Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Nawawalang Akda ni John Milton

Ang Nawawalang Akda ni John Milton

Ang Nawawalang Akda ni John Milton

IILANG manunulat lamang ang nagkaroon ng malaking impluwensiya sa daigdig na gaya ni John Milton, ang awtor ng Ingles na epikong tula na Paradise Lost. Ayon sa isang biyograpo, si Milton ay “nagustuhan ng marami, kinainisan ng ilan, pero kakaunti lamang ang hindi nakakakilala sa kaniya.” Malaki ang naiambag niya sa panitikan at kultura ng mga Ingles.

Bakit gayon kalaki ang naging impluwensiya ni John Milton? Bakit napakakontrobersiyal ng huli niyang akda​—On Christian Doctrine—​kung kaya’t hindi ito nailathala agad sa loob ng 150 taon?

Ang Pasimula ng Kaniyang Karera

Ipinanganak si John Milton sa isang mayamang pamilya sa London noong 1608. “Bata pa ako ay iminulat na ako ng aking ama sa pag-aaral ng panitikan, na gustung-gusto ko namang pag-aralan, anupat simula noong labindalawang taóng gulang ako, inaabot ako ng hatinggabi sa pag-aaral nito,” ang sabi ni Milton. Mahusay siyang estudyante at nakakuha siya ng master’s degree sa Cambridge noong 1632. Mula noon, ipinagpatuloy niya ang pagbabasa ng mga aklat sa kasaysayan at klasikal na panitikan.

Gusto ni Milton na maging makata, ngunit ang Inglatera noong panahong iyon ay nasa kasagsagan ng rebolusyon. Ang parlamento ng Inglatera, na pinangungunahan ni Oliver Cromwell ay nagtalaga ng mga hukom na naglapat ng sentensiyang kamatayan kay Haring Charles I noong 1649. Sa pamamagitan ng mapanghikayat na mga akda, ipinagtanggol ni Milton ang ginawang pagbitay sa hari at naging tagapagsalita siya ng pamahalaang Cromwell. Sa katunayan, bago sumikat bilang makata, kilala na si John Milton dahil sa kaniyang mga pamplet tungkol sa pulitika at moral.

Matapos maisauli ang monarkiya at gawing hari si Charles II noong 1660, nalagay sa panganib ang buhay ni Milton dahil sa pagsuporta niya dati kay Cromwell. Nagtago si Milton, at nakaligtas lamang siya sa kamatayan sa tulong ng maimpluwensiyang mga kaibigan. Sa kabila nito, napanatili niya ang matinding interes sa espirituwal na mga bagay.

“Ang Pamantayan ng Bibliya”

Bilang paglalarawan sa kaniyang interes sa espirituwal na mga bagay, ganito ang isinulat ni Milton: “Noong bata pa ako, naging masikap ako sa pag-aaral ng Lumang Tipan at Bagong Tipan sa orihinal na wika ng mga ito.” Itinuring ni Milton ang Banal na Kasulatan bilang ang tanging mapananaligang patnubay sa moral at espirituwal na mga bagay. Sinuri din niya ang mga akda tungkol sa teolohiya ng panahong iyon subalit labis lamang siyang nadismaya sa mga ito. “Hindi ko kayang ipagkatiwala ang aking pag-asa at kaligtasan sa gayong mga relihiyosong babasahin,” ang isinulat niya nang maglaon. Palibhasa’y gustong suriin ang kaniyang paniniwala kung “nakabatay ito sa pamantayan ng Bibliya,” gumawa si Milton ng talaan ng pangunahing mga teksto na nakaayos ayon sa paksa at sinipi ang mga teksto sa Bibliya na nasa talaang ito.

Sa ngayon, higit na kilala si John Milton dahil sa kaniyang isinulat na Paradise Lost, isang tulang nagsasalaysay ng ulat ng Bibliya hinggil sa pagkakasala ng tao. (Genesis, kabanata 3) Ang akdang ito, na unang inilathala noong 1667, ang nagpabantog kay Milton bilang isang manunulat, lalo na sa mga bansang nagsasalita ng Ingles. Nang maglaon, inilathala niya ang karugtong na tula na pinamagatang Paradise Regained. Inilalahad ng mga tulang ito ang orihinal na layunin ng Diyos para sa tao​—ang magkaroon ng sakdal na buhay sa paraisong lupa—​at binabanggit na isasauli ang Paraiso sa lupa sa pamamagitan ni Kristo. Halimbawa, sa Paradise Lost, sinasabi roon na inihuhula ni Miguel na arkanghel ang panahon kung kailan ‘gagantimpalaan ni Kristo ang Kaniyang tapat na mga lingkod, at pagkakalooban sila ng walang-hanggang kaligayahan, sa langit man o sa lupa. Sa panahong iyon, ang lupa ay magiging paraiso, isang higit na kasiya-siyang lugar kaysa sa Eden, at napakasayang mamuhay roon.’

