Ibinilang na Karapat-dapat Tumanggap ng Kaharian
Ibinilang na Karapat-dapat Tumanggap ng Kaharian
“Ito ay isang katunayan ng matuwid na paghatol ng Diyos, na umaakay upang maibilang kayong karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”—2 TES. 1:5.
1, 2. Ano ang layunin ng Diyos tungkol sa paghatol, at sino ang hahatol?
NOONG mga taóng 50 C.E., nasa Atenas si apostol Pablo. Dahil nabagabag siya sa nakita niyang laganap na idolatriya roon, naudyukan siyang magbigay ng isang napakahusay na patotoo. Nagtapos siya sa mga salitang tiyak na nakatawag-pansin sa kaniyang paganong mga tagapakinig: “Sinasabi [ng Diyos] ngayon sa sangkatauhan na silang lahat sa lahat ng dako ay dapat na magsisi. Sapagkat nagtakda siya ng isang araw kung kailan nilalayon niyang hatulan ang tinatahanang lupa ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaki na kaniyang inatasan, at naglaan siya ng garantiya sa lahat ng mga tao anupat binuhay niya siyang muli mula sa mga patay.”—Gawa 17:30, 31.
2 Napakahalaga ngang bulay-bulayin na nagtakda ang Diyos ng araw ng paghatol sa hinaharap para sa sangkatauhan! Hindi binanggit ni Pablo sa kaniyang pahayag sa Atenas kung sino ang hahatol na iyon, subalit alam nating ito ay ang binuhay-muling si Jesu-Kristo. Ang paghatol ni Jesus ay mangangahulugan ng buhay o kamatayan.
3. Bakit nakipagtipan si Jehova kay Abraham, at sino ang may mahalagang papel sa katuparan nito?
3 Ang Araw ng Paghuhukom na iyon ay tatagal nang 1,000 taon. Bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, si Jesus ang inatasan ni Jehova na manguna rito, subalit hindi siya nag-iisa. Pumipili si Jehova ng iba pa mula sa sangkatauhan na makakasama ni Jesus bilang hari at hukom sa milenyong iyon. (Ihambing ang Lucas 22:29, 30.) Halos 4,000 taon na ang nakalipas, inilatag ni Jehova ang saligan ng Araw ng Paghuhukom na iyon nang makipagtipan siya sa kaniyang tapat na lingkod na si Abraham. (Basahin ang Genesis 22:17, 18.) Maliwanag na nagkabisa ang tipang ito noong 1943 B.C.E. Mangyari pa, hindi lubos na naunawaan ni Abraham ang magiging kahulugan ng tipan para sa sangkatauhan. Subalit nakikita na natin ngayon na sa ilalim ng tipang ito, mahalaga ang papel na ginagampanan ng binhi ni Abraham sa katuparan ng layunin ng Diyos na hatulan ang sangkatauhan.
4, 5. (a) Sino ang pangunahing bahagi ng binhi ni Abraham, at ano ang sinabi niya tungkol sa Kaharian? (b) Kailan nabuksan ang pag-asang maging bahagi ng Kaharian ng Diyos?
4 Ang pangunahing bahagi ng binhi ni Abraham ay napatunayang si Jesus, na pinahiran ng banal na espiritu at naging ipinangakong Mesiyas, o Kristo, noong 29 C.E. (Gal. 3:16) Ginugol ni Jesus ang sumunod na tatlo at kalahating taon sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa bansang Judio. Pagkatapos arestuhin si Juan Bautista, ipinakita ni Jesus na ang iba pa ay maaaring umasang mapabilang sa Kahariang iyon nang sabihin niya: “Mula noong mga araw ni Juan Bautista hanggang ngayon ang kaharian ng langit ang tunguhin na pinagpupunyagian ng mga tao, at sinusunggaban ito niyaong mga patuloy na nagpupunyagi.”—Mat. 11:12.
5 Kapansin-pansin na bago pa niya banggitin ang mga ‘susunggab’ sa Kaharian ng langit, sinabi ni Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sa gitna niyaong mga ipinanganak ng mga babae ay walang sinumang ibinangon na mas dakila kaysa kay Juan Bautista; ngunit ang isa na nakabababa sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa sa kaniya.” (Mat. 11:11) Bakit niya nasabi ito? Sapagkat hindi pa lubos na nabuksan sa mga tapat ang pag-asang maging bahagi ng Kaharian ng Diyos hanggang sa maibuhos ang banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E. Nang panahong iyon, patay na si Juan Bautista.—Gawa 2:1-4.
Ipinahayag na Matuwid ang Binhi ni Abraham
6, 7. (a) Sa anong paraan magiging “tulad ng mga bituin sa langit” ang binhi ni Abraham? (b) Anong pagpapala ang tinanggap ni Abraham, at anong katulad na pagpapala ang tinatanggap ng kaniyang binhi?
