Panatilihin si Jehova sa Harap Mo
Panatilihin si Jehova sa Harap Mo
“Lagi kong inilalagay si Jehova sa harap ko.”—AWIT 16:8.
1. Ano ang maaaring maging epekto sa atin ng mga salaysay sa Bibliya?
MARAMI tayong mababasa sa nasusulat na Salita ni Jehova hinggil sa mga pakikitungo ng Diyos sa sangkatauhan. Binabanggit nito ang mga taong nagkaroon ng bahagi sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos. Siyempre pa, hindi isinulat sa Bibliya ang kanilang mga sinabi at ginawa para lamang tayo ay masiyahan. Sa halip, ang gayong mga salaysay ay makatutulong sa atin na maging malapít sa Diyos.—Sant. 4:8.
2, 3. Ano ang kahulugan ng mga salita sa Awit 16:8?
2 Marami tayong matututuhan sa karanasan ng kilalang mga tauhan sa Bibliya—sina Abraham, Sara, Moises, Ruth, David, Esther, apostol Pablo, at iba pa. Gayunman, makikinabang din tayo sa mga ulat hinggil sa di-gaanong kilalang mga indibiduwal. Ang pagbubulay-bulay sa mga salaysay ng Bibliya ay makatutulong sa atin na kumilos kasuwato ng pananalita ng salmista: “Lagi kong inilalagay si Jehova sa harap ko. Sa dahilang siya ay nasa aking kanan, hindi ako makikilos.” (Awit 16:8) Ano ang kahulugan ng mga salitang ito?
3 Karaniwan nang kanang kamay ang ipinanghahawak ng sundalo sa kaniyang tabak, anupat hindi napoprotektahan ng kalasag na hawak ng kaniyang kaliwang kamay ang kaniyang kanan. Pero mapoprotektahan ito kung pupuwesto roon ang isang kaibigan habang nakikipaglaban. Gayundin naman, kung palagi nating isasaisip si Jehova, o pananatilihin siya sa harap natin wika nga, at gagawin ang kaniyang kalooban, makaaasa tayo sa kaniyang proteksiyon. Kaya tingnan natin kung paano mapapatibay ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga ulat ng Bibliya upang ‘mapanatili natin si Jehova sa harap natin.’—Byington.
Sinasagot ni Jehova ang Ating mga Panalangin
4. Magbigay ng halimbawa mula sa Kasulatan na nagpapakitang sinasagot ng Diyos ang mga panalangin.
4 Kung pananatilihin natin si Jehova sa harap natin, sasagutin niya ang ating mga panalangin. (Awit 65:2; 66:19) Nangyari ito sa pinakamatandang lingkod ni Abraham, marahil ay si Eliezer. Isinugo siya ni Abraham sa Mesopotamia para ihanap si Isaac ng isang asawang may takot sa Diyos. Nanalangin si Eliezer ukol sa patnubay ng Diyos at nabatid niya na sinagot ito nang painumin ni Rebeka ang kaniyang mga kamelyo. Dahil sa marubdob niyang pananalangin, nasumpungan ni Eliezer ang naging minamahal na asawa ni Isaac. (Gen. 24:12-14, 67) Sabihin pa, may espesyal na misyon ang lingkod ni Abraham. Pero gaya ni Eliezer, hindi ba dapat din tayong magtiwala na diringgin ni Jehova ang ating mga panalangin?
5. Bakit natin masasabi na maaaring maging mabisa kahit ang saglit at tahimik na pananalangin kay Jehova?
5 Kung minsan, baka kailangan nating manalangin agad para sa tulong ng Diyos. Sa isang pagkakataon, napansin ng hari ng Persia na si Artajerjes na malungkot ang kaniyang katiwala ng kopa na si Nehemias. “Ano itong hinahangad mong matamo?” ang tanong ng hari. “Kaagad [na] nanalangin [si Nehemias] sa Diyos ng langit.” Maliwanag na kinailangan ni Nehemias na saglit na manalangin nang tahimik. Pero sinagot ng Diyos ang kaniyang panalangin dahil tinulungan siya ng hari na itayo ang mga pader ng Jerusalem. (Basahin ang Nehemias 2:1-8.) Oo, maaaring maging mabisa kahit ang saglit at tahimik na pananalangin.
