Handa Ka Bang Ipagtanggol ang Iyong Pananampalataya?
Handa Ka Bang Ipagtanggol ang Iyong Pananampalataya?
NAPAHARAP ka na ba sa isang situwasyon kung saan nadama mong kailangan mong ipagtanggol ang iyong pananampalataya? Isaalang-alang ang nangyari kay Susana, isang 16-na-taóng-gulang na sister sa Paraguay at isang estudyante sa haiskul. Sa isang klase niya hinggil sa etika, nagkomento ang isa niyang kaklase na hindi raw tinatanggap ng mga Saksi ni Jehova ang “Matandang Tipan,” si Jesu-Kristo, o si Maria. May nagsabi rin na panatiko ang mga Saksi at mas gusto pa nilang mamatay kaysa magpagamot. Ano kaya ang gagawin mo kung naroroon ka?
Nanalangin si Susana kay Jehova at nagtaas ng kaniyang kamay. Matatapos na ang klase nang araw na iyon, kaya humingi na lamang siya ng permiso sa kaniyang guro kung puwede siyang magbigay ng report hinggil sa kaniyang mga paniniwala bilang isang Saksi ni Jehova. Pumayag naman ang guro. Nang sumunod na dalawang linggo, naghanda si Susana para sa kaniyang report, gamit ang brosyur na pinamagatang Mga Saksi ni Jehova—Sino Sila? Ano ang Pinaniniwalaan Nila?
Dumating ang araw ng kaniyang report. Ipinaliwanag ni Susana kung bakit tinawag tayong mga Saksi ni Jehova. Ipinaliwanag din niya ang ating pag-asa sa hinaharap at kung bakit hindi tayo nagpapasalin ng dugo. Pagkatapos ay inanyayahan niya ang kaniyang mga kaklase na magtanong. Nagtaas ng kamay ang karamihan sa mga estudyante. Humanga ang guro sa mga sagot ni Susana mula sa Kasulatan.
Nagkomento ang isang estudyante, “Nakapunta ako noon sa isang Kingdom Hall, at wala akong nakita na kahit isang imahen.” Gustong malaman ng guro kung bakit gayon. Binasa ni Susana ang Awit 115:4-8 at Exodo 20:4. Nagulat ang guro at sinabi, “Bakit punung-puno ng imahen ang mga simbahan namin samantalang hinahatulan pala ito ng Bibliya?”
Nagpatuloy ang tanong-sagot na talakayan nang 40 minuto. Nang tanungin ni Susana kung gusto ng klase na panoorin ang video na No Blood—Medicine Meets the Challenge, pumayag ang lahat. Kaya sumang-ayon ang guro na ipagpatuloy ang talakayan kinabukasan. Pagkatapos mapanood ang video, ipinaliwanag ni Susana ang alternatibong mga paggamot na katanggap-tanggap sa ilang Saksi ni Jehova. Ganito ang ikinomento ng guro hinggil dito: “Hindi ko alam na napakarami palang alternatibong mga paggamot; ni hindi ko alam ang mga kapakinabangan ng paggamot nang walang dugo. Para lang ba sa mga Saksi ni Jehova ang mga paggamot na ito?” Nang malaman niyang hindi lang ito para sa mga Saksi, sinabi ng guro, “Kakausapin ko ang mga Saksi ni Jehova sa susunod na dumalaw sila sa bahay namin.”
Ang 20-minutong report na inihanda ni Susana ay nagtagal nang tatlong oras. Pagkalipas ng isang linggo, nagbigay
rin ng report ang ibang mga estudyante hinggil sa kani-kanilang relihiyon. Sa pagtatapos ng bawat report, maraming nagtanong, pero hindi maipagtanggol ng mga estudyante ang kanilang pananampalataya. Tinanong sila ng guro, “Bakit hindi ninyo maipagtanggol ang inyong pananampalataya di-gaya ng kaklase n’yo na Saksi ni Jehova?”Sumagot sila: “Talagang nag-aaral po kasi sila ng Bibliya. Kami hindi.”
Sinabi ng guro kay Susana: “Talaga ngang nag-aaral kayo ng Bibliya at nagsisikap kayo na gawin ang sinasabi nito. Dapat kayong papurihan.”
Puwede sanang manahimik na lamang si Susana. Pero sa pagsasalita niya, tinularan niya ang magandang halimbawa ng batang babaing Israelita na naging bihag ng mga Siryano. Ang batang iyon, na hindi binanggit ang pangalan, ay nagsilbi sa sambahayan ng heneral ng Sirya na si Naaman, na may nakapandidiring sakit sa balat. Sinabi ng batang babaing Israelita sa kaniyang among babae: “Kung ang panginoon ko lamang ay nasa harap ng propetang nasa Samaria! Kung magkagayon ay pagagalingin niya siya sa kaniyang ketong.” Nadama ng bata na dapat siyang magpatotoo hinggil sa tunay na Diyos. Dahil dito, ang kaniyang amo na si Naaman ay naging mananamba ni Jehova.—2 Hari 5:3, 17.
Sa katulad na paraan, nadama ni Susana na dapat siyang magpatotoo hinggil kay Jehova at sa Kaniyang bayan. Sa pagsasalita ni Susana upang ipagtanggol ang kaniyang pananampalataya nang kuwestiyunin ito, sinunod niya ang maka-Kasulatang utos: “Pabanalin ang Kristo bilang Panginoon sa inyong mga puso, na laging handang gumawa ng pagtatanggol sa harap ng bawat isa na humihingi sa inyo ng katuwiran para sa pag-asa na nasa inyo, ngunit ginagawa iyon taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.” (1 Ped. 3:15) Handa ka bang ipagtanggol ang iyong pananampalataya at magsalita kapag nagkaroon ka ng pagkakataon?
[Larawan sa pahina 17]
Makatutulong sa iyo ang mga ito upang maipagtanggol ang iyong pananampalataya