Sundin ang Sinasabi ng Iyong Budhi
Sundin ang Sinasabi ng Iyong Budhi
“Ang lahat ng bagay ay malinis sa mga taong malinis. Ngunit sa mga taong nadungisan at walang pananampalataya ay walang anumang malinis.”—TITO 1:15.
1. Paano nagkaroon ng kaugnayan si Pablo sa mga kongregasyon sa Creta?
NANG matapos ni apostol Pablo ang kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, inaresto siya at nang maglaon ay dinala sa Roma, kung saan ibinilanggo siya nang dalawang taon. Ano ang ginawa niya matapos siyang palayain? May pagkakataon na dinalaw niya ang isla ng Creta kasama si Tito. Ganito ang isinulat ni Pablo kay Tito: “Iniwan kita sa Creta, upang maituwid mo ang mga bagay na may depekto at makapag-atas ka ng matatandang lalaki.” (Tito 1:5) Bahagi sa atas ni Tito ang pagpapayo sa mga tao may kaugnayan sa kanilang budhi.
2. Anong problema sa mga kongregasyon sa isla ng Creta ang kinailangang harapin ni Tito?
2 Binanggit ni Pablo kay Tito ang mga kuwalipikasyon ng matatanda sa kongregasyon, at pagkatapos ay sinabi niya na sa Creta ay “maraming taong di-masupil, mga nagsasalita ng di-mapapakinabangan, at mga manlilinlang ng isipan. . . . Iginugupo ng mismong mga taong ito ang buu-buong mga sambahayan sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga bagay na hindi nila dapat ituro.” Tinagubilinan si Tito na ‘patuloy na sawayin ang mga taong ito.’ (Tito 1:10-14; 1 Timoteo 4:7) Sinabi ni Pablo na ang kanilang mga pag-iisip at budhi ay “nadungisan.” Ang salitang ginamit dito ay nagpapahiwatig na parang namantsahan ang kanilang pag-iisip at budhi, kung paanong namantsahan ng tina ang isang magandang damit. (Tito 1:15) Ang ilan sa mga lalaking ito ay maaaring naimpluwensiyahan ng tradisyong Judio dahil ‘nanghahawakan sila sa pagtutuli.’ Wala nang gayong mga lalaki na nagpapahina sa mga kongregasyon sa ngayon; gayunpaman, marami tayong matututuhan sa payo na ibinigay ni Pablo kay Tito hinggil sa budhi.
Mga Nadungisang Budhi
3. Ano ang isinulat ni Pablo kay Tito may kinalaman sa budhi?
3 Pansinin ang kalagayan noon nang banggitin ni Pablo ang may kinalaman sa budhi. “Ang lahat ng bagay ay malinis sa mga taong malinis. Ngunit sa mga taong nadungisan at walang pananampalataya ay walang anumang malinis, kundi kapuwa ang kanilang mga pag-iisip at ang kanilang mga budhi ay nadungisan. Hayagan nilang sinasabi na kilala nila ang Diyos, ngunit itinatatwa nila siya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.” Maliwanag na ang ilan sa kanila nang panahong iyon ay kailangang gumawa ng mga pagbabago upang “maging malusog sila sa pananampalataya.” (Tito 1:13, 15, 16) Hindi nila alam kung ano ang malinis at kung ano ang marumi, at ipinakikita nito kung ano ang kalagayan ng kanilang budhi.
4, 5. Ano ang maling kaisipan ng ilang Kristiyanong kabilang sa mga kongregasyon sa Creta, at paano ito nakaapekto sa kanila?
4 Mahigit sampung taon bago nito, nagpasiya Gawa 15:1, 2, 19-29) Gayunman, ‘nanghahawakan pa rin sa pagtutuli’ ang ilang Kristiyano sa Creta. Hayagan nilang tinututulan ang pasiya ng lupong tagapamahala, anupat ‘nagtuturo ng mga bagay na hindi nila dapat ituro.’ (Tito 1:10, 11) Palibhasa’y pilipit ang kanilang kaisipan, posibleng itinataguyod nila ang mga tuntunin mula sa Kautusan tungkol sa mga pagkain at ritwal para sa kalinisan. Maaari pa ngang dinadagdagan nila ang sinasabi ng Kautusan, katulad ng ginawa ng mga nauna sa kanila noong panahon ni Jesus, at itinataguyod ang mga pabulang Judio at mga utos ng tao.—Marcos 7:2, 3, 5, 15; 1 Timoteo 4:3.
