Praktikal Pa Rin ba ang “Matandang Tipan”?
Praktikal Pa Rin ba ang “Matandang Tipan”?
NOONG 1786, inilathala ng isang manggagamot na Pranses ang aklat na Traité d’anatomie et de physiologie (Pagtalakay sa Anatomiya at Pisyolohiya). Sinasabing ito ang pinakawastong akda hinggil sa anatomiya ng sistema ng nerbiyo nang panahong iyon, at ang isa sa nalalabing mga kopya nito ay naipagbili kamakailan sa halagang mahigit 27 libong dolyar! Pero iilang pasyente lamang sa ngayon ang magtitiwala sa isang siruhanong umaasa sa sinaunang aklat na ito sa medisina. Bagaman makasaysayan at isang importanteng akdang pampanitikan ang aklat na ito, hindi na ito makatutulong ngayon sa isang maysakit.
Ganiyan din ang iniisip ng maraming tao hinggil sa tinatawag na Matandang Tipan. Pinahahalagahan nila ang ulat nito hinggil sa kasaysayan ng Israel at hinahangaan nila ang magagandang tula nito. Gayunman, hindi sila sang-ayon na makatuwiran pa ring sundin ang mga tagubilin na ibinigay mahigit 2,400 taon na ang nakalilipas. Ang kaalaman sa siyensiya, komersiyo, at maging ang buhay pampamilya ay ibang-iba na ngayon kung ihahambing noong panahong isulat ang Bibliya. Ganito ang isinulat ni Philip Yancey, dating editor ng Christianity Today, sa kaniyang aklat na The Bible Jesus Read: “Hindi ito masyadong maintindihan, at kung may mga bahagi mang naiintindihan, hindi ito matanggap ng mga tao sa ngayon. Dahil dito at sa iba pang mga kadahilanan, ang Matandang Tipan na bumubuo sa kalakhang bahagi ng Bibliya ay karaniwan nang hindi binabasa ng mga tao.” Hindi na bago ang pananaw na ito.
Wala pang 50 taon pagkamatay ni apostol Juan noong mga 100 C.E., hayagang itinuro ng isang mayamang kabataang lalaki na nagngangalang Marcion na hindi dapat paniwalaan ng mga Kristiyano ang Matandang Tipan. Ayon sa istoryador na si Robin Lane Fox ng Inglatera, iginigiit ni Marcion na ang “‘Diyos’ na binabanggit sa Matandang Tipan ay isang ‘napakalupit na barbaro’ na sumuporta sa mga bandido at mga teroristang gaya ni Haring David ng Israel. Sa kabaligtaran, si Kristo naman ay isang nakatataas na Diyos na ibang-iba (sa Diyos ng Matandang Tipan).” Isinulat ni Fox na ang mga paniniwalang ito ay “tinawag na ‘Marcionismo’ at sa kalakhang bahagi ng ikaapat na siglo ay patuloy itong umakit ng mga tagasunod, lalo na sa Silangan kung saan Syriac ang wikang ginagamit.” May ilan pa ring nanghahawakan sa mga ideyang ito. Dahil dito, makalipas ang mahigit 1,600 taon, isinulat ni Philip Yancey na “parami nang paraming Kristiyano ang wala nang masyadong alam hinggil sa Matandang Tipan at halos naglaho na ito sa makabagong lipunan.”
Napalitan na ba ang Matandang Tipan? Paano natin mapag-uugnay si “Jehova ng mga hukbo” sa Matandang Tipan at “ang Diyos ng pag-ibig at ng kapayapaan” sa Bagong Tipan? (Isaias 13:13; 2 Corinto 13:11) Makatutulong ba sa iyo ngayon ang Matandang Tipan?