Disenyong Walang Disenyador?
Disenyong Walang Disenyador?
HALOS 150 taon na ang nakalilipas mula nang sabihin ni Charles Darwin na ebolusyon ang dahilan kung bakit masalimuot at sari-sari ang nabubuhay na mga bagay. Pero nitong kamakailan, ang kaniyang teoriya ng ebolusyon at ang makabagong mga ideyang kaugnay nito ay tinuligsa ng mga naniniwalang may layunin ang napakainam na pagkakadisenyo ng nabubuhay na mga organismo. Maging ang ilang tinitingalang siyentipiko ay hindi rin sang-ayon sa ideya na ebolusyon ang dahilan ng nakikita nating iba’t ibang uri ng mga bagay na nabubuhay sa lupa.
Nagharap naman ang ilan sa gayong mga siyentipiko ng ibang argumento—na tinawag na intelligent design, o ID—anupat iginigiit na talagang suportado ng biyolohiya, matematika, at sentido komun ang disenyo sa paglalang. Iminumungkahi nilang ituro ang ideyang ito sa mga paaralan. Ang pagtatalu-talong ito tungkol sa ebolusyon ay laganap sa Estados Unidos, pero pinagtatalunan din ito sa Inglatera, Netherlands, Pakistan, Serbia, at Turkey.
Kataka-takang Pag-iwas
Gayunman, kapansin-pansin na karaniwan nang may iniiwasang banggitin sa pinag-isipang-mabuting argumento tungkol sa intelligent design. Wala itong binabanggit na disenyador. Sa palagay mo, mabubuo kaya ang disenyo nang walang disenyador? Ang mga tagapagtaguyod ng intelligent design ay “walang malinaw na sinasabi kung sino o ano ang disenyador na ito,” ang ulat ng The New York Times Magazine. Sinabi ng manunulat na si Claudia Wallis na “iniiwasan [ng mga tagapagtaguyod ng intelligent design] na pag-usapan ang Diyos.” At nagkomento ang magasing Newsweek na “walang sinasabi ang I.D. tungkol sa pag-iral ng disenyador at kung sino nga ba siya.”
Pero mauunawaan mong mawawalan ng saysay ang pag-iwas nila tungkol sa disenyador. Paano makukumpleto ang paliwanag tungkol sa pagkakadisenyo sa uniberso at sa buhay mismo kung ililihim o hindi man lamang pag-iisipan kung mayroon nga bang disenyador at kung sino siya?
Sa paanuman, ang debate tungkol sa kung kikilalanin ba o hindi ang disenyador ay umiikot sa mga tanong na ito: Makahahadlang ba sa pagsulong ng siyensiya at kaalaman ang pagkilala na umiiral ang isang disenyador na nakahihigit sa tao? Kikilalanin ba lamang ang isang matalinong disenyador kapag wala nang maibigay na paliwanag? At makatuwiran nga bang sabihin na dahil may disenyo, may disenyador? Ang mga ito at iba pang mga tanong ay tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Mga larawan sa pahina 3]
Naniniwala si Charles Darwin na ebolusyon ang dahilan kung bakit masalimuot ang nabubuhay na mga bagay
[Credit Line]
Darwin: From a photograph by Mrs. J. M. Cameron/U.S. National Archives photo