6 Sinabi kay Abraham na ang kaniyang binhi ay pararamihin at magiging “tulad ng mga bituin sa langit” at ng mga butil ng buhangin sa baybay-dagat. (Gen. 13:16; 22:17) Sa ibang salita, imposibleng malaman ng mga tao noong panahon ni Abraham kung gaano karami ang bubuo sa binhing iyon. Ngunit isiniwalat din nang maglaon ang eksaktong bilang ng kaniyang espirituwal na binhi. Bukod pa kay Jesus, umaabot ito nang 144,000.—Apoc. 7:4; 14:1.
7 Tungkol sa pananampalataya ni Abraham, ganito ang sinasabi ng Salita ng Diyos: “[Si Abraham] ay nanampalataya kay Jehova; at ibinilang niya itong katuwiran sa kaniya.” (Gen. 15:5, 6) Totoo, walang taong ganap na matuwid. (Sant. 3:2) Ngunit dahil sa bukod-tanging pananampalataya ni Abraham, nakitungo si Jehova sa kaniya na para bang siya ay matuwid anupat tinawag pa nga siyang kaibigan. (Isa. 41:8) Ang mga bumubuo sa espirituwal na binhi ni Abraham na kasama ni Jesus ay ipinahayag ding matuwid, at dahil dito ay tumatanggap sila ng higit na pagpapala kaysa sa tinanggap ni Abraham.
8. Anu-anong pagpapala ang nabuksan sa mga miyembro ng binhi ni Abraham?
8 Ipinahayag na matuwid ang mga pinahirang Kristiyano dahil nananampalataya sila sa haing pantubos ni Jesus. (Roma 3:24, 28) Sa paningin ni Jehova, sila ay napawalang-sala na sa kanilang kasalanan at maaari nang pahiran ng banal na espiritu upang maging espirituwal na mga anak ng Diyos at kapatid ni Jesu-Kristo. (Juan 1:12, 13) Sila ay nagiging bahagi ng bagong tipan at bumubuo ng bagong bansa, ang “Israel ng Diyos.” (Gal. 6:16; Luc. 22:20) Napakalaking pribilehiyo ng lahat ng ito! Dahil sa ginawang ito ng Diyos para sa kanila, ang mga pinahirang Kristiyano ay hindi umaasang mabubuhay magpakailanman dito sa lupa. Binitiwan nila ang pag-asang ito kapalit ng di-mailarawang kagalakang makasama si Jesus sa Araw ng Paghuhukom at mamahalang kasama niya sa langit.—Basahin ang Roma 8:17.
9, 10. (a) Kailan unang pinahiran ng banal na espiritu ang mga Kristiyano at ano ang naghihintay sa kanila? (b) Anong tulong ang tinanggap ng mga pinahirang Kristiyano?
9 Noong Pentecostes 33 C.E., isang grupo ng tapat na mga tao ang nabigyan ng pagkakataong mamahala kasama ni Jesus sa Araw ng Paghuhukom. Mga 120 sa mga alagad ni Jesus ang binautismuhan sa banal na espiritu at sa gayon ay naging unang mga pinahirang Kristiyano. Gayunman, simula pa lamang iyon para sa kanila. Mula noon, kailangan nilang ipakita ang kanilang katapatan kay Jehova sa kabila ng lahat ng pagsubok sa kanila ni Satanas. Dapat silang maging tapat hanggang kamatayan upang makatanggap ng korona ng buhay sa langit.—Apoc. 2:10.
10 Sa layuning ito, naglaan si Jehova sa mga pinahirang Kristiyano ng kinakailangan nilang payo at pampatibay-loob sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kongregasyong Kristiyano. Halimbawa, sumulat si apostol Pablo sa mga pinahirang Kristiyano sa Tesalonica: “Gaya ng ginagawa ng isang ama sa kaniyang mga anak, patuloy kaming nagpapayo sa bawat isa sa inyo, at nang-aaliw at nagpapatotoo sa inyo, upang kayo ay patuloy na lumakad nang karapat-dapat sa Diyos na tumatawag sa inyo sa kaniyang kaharian at kaluwalhatian.”—1 Tes. 2:11, 12.