On Christian Doctrine

Matagal nang gusto ni Milton na sumulat ng isang aklat na lubusang tumatalakay sa Kristiyanong pamumuhay at doktrina. Kahit tuluyan na siyang nabulag noong 1652, ginawa pa rin niya ang proyektong ito sa tulong ng kaniyang mga kalihim hanggang sa mamatay siya noong 1674. Pinamagatan ni Milton ang kaniyang huling akda na A Treatise on Christian Doctrine Compiled From the Holy Scriptures Alone. Ganito ang isinulat niya sa paunang salita nito: “Marami sa mga sumulat hinggil sa paksang ito . . . ay naglagay lamang ng iilang panggilid na nota na may maikling pagtukoy sa kabanata at talata ng mga teksto ng Bibliya na pinagbatayan ng kanilang mga itinuturo. Sa kabilang dako, nagsikap ako na punuin ang mga pahina ng mga pagsipi mula sa lahat ng aklat ng Bibliya.” Gaya ng sinabi ni Milton, tinutukoy o sinisipi ng On Christian Doctrine ang Kasulatan nang mahigit sa 9,000 beses.

Bagaman hindi nag-atubili si Milton na ipahayag ang kaniyang mga pananaw, hindi niya inilathala ang akdang ito. Bakit? Dahil ang mga paliwanag nito buhat sa Bibliya ay ibang-iba sa tinatanggap na turo ng simbahan. Karagdagan pa, yamang naisauli na ang dating monarkiya, wala na sa kaniya ang pabor ng pamahalaan. Kaya marahil ay hinintay niyang humupa muna ang situwasyon. Sa paanuman, pagkamatay ni Milton, dinala ng kaniyang kalihim ang manuskritong Latin ng kaniyang akda sa isang tagapaglathala, na tumanggi naman na mag-imprenta nito. Pagkaraan, kinumpiska ng kalihim ng estado ng Inglatera ang manuskrito at itinago ito. Isa’t kalahating siglo ang lumipas bago natagpuang muli ang akda ni Milton.

Noong 1823, di-sinasadyang natagpuan ng isang kawani ng artsibo ang nakabalot-sa-papel na manuskrito ng kilalang makata. Ipinag-utos ng hari noon ng Inglatera na si Haring George IV na isalin ang manuskrito mula sa Latin at ilathala ito. Dalawang taon pagkatapos na mailathala ang manuskrito sa Ingles, lumikha ito ng pagtatalo sa gitna ng mga teologo at manunulat. Agad-agad na ipinahayag ng isang obispo na huwad ang inilathalang manuskrito. Hindi siya makapaniwala na ang mga doktrinang itinuturing ng simbahan na sagrado ay mariing tututulan ni Milton, gayong marami ang kumikilala rito bilang ang pinakadakilang makata ng relihiyon sa Inglatera. Palibhasa’y inaasahan na ang ganitong reaksiyon, at para patunayan na si Milton talaga ang awtor nito, ang tagapagsalin ng On Christian Doctrine ay naglagay sa kaniyang salin ng mga talababa hinggil sa 500 pagkakatulad nito sa Paradise Lost. *

Mga Paniniwala ni Milton

Noong panahon ni Milton, tinanggap ng Inglatera ang Repormasyong Protestante at tumiwalag sa Simbahang Romano Katoliko. Sa pangkalahatan, naniniwala ang mga Protestante na ang Banal na Kasulatan lamang, at hindi ang papa, ang dapat sundin may kinalaman sa pananampalataya at moral. Gayunman, ipinakita ni Milton sa On Christian Doctrine na maraming turo at kaugalian ng Protestante ang hindi kasuwato ng Kasulatan. Isinalig niya sa Bibliya ang kaniyang pagtutol sa mga doktrina ni Calvin tungkol sa predestinasyon, at sinuhayan ang turo na ang tao ay may kalayaang magpasiya. Itinaguyod niya ang wastong paggamit at paggalang sa pangalan ng Diyos, na Jehova, na madalas niyang banggitin sa kaniyang mga akda.

