“Sino ang Marunong at May-Unawa sa Inyo?”
“Sino ang Marunong at May-Unawa sa Inyo?”
“Sino ang marunong at may-unawa sa inyo? Ipakita niya mula sa kaniyang mainam na paggawi ang kaniyang mga gawa na may kahinahunan na nauukol sa karunungan.”—SANT. 3:13.
1, 2. Ano ang masasabi tungkol sa maraming itinuturing na marunong?
PARA sa iyo, sino ang tunay na marunong? Ang mga magulang mo, ang isang may-edad, o ang isang propesor? Kung sino man sa tingin mo ang marunong, depende iyan sa iyong kinalakhan at kalagayan. Pero para sa mga lingkod ng Diyos, pangunahin nang interesado sila sa kung ano ang pangmalas ng Diyos.
2 Hindi lahat ng itinuturing ng mga tao na marunong ay talaga ngang marunong sa paningin ng Diyos. Halimbawa, nakipag-usap si Job sa mga lalaking ang turing sa kanilang sarili ay marurunong, pero ganito ang kaniyang konklusyon: “Wala akong masumpungang marunong sa gitna ninyo.” (Job 17:10) Para naman doon sa ilan na hindi interesado sa kaalaman tungkol sa Diyos, sumulat si apostol Pablo: “Bagaman iginigiit na marurunong sila, sila ay naging mangmang.” (Roma 1:22) At sa pamamagitan ni propeta Isaias, mariing sinabi mismo ni Jehova: “Sa aba ng marurunong sa kanilang sariling paningin.”—Isa. 5:21.
3, 4. Ano ang kailangan para masabing tunay na marunong ang isang tao?
3 Maliwanag na kailangan nating matukoy kung kailan masasabing tunay na marunong ang isang tao at sa gayo’y mapasakaniya ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang Kawikaan 9:10 ay nagbibigay sa atin ng kaunawaang ito: “Ang pagkatakot kay Jehova ang siyang pasimula ng karunungan, at ang kaalaman sa Kabanal-banalan ay siyang pagkaunawa.” Ang marurunong ay dapat magkaroon ng tamang pagkatakot sa Diyos at paggalang sa kaniyang mga pamantayan. Pero hindi sapat na basta tanggapin lamang na may Diyos at na mayroon Siyang mga pamantayan. Pinasisigla tayo ng alagad na si Santiago na pag-isipan ito. (Basahin ang Santiago 3:13.) Pansinin ang pananalitang ito: “Ipakita niya mula sa kaniyang mainam na paggawi ang kaniyang mga gawa.” Dapat makita ang tunay na karunungan sa iyong ginagawa at sinasabi sa araw-araw.
4 Bahagi na ng tunay na karunungan ang mahusay na pagpapasiya at matagumpay na pagkakapit ng kaalaman, anupat nauunawaan kung ano ang tama at mali. Anu-anong paggawi ang magpapakitang taglay natin ang gayong karunungan? Inisa-isa ni Santiago ang ilang bagay na makikita sa mga paggawi ng mga taong marunong. * Ano ang sinabi niyang makatutulong sa atin para maging maganda ang pakikitungo natin sa ating mga kapananampalataya, at sa mga tao sa labas ng kongregasyon?
Makikita sa Paggawi Kung Sino ang Tunay na Marunong
5. Paano gumagawi ang isang tunay na marunong?
5 Gaya ng nabanggit na, iniugnay ni Santiago ang karunungan sa magandang paggawi. Yamang ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan, ang isang taong marunong ay nagsisikap na gumawi ayon sa mga paraan at pamantayan ng Diyos. Hindi tayo isinilang na mayroon nang makadiyos na karunungan. Pero puwede tayong magkaroon nito kung regular tayong mag-aaral ng Bibliya at magbubulay-bulay. Tutulong ito sa atin na masunod ang payo sa Efeso 5:1: “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos.” Habang patuloy tayong gumagawi ayon sa mga katangian ni Jehova, lalo tayong makapagpapakita ng karunungan sa ating mga kilos. Di-hamak na mas nakahihigit ang mga lakad ni Jehova kaysa sa mga tao. (Isa. 55:8, 9) Kaya kapag tinularan natin ang paraan ni Jehova sa paggawa ng mga bagay-bagay, mapapansin ng mga tagalabas na naiiba tayo.
