Ang Napakahirap na Trabaho ni Ernst Glück
Ang Napakahirap na Trabaho ni Ernst Glück
MAHIGIT 300 taon na ang nakalilipas, naglakas-loob si Ernst Glück na gawin ang isang trabahong ilang tao lamang sa buong kasaysayan ang magtatangkang gumawa. Ipinasiya niyang isalin ang Bibliya sa isang wikang hindi niya alam.
Isinilang si Glück noong mga 1654 sa maliit na bayan ng Wettin, malapit sa Halle, Alemanya. Luteranong pastor ang kaniyang ama at dahil sa pagiging relihiyoso ng kanilang pamilya, ang batang si Ernst ay nagkainteres na matuto tungkol sa Diyos. Sa edad na 21, natapos niya ang kurso sa teolohiya sa Alemanya at lumipat sa tinatawag ngayong Latvia. Noon, karamihan sa mga tagaroon ay hindi nakapag-aral, at iilang aklat lamang ang makukuha sa kanilang wika. Sumulat si Glück: “Nang dumating ako sa lupaing ito noong aking kabataan, ang una kong napansing problema ay ang kawalan ng Bibliya sa simbahan ng Latvia . . . Dahil dito, nanata ako sa Diyos na pag-aaralan ko ang kanilang wika at magpapakadalubhasa ako rito.” Determinado siyang bigyan ang mga taga-Latvia ng isang Bibliya sa kanilang wika.
Paghahanda sa Pagsasalin
Ang lugar kung saan nanirahan si Glück ay kilala noon bilang Livonia na pinamamahalaan ng Sweden. Ang kinatawan doon ng hari ng Sweden ay si Johannes Fischer. Nais niyang iangat ang antas ng edukasyon sa bansa at gusto rin niyang kumita ng pera. Ipinakipag-usap ni Glück kay Fischer ang tungkol sa pagsasalin ng Bibliya sa wikang Latviano. May palimbagan si Fischer sa Riga, kabiserang lunsod ng Latvia. Kung ililimbag niya ang Bibliya sa wikang Latviano, mapasusulong niya ang kaniyang proyekto sa edukasyon at malamang na kikita siya nang malaki. Humingi si
Fischer ng pahintulot kay Haring Charles XI ng Sweden na maisalin ang Bibliya. Pumayag naman ang hari at nag-alok na tutustusan niya ito. Matapos lagdaan ng hari ang isang resolusyon noong Agosto 31, 1681, nagsimula na ang pagsasalin.Samantala, inihahanda na ni Glück ang kaniyang sarili. Yamang isa siyang Aleman, puwede sana niyang gamitin ang salin ni Martin Luther bilang batayan ng Bibliyang Latviano. Pero gusto ni Glück na makagawa ng pinakamagandang bersiyon hangga’t maaari at naisip niyang para magawa ito, dapat niyang isalin ito mula sa orihinal na wikang Hebreo at Griego. Hindi sapat ang kaalaman ni Glück sa mga wika ng Bibliya, kaya pumunta siya sa Hamburg, Alemanya, para pag-aralan ang Hebreo at Griego. Habang naroroon siya, malamang na tinulungan siya ng isang klerigong taga-Livonia na si Jānis Reiters na matuto ng wikang Latviano at ng wikang Griego na ginamit sa Bibliya.
Mga Taon ng Pagtatrabaho, mga Taon ng Paghihintay
Nang matapos niya ang pagsasanay sa wika noong 1680, bumalik na si Glück sa Latvia at naglingkod bilang ministro. Di-nagtagal, sinimulan na niya ang pagsasalin. Noong 1683, nakatanggap si Glück ng bagong atas bilang pastor sa malaking parokya ng Alūksne, ang lugar kung saan niya ginawa ang pagsasalin ng Bibliya.
Noon, ang maraming termino at konsepto ng Bibliya ay wala pang katumbas sa wikang Latviano. Kaya naman gumamit si Glück ng ilang salitang Aleman sa kaniyang pagsasalin. Pero sinikap niyang maisalin ang Salita ng Diyos sa wikang Latviano, at aminado ang mga eksperto na napakaganda nga ng kaniyang salin. Umimbento pa nga si Glück ng mga bagong salita, at ang ilan sa mga ito ay madalas na ginagamit ngayon sa Latvia. Kabilang dito ang mga termino para sa “halimbawa,” “piging,” “higante,” “maniktik,” at “tumestigo.”
