Namumuhay Ka ba na Parang Wala Nang Bukas?
Namumuhay Ka ba na Parang Wala Nang Bukas?
“HINDI ko iniisip ang mangyayari bukas. Basta darating na lang iyon.” Ang mga pananalitang ito na madalas sipiin ay ipinalalagay na sinabi ng tanyag na siyentipikong si Albert Einstein. Ganiyan din ang pananaw ng maraming tao. “Bakit mo pa iisipin ang bukas?” ang maaaring sabihin nila. O baka naririnig mong sinasabi ng mga tao: “Gawin mo kung ano ang gusto mo.” “Magpakasaya ka ngayon.” “Huwag mong intindihin ang bukas.”
Sabihin pa, hindi na bago ang saloobing iyan ng marami. “Kumain tayo, uminom, at magpakasaya. Iyan lang ang mahalaga.” Ganiyan ang prinsipyo sa buhay ng sinaunang mga Epicureo. Ganiyan din ang pangmalas ng ilan sa mga kapanahon ni apostol Pablo. “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas ay mamamatay tayo,” ang sabi nila. (1 Corinto 15:32) Naniniwala sila na maikli ang buhay, kaya dapat na magpakasasa ka na ngayon.
Ngunit para sa milyun-milyong tao, hindi nila magagawang magpakasasa sa buhay. Yamang marami ang naghihirap, walang katapusan ang kanilang pakikipagsapalaran para mabuhay. Kaya bakit pa nila pag-aaksayahan ng panahon ang hinaharap, isang “bukas” na madalas na waring wala namang pag-asa?
Magplano Para sa Kinabukasan?
Maging sa mga taong hindi naman masyadong mahirap ang kalagayan, pag-aaksaya lamang ng panahon ang magplano para sa kinabukasan. “Bakit pa?” ang maaaring sinasabi nila. Baka mangatuwiran pa nga ang ilan na kahit ang mga nagpaplano ay nabibigo rin naman. Maging ang patriyarkang si Job noong sinauna ay lubhang nanlumo nang ‘masira’ ang kaniyang mga plano na magbibigay sana sa kaniya at sa kaniyang pamilya ng masayang kinabukasan.—Job 17:11; Eclesiastes 9:11.
Inihalintulad ng makatang taga-Scotland na si Robert Burns ang mahirap na kalagayan natin sa isang maliit na dagang bukid na ang lungga ay aksidenteng naararo niya. Kumaripas ng takbo ang daga para makaligtas nang gumuho ang kaniyang daigdig. ‘Oo,’ ang sabi ng makata, ‘madalas na wala tayong kalaban-laban kapag napapaharap tayo sa mga pangyayaring hindi natin kayang kontrolin anupat kadalasang
nawawalan ng saysay maging ang mga planong pinag-isipang mabuti.’Kaya wala nga bang saysay na magplano para sa kinabukasan? Ang totoo, maaaring maging kapaha-pahamak ang resulta ng kawalan ng sapat na pagpaplano kapag sumapit ang mga bagyo o iba pang likas na sakuna. Halimbawa, totoo na walang makapipigil sa Bagyong Katrina. Pero tiyak na hindi sana ganoon katindi ang naidulot nitong pinsala sa lunsod at sa mga naninirahan doon kung patiuna silang nakapaghanda at nakapagplano.
Ano sa palagay mo? Makatuwiran ba talagang mamuhay na parang wala nang bukas? Isaalang-alang ang sinasabi ng sumusunod na artikulo hinggil sa bagay na ito.
[Mga larawan sa pahina 3]
“Kumain tayo, uminom, at magpakasaya. Iyan lang ang mahalaga”
[Larawan sa pahina 4]
Tiyak na hindi sana ganoon katindi ang naidulot na pinsala ng Bagyong Katrina kung patiuna silang nakapaghanda at nakapagplano
[Credit Line]
U.S. Coast Guard Digital