6. Bakit isang katunayan ng pagiging makadiyos ang kahinahunan, at paano maipakikita ng isang tao na taglay niya ang ganitong katangian?
6 Sinabi ni Santiago na ang isang paraan para matularan si Jehova ay ang pagkakaroon ng “kahinahunan na nauukol sa karunungan.” Bagaman ang kahinahunan ay tumutukoy sa pagiging banayad, ang isang Kristiyano ay puwede rin namang maging matatag sa paninindigan, na tutulong sa kaniya para maging timbang. Bagaman walang limitasyon ang kalakasan ng Diyos, mahinahon pa rin siya, at hindi tayo natatakot lumapit sa kaniya. Kuhang-kuha ng Anak ng Diyos ang kahinahunan ng kaniyang Ama kung kaya nasabi niya: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa.”—Mat. 11:28, 29; Fil. 2:5-8.
7. Bakit natin masasabing isang magandang halimbawa si Moises sa pagiging mahinahon?
7 May iba pang mga tauhan sa Bibliya na naging huwaran sa pagiging mahinahon, o maamo. Isa na rito si Moises. Napakalaki ng kaniyang pananagutan, pero inilarawan siya bilang ang “totoong pinakamaamo sa lahat ng taong nasa ibabaw ng lupa.” (Bil. 11:29; 12:3) At alalahanin ang lakas na ibinigay ni Jehova kay Moises para maisakatuparan nito ang Kaniyang kalooban. Gustung-gustong gamitin ni Jehova ang mga taong mahinahon para tumupad sa kaniyang layunin.
8. Bakit posibleng makapagpakita ng “kahinahunan na nauukol sa karunungan” ang di-sakdal na mga tao?
8 Maliwanag na posible ring makapagpakita ng “kahinahunan na nauukol sa karunungan” ang di-sakdal na mga tao. Kumusta naman tayo? Paano natin mapasusulong ang katangiang ito? Ang kahinahunan ay isa sa mga bunga ng banal na espiritu ni Jehova. (Gal. 5:22, 23) Puwede nating ipanalangin na bigyan sana tayo ng kaniyang espiritu at pagsikapan nating ipakita ang mga bunga nito, taglay ang pagtitiwalang tutulungan tayo ng Diyos na sumulong sa pagpapakita ng kahinahunan. Talagang mauudyukan tayong gawin ito dahil tinitiyak sa atin ng salmista: “Ituturo [ng Diyos] sa maaamo ang kaniyang daan.”—Awit 25:9.
9, 10. Anong pagsisikap ang kailangan para makapagpakita tayo ng makadiyos na kahinahunan, at bakit?
9 Gayunman, baka kailanganin ang masigasig na pagsisikap para sumulong sa bahaging ito. Dahil sa ating kinalakhan, baka mahirapan ang ilan sa atin na maging mahinahon. Isa pa, baka inuudyukan tayo ng iba na maging palaban, na sinasabing “kung galit siya, magalit ka rin.” Pero karunungan nga ba ito? Kapag nagkasunog sa bahay ninyo, bubuhusan mo ba ito ng gasolina o bubuhusan mo ito ng tubig? Kung gasolina ang ibubuhos mo, lalong lalaki ang apoy, samantalang kung tubig, maaapula ang apoy. Sa katulad na paraan, pinapayuhan tayo ng Bibliya: “Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit, ngunit ang salitang nakasasakit ay pumupukaw ng galit.” (Kaw. 15:1, 18) Kapag nagkaroon ulit ng alitan, sa loob man o sa labas ng kongregasyon, maipakikita nating taglay natin ang tunay na karunungan sa pamamagitan ng pagiging mahinahon.—2 Tim. 2:24.
