Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Karunungan ay Pananggalang”

“Ang Karunungan ay Pananggalang”

“Ang Karunungan ay Pananggalang”

“ANG pagtatamo ng karunungan ay anong pagkabuti kaysa sa ginto! At ang pagtatamo ng pagkaunawa ay mas mabuting piliin kaysa sa pilak,” ang sabi sa Kawikaan 16:16. Bakit napakahalaga ng karunungan? Dahil “ang karunungan ay pananggalang kung paanong ang salapi ay pananggalang; ngunit ang pakinabang sa kaalaman ay na iniingatang buháy ng karunungan ang mga nagtataglay nito.” (Eclesiastes 7:12) Subalit paano iniingatang buháy ng karunungan ang mga nagtataglay nito?

Ang pagtatamo ng makadiyos na karunungan, samakatuwid nga, ang pagkuha ng kaalaman sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, at pagsunod dito, ay tumutulong sa atin na lumakad sa daan na sinasang-ayunan ni Jehova. (Kawikaan 2:10-12) Sinabi ni Haring Solomon ng sinaunang Israel: “Ang lansangang-bayan ng mga matuwid ay ang paglayo sa kasamaan. Ang nagbabantay ng kaniyang lakad ay nag-iingat ng kaniyang kaluluwa.” (Kawikaan 16:17) Oo, inililigtas ng karunungan ang nagtataglay nito mula sa masasamang lakad at iniingatan silang buháy! Tinukoy ng maikli at pantas na mga kasabihan sa Kawikaan 16:16-33 ang kapaki-pakinabang na epekto ng makadiyos na karunungan sa ating pag-iisip, pananalita, at pagkilos. *

“Magkaroon ng Mapagpakumbabang Espiritu”

Ang personipikasyon ng karunungan ay nagsasabi ng ganito: “Ang pagtataas sa sarili at pagmamapuri . . . ay kinapopootan ko.” (Kawikaan 8:13) Magkasalungat ang pagmamapuri at karunungan. Kailangan nating kumilos nang may karunungan at mag-ingat na huwag maging palalo o arogante. Lalo na tayong dapat maging mapagbantay kung nagtagumpay tayo sa ilang pitak ng buhay o may ipinagkatiwala sa atin na pananagutan sa kongregasyong Kristiyano.

“Ang pagmamapuri ay nauuna sa pagbagsak,” ang babala sa Kawikaan 16:18, “at ang palalong espiritu bago ang pagkatisod.” Alalahanin ang pinakamatinding pagbagsak sa buong uniberso​—ang pagsuway ng sakdal na espiritung anak ng Diyos na ginawa ang kaniyang sarili na Satanas na Diyablo. (Genesis 3:1-5; Apocalipsis 12:9) Hindi ba’t naging palalo siya bago ang kaniyang pagbagsak? Tinukoy ito ng Bibliya nang sabihin nito na hindi pa dapat bigyan ng pananagutang mangasiwa sa kongregasyong Kristiyano ang isang bagong kumberteng lalaki “dahil baka magmalaki siya at mahulog sa hatol na ipinataw sa Diyablo.” (1 Timoteo 3:1, 2, 6) Napakahalaga ngang mag-ingat na huwag ibuyo ang iba na maging mapagmataas ni magkaroon man tayo ng ganitong saloobin!

“Mas mabuti ang magkaroon ng mapagpakumbabang espiritu kasama ng maaamo kaysa makihati sa samsam kasama ng mga palalo,” ang sabi sa Kawikaan 16:19. Praktikal ang payong ito gaya ng makikita sa nangyari kay Haring Nabucodonosor ng sinaunang Babilonya. Naging mapagmataas siya at nagpatayo ng pagkalaki-laking imahen​—marahil ay kumakatawan sa kaniya—​sa kapatagan ng Dura. Marahil ay inilagay ito sa isang napakataas na pedestal, kaya umabot ang estatuwa sa taas na 27 metro. (Daniel 3:1) Itinayo ang napakataas na monumentong ito para maging simbolo ng imperyo ni Nabucodonosor at pahangain ang mga tao. Maaaring humanga ang mga tao sa matataas at matatayog na bagay​—gaya ng estatuwang iyon at ng mga obelisko, tore, at mga nagtataasang gusali—​pero hindi humahanga ang Diyos sa mga ito. Umawit ang salmista: “Si Jehova ay mataas, gayunma’y nakikita niya ang mapagpakumbaba; ngunit ang matayog ay kilala lamang niya sa malayo.” (Awit 138:6) Sa katunayan, “ang matayog sa mga tao ay kasuklam-suklam na bagay sa paningin ng Diyos.” (Lucas 16:15) Mas maigi para sa atin na ‘makiayon sa mabababang bagay’ kaysa “magsaisip ng matatayog na bagay.”​—Roma 12:16.