Ginamit ni Milton ang Kasulatan upang ipangatuwiran na namamatay ang kaluluwa. Bilang komento sa Genesis 2:7, ganito ang isinulat niya: “Nang lalangin ang tao sa paraang ito, sinabi ng Kasulatan: kaya ang tao ay naging isang kaluluwang buháy. . . . Siya ay hindi dalawa o mapaghihiwalay: hindi gaya ng karaniwang inaakala, na siya ay gawa sa at binubuo ng dalawang magkaibang elemento, kaluluwa at katawan. Sa kabaligtaran, ang tao ay kaluluwa, at ang kaluluwa ay tao.” Pagkatapos, tinalakay ni Milton kung talaga nga kayang katawan lamang ng tao ang namamatay. Matapos magharap ng maraming teksto sa Bibliya na nagpapakitang namamatay ang kaluluwa, idinagdag niya: “Ngunit ang pinakamahusay na paliwanag na maibibigay ko hinggil sa kamatayan ng kaluluwa ay ang paliwanag mismo ng Diyos sa Ezek[iel 18:]20: ang kaluluwa na nagkakasala, iyon mismo ay mamamatay.” Binanggit din ni Milton ang mga teksto na gaya ng Lucas 20:37 at Juan 11:25 upang ipakita na sa hinaharap, ang mga namatay sa sangkatauhan ay may pag-asang buhaying muli mula sa pagkakatulog sa kamatayan.

Ano ang pinakakontrobersiyal sa On Christian Doctrine? Ito ay ang pagbibigay ni Milton ng simple ngunit mapuwersang katibayan mula sa Bibliya na si Kristo, ang Anak ng Diyos, ay nakabababa sa Diyos, ang Ama. Matapos sipiin ang Juan 17:3 at Juan 20:17, nagtanong si Milton: “Kung ang Ama ay ang Diyos ni Kristo at ating Diyos, at kung mayroon lamang iisang Diyos, sino pa ba ang Diyos maliban sa Ama?”

Bukod diyan, sinabi ni Milton: “Ipinapahayag ng Anak mismo at ng kaniyang mga apostol sa lahat ng kanilang sinasabi at isinusulat, na sa lahat ng bagay, ang Ama ay mas dakila kaysa sa Anak.” (Juan 14:28) “Kaya naman si Kristo mismo ang nagsabi sa Mat. xxvi. 39: O Ama ko, kung posible, palampasin mo sa akin ang kopang ito; gayunman, hindi ayon sa kalooban ko, kundi ayon sa kalooban mo. . . . Kung siya talaga ang Diyos, bakit sa kaniyang Ama lamang siya nanalangin sa halip na sa kaniyang sarili? Kung siya ay tao at siya rin ang kataas-taasang Diyos, bakit pa siya mananalangin para sa isang bagay na kaya naman niyang gawin? . . . Yamang tanging ang Ama lamang ang sinasamba ng Anak sa lahat ng pagkakataon, itinuturo niya na gayundin ang gawin natin.”

Mga Pagkukulang ni Milton

Hinanap ni John Milton ang katotohanan. Gayunman, mayroon pa rin siyang mga pagkukulang, at maaaring ang ilan sa kaniyang mga pananaw ay naimpluwensiyahan ng kaniyang masasamang karanasan. Halimbawa, di-nagtagal matapos silang ikasal, iniwan siya ng kaniyang asawa, na anak ng isang maharlika. Bumalik ito sa kaniyang pamilya at nanatili roon ng mga tatlong taon. Sa panahong iyon, sumulat si Milton ng mga pamplet na nagbibigay-katuwiran sa pagdidiborsiyo. Sinabi niya na ang saligan para dito ay hindi lamang ang pagtataksil ng isang kabiyak​—ang tanging saligan ni Jesus—​kundi pati na rin ang di-pagkakasundo ng mag-asawa. (Mateo 19:9) Itinaguyod din ni Milton ang ganitong ideya sa On Christian Doctrine.

Sa kabila ng mga pagkukulang ni Milton, mapuwersang inihaharap ng On Christian Doctrine ang pangmalas ng Bibliya tungkol sa maraming mahahalagang turo. Sa ngayon, pinakikilos ng kaniyang akda ang mga mambabasa nito na suriin ang kanilang mga paniniwala salig sa di-nagkakamaling pamantayan ng Banal na Kasulatan.

[Talababa]

^ par. 14 Inilathala ng Yale University noong 1973 ang isang bagong salin ng On Christian Doctrine, isang salin na mas malapit sa orihinal na manuskritong Latin ni Milton.

[Larawan sa pahina 11]

Si Milton ay masigasig na estudyante ng Bibliya

[Credit Line]

Courtesy of The Early Modern Web at Oxford

[Larawan sa pahina 12]

Napabantog si Milton dahil sa tulang “Paradise Lost”

[Credit Line]

Courtesy of The Early Modern Web at Oxford

[Larawan sa pahina 12]

Ang huling akda ni Milton ay nawala sa loob ng 150 taon

[Credit Line]

Image courtesy of Rare Books and Special Collections, Thomas Cooper Library, University of South Carolina

[Picture Credit Line sa pahina 12]

Image courtesy of Rare Books and Special Collections, Thomas Cooper Library, University of South Carolina