Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Taon sa “Mabuting Lupain”

Isang Taon sa “Mabuting Lupain”

Isang Taon sa “Mabuting Lupain”

NOONG 1908, isang kapana-panabik na bagay ang natuklasan sa lunsod ng Gezer sa Bibliya, sa dalampasigan sa kanluran ng Jerusalem: isang maliit na tapyas ng batong-apog, na sinasabing mula pa noong ikasampung siglo B.C.E. Nakaukit dito sa sinaunang wikang Hebreo ang sinasabing pinasimpleng bersiyon ng isang kalendaryo ng pagsasaka, pati na ang iba’t ibang gawain dito. Nakilala ang tapyas na ito bilang ang Kalendaryong Gezer.

Makikita rito ang isang lagda: Abias. Bagaman hindi lahat ng arkeologo ay sumasang-ayon, marami ang nag-iisip na ito’y takdang-aralin ng isang batang mag-aarál na isinulat sa anyong patula. * Gusto mo bang subaybayan ang paglipas ng panahon ayon sa mata ng isang batang nabuhay noon? Matutulungan ka nitong maalaala ang ilang pangyayari sa Bibliya.

Dalawang Buwan ng Pagtitipon ng Ani

Nagsimula ang sumulat ng sinaunang kalendaryong ito sa panlahatang pagtitipon ng ani. Bagaman ito ang unang nakatala sa kalendaryo, mauunawaan mo kung bakit itinuturing ng mga Israelita ang pagtitipong ito bilang kasukdulan, o kawakasan, ng pangunahing bahagi ng taon ng pagsasaka. Ang buwan ng Etanim (tinawag na Tisri nang maglaon) ay tumatapat sa Setyembre/​Oktubre sa ating kasalukuyang kalendaryo. Dahil halos patapos na ang pag-aani, panahon na ito ng pagsasaya at malamang na ikinatuwa ito ng batang si Abias. Isip-isipin na lamang ang kagalakan ni Abias habang tinutulungan niya ang kaniyang ama sa paggawa ng kubol na titirhan nila sa loob ng isang linggo at masayang nagpapasalamat kay Jehova dahil sa mga bunga ng kanilang bukirin!​—Deuteronomio 16:13-15.

Sa panahong ito, malapit nang anihin ng pamilya ni Abias ang mga olibo sa pamamagitan ng paghampas sa mga sanga ng puno, isang trabahong malamang na napakabigat para sa batang si Abias ngunit nakatutuwa itong panoorin. (Deuteronomio 24:20) Pagkatapos nito, pupulutin nila ang mga olibo at dadalhin sa pinakamalapit na batong gilingan para gumawa ng langis. O maaari din namang makakuha ng langis ang isang pamilya sa mas simpleng paraan​—ibababad nila sa tubig ang binayo o dinurog na mga olibo at sasalukin ang nakalutang na langis. Alinman dito, ang mahalagang likidong ito ay hindi lamang kinakain. Ginagamit din itong langis sa lampara at panggamot sa mga pasâ at sugat, na maaaring makuha ng isang batang gaya ni Abias habang naglalaro.

Dalawang Buwan ng Paghahasik

Nang magsimula nang umulan, tiyak na tuwang-tuwa si Abias na damhin ang malamig na ulan. Malamang na sinabi sa kaniya ng kaniyang ama kung gaano kahalaga sa lupain ang ulan. (Deuteronomio 11:14) Ang lupang tumigas sa loob ng ilang buwan dahil sa init ng araw ay lalambot na ngayon at puwede nang araruhin. Buong-husay na iginigiya ng sinaunang mang-aararo ang pang-ararong kahoy na maaaring may metal sa dulo, habang hila ito ng isang hayop. Ang layunin ay makagawa ng tuwid na mga tudling sa lupa. Napakahalaga ng mga lupa, kaya naman kahit maliliit na lote at maging mga dalisdis ay ginagamit ng mga magsasakang Israelita. Pero maaaring mga asarol na ang gamit nila roon.

Kapag naararo na ang malambot na lupa, puwede nang ihasik ang trigo at sebada. Kapansin-pansin, sumunod na binanggit ng Kalendaryong Gezer ang dalawang buwan ng pagtatanim na ito. Maaaring inilalagay ng manghahasik ang mga butil sa tupi ng kanilang damit at isinasaboy ito sa lupa.

Dalawang Buwan ng Huling Paghahasik

Hindi kailanman natatapos sa paglalaan ng pagkain ang “mabuting lupain.” (Deuteronomio 3:25) Pagsapit ng Disyembre, kalakasan na ng ulan at nagiging maberde ang lupain. Panahon ito ng huling paghahasik ng butong-gulay, gaya ng gisantes at mga katulad nito, gayundin ang iba pang mga gulay. (Amos 7:1, 2) Sa tapyas, tinawag ito ni Abias na “panginginain sa tagsibol” o, ayon sa ibang salin, ang “huling pagtatanim,” isang panahon ng masasarap na pagkaing gulay.