ang Kristiyanong lupong tagapamahala na hindi na isang kahilingan ang pagtutuli upang maging tunay na mananamba ang isa, at ipinaalam nila ito sa mga kongregasyon. (5 Masama ang naging epekto ng gayong mga kaisipan sa kanilang pagpapasiya at kabatiran sa kung ano ang tama at mali, samakatuwid nga, ang kanilang budhi. Sumulat si Pablo: “Sa mga taong nadungisan at walang pananampalataya ay walang anumang malinis.” Naging pilipit ang kanilang budhi anupat hindi na ito isang mapananaligang gabay para sa kanilang mga pagkilos at pagpapasiya. Karagdagan pa, hinahatulan nila ang kanilang mga kapuwa Kristiyano pagdating sa mga personal na bagay, kung saan talaga namang nag-iiba-iba ang pasiya ng bawat indibiduwal. Sa bagay na ito, itinuturing ng ilang Kristiyano sa Creta na marumi ang mga bagay na hindi naman talaga marumi. (Roma 14:17; Colosas 2:16) Bagaman inaangkin nilang kilala nila ang Diyos, iba naman ang ipinakikita ng kanilang mga gawa.—Tito 1:16.
“Malinis sa mga Taong Malinis”
6. Anong dalawang uri ng tao ang binanggit ni Pablo?
6 Paano tayo makikinabang mula sa isinulat ni Pablo kay Tito? Buweno, pansinin ang paghahambing na binanggit sa mga salitang ito: “Ang lahat ng bagay ay malinis sa mga taong malinis. Ngunit sa mga taong nadungisan at walang pananampalataya ay walang anumang malinis, kundi kapuwa ang kanilang mga pag-iisip at ang kanilang mga budhi ay nadungisan.” (Tito 1:15) Hindi sinasabi ni Pablo na para sa isang Kristiyano na malinis sa moral, ang lahat ng bagay ay malinis at katanggap-tanggap. Makatitiyak tayo rito dahil nilinaw na ni Pablo sa isa niyang liham na ang nagsasagawa ng pakikiapid, idolatriya, espiritismo, at ang iba pa ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (Galacia 5:19-21) Kaya malamang na ang binabanggit ni Pablo ay tungkol sa dalawang uri ng tao, ang mga malinis sa moral at espirituwal, at ang mga hindi gayon.
7. Ano ang ipinagbabawal sa Hebreo 13:4, ngunit anong tanong ang maaaring bumangon?
7 Hindi lamang ang mga bagay na espesipikong ipinagbabawal ng Bibliya ang dapat iwasan ng isang tapat na Kristiyano. Halimbawa, pansinin ang tuwirang pananalitang ito: “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat, at maging walang dungis ang higaang pangmag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya.” (Hebreo 13:4) Kahit ang mga di-Kristiyano at yaong mga kaunti lamang ang alam sa Bibliya ay wastong makapagsasabi na ipinagbabawal sa talatang ito ang pangangalunya. Maliwanag sa talatang ito at sa iba pang mga teksto ng Bibliya na hinahatulan ng Diyos ang pagtatalik ng isang may-asawa at ng isa na hindi niya asawa. Gayunman, kumusta naman ang dalawang hindi mag-asawa na nagsasagawa ng oral sex? Maraming tin-edyer ang nagsasabing walang masama rito dahil hindi naman ito aktuwal na pagtatalik. Maituturing ba ng isang Kristiyano na malinis ang oral sex?
8. Kung tungkol sa oral sex, paano naiiba ang pananaw ng mga Kristiyano sa pananaw ng mga tao sa daigdig?
8 Malinaw sa Hebreo 13:4 at 1 Corinto 6:9 na hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang pangangalunya at pakikiapid (por·neiʹa sa Griego). Ano ba ang kabilang sa pakikiapid? Kasama sa kahulugan ng Griegong salita nito ang paggamit ng ari ng lalaki o babae sa likas o di-likas na paraan na ang layunin ay gumawa ng kahalayan. Kasama rin dito ang lahat ng anyo ng pagtatalik ng mga hindi mag-asawa ayon sa Kasulatan. Kaya kabilang dito ang oral sex, kahit pa ang mga kabataan sa buong daigdig ay tinuruan o naniniwala na hindi masama ang oral sex. Hindi hahayaan ng mga tunay na Kristiyano na ang kanilang kaisipan at pagkilos ay maapektuhan ng mga opinyon ng “mga nagsasalita ng di-mapapakinabangan, at mga manlilinlang ng isipan.” (Tito 1:10) Nanghahawakan sila sa mas mataas na pamantayan ng Banal na Kasulatan. Sa halip na bigyang-katuwiran ang oral sex, nauunawaan nila na ayon sa Kasulatan, ito ay pakikiapid, por·neiʹa, at sinasanay nila ang kanilang budhi na itakwil ang ganitong gawain. *—Gawa 21:25; 1 Corinto 6:18; Efeso 5:3.
