mo ang pagsasakripisyo sa sarili. “Maging handang isakripisyo ang kaalwanan sa buhay, bilang sundalo ni Kristo Jesus.” (2 Timoteo 2:3, The English Bible in Basic English) Sa pakikisama kay Pablo, natutuhan ni Timoteo ang lihim ng pagiging kontento kahit sa pinakamahihirap na kalagayan. (Filipos 4:11, 12; 1 Timoteo 6:6-8) Magagawa mo rin ito. Handa ka bang magsakripisyo alang-alang sa Kaharian?
Mga Pagpapala Ngayon at sa Hinaharap
20, 21. (a) Ilarawan ang ilang pagpapalang dulot ng pagtataguyod ng espirituwal na mga tunguhin. (b) Ano ang determinado mong gawin?
20 Labinlimang taóng kasa-kasama ni Pablo si Timoteo. Nakita mismo ni Timoteo ang pagtatatag ng mga bagong kongregasyon habang pinalalaganap ang mabuting balita sa halos lahat ng lugar sa hilagang Mediteraneo. Naging mas kapana-panabik at kasiya-siya ang buhay niya kaysa kung nagpasiya siyang mamuhay nang “normal.” Sa pagtataguyod ng espirituwal na mga tunguhin, aani ka rin ng walang-katumbas na espirituwal na mga pagpapala. Mapapalapít ka kay Jehova at matatamo mo ang pag-ibig at paggalang ng iyong kapuwa mga Kristiyano. Sa halip na danasin ang pasakit at pagkabigong dulot ng paghahangad na yumaman, madarama mo ang tunay na kaligayahan mula sa walang-pag-iimbot na pagbibigay. At ang pinakamahalaga sa lahat, ‘makapanghahawakan kang mahigpit sa tunay na buhay’—buhay na walang hanggan sa paraisong lupa.—1 Timoteo 6:9, 10, 17-19; Gawa 20:35.
21 Kaya kung hindi mo pa ito nagagawa, masigla ka naming hinihimok na sanayin mo na agad ang iyong sarili na ang tunguhin ay ang makadiyos na debosyon. Maging malapít sa mga kapatid sa kongregasyon na makatutulong sa iyo upang maabot ang espirituwal na mga tunguhin, at hilingin mo ang kanilang patnubay. Gawin mong pangunahin sa iyong buhay ang regular na personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos. Gawin mong determinasyon na paglabanan ang materyalistikong espiritu ng daigdig na ito. At palaging tandaan na ang Diyos “na saganang naglalaan sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan” ay nangangako sa iyo na matatamo mo ang mayayamang pagpapala ngayon at sa hinaharap kung pipiliin mo ang mga tunguhing nagpaparangal sa kaniya.—1 Timoteo 6:17.
[Talababa]
^ par. 15 Napakataas ng tingin ng Griegong lipunan sa edukasyon. Isinulat ni Plutarch na kapanahon ni Timoteo: “Ang pagkakaroon ng tamang edukasyon ay bukal at ugat ng lahat ng kabutihan. . . . Masasabi kong ito ang daan at paraan upang maabot ang kahusayan sa moral at ang kaligayahan. . . . Ang lahat ng iba pang pakinabang ay mahina, at di-gaanong mahalaga, at hindi na dapat masyadong pag-ukulan ng pansin.”—Moralia, I, “Ang Edukasyon ng mga Bata.”
Natatandaan Mo Ba?
• Saan makasusumpong ng tulong ang mga kabataan upang maabot ang espirituwal na mga tunguhin?
• Bakit napakahalagang pag-aaralang mabuti ang Bibliya?
• Paano mapaglalabanan ng mga kabataan ang materyalistikong impluwensiya ng daigdig na ito?
• Anu-anong pagpapala ang ibubunga ng pag-abot sa espirituwal na mga tunguhin?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 24]
Itinaguyod ni Timoteo ang maiinam na tunguhin
[Mga larawan sa pahina 25]
Anong magagandang impluwensiya ang tumulong kay Timoteo?
[Mga larawan sa pahina 26]
Sinisikap mo bang abutin ang espirituwal na mga tunguhin?