Kapag medyo umiinit na ang panahon, ang punong almendras ay nagkakaroon na ng mapuputi at kulay-rosas na mga bulaklak bilang palatandaang malapit na ang tagsibol. Maaari itong magsimula sa bahagyang pag-init ng panahon na sing-aga ng Enero.​—Jeremias 1:11, 12.

Isang Buwan ng Pagputol ng Lino

Sumunod na binanggit ni Abias ang lino. Maaalaala mo marahil ang isang pangyayaring naganap sa silangang bahagi ng mga burol ng Juda ilang siglo bago ang panahon ni Abias. Sa lunsod ng Jerico, itinago ni Rahab ang dalawang tiktik sa “mga tangkay ng lino na nakalatag nang hanay-hanay” at nakabilad sa kaniyang bubong. (Josue 2:6) May mahalagang papel na ginagampanan ang lino sa buhay ng mga Israelita. Para lumabas ang hilatsa ng lino, kailangan munang mabulok ang halaman. Dahil sa hamog, unti-unti itong nabubulok o para mapabilis ang pagbulok nito, ibinababad ang lino sa lawa o batis. Kapag nakuha na ang hilatsa ng lino, ginagamit ito sa paggawa ng tela, na ginagawa namang layag, tolda, at damit. Ginagamit ding mitsa ng lampara ang lino.

Ang ilan ay hindi sumasang-ayon na tumutubo ang lino sa Gezer dahil kaunti lamang ang tubig doon. Sinasabi naman ng iba na ang lino ay tumutubo lamang sa pagtatapos ng taon. Kaya naman naniniwala ang ilan na sa Kalendaryong Gezer, ang salitang “lino” ay singkahulugan ng “dayami.”

Isang Buwan ng Pag-aani ng Sebada

Taun-taon, pagkatapos ng isang buwan ng pagputol ng lino, pinagmamasdan ni Abias ang berdeng uhay ng sebada, ang pananim na sumunod niyang binanggit sa kaniyang kalendaryo. Ang katumbas na buwan sa wikang Hebreo ay Abib, na nangangahulugang “Berdeng Uhay,” na posibleng tumutukoy sa panahong hinog na ang mga uhay pero malambot pa. Nag-utos si Jehova: “Ipangingilin ang buwan ng Abib, at ipagdiriwang mo ang paskuwa para kay Jehova.” (Deuteronomio 16:1) Ang Abib (nang maglaon ay tinawag na Nisan) ay tumatapat sa buwan ng Marso at Abril. Ang panahon ng pagkahinog ng sebada ay maaaring ginagamit na palatandaan upang masabing nagsisimula na ang buwang ito. Hanggang sa ngayon, ginagamit pa rin ito ng mga Judiong Karaite bilang palatandaan ng simula ng kanilang bagong taon. Alinman dito, ang mga unang bunga ng sebada ay kailangang ikaway kay Jehova sa ika-16 ng Abib.​—Levitico 23:10, 11.

Napakahalaga ng sebada sa pang-araw-araw na buhay ng karamihan sa mga Israelita. Palibhasa’y mas mura kaysa sa trigo, madalas na sebada ang ginagawa nilang tinapay, lalo na ng mahihirap.​—Ezekiel 4:12.

Isang Buwan ng Pag-aani at Pagtakal

Kung babalikan mo ang panahon ni Abias, maguguniguni mong isang umaga ay napansin niyang naglalaho na ang makakapal na ulap​—wala munang ulan. Aasa na lamang ngayon sa hamog ang mga halaman sa mabuting lupain. (Genesis 27:28; Zacarias 8:12) Alam ng mga magsasakang Israelita na ang maraming pananim sa panahon ng napakaiinit na buwan ng taon ay nangangailangan ng banayad na hangin hanggang Pentecostes. Ang malamig at mamasa-masang hangin na nanggagaling sa hilaga ay malamang na nakatutulong sa pagsibol ng mga binutil, pero sumisira naman sa mga namumungang punungkahoy kapag namumulaklak na ito. Ang mainit at tuyong hangin mula sa timog ay tumutulong sa mga bulaklak na mamukadkad at magsagawa ng polinisasyon.​—Kawikaan 25:23; Awit ni Solomon 4:16.

Si Jehova na Dalubhasa sa mga lagay ng panahon, ay lumikha ng isang balanseng sistema ng ekolohiya. Noong panahon ni Abias, ang Israel ay talagang “isang lupain ng trigo at sebada at mga punong ubas at mga igos at mga granada, isang lupain ng malalangis na olibo at pulot-pukyutan.” (Deuteronomio 8:8) Malamang na sinabi ng lolo ni Abias sa kaniya ang tungkol sa pambihirang panahon ng kasaganaan sa ilalim ng pamamahala ng marunong na si Haring Solomon​—isang maliwanag na katibayan ng pagpapala ni Jehova.​—1 Hari 4:20.