Iba-ibang Budhi, Iba-ibang Pasiya
9. Kung “ang lahat ng bagay ay malinis,” ano ang papel ng budhi?
9 Ngunit ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niyang “ang lahat ng bagay ay malinis sa mga taong malinis”? Tinutukoy rito ni Pablo ang mga Kristiyano na iniayon ang kanilang kaisipan at budhi sa mga pamantayan ng Diyos na masusumpungan natin sa Kaniyang kinasihang Salita. Alam ng mga Kristiyanong ito na pagdating sa mga bagay na hindi tuwirang hinahatulan ng Diyos, maaaring iba-iba ang maging pananaw ng mga mananampalataya. Hindi sila mapamuna, dahil itinuturing nilang “malinis” ang mga bagay na hindi hinahatulan ng Diyos. Batid nila na hindi magkakatulad ang kaisipan ng lahat hinggil sa mga aspekto ng buhay na walang espesipikong tagubilin sa Bibliya. Tingnan natin ang ilang halimbawa.
10. Paano nagiging hamon sa isang Kristiyanong may asawang di-sumasampalataya ang pagdalo sa isang kasalan (o libing)?
10 Maraming pamilya na isa lamang sa mag-asawa ang naging Kristiyano. (1 Pedro 3:1; 4:3) Maaaring magharap ito ng iba’t ibang hamon, gaya ng kapag may kasal o libing ng isang kamag-anak. Isipin ang kalagayan ng isang Kristiyanong asawang babae na ang asawa ay may ibang paniniwala. Isa nilang kamag-anak ang ikakasal, at ang seremonya ng kasal ay gaganapin sa isang simbahan ng Sangkakristiyanuhan. (O isang kamag-anak, marahil ay isang magulang, ang namatay, at sa araw ng libing ay idadaan ito sa simbahan.) Hinilingan silang mag-asawa na dumalo, at gusto ng asawang lalaki na isama ang kaniyang Kristiyanong asawa. Ano kaya ang sasabihin sa kaniya ng kaniyang budhi? Ano ang gagawin niya? Isaalang-alang ang dalawang kalagayan.
11. Ilarawan kung paano maaaring mangatuwiran ang isang Kristiyanong asawang babae hinggil sa hindi pagdalo sa isang kasalan sa simbahan.
11 Alam ni Loida na dapat niyang sundin ang utos ng Bibliya na ‘lumabas mula sa Babilonyang Dakila,’ ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 18:2, 4) Dati siyang nagsisimba sa pagdarausan ng kasalan at alam niya na sa panahon ng seremonya, lahat ng naroroon ay hihilingan na makibahagi sa relihiyosong mga gawain, gaya ng pagdarasal, pag-awit, o iba pang relihiyosong ritwal. Determinado siyang hindi makibahagi sa mga gawaing iyon at hindi rin niya nais na pumunta sa simbahan nang sa gayon ay hindi siya malagay sa alanganing situwasyon. Iginagalang ni Loida ang kaniyang asawa at gusto niyang magpasakop dito bilang kaniyang ulo ayon sa Kasulatan; gayunman, hindi niya nais na ikompromiso ang mga simulain ng Kasulatan. (Gawa 5:29) Kaya naman, mataktika niyang ipinaliwanag sa kaniyang asawa na kung gusto nitong pumunta sa kasalan sa simbahan, hindi niya ito masasamahan. Maaaring ikinatuwiran niya sa kaniyang asawa na kung sasama siya, at hindi naman makikibahagi sa mga gawain doon, baka mapahiya lamang ito dahil sa kaniya. Kaya ang hindi niya pagsama ay maaaring ang pinakamabuti niyang magagawa para sa kaniyang asawa. Malinis ang kaniyang budhi sa ginawa niyang pasiya.