6, 7. (a) Anong halimbawa ang ipinakita ni Epafras may kaugnayan sa panalangin? (b) Bakit tayo dapat manalangin alang-alang sa iba?
6 Hinihimok tayo na “ipanalangin ang isa’t isa,” kahit na hindi natin agad nakikitang sinasagot ang gayong mga panalangin. (Sant. 5:16) Marubdob na idinadalangin ni Epafras, “isang tapat na ministro ng Kristo,” ang kaniyang mga kapananampalataya. Nang sumulat si Pablo mula sa Roma, sinabi niya: “Si Epafras, na mula sa inyo [mga taga-Colosas], isang alipin ni Kristo Jesus, ay nagpapadala sa inyo ng kaniyang mga pagbati, na laging nagpupunyagi alang-alang sa inyo sa kaniyang mga panalangin, upang sa wakas ay makatayo kayong ganap at may matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos. Ako nga ay nagpapatotoo sa kaniya na ginugugol niya ang kaniyang sarili na may malaking pagsisikap alang-alang sa inyo at doon sa mga nasa Laodicea at doon sa mga nasa Hierapolis.”—Col. 1:7; 4:12, 13.
7 Magkakatabing lunsod sa Asia Minor ang Colosas, Laodicea, at Hierapolis. Ang mga Kristiyano sa Hierapolis ay naninirahan kasama ng mga mananamba ng diyosang si Cybele, ang nakakahalubilo naman ng mga taga-Laodicea ay mga taong materyalistiko, at ang mga taga-Colosas ay nanganganib na maimpluwensiyahan ng pilosopiya ng tao. (Col. 2:8) Hindi nga kataka-takang si Epafras, na taga-Colosas, ay ‘nagpupunyagi sa kaniyang mga panalangin’ alang-alang sa mga mananampalataya sa lunsod na iyon! Hindi ipinaliliwanag ng Bibliya kung paano sinagot ang mga panalangin ni Epafras, pero hindi siya huminto sa pananalangin para sa mga kapananampalataya niya. Gayundin ang dapat nating gawin. Bagaman hindi naman tayo “mapakialam sa mga bagay-bagay ng ibang tao,” marahil ay alam natin na dumaranas ng matinding pagsubok sa pananampalataya ang isang kapamilya o kaibigan. (1 Ped. 4:15) Talaga ngang angkop na isama natin siya sa ating personal na mga panalangin! Nakatulong kay Pablo ang mga pagsusumamo ng iba, at tiyak na makatutulong din sa iba ang ating mga panalangin.—2 Cor. 1:10, 11.
8. (a) Paano natin nalaman na talagang pinahahalagahan ng matatanda sa Efeso ang panalangin? (b) Ano ang dapat na maging saloobin natin hinggil sa panalangin sa Diyos?
8 Kilala ba tayo bilang mga taong nagpapahalaga sa pribilehiyo ng panalangin? Pagkatapos makipagpulong si Pablo sa matatanda sa Efeso, “lumuhod siyang kasama nilang lahat at nanalangin.” Pagkatapos, “nagkaroon ng di-kakaunting pagtangis sa gitna nilang lahat, at sumubsob sila sa leeg ni Pablo at magiliw siyang hinalikan, sapagkat lalo na silang nasaktan sa salitang sinabi niya na hindi na nila makikita ang kaniyang mukha.” (Gawa 20:36-38) Hindi natin alam ang pangalan ng matatandang iyon, pero maliwanag na talagang pinahahalagahan nila ang panalangin. Tiyak na dapat din nating pahalagahan ang pribilehiyong manalangin sa Diyos at dapat nating ‘itaas ang matatapat na kamay’ nang may pananampalataya na sasagutin tayo ng ating makalangit na Ama.—1 Tim. 2:8.
Lubusang Sumunod sa Diyos
9, 10. (a) Anong halimbawa ang ipinakita ng mga anak ni Zelopehad? (b) Ano ang matututuhan ng walang-asawang mga Kristiyano sa pagiging masunurin ng mga anak ni Zelopehad?