11. Anong nakasulat na rekord ang inilaan ni Jehova para sa mga miyembro ng “Israel ng Diyos”?
11 Noong mga dekada pagkatapos piliin ang unang mga miyembro ng kongregasyon ng pinahirang Kristiyano, nakita ni Jehova na kailangang magkaroon ng permanenteng rekord ng ministeryo ni Jesus sa lupa pati na ng pakikitungo at payo Niya sa mga pinahirang Kristiyano noong unang siglo. Kaya naman idinagdag ni Jehova ang Kristiyanong Griegong Kasulatan sa kinasihang Hebreong Kasulatan na nakumpleto na nang panahong iyon. Sa simula, isinulat ang Hebreong Kasulatan para sa literal na bansang Israel noong may pantanging kaugnayan pa sila sa Diyos. Pangunahing isinulat naman ang Kristiyanong Griegong Kasulatan para sa “Israel ng Diyos,” ang mga pinahiran bilang mga kapatid ni Kristo at espirituwal na mga anak ng Diyos. Siyempre pa, hindi ito nangangahulugan na hindi na makikinabang nang malaki ang mga di-Israelita sa pag-aaral ng Hebreong Kasulatan. Sa katulad na paraan, ang mga Kristiyanong hindi pinahiran ng banal na espiritu ay maraming makukuhang pakinabang sa pag-aaral at pamumuhay ayon sa payo na nasa Kristiyanong Griegong Kasulatan.—Basahin ang 2 Timoteo 3:15-17.
12. Ano ang ipinaalaala ni Pablo sa mga pinahirang Kristiyano?
12 Ang mga Kristiyano noong unang siglo ay ipinahayag na matuwid at pinahiran ng banal na espiritu upang tumanggap ng kanilang makalangit na mana. Bagaman pinahiran sila ng banal na espiritu, hindi ito nangangahulugan na paghaharian na nila ang kanilang kapuwa pinahirang Kristiyano habang nasa lupa sila. Maliwanag na nawala ito sa isip ng ilang sinaunang Kristiyano at naghangad sila ng katanyagang hindi nauukol sa kanila sa gitna ng kanilang mga kapatid sa kongregasyon. Dahil dito, itinanong ni Pablo: “Busog na ba kayo? Mayaman na ba kayo? Nagsimula na ba kayong mamahala bilang mga hari nang wala kami? At nais ko nga sanang nakapagsimula na kayong mamahala bilang mga hari, upang kami rin ay mamahalang kasama ninyo bilang mga hari.” (1 Cor. 4:8) Kaya ipinaalaala ni Pablo sa mga pinahiran noong panahon niya: “Hindi sa kami ang mga panginoon sa inyong pananampalataya, kundi mga kamanggagawa kami ukol sa inyong kagalakan.”—2 Cor. 1:24.
Pagkumpleto sa Inihulang Bilang
13. Paano nagpatuloy ang pagpili sa mga pinahiran pagkalipas ng 33 C.E.?
13 Hindi lahat ng miyembro ng 144,000 pinahirang Kristiyano ay pinili noong unang siglo. Nagpatuloy ang pagpili sa kanila hanggang sa panahon ng mga apostol at lumilitaw na dumalang ito sa paglipas ng mga siglo. Subalit naganap pa rin ito sa sumunod na mga siglo at nagpapatuloy hanggang sa ating panahon. (Mat. 28:20) Nang magsimulang mamahala si Jesus noong 1914, naging mabilis ang mga pangyayari.
14, 15. Ano ang nagaganap may kinalaman sa pagpili ng mga pinahiran sa ating panahon?
14 Una, nilinis muna ni Jesus ang langit mula sa lahat ng sumasalansang sa pamamahala ng Diyos. (Basahin ang Apocalipsis 12:10, 12.) Pagkatapos, tinipon niya ang iba pang maaaring maging miyembro ng pamahalaan ng kaniyang Kaharian upang makumpleto ang bilang na 144,000. Pagsapit ng kalagitnaan ng dekada ng 1930, maliwanag na malapit nang matapos ang pagtitipong ito, at marami sa mga tumutugon sa pangangaral mula noon ay hindi naghahangad umakyat sa langit. Hindi nagpapatotoo ang espiritu sa kanila na sila ay mga anak ng Diyos. (Ihambing ang Roma 8:16.) Sa halip, itinuturing nila ang kanilang sarili na kabilang sa “ibang mga tupa,” na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa. (Juan 10:16) Kaya pagkaraan ng 1935, itinuon na ang pangangaral sa pagtitipon ng “isang malaking pulutong,” na nakita ni apostol Juan sa pangitain at makaliligtas sa “malaking kapighatian.”—Apoc. 7:9, 10, 14.
15 Gayunman, sa paglipas ng mga taon mula noong dekada ng 1930, may pailan-ilang indibiduwal na pinipili pa rin para sa makalangit na pag-asa. Bakit? Sa ilang pagkakataon, posibleng ipinalit sila sa ilang indibiduwal na dating pinili bilang pinahiran ngunit hindi nanatiling tapat. (Ihambing ang Apocalipsis 3:16.) Bumanggit pa nga si Pablo ng mga kakilala niya mismo na tumalikod sa katotohanan. (Fil. 3:17-19) Sino ang tatawagin ni Jehova bilang mga kapalit? Mangyari pa, siya ang magpapasiya nito. Ngunit waring makatuwiran na ang pipiliin niya ay mga indibiduwal na napatunayan nang tapat sa loob ng maraming taon—tulad ng mga alagad na kausap ni Jesus nang pasinayaan niya ang pagdiriwang ng Memoryal—at hindi mga indibiduwal na bagong kumberte lamang. *—Luc. 22:28.
