Maging Mapagparaya, Maging Timbang
Maging Mapagparaya, Maging Timbang
“Patuloy mo silang paalalahanan na . . . maging mapagparaya.”—TITO 3:1, 2. tlb. sa Reference Bible.
1, 2. Ano ang sinasabi ng Kasulatan hinggil sa pagiging mapagparaya, at bakit angkop ito?
WALANG hangganan ang karunungan ng ating maibiging Ama sa langit, si Jehova. Yamang siya ang lumalang sa atin, sa kaniya tayo umaasa ng patnubay sa ating buhay. (Awit 48:14) Sinasabi sa atin ng Kristiyanong alagad na si Santiago na “ang karunungan mula sa itaas una sa lahat ay malinis, pagkatapos ay mapayapa, makatuwiran [“mapagparaya,” tlb. sa Reference Bible], handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga, hindi gumagawa ng pagtatangi-tangi, hindi mapagpaimbabaw.”—Sant. 3:17.
2 “Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran [“pagiging mapagparaya,” Kingdom Interlinear],” ang payo ni apostol Pablo. * (Fil. 4:5) Si Kristo Jesus ang Panginoon at Ulo ng kongregasyong Kristiyano. (Efe. 5:23) Kaya napakahalaga nga na maging mapagparaya, handang sumunod sa tagubilin ni Kristo, at makatuwiran sa ating pakikitungo sa ibang tao!
3, 4. (a) Ilarawan ang mabubuting resulta ng pagiging mapagparaya. (b) Anu-ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
3 Ang wasto at timbang na pagpaparaya ay nagbubunga ng mabubuting resulta. Bilang paglalarawan: Matapos mabunyag sa Britanya ang isang pakana ng mga pinaghihinalaang terorista, karamihan sa mga pasahero ng mga eroplano ay nagparaya at sumunod sa mga patakarang nagbabawal sa pagdadala ng mga bagay na dating ipinahihintulot na dalhin nila sa loob ng eroplano yamang alam nilang para ito sa kanilang kaligtasan. Kailangan din nating maging mapagparaya kapag nagmamaneho. Halimbawa, kapag dumaraan sa isang interseksiyon, baka kailangan nating magmenor at magbigay-daan sa iba para makaiwas sa aksidente at maging maayos ang daloy ng trapiko.
4 Totoo, marami sa atin ang nahihirapang magparaya. Kaya tatalakayin natin kung paano makatutulong sa atin ang tatlong pitak ng pagiging mapagparaya, samakatuwid nga, ang ating motibo, saloobin hinggil sa awtoridad, at kung hanggang saan natin dapat ipakita ang katangiang ito.
Bakit Tayo Dapat Magparaya?
5. Ayon sa Kautusang Mosaiko, ano ang maaaring mag-udyok sa isang alipin na manatili sa kaniyang panginoon?
5 Bago ang panahong Kristiyano, may isang halimbawa na nagtatampok sa tamang motibo sa pagpaparaya. Ayon sa Kautusang Mosaiko, mapalalaya ang mga aliping Hebreo sa ikapitong taon ng kanilang pagiging alipin o sa taon ng Jubileo, alinman ang mauna sa dalawang ito. Ngunit maaaring ipasiya ng isa na manatiling alipin. (Basahin ang Exodo 21:5, 6.) Ano kaya ang mag-uudyok sa isang alipin na gawin ito? Pag-ibig ang mag-uudyok sa kaniya na manatili sa ilalim ng awtoridad ng kaniyang mabait na panginoon.
6. Ano ang kaugnayan ng pag-ibig sa pagiging mapagparaya?
6 Sa katulad na paraan, ang ating pag-ibig kay Jehova ang magpapakilos sa atin na ialay sa kaniya ang ating buhay at tuparin ang pag-aalay na ito. (Roma 14:7, 8) “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat,” ang isinulat ni apostol Juan. (1 Juan 5:3) Ang pag-ibig na ito ay hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan. (1 Cor. 13:4, 5) Kapag nakikitungo tayo sa iba, ang pag-ibig sa kapuwa ang magpapakilos sa atin na magparaya at isaisantabi muna ang ating kapakanan. Sa halip na maging makasarili, inuuna natin ang kapakanan ng iba.—Fil. 2:2, 3.