Magsalita Nang May “Kaunawaan” at “Panghikayat”

Paano makaaapekto sa ating pananalita ang pagkakaroon ng karunungan? Sinasabi sa atin ng matalinong hari: “Siya na nagpapakita ng kaunawaan sa isang bagay ay makasusumpong ng mabuti, at maligaya siya na nagtitiwala kay Jehova. Ang may pusong marunong ay tatawaging may-unawa, at siyang matamis ang mga labi ay nagdaragdag ng panghikayat. Ang kaunawaan ay balon ng buhay sa mga may-ari nito; at ang pagdisiplina sa mga mangmang ay kamangmangan. Pinangyayari ng puso ng marunong na ang kaniyang bibig ay magpakita ng kaunawaan, at sa kaniyang mga labi ay nagdaragdag ito ng panghikayat.”​Kawikaan 16:20-23.

Tinutulungan tayo ng karunungan na magsalita nang may kaunawaan at panghikayat. Bakit? Dahil ang taong marunong sa puso ay nagsisikap na ‘makasumpong ng mabuti’ sa isang bagay at “nagtitiwala kay Jehova.” Kapag sinisikap nating hanapin ang mabuti tungkol sa iba, mas makapagsasalita tayo ng positibo tungkol sa kanila. Sa halip na maging mabagsik o agresibo, ang ating pananalita ay magiging kasiya-siya at mapanghikayat. Ang kaunawaan sa kalagayan ng iba ay tutulong sa atin na maunawaan ang laki ng paghihirap na maaaring nararanasan nila at kung paano nila ito hinaharap.

Mahalaga rin na magsalita nang may karunungan kapag nakikibahagi tayo sa pangangaral hinggil sa Kaharian at sa paggawa ng mga alagad. Kapag nagtuturo tayo ng Salita ng Diyos sa iba, ang layunin natin ay hindi lamang basta magtawid ng mga impormasyon mula sa Kasulatan. Layunin nating maantig ang puso ng mga indibiduwal. Kaya kailangan nating magdagdag ng panghihikayat sa ating pagsasalita. Hinimok ni apostol Pablo ang kaniyang kasamang si Timoteo na magpatuloy sa mga bagay na ‘nahikayat siyang sampalatayanan.’​—2 Timoteo 3:14, 15.

Ang salitang Griego na “nahikayat” ay nangangahulugang “pagbabago ng isip dahil sa impluwensiya ng pangangatuwiran o pagsasaalang-alang ng moral na mga salik,” ayon sa An Expository Dictionary of New Testament Words, ni W. E. Vine. Kailangan nating maunawaan ang iniisip, interes, kalagayan, at pinagmulan ng ating kausap para makapagharap tayo ng nakakukumbinsing mga argumento na makapagpapabago sa kaniyang pag-iisip. Paano tayo magkakaroon ng gayong kaunawaan? Sumasagot ang alagad na si Santiago: “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.” (Santiago 1:19) Sa pamamagitan ng pagtatanong sa ating kausap at pakikinig nang mabuti sa kaniyang sinasabi, malalaman natin kung ano ang kaniyang iniisip.

Napakahusay ni apostol Pablo sa panghihikayat sa iba. (Gawa 18:4) Maging ang isa sa mga sumalansang sa kaniya, ang panday-pilak na si Demetrio, ay umamin: “Hindi lamang sa Efeso kundi halos sa buong distrito ng Asia, ang Pablong ito ay nakapanghikayat ng isang malaking pulutong at ibinaling sila tungo sa ibang palagay.” (Gawa 19:26) Sinabi ba ni Pablo na dahil lamang sa kaniyang sariling kakayahan kaya siya naging mabisa sa pangangaral? Hindi. Itinuring niya ang kaniyang pangangaral na isang “pagtatanghal ng espiritu at kapangyarihan [ng Diyos].” (1 Corinto 2:4, 5) Tinutulungan din tayo ng banal na espiritu ni Jehova. Dahil nagtitiwala tayo kay Jehova, umaasa tayo na tutulungan niya tayo habang nagsisikap tayong magsalita nang may kaunawaan at panghikayat sa ating ministeryo.

Kaya naman “ang may pusong marunong” ay tinatawag na “matalino” o “may pang-unawa”! (Kawikaan 16:21, Magandang Balita Biblia; Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Oo, ang kaunawaan ay “balon ng buhay” para sa mga nagtataglay ng katangiang ito. Paano naman ang mga mangmang? ‘Hinahamak nila ang karunungan at disiplina.’ (Kawikaan 1:7) Ano ang mangyayari sa kanila kung tatanggihan nila ang disiplina mula kay Jehova? Gaya ng nabanggit na, sinabi ni Solomon: “Ang pagdisiplina sa mga mangmang ay kamangmangan.” (Kawikaan 16:22) Nilalapatan sila ng higit pang disiplina, kadalasa’y mabigat na kaparusahan. Ang mga mangmang ay maaari ding dumanas ng hirap, kahihiyan, karamdaman, at maagang pagkamatay pa nga.