9 Kung lagi nating isasaisip si Jehova, mauudyukan tayong sumunod sa kaniya at nang sa gayo’y magkamit ng mga pagpapala. (Deut. 28:13; 1 Sam. 15:22) Nangangahulugan itong dapat na lagi tayong handang sumunod. Isaalang-alang ang saloobin ng limang magkakapatid na babae, ang mga anak ni Zelopehad, na nabuhay noong panahon ni Moises. Sa mga Israelita, karaniwan nang ang mga anak na lalaki ang tumatanggap ng mana mula sa kanilang ama. Namatay ang lalaking si Zelopehad nang walang anak na lalaki, at iniutos ni Jehova na ibigay sa kaniyang limang anak na babae ang buong mana nila—sa isang kondisyon. Kailangan silang maging asawa ng mga anak na lalaki ni Manases upang manatili ang namanang ari-arian sa tribong iyon.—Bil. 27:1-8; 36:6-8.
10 Nagtitiwala ang mga anak ni Zelopehad na mas mapapabuti sila kung susundin nila ang Diyos. “Kung ano ang iniutos ni Jehova kay Moises, gayon ang ginawa ng mga anak na babae ni Zelopehad,” ang sabi ng Bibliya. “Sa gayon si Maala, si Tirza at si Hogla at si Milca at si Noa, na mga anak na babae ni Zelopehad, ay naging mga asawa ng mga anak ng mga kapatid na lalaki ng kanilang ama. Sila ay naging mga asawa ng ilan mula sa mga pamilya ng mga anak ni Manases na anak ni Jose, upang ang kanilang mana ay manatiling nasa tribo ng pamilya ng kanilang ama.” (Bil. 36:10-12) Ginawa ng masunuring mga babaing iyon ang iniutos ni Jehova. (Jos. 17:3, 4) Gaya ng mga anak ni Zelopehad, nagtitiwala rin ang walang-asawa at may-gulang sa espirituwal na mga Kristiyano na mas mapapabuti sila kung susundin nila ang tagubilin ng Diyos na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.”—1 Cor. 7:39.
11, 12. Paano ipinakita ni Caleb na nagtitiwala siya sa Diyos?
11 Dapat na lubusan tayong sumunod kay Jehova, gaya ng Israelitang si Caleb. (Deut. 1:36) Pagkatapos palayain ng Diyos ang Israel mula sa Ehipto noong ika-16 na siglo B.C.E., nagsugo si Moises ng 12 lalaki upang tiktikan ang Canaan, pero 2 lamang sa mga espiya—sina Caleb at Josue—ang humimok sa mga tao na lubusang magtiwala sa Diyos at pumasok sa lupain. (Bil. 14:6-9) Pagkalipas ng mga apat na dekada, buháy pa rin sina Josue at Caleb at patuloy na sumusunod kay Jehova. Ginamit ng Diyos si Josue para manguna sa mga Israelita sa pagpasok sa Lupang Pangako. Pero ang sampung espiya na walang pananampalataya ay namatay sa 40-taóng paglalakbay ng Israel sa ilang.—Bil. 14:31-34.
12 Yamang isa si Caleb sa mga nanatiling buháy matapos ang paglalakbay ng Israel sa ilang, masasabi niya sa harap ni Josue: “Sinunod ko si Jehova na aking Diyos nang lubusan.” (Basahin ang Josue 14:6-9.) Hiniling ng 85-taóng-gulang na si Caleb na ibigay sa kaniya ang bulubunduking rehiyon na ipinangako sa kaniya ng Diyos, bagaman ito ay pinaninirahan ng mga kaaway at may malalaking lunsod na nakukutaan.—Jos. 14:10-15.
13. Sa kabila ng mga pagsubok na napapaharap sa atin, ano ang dapat nating gawin upang pagpalain tayo?
13 Gaya ng tapat at masunuring si Caleb, tutulungan tayo ng Diyos kung ‘lubusan nating susundin si Jehova.’ Kapag may malaki tayong problema, pagpapalain tayo kung ‘lubusan nating susundin si Jehova.’ Pero maaaring maging hamon na gawin ito nang patuluyan, gaya ng ginawa ni Caleb. Bagaman maganda ang naging pasimula ni Haring Solomon, nahikayat siya ng kaniyang mga asawa na maglingkod sa huwad na mga diyos noong tumanda siya, at ‘hindi niya sinunod si Jehova nang lubusan tulad ni David na kaniyang ama.’ (1 Hari 11:4-6) Anumang pagsubok ang mapaharap sa atin, palagi nawa tayong lubusang sumunod sa Diyos at panatilihin siya sa harap natin.
Palaging Magtiwala kay Jehova
14, 15. Ano ang natutuhan mo mula sa mga naranasan ni Noemi may kaugnayan sa kahalagahan ng pagtitiwala sa Diyos?
14 Kailangan nating magtiwala sa Diyos lalo na kapag nanlulumo tayo at naiisip natin na tila hindi mabuti ang kalalabasan ng mga bagay-bagay. Isaalang-alang ang may-edad nang si Noemi, na namatayan ng asawa at dalawang anak na lalaki. Nang bumalik siya sa Juda mula sa Moab, nanaghoy siya: “Huwag ninyo akong tawaging Noemi [nangangahulugang “Ang Aking Kaigayahan”]. Tawagin ninyo akong Mara [nangangahulugang “Mapait”], sapagkat lubha akong pinapait ng Makapangyarihan-sa-lahat. Punô ako nang ako ay umalis, at wala akong dala nang pabalikin ako ni Jehova. Bakit ninyo ako tatawaging Noemi, samantalang si Jehova ang humamak sa akin at ang Makapangyarihan-sa-lahat ang nagpangyari ng kapahamakan ko?”—Ruth 1:20, 21.
15 Kung babasahin nating mabuti ang aklat ng Ruth, makikita natin na bagaman nababalisa si Noemi, patuloy pa rin siyang nagtiwala kay Jehova. At talaga namang nagbago ang kalagayan niya! Ang kaniyang biyudang manugang na si Ruth ay naging asawa ni Boaz at nagsilang ng isang anak na lalaki. Si Noemi ang naging yaya ng bata, at sinabi ng ulat: “Binigyan iyon ng mga kapitbahay na babae ng pangalan, na sinasabi: ‘Isang anak na lalaki ang isinilang kay Noemi.’ At tinawag nilang Obed ang kaniyang pangalan. Siya ang ama ni Jesse, na ama ni David.” (Ruth 4:14-17) Kapag binuhay-muli si Noemi, malalaman niya na si Ruth, na bubuhayin ding muli, ay naging ninuno ni Jesus, ang Mesiyas. (Mat. 1:5, 6, 16) Gaya ni Noemi, hindi tayo makatitiyak sa kahihinatnan ng isang masaklap na pangyayari sa ating buhay. Kaya palagi nawa tayong magtiwala sa Diyos, gaya ng hinihimok sa atin na gawin ng Kawikaan 3:5, 6: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”
Manalig sa Banal na Espiritu
16. Paano tinulungan ng banal na espiritu ng Diyos ang ilang matatandang lalaki sa sinaunang Israel?
16 Kung pananatilihin natin si Jehova sa harap natin, papatnubayan tayo ng kaniyang banal na espiritu. (Gal. 5:16-18) Ang espiritu ng Diyos ang pumatnubay sa 70 matatandang lalaki na pinili upang tulungan si Moises sa “pagdadala ng pasan ng bayan” ng Israel. Ang pangalan lamang nina Eldad at Medad ang binanggit, pero ang banal na espiritu ang tumulong sa kanilang lahat na tuparin ang kanilang mga atas. (Bil. 11:13-29) Walang alinlangan, sila ay mahuhusay, may takot sa Diyos, maaasahan, at matapat gaya ng mga napili bago nila. (Ex. 18:21) Makikita rin ang mga katangiang ito sa mga Kristiyanong matatanda sa ngayon.
17. Ano ang naging papel ng banal na espiritu ni Jehova sa pagtatayo ng tabernakulo?
17 Nagkaroon ng mahalagang papel ang banal na espiritu ni Jehova sa pagtatayo ng tabernakulo sa ilang. Hinirang ni Jehova si Bezalel bilang punong artisano at manggagawa ng tabernakulo, at ipinangako rito na “pupuspusin . . . siya ng espiritu ng Diyos sa karunungan at sa unawa at sa kaalaman at sa bawat uri ng kasanayan sa paggawa.” (Ex. 31:3-5) Sa pagtupad sa napakarangal na atas na ito, kasama ni Bezalel at ng kaniyang katulong na si Oholiab ang mga lalaking “may pusong marunong.” Bukod diyan, napakilos ng espiritu ni Jehova ang bayan na maging bukas-palad sa pagbibigay ng kontribusyon. (Ex. 31:6; 35:5, 30-34) Ang espiritu ring iyon ang nagpapakilos sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon na gawin ang kanilang buong makakaya upang itaguyod ang mga kapakanan ng Kaharian. (Mat. 6:33) Baka may ilang kakayahan tayo, pero kailangan nating manalangin ukol sa banal na espiritu at magpaakay rito upang matupad natin ang gawaing iniatas ni Jehova sa kaniyang bayan sa ngayon.—Luc. 11:13.
Palaging Magpitagan kay Jehova
18, 19. (a) Sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos, nalilinang natin ang anong saloobin? (b) Ano ang natutuhan mo sa halimbawa nina Simeon at Ana?
18 Sa pamamagitan ng banal na espiritu, nalilinang natin ang mapagpitagang saloobin na tutulong naman sa atin na panatilihin si Jehova sa harap natin. Ang sinaunang bayan ng Diyos ay inutusan na si Jehova “ang tanging dapat [nilang] ipagpitagan.” (Isa. 8:13, Biblia ng Sambahayang Pilipino) Ang dalawang mapagpitagang may-edad na noong unang siglo sa Jerusalem ay sina Simeon at Ana. (Basahin ang Lucas 2:25-38.) Nananampalataya si Simeon sa mga hula hinggil sa Mesiyas at “naghihintay sa kaaliwan ng Israel.” Ibinuhos ng Diyos kay Simeon ang banal na espiritu at tiniyak sa kaniya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas. At gayon nga ang nangyari. Isang araw noong taóng 2 B.C.E., si Jesus ay dinala sa templo ng kaniyang mga magulang na sina Maria at Jose. Yamang napakilos ng banal na espiritu, humula si Simeon hinggil sa Mesiyas. Inihula rin niya ang pamimighating mararanasan ni Maria, na natupad noong ibayubay si Jesus sa pahirapang tulos. Pero gunigunihin ang matinding kagalakang naranasan ni Simeon nang kargahin niya sa kaniyang mga bisig ang “Kristo ni Jehova”! Napakaganda nga ng halimbawa ni Simeon para sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon hinggil sa pagpapakita ng pagpipitagan kay Jehova!
19 Si Ana, isang mapagpitagang balo na 84 na taóng gulang, ay “hindi kailanman lumiliban sa templo.” Nag-uukol siya ng sagradong paglilingkod kay Jehova araw at gabi “na may mga pag-aayuno at mga pagsusumamo.” Nasa templo rin si Ana nang dalhin dito ang sanggol na si Jesus. Kaylaki ng kaniyang pasasalamat dahil nakita niya ang magiging Mesiyas sa hinaharap! Sa katunayan, siya ay “nagsimulang mag-ukol ng pasasalamat sa Diyos at nagsalita tungkol sa bata sa lahat ng mga naghihintay sa katubusan ng Jerusalem.” Talagang napakilos si Ana na ibahagi ang mabuting balitang ito sa iba! Gaya nina Simeon at Ana, hindi hadlang ang katandaan para sa mga may-edad nang Kristiyano upang maglingkod kay Jehova bilang kaniyang mga Saksi.
20. Anuman ang ating edad, ano ang dapat nating gawin, at bakit?
20 Anuman ang ating edad, dapat nating panatilihin si Jehova sa harap natin. Sa gayon, pagpapalain niya tayo sa ating pagsisikap na ibalita sa iba ang hinggil sa kaniyang paghahari at kamangha-manghang mga gawa. (Awit 71:17, 18; 145:10-13) Subalit para maparangalan natin si Jehova, dapat nating ipakita ang makadiyos na mga katangian. Ano ang matututuhan natin sa pagsusuri sa iba pang mga ulat sa Bibliya tungkol sa gayong mga katangian?
Paano Mo Sasagutin?
• Paano natin nalaman na dinirinig ni Jehova ang mga panalangin?
• Bakit tayo dapat lubusang sumunod sa Diyos?
• Kahit nanlulumo tayo, bakit dapat pa rin tayong magtiwala kay Jehova?
• Paano tinutulungan ng banal na espiritu ng Diyos ang kaniyang bayan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 4]
Mabisa ang panalangin ni Nehemias kay Jehova
[Larawan sa pahina 5]
Ang pagbubulay-bulay sa naging mga pagpapala ni Noemi ay tutulong sa atin na magtiwala kay Jehova