Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Tama ba sa isang Saksi ni Jehova na dumalo sa kasalan ng isang kamag-anak o kakilala na hindi Saksi?
Masayang okasyon ang mga kasalan at natural lamang na gusto ng isang Kristiyano na makisama sa ganitong kasayahan. Siyempre pa, dapat sundin ng mga inanyayahang menor-de-edad ang kanilang mga magulang o tumatayong magulang, na siyang magpapasiya sa bagay na ito. (Efeso 6:1-3) Pero paano kung gustong isama ng di-Saksing asawang lalaki sa isang kasalan sa simbahan ang kaniyang Kristiyanong asawa? Maaaring ipahintulot ng kaniyang budhi na sumama bilang isa lamang tagamasid pero hindi siya makikisali sa anumang relihiyosong bahagi ng okasyon.
Kaya siya ang magpapasiya kung dadalo siya o hindi sa isang kasalan. Pero dapat tandaan ng bawat Kristiyano na siya ay mananagot kay Jehova at dapat niyang isaalang-alang ang ilang simulain sa Kasulatan kapag nagpapasiya kung dadalo siya o hindi sa kasalan ng isang di-Saksi.
Dapat na ang pinakamahalaga sa isang Kristiyano ay ang pagnanais na sang-ayunan ng Diyos. Sinabi ni Jesus: “Ang Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Kaya naman, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikisali sa gawain ng ibang relihiyon, tulad ng mga padasal, ritwal, o mga seremonya na hindi ayon sa itinuturo ng Bibliya.—2 Corinto 6:14-17.
Alam ng isang Kristiyano na maaari ding makaapekto sa iba ang kaniyang pasiya. Kung dadalo ka, hindi kaya sumama ang loob ng mga kamag-anak mo kung hindi ka sasali sa ilang bahagi ng kasalan? Kailangan ding isaalang-alang ang maaaring maging epekto nito sa iyong mga kapananampalataya. (Roma 14:13) Kahit na sabihin mo o ng ibang miyembro ng iyong pamilya na ang pagdalo sa kasalan ng isang di-Saksi ay hindi naman makasasama, hindi kaya matisod ang iyong mga kapananampalataya? Hindi kaya masaktan ang budhi ng iba?
Posibleng bumangon ang mga hamon kapag ito ay kasalan ng kamag-anak na hindi Saksi. Paano kung hilingan kang mag-abay? O paano kung ang iyong asawa ay hindi Saksi at gusto niyang makibahagi pati sa mga relihiyosong seremonya ng kasalan? Kung ito ay kasal sa huwes, ang pagdalo rito ay parang pagpunta lamang sa isang sesyon sa korte.
Pero mayroon pang ilang isasaalang-alang kung ang kasalan ay gaganapin sa isang simbahan o kung pari ang magkakasal. Para masunod ang iyong budhing sinanay sa Bibliya at hindi mo maikompromiso ang iyong mga paniniwala o para hindi ka makagawa ng makaaasiwa sa ikakasal at sa pamilya nito, maaari kang magpasiya na huwag nang dumalo. (Kawikaan 22:3) Maiiwasan mo at ng iyong pamilya ang problema kung patiuna mong ipaliliwanag ang iyong salig-Bibliyang mga paniniwala, at sasabihin mo kung saan ka lamang puwedeng makibahagi o kaya naman ay magmungkahi ka ng ibang puwede mong gawin.
Matapos ang maingat na pagsasaalang-alang sa lahat ng anggulo, ang ilang Kristiyano ay maaaring magpasiya na hindi naman maling dumalo kung hindi siya sasali sa mga relihiyosong seremonya sa kasalan ng isang hindi Saksi. Pero kung maisip ng isang Kristiyano na sa pagdalo niya ay baka maikompromiso niya ang makadiyos na mga simulain, maipapasiya niya na mas mabuti pang huwag na lamang dumalo. Kung ipinasiya niyang hindi dumalo sa kasalan, kundi sa handaan na lamang, dapat siyang maging determinado na ‘gawin ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.’ (1 Corinto 10:31) Sa pagpapasiya nang gayon, “ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.” (Galacia 6:5) Kaya anuman ang maging pasiya mo, tandaan na mahalagang ingatan ang isang mabuting budhi sa harap ng Diyos na Jehova.