Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Itaguyod ang “Kabanalan Nang May Pagkatakot sa Diyos”

Itaguyod ang “Kabanalan Nang May Pagkatakot sa Diyos”

Itaguyod ang “Kabanalan Nang May Pagkatakot sa Diyos”

BILANG pag-uukol ng kabanalan sa Diyos na Jehova sa sukdulang antas nito, sinasabi ng Bibliya: “Banal, banal, banal si Jehova.” (Isa. 6:3; Apoc. 4:8) Ang Hebreo at Griegong mga salita para sa “kabanalan” ay nagpapahiwatig ng kadalisayan o relihiyosong kalinisan at ng pagiging walang dungis. Ang kabanalan ng Diyos ay tumutukoy sa kaniyang ganap na kasakdalan sa moral.

Hindi ba’t nararapat lamang na asahan ng banal na Diyos na si Jehova na maging malinis sa pisikal, moral, at espirituwal ang mga sumasamba sa kaniya? Malinaw na ipinakikita ng Bibliya na gusto ni Jehova na maging banal ang kaniyang bayan. Mababasa natin sa 1 Pedro 1:16: “Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.” Matutularan nga kaya ng di-sakdal na mga tao ang kabanalan ni Jehova? Oo, pero hindi nang lubusan. Maituturing tayong banal sa harap ng Diyos, kung tayo ay may malinis na katayuan sa espirituwal at may malapít na kaugnayan sa kaniya.

Kung gayon, paano tayo makapananatiling malinis sa isang sanlibutang marumi sa moral? Anu-anong gawain ang dapat nating iwasan? Anu-anong pananalita at paggawi ang maaari nating baguhin? Tingnan natin kung ano ang ating matututuhan tungkol dito mula sa kahilingan ng Diyos sa mga Judiong nagsibalik sa kanilang lupang tinubuan mula sa Babilonya noong 537 B.C.E.

‘Magkakaroon ng Daan ng Kabanalan’

Inihula ni Jehova na ang kaniyang bayan na naging tapon sa Babilonya ay isasauli sa kanilang lupang tinubuan. Ang hula hinggil sa pagsasauli ay tumitiyak: “Magkakaroon nga roon ng isang lansangang-bayan, isa ngang daan; at iyon ay tatawaging Daan ng Kabanalan.” (Isa. 35:8a) Ipinakikita ng mga salitang ito na hindi lamang binuksan ni Jehova ang daan para makauwi ang mga Judio kundi tiniyak din niya na poprotektahan niya sila sa kanilang paglalakbay.

Para sa kaniyang makabagong-panahong mga lingkod sa lupa, binuksan ni Jehova ang “Daan ng Kabanalan” papalabas ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Noong 1919, pinalaya niya ang mga pinahirang Kristiyano mula sa pagkaalipin sa huwad na relihiyon, at unti-unti nilang inalis ang lahat ng huwad na turo sa kanilang pagsamba. Bilang mga mananamba ni Jehova sa ngayon, tayo ay nasa isang malinis at mapayapang espirituwal na kapaligiran kung saan masasamba natin si Jehova at magkakaroon tayo ng mapayapang kaugnayan sa kaniya at sa ating kapuwa.

Ang mga miyembro ng “munting kawan” ng mga pinahirang Kristiyano at ang dumaraming bilang ng “malaking pulutong” ng “ibang mga tupa” ay nagpasiyang lumakad sa daang banal at inaanyayahan nila ang iba na sumama sa kanila. (Luc. 12:32; Apoc. 7:9; Juan 10:16) Ang “Daan ng Kabanalan” ay bukás para sa lahat ng nagnanais na “iharap [ang kanilang] mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos.”​—Roma 12:1.