10 Gaya ng nabanggit na, ang maraming taong naiimpluwensiyahan ng espiritu ng sanlibutan ay malayong maging banayad, payapa, at kalmado. Sa halip, nakikita natin ang napakaraming mababagsik at aroganteng tao. Alam ito ni Santiago, kung kaya nagbabala siya para hindi mabahiran ng gayong espiritu ang mga kapatid sa kongregasyon. Ano pa ang matututuhan natin sa kaniyang payo?
Ugali ng Taong Di-marunong
11. Anong mga pag-uugali ang salungat sa makadiyos na karunungan?
11 Tuwirang isinulat ni Santiago ang tungkol sa mga ugaling talagang salungat sa makadiyos na karunungan. (Basahin ang Santiago 3:14.) Ang paninibugho at pakikipagtalo ay makalaman at hindi makadiyos. Tingnan natin ang nangyayari kapag nananaig ang makalamang kaisipan. Kontrolado ng anim na “Kristiyanong” grupo ang mga bahagi ng Church of the Holy Sepulchre sa Jerusalem, na itinayo sa diumano’y lugar kung saan inilibing si Jesus. Nagtatalu-talo sila. Noong 2006, binanggit sa magasing Time ang isang pangyayari nang ang mga monghe roon ay “kung ilang oras na nagtalu-talo, . . . at naghahampasan ng malalaking kandelero.” Palibhasa’y wala na talagang tiwala sa isa’t isa, sa isang Muslim nila ipinagkatiwala ang susi ng simbahan.
12. Ano ang posibleng mangyari kapag walang karunungan?
12 Hinding-hindi dapat makita sa tunay na kongregasyong Kristiyano ang gayong pagtatalu-talo. Pero dahil sa di-kasakdalan, nagiging matigas kung minsan ang ilan sa kanilang opinyon. Maaari itong humantong sa awayan at hidwaan. Napansin ito ni apostol Pablo sa kongregasyon ng Corinto, kaya sumulat siya: “Habang may paninibugho at hidwaan sa gitna ninyo, hindi ba kayo makalaman at hindi ba kayo lumalakad na gaya ng mga tao?” (1 Cor. 3:3) May mga panahong bumangon ang malungkot na situwasyong ito sa kongregasyong iyon noong unang siglo. Samakatuwid, dapat nating ingatang huwag makapasok sa kongregasyon ang gayong espiritu.
13, 14. Magbigay ng mga halimbawa kung paano maaaring lumitaw ang makalamang espiritu.
13 Paano maaaring unti-unting maapektuhan ng gayong saloobin ang kongregasyon? Puwede itong magsimula sa maliliit na bagay. Halimbawa, kapag nagtatayo ng Kingdom Hall, posibleng lumitaw ang magkakasalungat na opinyon kung paano ito itatayo. Ang isang brother ay posibleng maging palaban kapag hindi nasunod ang kaniyang mungkahi, at baka tahasang tumutol sa napagkaisahang desisyon. Baka nga tuluyan na siyang hindi makipagtulungan sa proyekto! Kapag ganito ang ikinilos ng isa, nalilimutan niya na ang isang trabahong pangkongregasyon ay karaniwan nang higit na nakasalalay sa mapayapang pagtutulungan ng kongregasyon kaysa sa isang partikular na paraan ng pagtatayo. Ang kahinahunan ang pagpapalain ni Jehova at hindi ang pagtatalu-talo.—1 Tim. 6:4, 5.