12. Paano maaaring mangatuwiran at tumugon ang isa sa paanyaya sa kaniya na dumalo sa isang kasalan sa simbahan?
12 Halos gayundin ang situwasyon ni Ruth. Iginagalang niya ang kaniyang asawa, determinado siyang maging tapat sa Diyos, at nakikinig siya sa kaniyang budhi na sinanay sa Bibliya. Matapos pag-isipan ang mga bagay na gaya ng mga isinaalang-alang ni Loida, binasa ni Ruth ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Ang Bantayan ng Mayo 15, 2002 at humingi ng patnubay kay Jehova sa panalangin. Naalala rin niya na sumunod ang tatlong Hebreo sa utos na pumunta sa dako kung saan may isasagawang idolatriya, pero nanatili silang tapat sa pamamagitan ng hindi pakikibahagi sa mga idolatrosong gawain. (Daniel 3:15-18) Nagpasiya siyang samahan ang kaniyang asawa, pero hindi siya makikibahagi sa anumang relihiyosong gawain doon, dahil ito ang sinasabi ng kaniyang budhi. Mataktika niyang ipinaliwanag sa kaniyang asawa kung ano ang ipahihintulot ng kaniyang budhi na gawin at kung ano ang hindi niya kayang gawin. Umaasa si Ruth na makikita ng kaniyang asawa ang pagkakaiba ng tunay na pagsamba at ng huwad na pagsamba.—Gawa 24:16.
13. Bakit hindi tayo dapat mabahala kung magkaiba ang naging pasiya ng dalawang Kristiyano?
13 Dahil ba sa magkaiba ang naging pasiya ng dalawang Kristiyano, hindi na mahalaga kung ano ang gagawin ng isa o na mahina ang budhi ng isa sa kanila? Hindi. Dahil sa may ideya si Loida sa mga gawain sa simbahan gaya ng musika at mga seremonya nito, nadama niya na maaaring maging mapanganib para sa kaniya kung dadalo siya. At dahil alam niya ang magiging reaksiyon ng kaniyang asawa pagdating sa relihiyon, baka gipitin siya nito at makompromiso siya kapag sinamahan niya ito sa simbahan. Kaya kumbinsido siya na ang kaniyang pasiyang hindi sumama sa simbahan ang pinakamabuti para sa kaniya.
14. Ano ang dapat tandaan ng mga Kristiyano may kinalaman sa pagpapasiya sa personal na mga bagay?
14 Mali ba ang naging pasiya ni Ruth? Walang karapatan ang iba na sabihin iyon. Hindi nila siya dapat hatulan o punahin sa pasiya niyang samahan ang kaniyang asawa sa simbahan at hindi makibahagi sa anumang relihiyosong gawain doon. Tandaan ang payo ni Pablo may kinalaman sa pagpapasiya ng isa hinggil sa kung siya ay kakain o di-kakain ng ilang pagkain: “Huwag hamakin ng kumakain ang hindi kumakain, at huwag hatulan ng hindi kumakain ang kumakain . . . Sa kaniyang sariling panginoon ay tumatayo siya o nabubuwal. Tunay nga, siya ay patatayuin, sapagkat mapatatayo siya ni Jehova.” (Roma 14:3, 4) Tiyak na walang tunay na Kristiyano ang hihimok sa isa na bale-walain ang sinasabi ng kaniyang sinanay na budhi, dahil ang pakikinig dito ay maaaring makapagligtas ng kaniyang buhay.
15. Bakit natin dapat isaalang-alang na mabuti ang budhi at damdamin ng iba?
15 Kung babalikan natin sina Loida at Ruth, kapuwa nila dapat isaalang-alang ang iba pang salik. Isa na rito ang magiging epekto ng kanilang Roma 14:13) Maaaring alam ni Loida na may bumangon na ring mga situwasyon na kagaya ng sa kaniya na ikinatisod ng ilan sa kongregasyon o ng kaniyang pamilya. Batid din niyang may malaking epekto sa kaniyang mga anak ang kaniyang magiging pasiya. Sa kabilang panig naman, baka may mga kilala si Ruth na nagpasiya na gaya ng kaniyang ipinasiya at hindi naman ito nakaapekto sa kongregasyon o sa komunidad. Dapat tandaan ng dalawang babaing ito—at nating lahat—na ang wastong sinanay na budhi ay palaisip sa kapakanan ng iba. Sinabi ni Jesus: “Sinumang tumitisod sa isa sa maliliit na ito na nananampalataya sa akin, higit na kapaki-pakinabang sa kaniya na bitinan ang kaniyang leeg ng isang gilingang-bato na gaya niyaong iniikot ng isang asno at ilubog sa malawak na laot ng dagat.” (Mateo 18:6) Kung hindi iniisip ng isa ang posibilidad na makatitisod siya sa iba, maaaring nadungisan na ang kaniyang budhi, gaya ng ilang Kristiyano sa Creta.
pasiya sa iba. Pinapayuhan tayo ni Pablo: “Gawin ninyong inyong pasiya, na huwag maglagay ng katitisuran o ng sanhi ng pagkakatalisod sa harap ng isang kapatid.” (16. Ano ang maaasahan nating mga pagbabago sa isang Kristiyano sa paglipas ng panahon?