Hinggil sa kapaki-pakinabang na epekto ng karunungan sa ating pananalita, ganito pa ang sinabi ng hari ng Israel: “Ang kaiga-igayang mga pananalita ay bahay-pukyutan, matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.” (Kawikaan 16:24) Kung paanong ang pulot-pukyutan ay matamis at nakabubusog sa isang gutóm, ang magagandang pananalita ay nakapagpapasigla at nakagiginhawa. Ang pulot-pukyutan ay mabuti rin sa kalusugan at nakapagpapagaling. Gayon din ang kaiga-igayang mga pananalita; nakapagpapalakas ito sa espirituwalidad ng isa.​—Kawikaan 24:13, 14.

Mag-ingat sa ‘Daan na Tila Matuwid’

“May daan na matuwid sa harap ng isang tao,” ang sabi ni Solomon, “ngunit ang mga daan ng kamatayan ang huling wakas nito.” (Kawikaan 16:25) Nagsisilbing babala ito laban sa maling pangangatuwiran at sa pagtataguyod ng landasing salungat sa kautusan ng Diyos. Mayroong landas na tila matuwid sa paningin ng di-sakdal na tao, pero maaaring talagang salungat ito sa matuwid na mga simulain ng Salita ng Diyos. Bukod pa rito, maaaring itaguyod ni Satanas ang gayong panlilinlang kaya ang isang tao ay nauudyukang gawin ang isang bagay na iniisip niyang tama, pero sa katunayan, hahantong ito sa kamatayan.

Wala nang mas mabuti pang proteksiyon laban sa panlilinlang sa sarili kaysa sa isang pusong marunong at may unawa at sa isang budhi na naturuan ng kaalaman mula sa Salita ng Diyos. Kapag nagpapasiya sa buhay​—tungkol sa moralidad o pagsamba o anupamang bagay—​ang pinakamainam na paraan para hindi mo malinlang ang iyong sarili ay ang sundin ang mga pamantayan ng Diyos hinggil sa mabuti at masama.

“Ang Panlasa ng Manggagawa ay Gumagawa Para sa Kaniya”

“Ang kaluluwa ng masipag na manggagawa ay nagpagal para sa kaniya, sapagkat pinilit siya ng kaniyang bibig,” ang sabi pa ng marunong na hari. (Kawikaan 16:26) Sinasabi ni Solomon na ang kagustuhang kumain ng manggagawa ay ‘nagpapagal para sa kaniya’ dahil ‘pinipilit siya’ o inuudyukan ng kaniyang pagkagutom. Mababasa natin sa Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino: “Ang panlasa ng manggagawa ay gumagawa para sa kaniya; ang kaniyang kagutuman ang nagtataboy sa kaniya na magpatuloy.” Ang normal na pagnanasa, gaya ng ating gana sa pagkain, ay mag-uudyok sa atin na magtrabahong mabuti. Ang ganitong pagnanasa ay kapaki-pakinabang. Pero paano kung sumobra ang normal na pagnanasa at maging kasakiman na? Ang resulta ay katulad ng nangyayari kapag ang maliit na sigâ na nakaluluto ng pagkain ay maglagablab at makasunog na ng kagubatan. Ang kasakiman ay pagnanasa na hindi na makontrol at ito ay kapaha-pahamak. Batid ito ng isang marunong kaya kinokontrol niya maging ang kaniyang tamang mga pagnanasa.

Huwag ‘Pumaroon sa Daang Hindi Mabuti’

Ang mga salitang lumalabas sa ating bibig ay maaaring makapinsala gaya ng naglalagablab na apoy. Inilarawan ni Solomon ang nakapipinsalang epekto ng paghahanap ng kapintasan ng iba at pagkakalat nito sa iba. Sinabi niya: “Ang walang-kabuluhang tao ay naghahalukay ng kasamaan, at sa kaniyang mga labi ay may animo’y nakapapasong apoy. Ang taong mapang-intriga ay laging naghahasik ng pagtatalo, at pinaghihiwalay ng maninirang-puri yaong malalapít sa isa’t isa.”​Kawikaan 16:27, 28.