14 Ang isa pang posibleng halimbawa ay kapag napansin ng mga elder sa kongregasyon na ang isang elder, bagaman nakapaglingkod na nang ilang taon, ay hindi na nakaaabot sa mga kuwalipikasyong binabanggit sa Kasulatan. Dahil nakita ng dumadalaw na tagapangasiwa ng sirkito na hindi pa rin sumusulong ang brother na ito matapos payuhan, sumang-ayon siya sa rekomendasyong alisin ang brother bilang elder. Ano kaya ang magiging reaksiyon ng brother na ito? Tatanggapin kaya niya ang nagkakaisang pasiya at payo ng mga elder mula sa Kasulatan nang may kapakumbabaan at kahinahunan, at magiging determinadong maabot ulit ang mga kuwalipikasyon para makabalik siya sa pagiging elder? O magkikimkim siya ng hinanakit at sama ng loob dahil nawalan siya ng pribilehiyo? Bakit nga kaya umaastang kuwalipikado ang isang brother gayong hindi naman talaga siya kuwalipikado? Isa ngang katalinuhan na magpakita ng kapakumbabaan sa pamamagitan ng pagtanggap sa payo at pagkakapit nito!
15. Bakit napakahalaga para sa iyo ang payo sa Santiago 3:15, 16?
15 May iba pang mga situwasyon na posibleng maging dahilan ng gayong paggawi. Pero anuman ang maging situwasyon, dapat tayong magsikap na huwag kakitaan ng gayong mga pag-uugali. (Basahin ang Santiago 3:15, 16.) Tinawag ng alagad na si Santiago ang gayong mga pag-uugali bilang “makalupa” dahil ang mga ito’y makalaman, at hindi mula sa Diyos. Ang mga ito’y “makahayop” dahil mula ito sa makalamang hilig, na gaya ng pag-uugali ng mga hayop na walang pag-iisip. Ang ganitong paggawi ay “makademonyo,” dahil ito rin ang pag-uugali ng espiritung mga kaaway ng Diyos. Hindi nga dapat makita sa isang Kristiyano ang ganitong mga pag-uugali!
16. Anong mga pagbabago ang kailangan nating gawin, at paano tayo magtatagumpay sa paggawa nito?
16 Makabubuti para sa bawat miyembro ng kongregasyon na suriin ang kaniyang sarili at sikaping alisin ang gayong mga pag-uugali. Bilang mga guro sa kongregasyon, dapat na maging palaisip ang mga tagapangasiwa na sikaping maalis nila ang di-magagandang paggawi. Hindi ito madaling gawin dahil sa ating di-kasakdalan at sa impluwensiya ng sanlibutan. Para itong pag-akyat sa maputik at madulas na burol. Kung wala tayong makakapitan, madudulas tayong pababa. Pero kung mahigpit tayong manghahawakan sa payo ng Bibliya, at sa tulong na ibinibigay ng pandaigdig na kongregasyon ng Diyos, susulong tayo.—Awit 73:23, 24.
Mga Katangiang Sinisikap Ipakita ng Taong Marunong
17. Ano ang karaniwang reaksiyon ng marurunong kapag napapaharap sa masama?
17 Basahin ang Santiago 3:17. Makikinabang tayo kung titingnan natin ang ilang katangiang bunga ng pagpapakita ng “karunungan mula sa itaas.” Ang pagiging malinis ay nangangahulugan ng pagiging dalisay at walang dungis sa ating mga kilos at motibo. Dapat nating tanggihan agad ang masasamang bagay. Dapat na maging awtomatiko ang ating reaksiyon. Kapag may sinumang magtangkang sumundot sa iyong mata, hindi ba’t bigla kang iilag o kaya naman ay tatabigin mo ang kaniyang kamay? Awtomatiko ito; hindi mo na ito pag-iisipan. Dapat na ganito rin ang reaksiyon natin kapag tinutukso tayong gumawa ng masama. Ang ating malinis at sinanay-sa-Bibliyang budhi ay dapat na awtomatikong mag-udyok sa atin na tanggihan ang masama. (Roma 12:9) Mababasa sa Bibliya ang mga halimbawa ng mga taong ganito ang naging reaksiyon, gaya ni Jose at ni Jesus.—Gen. 39:7-9; Mat. 4:8-10.