16. Tungkol sa mga pinahiran, ano ang ipinagpapasalamat natin, at sa ano tayo makatitiyak?
16 Subalit waring hindi lahat ng pinili sa makalangit na pag-asa mula noong dekada ng 1930 ay kapalit ng mga indibiduwal na hindi nanatiling tapat. Maliwanag na tiniyak ni Jehova na may makakasama tayong mga pinahirang Kristiyano sa mga huling araw ng sistemang ito ng mga bagay hanggang sa mapuksa ang “Babilonyang Dakila.” * (Apoc. 17:5) At makatitiyak tayo na makukumpleto ang bilang na 144,000 sa itinakdang panahon ni Jehova at mamumuno silang lahat sa kalaunan sa pamahalaan ng Kaharian. Makapagtitiwala rin tayo sa makahulang Salita na ang dumaraming malaking pulutong ay mananatiling tapat bilang isang grupo. Di-magtatagal, sila ay ‘lalabas mula sa malaking kapighatian’ na mararanasan ng sanlibutan ni Satanas, at maligaya silang makatatawid sa bagong sanlibutan ng Diyos.
Halos Kumpleto Na ang mga Miyembro ng Makalangit na Pamahalaan ng Diyos!
17. Ayon sa 1 Tesalonica 4:15-17 at Apocalipsis 6:9-11, ano ang nangyari sa mga pinahirang Kristiyano na namatay nang tapat?
17 Mula noong 33 C.E., sampu-sampung libong pinahirang Kristiyano ang nagpakita ng matibay na pananampalataya at tapat na nakapagbata hanggang sa kamatayan. Sila ay ibinilang nang karapat-dapat tumanggap ng Kaharian at —maliwanag na mula pa noong unang mga araw ng pagkanaririto ni Kristo—pinagkalooban na ng kanilang gantimpala.—Basahin ang 1 Tesalonica 4:15-17; Apocalipsis 6:9-11.
18. (a) Sa ano nakatitiyak ang mga pinahirang nalalabi pa sa lupa? (b) Ano ang pangmalas ng ibang mga tupa sa kanilang kapatid na mga pinahirang Kristiyano?
18 Ang mga pinahirang nalalabi pa sa lupa ay nakatitiyak na kapag nanatili silang tapat, di-magtatagal at tatanggapin nila ang kanilang gantimpala sa langit. Kapag binubulay-bulay ng milyun-milyong “ibang mga tupa” ang pananampalataya ng kanilang mga pinahirang kapatid, sumasang-ayon sila sa sinabi ni apostol Pablo tungkol sa mga pinahirang kapatid sa Tesalonica: “Ipinagmamapuri namin mismo kayo sa gitna ng mga kongregasyon ng Diyos dahil sa inyong pagbabata at pananampalataya sa lahat ng mga pag-uusig sa inyo at sa mga kapighatian na inyong tinitiis. Ito ay isang katunayan ng matuwid na paghatol ng Diyos, na umaakay upang maibilang kayong karapat-dapat sa kaharian ng Diyos, na dahil dito ay tunay ngang nagdurusa kayo.” (2 Tes. 1:3-5) Kapag namatay na ang huling miyembro ng mga pinahiran sa lupa, kailan man ito maganap, makukumpleto na ang makalangit na pamahalaan ng Diyos. Kaylaki ngang kagalakan ang idudulot nito—sa langit at sa lupa!
[Mga talababa]
^ Tingnan ang Marso 1, 1992, isyu ng Ang Bantayan, pahina 20, parapo 17.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Ano ang isiniwalat ng Diyos kay Abraham tungkol sa Araw ng Paghuhukom?
• Bakit ipinahayag na matuwid si Abraham?
• Yamang ipinahayag na matuwid ang binhi ni Abraham, ano ang idudulot nito sa kanila?
• Sa ano makatitiyak ang lahat ng Kristiyano?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 20]
Pinasigla ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na magsikap upang maging bahagi ng Kaharian
[Larawan sa pahina 21]
Noong Pentecostes 33 C.E., sinimulan ni Jehova ang pagpili sa pangalawahing mga miyembro ng binhi ni Abraham
[Mga larawan sa pahina 23]
Ipinagpapasalamat ng ibang mga tupa na kasama nila ang mga pinahirang Kristiyano sa mga huling araw