“Ang Marumi ay Hindi Daraan Doon”

Noong 537 B.C.E., kinailangang sundin ng nagsibalik na mga Judio ang isang mahalagang kahilingan. Para sa mga kuwalipikadong lumakad sa “Daan ng Kabanalan,” sinasabi ng Isaias 35:8b: “Ang marumi ay hindi daraan doon. At iyon ay magiging para sa kaniya na lumalakad sa daan, at walang mangmang na maliligaw roon.” Yamang ang layunin ng pagbabalik ng mga Judio sa Jerusalem ay ang muling pagtatatag ng dalisay na pagsamba, walang dako roon ang mga makasarili, walang respeto sa mga sagradong bagay, o marumi sa espirituwal. Ang mga nagsibalik ay kailangang mamuhay ayon sa mataas na pamantayan ni Jehova sa moral. Ang mga nagnanais ng pagsang-ayon ng Diyos ay kailangan ding makaabot sa gayong kahilingan. Dapat nilang itaguyod ang “kabanalan nang may pagkatakot sa Diyos.” (2 Cor. 7:1) Kung gayon, anong maruruming gawain ang dapat nating iwasan?

“Ang mga gawa ng laman ay hayag,” ang isinulat ni apostol Pablo, “at ang mga ito ay pakikiapid, karumihan, mahalay na paggawi.” (Gal. 5:19) Ang pakikiapid ay may kinalaman sa lahat ng anyo ng seksuwal na mga gawaing isinasagawa ng mga hindi mag-asawa na nagsasangkot sa mga sangkap sa sekso. Kalakip sa mahalay na paggawi ang “kahalayan; kalabisan; kawalang-kahihiyan; kalaswaan.” Ang pakikiapid at mahalay na paggawi ay maliwanag na salungat sa kabanalan ni Jehova. Kaya ang mga namimihasa sa paggawa ng gayon ay hindi pinahihintulutang maging bahagi ng kongregasyong Kristiyano o itinitiwalag mula rito. Kapit din ito sa mga nagsasagawa ng talamak na karumihan, samakatuwid nga, “bawat uri ng karumihan nang may kasakiman.”​—Efe. 4:19.

Ang salitang “karumihan” ay tumutukoy sa maraming uri ng kasalanan. Ang salitang Griego para dito ay tumutukoy sa anumang uri ng karumihan​—sa paggawi, pananalita, at pakikibahagi sa gawain ng ibang relihiyon. Kalakip dito ang mga gawaing nagsasangkot ng isang antas ng karumihan na maaaring hindi naman nangangailangan ng hudisyal na aksiyon. * Pero ang mga nagsasagawa ba ng gayong karumihan ay nagtataguyod ng kabanalan?

Ipagpalagay nang isang Kristiyano ang nagsimulang manood ng pornograpya nang palihim. Habang napupukaw ang kaniyang maruming pagnanasa, ang kaniyang pagnanais na manatiling malinis sa paningin ni Jehova ay unti-unting humihina. Maaaring hindi pa naman siya gumagawa ng talamak na karumihan, pero hindi na niya isinasaalang-alang ang ‘anumang bagay na malinis, may mabuting ulat, magaling, at kapuri-puri.’ (Fil. 4:8) Ang pornograpya ay marumi at tiyak na sisira sa kaugnayan ng isang tao sa Diyos. Ang anumang uri ng karumihan ay huwag man lamang mabanggit sa gitna natin.​—Efe. 5:3.

Tingnan ang isa pang halimbawa. Ipagpalagay nang ang isang Kristiyano ay namimihasa sa masturbasyon​—sadyang pagpukaw sa kaniyang seksuwal na pagnanasa​—may nasasangkot mang pornograpya o wala. Bagaman hindi lumilitaw sa Bibliya ang salitang “masturbasyon,” tiyak na ito ay isang gawaing nakapagpaparumi sa isip at damdamin. Hindi ba’t ang ganitong uri ng karumihan ay maaaring sumira sa kaugnayan ng isang tao kay Jehova at magparumi sa kaniya sa paningin ng Diyos? Isapuso natin ang payo ni apostol Pablo na “linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu” at “patayin [natin] ang mga sangkap ng [ating] katawan na nasa ibabaw ng lupa may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan.”​—2 Cor. 7:1; Col. 3:5.