7. Paano nauugnay ang pagiging mapagparaya sa ating ministeryo?
7 Hindi dapat makatisod sa iba ang ating pananalita at paggawi. (Efe. 4:29) Oo, inuudyukan tayo ng pag-ibig na iwasang gumawa ng anumang bagay na maaaring maging hadlang sa mga taong may iba’t ibang pinagmulan at kultura na maglingkod kay Jehova. Sa bagay na ito, kadalasan nang kailangan nating maging mapagparaya, anupat hindi ipinipilit ang ating kagustuhan. Halimbawa, iniiwasan ng mga misyonera na makatisod sa iba sa pamamagitan ng hindi paglalagay ng makeup at hindi pagsusuot ng stocking sa mga lugar kung saan iniuugnay ang paggamit ng mga ito sa imoral na mga tao.—1 Cor. 10:31-33.
8. Paano tayo matutulungan ng pag-ibig sa Diyos na gumawing gaya ng “isang nakabababa”?
8 Matutulungan tayo ng pag-ibig kay Jehova na iwasang magmataas. Matapos na magtalu-talo ang mga alagad ni Jesus kung sino ang pinakadakila, pinatayo ni Jesus ang isang maliit na bata sa gitna nila. Ipinaliwanag niya: “Ang sinumang tumatanggap sa batang ito salig sa aking pangalan ay tumatanggap din sa akin, at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap din sa kaniya na nagsugo sa akin. Sapagkat siya na gumagawing gaya ng isang nakabababa sa gitna ninyong lahat ang siyang dakila.” (Luc. 9:48; Mar. 9:36) Maaaring isang hamon para sa atin na gumawing gaya ng “isang nakabababa.” Ang minanang di-kasakdalan at tendensiyang magmataas ay maaaring maging dahilan upang hangarin nating maging prominente, pero matutulungan tayo ng kapakumbabaan na magparaya sa iba.—Roma 12:10.
9. Kung tayo’y mapagparaya, ano ang dapat nating gawin?
9 Kung tayo’y mapagparaya, magpapasakop tayo sa awtoridad na itinalaga ng Diyos. Batid ng lahat ng tunay na Kristiyano ang kahalagahan ng simulain ng pagkaulo. Ganito ang malinaw na binanggit ni apostol Pablo sa mga taga-Corinto: “Nais kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.”—1 Cor. 11:3.
10. Ano ang ipinakikita ng ating pagpapasakop sa awtoridad ni Jehova?
10 Kapag nagpapasakop tayo sa awtoridad ng Diyos, ipinakikita nating nagtitiwala tayo sa kaniya bilang ating maibiging Ama. Alam niya ang lahat ng nangyayari at gagantimpalaan niya tayo ayon sa ating mga gawa. Ang pagkaalam sa bagay na ito ay tutulong sa atin na maging mapagparaya kapag hindi maganda ang pakikitungo ng iba sa atin o kapag nagalit sila sa atin at hindi nakapagtimpi. Sumulat si Pablo: “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” Idiniin ni Pablo ang payong iyan sa pamamagitan ng tagubiling ito: “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi bigyan ninyo ng dako ang poot; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’”—Roma 12:18, 19.
11. Paano natin maipapakita na nagpapasakop tayo sa pagkaulo ni Kristo?
11 Kailangan din nating magpasakop sa itinalagang awtoridad ng Diyos sa kongregasyong Kristiyano. Inilalarawan sa Apocalipsis kabanata 1 na hawak ni Kristo Jesus ang mga “bituin” ng kongregasyon sa kaniyang kanang kamay. (Apoc. 1:16, 20) Sa diwa, kumakatawan ang mga “bituin” na ito sa lupon ng matatanda, o mga tagapangasiwa, sa kongregasyon. Nagpapasakop sa pangunguna ni Kristo ang hinirang na mga tagapangasiwang ito at tinutularan nila ang mabait na pakikitungo niya sa iba. Lahat ng kabilang sa kongregasyon ay nagpapasakop sa kaayusang ginawa ni Jesus hinggil sa paglalaan ng “tapat at maingat na alipin” ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon. (Mat. ) Sa ngayon, maipapakita natin na nagpapasakop tayo sa pagkaulo ni Kristo kapag pinag-aaralan natin at ikinakapit ang ating natututuhan mula sa inilalaang espirituwal na mga pagkaing ito. Ang pagpapasakop na ito ay nagtataguyod ng kapayapaan at pagkakaisa.— 24:45-47Roma 14:13, 19.
Pagiging Mapagparaya—Hanggang Saan?
12. Bakit may hangganan ang pagiging mapagparaya?
12 Gayunman, bagaman mapagparaya tayo, hindi ito nangangahulugang ikokompromiso na natin ang ating pananampalataya o ang mga simulain ng Diyos. Ano ba ang naging paninindigan ng unang mga Kristiyano nang ipagbawal ng mga lider ng relihiyon ang kanilang pagtuturo salig sa pangalan ni Jesus? May-katapangang sinabi ni Pedro at ng iba pang apostol: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 4:18-20; 5:28, 29) Kaya sa ngayon, kapag puwersahang ipinagbawal ng mga awtoridad sa gobyerno ang pangangaral natin ng mabuting balita, hindi tayo humihinto. Kung minsan, binabagu-bago natin ang ating pamamaraan upang mataktikang maharap ang situwasyon. Kapag may mga restriksiyon sa pangangaral sa bahay-bahay, humahanap tayo ng ibang paraan upang makausap ang mga may-bahay at patuloy na magampanan ang ating atas mula sa Diyos. Gayundin, kapag ipinagbawal ng “nakatataas na mga awtoridad” ang ating mga pagpupulong, nag-iingat tayo at nagpupulong sa maliliit na grupo.—Roma 13:1; Heb. 10:24, 25.
13. Ano ang sinabi ni Jesus hinggil sa pagpapasakop sa awtoridad?
13 Sa kaniyang Sermon sa Bundok, nilinaw ni Jesus ang pangangailangan na magpasakop sa awtoridad, nang sabihin niya: “Kung nais ng isang tao na magtungo sa hukuman na kasama ka at ariin ang iyong panloob na kasuutan, hayaan mong mapasakaniya rin ang iyong panlabas na kasuutan; at kung ang isang may awtoridad ay pumipilit sa iyo na maglingkod ng isang milya, sumama ka sa kaniya ng dalawang milya.” (Mat. 5:40, 41) * Ang pagiging makonsiderasyon at ang pagnanais na tumulong sa iba ay nag-uudyok din sa atin na gawin ang higit sa inaasahan sa atin.—1 Cor. 13:5; Tito 3:1, 2.
14. Bakit hindi tayo dapat magparaya sa apostasya?
14 Karagdagan pa, hindi tayo dapat magparaya sa mga apostata. Ang ating malinaw at matatag na paninindigan sa bagay na ito ay kailangan para manatiling dalisay ang katotohanan at nagkakaisa ang kongregasyon. Ganito ang isinulat ni Pablo hinggil sa “mga bulaang kapatid”: “Sa mga ito ay hindi kami nagbigay-daan sa pamamagitan ng pagpapasakop, hindi, kahit isang oras man, upang ang katotohanan ng mabuting balita ay manatili sa inyo.” (Gal. 2:4, 5) Kung sakali mang may bumangong apostasya, ang nakaalay na mga Kristiyano ay hindi makikipagkompromiso at matatag na maninindigan sa kung ano ang tama.
Kailangang Maging Mapagparaya ang mga Tagapangasiwa
15. Paano nagpapakita ng pagpaparaya ang mga tagapangasiwang Kristiyano kapag sila ay nagpupulong?
15 Isa sa mga kuwalipikasyon ng mga hinirang para maglingkod bilang tagapangasiwa ang pagiging mapagparaya. Sumulat si Pablo: “Ang tagapangasiwa kung gayon ay dapat na . . . makatuwiran [“mapagparaya,” tlb. sa Reference Bible].” (1 Tim. 3:2, 3) Lalo nang mahalaga ito kapag ang hinirang na mga lalaki ay nagpupulong para pag-usapan ang mga bagay-bagay sa kongregasyon. Bago sila magpasiya, binibigyan ng pagkakataon ang bawat isang naroroon na sabihin ang kaniyang iniisip, bagaman hindi obligadong magkomento ang lahat ng matatanda. Sa panahon ng kanilang pag-uusap, maaaring mabago ang opinyon ng isa habang naririnig niyang binabanggit ng iba ang simulain ng Kasulatan na kapit sa kanilang pinag-uusapan. Sa halip na kontrahin ito at igiit ang sariling opinyon, ang isang may-gulang na tagapangasiwa ay nagpaparaya. Gaya ng nabanggit na, maaaring may magkakaibang opinyon, ngunit ang pananalangin at pagsasaalang-alang sa pananaw ng iba ay nagtataguyod ng pagkakaisa sa mga mapagparaya at makatuwirang matatanda.—1 Cor. 1:10; Basahin ang Efeso 4:1-3.
16. Ano ang dapat pagsikapang gawin ng isang Kristiyanong tagapangasiwa?
16 Dapat pagsikapan ng isang Kristiyanong matanda na itaguyod ang teokratikong kaayusan sa lahat ng kaniyang gawain, kasama na rito ang pagpapastol niya sa kawan. Makatutulong ito sa kaniya na maging mahinahon at makonsiderasyon sa iba. “Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyong pangangalaga,” ang isinulat ni Pedro, “hindi napipilitan, kundi maluwag sa kalooban; ni hindi dahil sa pag-ibig sa di-tapat na pakinabang, kundi may pananabik.”—1 Ped. 5:2.
17. Paano maipapakita ng lahat ng miyembro ng kongregasyon ang pagpaparaya kapag nakikitungo sa iba?
17 Pinahahalagahan ng mga may-edad nang miyembro ng kongregasyon ang malaking tulong ng mga nakababata sa kanila at pinakikitunguhan nila ang mga ito nang may dignidad. Gayundin naman, iginagalang ng mga kabataan ang mga may-edad na at matagal na sa paglilingkuran kay Jehova. (1 Tim. 5:1, 2) Hinahanap at sinasanay ng Kristiyanong matatanda ang kuwalipikadong mga lalaki upang atasan ang mga ito ng pananagutan at para makatulong sila sa pangangalaga sa kawan ng Diyos. (2 Tim. 2:1, 2) Dapat ikapit ng bawat Kristiyano ang kinasihang payo ni Pablo: “Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop [“mapagparaya,” tlb. sa Reference Bible], sapagkat patuloy silang nagbabantay sa inyong mga kaluluwa na gaya niyaong mga magsusulit; upang gawin nila ito nang may kagalakan at hindi nang may pagbubuntunghininga, sapagkat ito ay makapipinsala sa inyo.”—Heb. 13:17.
Pagiging Mapagparaya Bilang mga Miyembro ng Pamilya
18. Bakit kailangang maging mapagparaya ang mga miyembro ng pamilya?
18 Kailangan ding maging mapagparaya ang mga miyembro ng pamilya. (Basahin ang Colosas 3:18-21.) Binabanggit ng Bibliya ang papel ng bawat miyembro ng pamilyang Kristiyano. Ang ama ang ulo ng kaniyang asawa at siya ang pangunahin nang may pananagutan sa pangangasiwa sa mga anak. Dapat kilalanin ng asawang babae ang pagkaulo ng kaniyang kabiyak, at ang mga anak naman ay dapat maging masunurin sa kanilang mga magulang, isang bagay na lubhang kalugud-lugod sa Panginoon. Sa pamamagitan ng pagiging mapagparaya sa wasto at timbang na paraan, makatutulong ang bawat miyembro ng pamilya upang magkaroon ng pagkakaisa at kapayapaan ang sambahayan. Isaalang-alang natin ang ilang halimbawa sa Bibliya na tutulong sa atin na maunawaan ang puntong ito.
19, 20. (a) Ipaliwanag ang pagkakaiba ng pagpaparaya ni Eli at ng pagpaparaya ni Jehova. (b) Anu-anong aral ang matutuhan ng mga magulang mula sa mga halimbawang ito?
19 Noong musmos pa si Samuel, si Eli ang naglilingkod bilang mataas na saserdote sa Israel. Gayunman, ang mga anak na lalaki ni Eli, sina Hopni at Pinehas, ay “mga walang-kabuluhang lalaki” na hindi ‘kumikilala kay Jehova.’ Nakararating kay Eli ang masasamang ulat tungkol sa kanila, gaya ng pakikiapid nila sa mga babaing naglilingkod sa pasukan ng tolda ng kapisanan. Ano ang ginawa ni Eli? Sinabihan naman sila ni Eli na kung sila ay magkakasala laban kay Jehova, walang mananalangin para sa kanila. Pero hindi man lamang niya sila itinuwid at dinisiplina. Bilang resulta, nagpatuloy ang mga anak ni Eli sa paggawa ng masama. Nang dakong huli, ipinasiya ni Jehova na karapat-dapat silang hatulan ng kamatayan. Nang mabalitaan ni Eli na namatay ang kaniyang mga anak, namatay rin siya nang sandaling iyon. Napakasaklap ng pangyayaring ito! Maliwanag, mali ang ginawang pagpaparaya ni Eli sa kaniyang mga anak—kinunsinti niya ang kanilang masamang paggawi.—1 Sam. 2:12-17, 22-25, 34, 35; 4:17, 18.
20 Isaalang-alang naman natin ngayon ang isang halimbawa ng wasto at timbang na pagpaparaya: ang pakikitungo ng Diyos sa kaniyang mga anak na anghel. Nakita ni propeta Micaias sa isang kagila-gilalas na pangitain na nakikipagpulong si Jehova sa Kaniyang mga anghel. Tinanong ni Jehova kung sino sa kanila ang lilinlang kay Haring Ahab ng Israel para pabagsakin ang masamang haring ito. Nakinig si Jehova sa mungkahi ng kaniyang mga espiritung anak. Pagkatapos, isang anghel ang nagsabi na siya ang lilinlang kay Haring Ahab. Tinanong siya ni Jehova kung paano niya ito gagawin. Nasiyahan naman si Jehova sa sinabi nito kaya inatasan Niya ang anghel para gawin iyon. (1 Hari 22:19-23) Tiyak na may matututuhan ang mga miyembro ng pamilya sa ulat na ito tungkol sa pagiging mapagparaya. Makabubuti kung isasaalang-alang ng isang Kristiyanong asawang lalaki at ama ang mga mungkahi ng kaniyang asawa at mga anak. Sa kabilang dako, kung nasabi na ng asawang babae at mga anak ang kanilang opinyon o mungkahi, kailangan naman nila ngayong magparaya sa pamamagitan ng paggalang sa pasiya ng isa na itinalaga ng Kasulatan na gumawa ng desisyon.
21. Ano ang isasaalang-alang sa susunod na artikulo?
21 Kaylaking pasasalamat natin na naglalaan si Jehova ng maibigin at matalinong payo hinggil sa pagiging mapagparaya! (Awit 119:99) Isasaalang-alang natin sa susunod na artikulo kung paano makatutulong ang wasto at timbang na pagpaparaya upang maging maligaya ang pag-aasawa.
[Mga talababa]
^ Ang terminong ginamit ni apostol Pablo sa orihinal na wika na isinaling pagkamakatuwiran ay mahirap tumbasan ng iisang salita. Ganito ang binabanggit ng isang reperensiyang akda: “Kasama rito ang pagiging handang isakripisyo ang personal na karapatan at pagpapakita ng konsiderasyon at kahinahunan sa iba.” Kaya ang salitang ginamit ni Pablo ay nagpapahiwatig ng pagiging mapagparaya at makatuwiran, anupat hindi iginigiit ang sinasabi ng kautusan, ni ipinipilit ang sariling kagustuhan o karapatan.
^ Tingnan ang artikulong “Kung Pinipilit Kang Maglingkod,” sa Ang Bantayan ng Pebrero 15, 2005, pahina 23-6.
Paano Mo Sasagutin?
• Anong mabubuting resulta ang naidudulot ng pagiging mapagparaya?
• Paano maipapakita ng mga tagapangasiwa ang pagiging mapagparaya?
• Bakit mahalaga sa buhay pampamilya ang pagiging mapagparaya?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 4]
Tinutularan ng matatanda ang mabait na pakikitungo ni Kristo sa iba
[Larawan sa pahina 6]
Kapag nagpupulong ang matatanda sa kongregasyon, nagtataguyod ng pagkakaisa ang pananalangin, pagsasaalang-alang sa pananaw ng iba, at pagiging mapagparaya