16 Kung paanong dapat patuloy na sumusulong ang isang Kristiyano sa espirituwal, gayundin ang dapat na nangyayari sa pakikinig at pagsunod niya sa kaniyang budhi. Kuning halimbawa si Mark, na kamakailan lamang nabautismuhan. Sinasabi sa kaniya ng kaniyang budhi na iwasan ang di-makakasulatang mga gawain na dati niyang ginagawa, marahil ay may kaugnayan sa mga idolo o dugo. (Gawa 21:25) Sa katunayan, napakaingat niya sa pag-iwas kahit sa mga bagay na waring katulad ng ipinagbabawal ng Diyos. Pero nagtataka siya kung bakit tinatanggihan ng iba ang ilang bagay na katanggap-tanggap para sa kaniya, gaya ng ilang programa sa telebisyon.
17. Ilarawan kung paanong ang paglipas ng panahon at espirituwal na pagsulong ay makaaapekto sa budhi at mga pasiya ng isang Kristiyano.
17 Nang maglaon, si Mark ay sumulong sa kaalaman at lalong napalapit sa Diyos. (Colosas 1:9, 10) Ano ang naging epekto nito sa kaniya? Nasasanay na sa tama ang kaniyang budhi. Mas nakikinig na ngayon si Mark sa kaniyang budhi at maingat na niyang isinasaalang-alang ang mga simulain ng Kasulatan. Sa katunayan, nauunawaan na niya na ang ilan sa mga bagay na “waring katulad” ng ipinagbabawal ng Diyos ay hindi naman pala talaga salungat sa pananaw ng Diyos. Karagdagan pa, dahil mas nakikinig na siya sa mga simulain ng Bibliya at sa kaniyang budhing sinanay na mabuti, napakilos si Mark ng kaniyang budhi na iwasan ang mga programa sa telebisyon na inakala niya noon na puwedeng panoorin. Oo, nasanay na sa tama ang kaniyang budhi.—Awit 37:31.
18. Ano ang nagdudulot sa atin ng kagalakan?
18 Sa karamihan ng kongregasyon, iba’t iba ang pagsulong ng indibiduwal na mga Kristiyano. Ang ilan sa kanila ay mga baguhan. Maaaring ipinahihintulot ng kanilang budhi na gawin ang ibang bagay pero baka inuusig naman sila nito pagdating sa ibang bagay. Kailangan nila ng panahon at tulong upang maiayon ang kanilang budhi sa patnubay ni Jehova at makasunod sa kanilang sinanay na budhi. (Efeso 4:14, 15) Mabuti na lamang, sa mga kongregasyon ding iyon, malamang na marami ang may malalim na kaalaman, may karanasan sa pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya, at may budhi na talagang kasuwato ng kaisipan ng Diyos. Isang kagalakan nga na makasama ang ganitong “mga taong malinis” na itinuturing nilang “malinis” sa moral at espirituwal ang mga bagay na kaayaaya sa Panginoon! (Efeso 5:10) Maging tunguhin nawa nating lahat na abutin ang gayong pagsulong at patuloy na magkaroon ng budhi na kaayon ng tumpak na kaalaman ng katotohanan at makadiyos na debosyon.—Tito 1:1.
[Talababa]
^ par. 8 Tinatalakay ng Ang Bantayan ng Setyembre 15, 1983, pahina 23-4, ang paksang ito may kaugnayan sa mga mag-asawa.
Paano Mo Sasagutin?
• Paano nadungisan ang budhi ng ilang Kristiyano sa Creta?
• Bakit ang dalawang Kristiyano na may budhing sinanay na mabuti ay maaaring magkaroon ng magkaibang pasiya?
• Sa paglipas ng panahon, ano ang dapat mangyari sa ating budhi?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mapa sa pahina 26]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Sicilia
GRESYA
Creta
ASIA MINOR
Ciprus
DAGAT MEDITERANEO
[Larawan sa pahina 28]
Maaaring magkaroon ng magkaibang pasiya ang dalawang Kristiyano na napapaharap sa magkatulad na situwasyon