18. Ano ang ibig sabihin ng (a) maging mapagpayapa? (b) maging tagapamayapa?
18 Ang karunungan mula sa itaas ay nangangahulugan na kailangan din tayong maging mapagpayapa. Iniiwasan natin ang pagiging mapusok, ang palabang pag-uugali, o ang paggawing mag-aalis ng kapayapaan. Ipinaliwanag pa ni Santiago ang puntong ito nang sabihin niya: “Ang bunga ng katuwiran ay may binhing inihasik sa ilalim ng mapayapang mga kalagayan para roon sa mga nakikipagpayapaan.” (Sant. 3:18) Pansinin ang pananalitang “nakikipagpayapaan.” Sa kongregasyon, kilala ba tayo bilang tagapamayapa o tagasira ng kapayapaan? Palagi ba tayong may nakakasamaan ng loob, anupat madali tayong mainis, o tayo ang nakakainis? Iginigiit ba natin na iyon na talaga ang ugali natin at dapat nilang tanggapin kung ano tayo, o mapagpakumbaba nating sinisikap na alisin ang mga pag-uugaling talaga namang nakakainis sa iba? Kilala ba tayo bilang isa na nagsisikap makipagpayapaan, madaling magpatawad at makalimot sa kasalanan ng iba? Ang tapat na pagsusuri sa sarili ay makatutulong sa atin na makita kung kailangan nating pasulungin ang pagpapakita ng karunungan mula sa itaas hinggil sa bagay na ito.
19. Paano masasabing makatuwiran ang isang tao?
19 Sinabi ni Santiago na makikita rin ang pagiging makatuwiran sa mga taong may karunungan mula sa itaas. Kilala ba tayo na palaging nagpaparaya kung wala rin namang nalalabag na simulain sa Kasulatan, anupat hindi agad iginigiit na ang ating personal na mga pamantayan ang dapat masunod? Kilala ba tayo sa pagiging banayad at madaling kausap? Ipinakikita nito na nagiging makatuwiran na tayo.
20. Ano ang ibubunga kapag nagpakita tayo ng makadiyos na mga katangiang katatalakay lamang?
20 Napakasaya nga ng isang kongregasyon kapag lubos na nagsisikap ang mga kapatid na magpakita ng makadiyos na mga katangiang isinulat ni Santiago! (Awit 133:1-3) Ang pagiging mahinahon, mapagpayapa, at makatuwiran sa isa’t isa ay tiyak na magbubunga ng mas magandang ugnayan at magpapakitang taglay natin ang “karunungan mula sa itaas.” Pag-aaralan naman natin sa susunod na artikulo kung paano tayo matutulungan sa bagay na ito kapag tiningnan natin ang iba ayon sa pangmalas ni Jehova.
[Talababa]
^ Ipinahihiwatig ng konteksto na ang unang nasa isip ni Santiago ay ang matatandang lalaki, o mga “guro,” sa mga kongregasyon. (Sant. 3:1) Inaasahan na magiging halimbawa ang mga lalaking ito sa pagpapakita ng karunungang nakalulugod sa Diyos, pero lahat tayo ay maaari ding matuto sa kaniyang payo.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Kailan nagiging tunay na marunong ang isang Kristiyano?
• Paano tayo susulong sa pagpapakita ng makadiyos na karunungan?
• Anu-anong pag-uugali ang nakikita sa mga taong walang “karunungan mula sa itaas”?
• Anu-anong katangian ang gusto mo pang pasulungin?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 23]
Paano maaaring unti-unting maapektuhan ng hidwaan ang kongregasyon sa ngayon?
[Larawan sa pahina 24]
Awtomatiko ba sa iyo na tanggihan ang masama?