Ang isang taong nagsisikap na sirain ang reputasyon ng kaniyang kapuwa ay “walang-kabuluhan.” Dapat nating sikaping hanapin ang magagandang katangian ng iba at magsalita ng mga bagay na positibo para igalang sila ng iba. Kumusta naman ang pakikinig sa mga nagkakalat ng nakapipinsalang tsismis? Ang kanilang mga pananalita ay madaling mauwi sa paghihinala na walang basehan, na sumisira ng pagkakaibigan at nagbubunga ng pagkakabaha-bahagi sa kongregasyon. Kung marunong tayo, hindi natin sila pakikinggan.

Bilang babala tungkol sa isang mapandayang kapangyarihan na maaaring magtulak sa isa na tumahak sa maling landasin, sinabi ni Solomon: “Ang taong marahas ay mandaraya sa kaniyang kapuwa, at tiyak na papaparoonin siya nito sa daang hindi mabuti. Ikinikindat niya ang kaniyang mga mata upang magpakana ng mga intriga. Sa pagkagat sa kaniyang mga labi, dinadala nga niya sa kaganapan ang kapinsalaan.”​Kawikaan 16:29, 30.

Maaari bang maimpluwensiyahan ng mapandayang kapangyarihan ng karahasan ang tunay na mga mananamba? Marami sa ngayon ang nahikayat na “magpakana ng mga intriga.” Nagtataguyod o nasasangkot sila sa karahasan. Maaaring madali para sa atin na umiwas sa tuwirang pakikisangkot sa karahasan. Pero nahihikayat ba tayo nito sa tusong mga paraan? Hindi ba’t milyun-milyong tao ang nahihikayat na manood ng mga libangan o isport na nagtatampok ng karahasan? Malinaw ang babala ng Kasulatan: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Talagang pinoprotektahan tayo ng makadiyos na karunungan!

Ano ang masasabi sa isa na lumakad nang may karunungan at unawa sa buong buhay niya at ‘hindi pumaroon sa daan na hindi mabuti’? Ang pamumuhay ayon sa daan ng katuwiran ay kapuri-puri sa paningin ng Diyos at marapat lamang na igalang. “Ang ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran,” ang sabi sa Kawikaan 16:31.

Sa kabilang panig, walang anumang mabuti sa di-makontrol na galit. Ang panganay na anak nina Adan at Eva na si Cain ay “nag-init sa matinding galit” sa kaniyang kapatid na si Abel anupat ‘dinaluhong niya ito at pinatay.’ (Genesis 4:1, 2, 5, 8) Bagaman baka nadarama natin kung minsan na may dahilan naman tayo para magalit, dapat nating iwasan na sumilakbo ang ating galit. Malinaw na sinasabi sa Kawikaan 16:32: “Siyang mabagal sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa sa makapangyarihang lalaki, at siyang sumusupil sa kaniyang espiritu kaysa sa bumibihag ng lunsod.” Ang di-makontrol na galit ay hindi tanda ng kalakasan ni ng kagalingan man. Iyon ay isang kahinaan na maaaring ‘umakay sa isa na pumaroon sa daan na hindi mabuti.’

Kapag ang ‘Bawat Pasiya ay Mula kay Jehova’

“Sa kandungan inihahagis ang palabunot, ngunit ang bawat pasiya sa pamamagitan nito ay mula kay Jehova,” ang sabi ng hari ng Israel. (Kawikaan 16:33) Sa sinaunang Israel, kung minsan ay gumagamit si Jehova ng palabunutan para ipabatid ang kaniyang kalooban. Ang mga palabunutang ito ay maliliit na bato o mga tapyas ng kahoy o bato. Una, nananalangin sila kay Jehova ukol sa pagpapasiya sa isang bagay. Pagkatapos nito, ang mga palabunutan ay ilalagay sa mga tupi ng mahabang damit at saka sila bubunot. Ang mabubunot ay ituturing na siyang pasiya ng Diyos.

Hindi na gumagamit si Jehova ng palabunutan para ipaalam sa kaniyang bayan ang kaniyang kaisipan. Isiniwalat na niya ang kaniyang kalooban sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Kailangan ang tumpak na kaalaman sa Bibliya upang magkaroon ng makadiyos na karunungan. Kaya hindi natin dapat palipasin ang isa mang araw nang hindi nagbabasa mula sa kinasihang Kasulatan.​—Awit 1:1, 2; Mateo 4:4.

[Talababa]

[Larawan sa pahina 8]

Bakit mas mabuti ang karunungan kaysa sa ginto?

[Larawan sa pahina 9]

Ano ang nagdaragdag ng panghihikayat sa iyong labi kapag ikaw ay nasa ministeryo?

[Larawan sa pahina 10]

“Ang walang-kabuluhang tao ay naghahalukay ng kasamaan”

[Larawan sa pahina 11]

Ang di-makontrol na galit ay maaaring umakay sa isa na ‘pumaroon sa daang hindi mabuti’

[Larawan sa pahina 12]

Makaiimpluwensiya ang karahasan