Matapos banggitin ang pag-aani, mababasa sa kalendaryo ang isang salita na ayon sa ilan ay nangangahulugang “pagtakal.” Maaaring tumukoy ito sa pagtakal ng mga ani upang ibigay sa mga may-ari ng lupain at sa mga manggagawa o ipambayad bilang buwis. Gayunman, iniisip ng ibang iskolar na ang Hebreong salitang ito ay nangangahulugang “pagsasalu-salo” at tumutukoy sa Kapistahan ng mga Sanlinggo, na pumapatak sa buwan ng Sivan (Mayo/​Hunyo).​—Exodo 34:22.

Dalawang Buwan ng Pag-aalis ng Dahon

Ang sumunod na isinulat ni Abias ay ang tungkol sa dalawang buwan ng pag-aalaga ng ubasan. Malamang na tumulong siya sa pag-aalis ng napakaraming dahon ng mga punong ubas upang makatagos ang araw sa mga bunga nito. (Isaias 18:5) Kasunod nito ang panahon ng pamimitas ng ubas, isang kapana-panabik na panahon para sa isang bata noon. Napakatatamis ng mga unang hinog na ubas! Malamang na narinig din ni Abias ang kuwento tungkol sa 12 tiktik na pinapunta ni Moises sa Lupang Pangako. Pumunta sila roon noong panahon ng mga unang hinog na bunga ng ubas upang makita kung gaano kabuti ang lupain. Sa pagkakataong iyon, ang isang kumpol ng ubas ay napakalaki anupat dalawang lalaki ang kailangang bumuhat nito!​—Bilang 13:20, 23.

Isang Buwan ng Bungang Pantag-araw

Ang huling nakalagay sa kalendaryo ni Abias ay ang bungang pantag-araw. Sa sinaunang Gitnang Silangan, ang tag-araw ay bahagi ng kalendaryo ng pagsasaka na nakasentro sa mga namumungang punungkahoy. Pagkatapos ng panahon ni Abias, ginamit ni Jehova ang pananalitang “isang basket ng bungang pantag-araw” upang ilarawan na ‘ang kawakasan ay dumating na sa kaniyang bayang Israel,’ na ginagamit ang mga salitang “bungang pantag-araw” at “kawakasan” sa wikang Hebreo. (Amos 8:2) Ito sana ang nagpaalaala sa taksil na Israel na malapit na ang kanilang kawakasan at panahon na ng paghatol ni Jehova. Walang-alinlangang kabilang ang igos sa mga bungang pantag-araw na tinutukoy ni Abias. Ang mga igos na pantag-araw ay pinipipî at ginagawang kakanin o ginagamit na panapal sa mga bukol.​—2 Hari 20:7.

Ikaw at ang Kalendaryong Gezer

Malamang na pamilyar si Abias sa buhay ng magsasaka sa kanilang bayan. Pangkaraniwan ang mga gawaing bukid sa mga Israelita noon. Bagaman hindi mo mismo naranasan ang pagsasaka, ang mga binanggit sa tapyas na ito mula sa Gezer ay makatutulong upang gawing buháy ang iyong pagbabasa ng Bibliya, anupat ito ay nagiging madaling maunawaan at makabuluhan.

[Talababa]

^ par. 3 Hindi lubos na magkasuwato ang talaan ng Kalendaryong Gezer at ang mga buwang karaniwang sinusunod sa Bibliya. Isa pa, maaaring may bahagyang pagkakaiba kung kailan ginaganap ang ilang gawaing pagsasaka sa iba’t ibang lugar sa Lupang Pangako.

[Kahon/​Larawan sa pahina 11]

POSIBLENG SALIN NG KALENDARYONG GEZER:

“Mga buwan ng pag-aani ng ubas at olibo; mga buwan ng paghahasik;

mga buwan ng panginginain sa tagsibol;

buwan ng pagkuha ng lino;

buwan ng pag-aani ng sebada;

buwan ng pag-aani ng trigo at pagtakal;

mga buwan ng pagpungos;

buwan ng bungang pantag-araw.”

[lagda:] Abias *

[Talababa]

^ par. 40 Batay sa Textbook of Syrian Semitic Inscriptions, Tomo 1, ni John C. L. Gibson, 1971.

[Credit Line]

Archaeological Museum of Istanbul

[Chart/Mga larawan sa pahina 9]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

NISAN (ABIB)

Marso​—Abril

IYYAR (ZIV)

Abril​—Mayo

SIVAN

Mayo​—Hunyo

TAMUZ

Hunyo​—Hulyo

AB

Hulyo​—Agosto

ELUL

Agosto​—Setyembre

TISRI (ETANIM)

Setyembre​—Oktubre

HESHVAN (BUL)

Oktubre​—Nobyembre

KISLEV

Nobyembre​—Disyembre

TEBET

Disyembre​—Enero

SEBAT

Enero​—Pebrero

ADAR

Pebrero​—Marso

VEADAR

Marso

[Credit Line]

Magsasaka: Garo Nalbandian

[Larawan sa pahina 8]

Ginawang paghukay sa Gezer

[Credit Line]

© 2003 BiblePlaces.com

[Mga larawan sa pahina 10]

Punong almendras

[Larawan sa pahina 10]

Punong lino

[Credit Line]

Dr. David Darom

[Larawan sa pahina 10]

Sebada

[Credit Line]

U.S. Department of Agriculture