Ang Bagong Edisyon Para sa Pag-aaral ng Ang Bantayan
Ang Bagong Edisyon Para sa Pag-aaral ng Ang Bantayan
ANG magasing binabasa mo ngayon ang kauna-unahang isyu ng edisyon para sa pag-aaral ng Ang Bantayan. Gusto naming ipaliwanag ang ilang pagbabago sa format ng magasing ito.
Ang edisyong ito ay inilathala para sa mga Saksi ni Jehova at mga pinagdarausan ng pag-aaral sa Bibliya na kinakikitaan ng pagsulong. Lalabas ito minsan sa isang buwan at maglalaman ng apat o limang araling artikulo. Ang iskedyul ng pag-aaral sa mga artikulong ito ay nasa pabalat ng magasin. Di-gaya ng edisyong pampubliko ng Ang Bantayan, ang edisyon para sa pag-aaral ay hindi magkakaroon ng iba’t ibang ilustrasyon sa pabalat ng bawat isyu, dahil hindi naman ito iaalok sa ating pangangaral sa ministeryo.
Sa pahina 2 ng magasing ito, mababasa mo ang isang maikling sumaryo ng layunin ng bawat araling artikulo o serye at talaan ng mga pangalawahing artikulo. Malaking tulong ito sa mga nangangasiwa ng Pag-aaral sa Bantayan sa kanilang paghahanda para sa kapaki-pakinabang na pagtalakay sa mga artikulo sa pulong ng kongregasyon.
Mapapansin mo na mas maikli kaysa dati ang mga araling artikulo. Dahil dito, mas maraming oras para pag-usapan ang mga susing teksto sa panahon ng Pag-aaral sa Bantayan. Pinasisigla ka naming basahin ang lahat ng binanggit na teksto sa bawat pag-aaral. Ang ilang binanggit na teksto ay may nakalagay na “basahin” at dapat itong basahin at talakayin sa panahon ng Pag-aaral sa Bantayan. Puwede ring basahin ang ibang teksto kung may oras pa. Sa ilang artikulo, may makikita kang teksto na may nakalagay na “ihambing.” Yamang ang mga tekstong ito ay hindi naman tuwirang sumusuhay sa pangunahing mga punto sa parapo, karaniwan nang hindi ito binabasa sa pulong ng kongregasyon. Pero ang mga tekstong ito na sinasabing “ihambing” ay may magaganda rin namang impormasyon, o makatutulong sa paanuman para mapalitaw ang puntong pinag-uusapan. Hinihimok ka naming basahin ang mga ito habang pinaghahandaan mo ang Pag-aaral sa Bantayan. Puwede mong banggitin ang mga ito sa iyong komento.
Hindi na ilalagay ang taunang ulat sa Ang Bantayan. Simula 2008, ilalagay na ito sa insert ng Ating Ministeryo sa Kaharian at sa Taunang Aklat. Pero gaya ng nabanggit, ang edisyon para sa pag-aaral ay may kalakip na pangalawahing mga artikulo. Bagaman marami rito ang hindi tatalakayin sa pulong ng kongregasyon, hinihimok ka namin na basahin pa ring mabuti ang mga ito. Espirituwal na pagkain din ito mula sa “tapat at maingat na alipin.”—Mat. 24:45-47.
Bilang panghuli, ang edisyon para sa pag-aaral at ang edisyong pampubliko ng Ang Bantayan ay hindi magkaibang magasin. Ang dalawang ito ay parehong Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova. Sa pahina 2, mayroon itong magkatulad na parapo na nagpapaliwanag ng layunin ng Ang Bantayan. Parehong ilalagay ang dalawang edisyong ito sa tomo ng bawat taon. At parehong pagkukunan ng materyal para sa seksiyong “Natatandaan Mo Ba?,” na ilalathala sa edisyon para sa pag-aaral.
Mula pa noong 1879, sa kabila ng mga digmaan, paghihirap sa ekonomiya, at pag-uusig, Ang Bantayan ay patuloy sa walang-sawang paghahayag ng mga katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos. Dalangin namin na sa tulong ni Jehova, magpapatuloy pa rin ito sa bagong format nito. At dalangin namin na ikaw, bilang mambabasa, ay pagpalain ni Jehova, habang ginagamit mong mabuti ang bagong edisyon para sa pag-aaral ng Ang Bantayan.