Palaging ipinaaalam ni Johannes Fischer sa hari ng Sweden ang kalagayan ng pagsasalin, at ipinakikita ng kanilang pagsusulatan na noong 1683, naisalin na ni Glück ang Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa loob lamang ng walong taon, natapos niya ang napakahirap na trabaho ng pagsasalin ng buong Bibliya noong 1689. * Mga ilang taon din bago ito nailathala, pero noong 1694, natupad din ang kaniyang pangarap—ipinahintulot ng pamahalaan ang pamamahagi sa madla ng Bibliyang Latviano.
Nagdududa ang ilang istoryador kung si Glück ba lamang talaga ang gumawa ng pagsasalin. Walang-alinlangang kinonsulta niya ang salin ni Luther at inilakip sa kaniyang salin ang ilang bahagi ng Bibliya na mayroon na sa wikang Latviano. Subalit maliit na bahagi lamang ito ng kaniyang salin. May iba pa bang tagapagsalin? May isang katulong si Glück habang ginagawa niya ang pagsasalin, at may iba pang tumulong sa pagsusuri ng kaniyang salin. Pero lumilitaw na hindi sila tumulong sa aktuwal na pagsasalin. Kaya malamang na si Glück lamang talaga ang nagsalin.
Napakalaking tulong ng salin ni Glück sa pagkakaroon ng nasusulat na wikang Latviano, pero may mas mahalaga pa itong resulta. Sa wakas, mababasa na rin ng mga taga-Latvia ang Salita ng Diyos sa kanilang wika at mapag-aaralan na nila ang nagbibigay-buhay na mga turo nito. Hindi nila malilimutan ang nagawa ni Ernst Glück para sa kanila. Sa mahigit na 300 taon, inaalagaan pa rin ng mga taga-Alūksne ang dalawang punong ensina na kilala ngayon bilang Glika ozoli, o mga ensina ni Glück. Itinanim ito ni Glück bilang pag-alaala sa Bibliyang Latviano. May isang maliit na museo sa Alūksne na kinalalagyan ng iba’t ibang bersiyon ng Bibliya, at kabilang dito ang isang kopya mula sa unang paglilimbag ng salin ni Glück. At makikita sa eskudo de armas ng Alūksne ang Bibliya at ang petsang 1689, kung kailan natapos ni Glück ang kaniyang salin.
Ang Sumunod Niyang Ginawa
Di-nagtagal pagdating niya sa Latvia, nag-aral si Glück ng wikang Ruso. Noong 1699, isinulat niyang may isa pa siyang pangarap—gusto niyang isalin ang Bibliya sa wikang ito. Sa isang liham na may petsang 1702, isinulat niyang nirerebisa na niya ang Bibliyang Latviano. Pero mahirap na itong mangyari. Pagkatapos ng maraming taon ng kapayapaan, nagkaroon ng digmaan sa Latvia. Noong 1702, tinalo ng hukbong Ruso ang mga Sweko at sinakop ang Alūksne. Ipinatapon si Glück at ang kaniyang pamilya sa Russia. * Noong magulong panahong iyon, naiwala ni Glück ang mga manuskrito ng kaniyang bagong Bibliyang Latviano at ng kaniyang salin sa wikang Ruso. Namatay siya sa Moscow noong 1705.
Isang napakalaking kawalan ang pagkawala ng mga huling bersiyong iyon sa wikang Latviano at Ruso. Pero hanggang sa ngayon, lahat ng bumabasa ng Bibliyang Latviano ay nakikinabang sa orihinal na salin ni Glück.
Si Ernst Glück ay isa lamang sa maraming naglakas-loob na gawin ang napakahirap na trabaho ng pagsasalin ng Bibliya sa katutubong wika ng mga tao. Bilang resulta, nababasa na ng lahat ng tao mula sa halos lahat ng wika sa daigdig ang Salita ng Diyos at sa gayo’y nakikinabang sa walang katumbas na katotohanan nito. Oo, dahil sa mga edisyon ng Bibliya sa mahigit na 2,000 wika, patuloy na naipakikilala ni Jehova ang kaniyang sarili sa mga tao saanman sila naroroon.
[Mga talababa]
^ par. 10 Bilang paghahambing, 47 iskolar ang gumugol ng pitong taon bago natapos ang Authorized Version, o King James Version sa Ingles, noong 1611.
^ par. 14 Naiwan ni Glück ang kaniyang anak-anakang babae na naging asawa ng emperador ng Russia na si Peter the Great. Nang mamatay si Peter noong 1725, siya ang naging Catherine I, ang emperatris ng Russia.
[Larawan sa pahina 13]
Salin ni Glück
[Larawan sa pahina 14]
Itinuturo ng mga Saksi ni Jehova ang Bibliya sa bayan kung saan isinalin ito ni Glück