Hindi lamang kinukunsinti ng sanlibutang ito na kontrolado ni Satanas ang paggawa ng karumihan kundi ibinubuyo pa nga niya ang mga tao na magsagawa nito. Maaaring maging isang malaking hamon ang pag-iwas sa tuksong gumawa ng karumihan. Pero ang mga tunay na Kristiyano ay hindi dapat ‘lumakad kung paanong ang mga bansa ay lumalakad din sa kawalang-pakinabang ng kanilang mga pag-iisip.’ (Efe. 4:17) Pahihintulutan tayo ni Jehova na patuloy na lumakad sa “Daan ng Kabanalan” tangi lamang kung iiwasan nating gumawi nang may karumihan, palihim man o hindi.

“Hindi Magkakaroon Doon ng Leon”

Para sang-ayunan ng banal na Diyos na si Jehova, baka kailangan ng ilan na gumawa ng malaking pagbabago sa kanilang paggawi at pananalita. Sinasabi ng Isaias 35:9: “Hindi magkakaroon doon ng leon, at ang ganid na uri ng mababangis na hayop ay hindi sasampa roon,” samakatuwid nga, sa “Daan ng Kabanalan.” Sa makasagisag na diwa, ang mararahas at agresibo sa pagkilos at pananalita ay inihahalintulad sa mababangis na hayop. Tiyak na wala silang dako sa bagong sanlibutan ng Diyos na punô ng katuwiran. (Isa. 11:6; 65:25) Kaya para sa mga nagnanais ng pagsang-ayon ng Diyos, kailangan nilang alisin ang gayong makahayop na pag-uugali at itaguyod ang kabanalan.

Ganito ang payo sa atin ng Kasulatan: “Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo pati na ang lahat ng kasamaan.” (Efe. 4:31) Mababasa rin natin sa Colosas 3:8: “Alisin . . . ninyo ang lahat ng mga iyon sa inyo, poot, galit, kasamaan, mapang-abusong pananalita, at malaswang pananalita mula sa inyong bibig.” Ang pariralang “mapang-abusong pananalita” na ginamit sa dalawang tekstong ito ay pangunahin nang tumutukoy sa masasakit, mapanirang-puri, o lapastangang pananalita.

Sa ngayon, pangkaraniwan na lamang ang mahalay at nakasasakit na mga salita, maging sa loob ng tahanan. Ang mga mag-asawa ay nagbibitiw ng masasakit, malulupit, at mapanlait na salita sa isa’t isa at sa kanilang mga anak. Ang pagbabatuhang ito ng masasakit na salita ay hindi dapat mangyari sa tahanan ng mga Kristiyano.​—1 Cor. 5:11.

Pagtataguyod ng “Kabanalan Nang May Pagkatakot sa Diyos”—Isang Pagpapala!

Napakalaki ngang pribilehiyo na maglingkod kay Jehova, ang banal na Diyos! (Jos. 24:19) Napakahalaga ng espirituwal na paraisong inilaan ni Jehova sa atin. Ang patuloy na paggawi nang may kabanalan sa paningin ni Jehova ay talagang ang pinakamagandang daan ng buhay.

Napakalapit nang matupad ang pangako ng Diyos na isang lupang Paraiso. (Isa. 35:1, 2, 5-7) Ang mga nananabik sa pagdating nito at patuloy na nagtataguyod ng kabanalan ay maninirahan doon bilang pagpapala. (Isa. 65:17, 21) Kung gayon, patuloy nating sambahin ang Diyos taglay ang malinis na katayuan sa espirituwal at manatiling malapít sa kaniya.

[Talababa]

^ Para sa pagtalakay sa pagkakaiba ng “karumihan nang may kasakiman” at “karumihan,” tingnan ang isyu ng Ang Bantayan, Hulyo 15, 2006, pahina 29-31.

[Larawan sa pahina 26]

Ano ang kahilingan sa mga Judio para makalakad sila sa “Daan ng Kabanalan”?

[Larawan sa pahina 27]

Sinisira ng pornograpya ang kaugnayan ng isang tao kay Jehova

[Larawan sa pahina 28]

“Ang lahat ng . . . hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo”