‘Ang Diyos ang Nagpapalago Nito’!
‘Ang Diyos ang Nagpapalago Nito’!
“Siya na nagtatanim ay walang anuman ni siya na nagdidilig, kundi ang Diyos na nagpapalago nito.”—1 COR. 3:7.
1. Paano masasabing tayo’y “mga kamanggagawa ng Diyos”?
“MGA kamanggagawa ng Diyos.” Ganiyan inilarawan ni apostol Pablo ang pribilehiyo na maaaring taglayin nating lahat. (Basahin ang 1 Corinto 3:5-9.) Ang gawaing tinutukoy ni Pablo ay ang paggawa ng alagad. Itinulad niya ito sa paghahasik at pagdidilig ng binhi. Para magtagumpay sa napakahalagang gawaing ito, kailangan natin ang tulong ni Jehova. Ipinaaalaala sa atin ni Pablo na ‘ang Diyos ang nagpapalago nito.’
2. Bakit makatutulong ang katotohanang ‘ang Diyos ang nagpapalago’ upang magkaroon tayo ng tamang pangmalas sa ating ministeryo?
2 Ang nakapagpapakumbabang katotohanang iyan ay tumutulong sa atin na magkaroon ng tamang pangmalas sa ating ministeryo. Maaaring masikap tayo sa pangangaral at pagtuturo, pero kapag naging alagad ang isang tao, si Jehova pa rin ang nararapat papurihan. Bakit? Dahil gaano mang pagsisikap ang gawin natin, walang sinuman sa atin ang lubusang makauunawa kung paano nagiging alagad ang isang tao, at lalong wala tayong kakayahang kontrolin ito. Tama si Haring Solomon nang isulat niya: “Hindi mo nalalaman ang gawa ng tunay na Diyos, na siyang gumagawa ng lahat ng bagay.”—Ecles. 11:5.
3. Ano ang pagkakatulad ng paghahasik ng literal na binhi at ng paggawa ng mga alagad?
3 Nakapanghihina ba ng loob ang ating gawain dahil hindi natin nauunawaan kung paano nagiging alagad ang isang tao? Hindi naman. Sa halip, nagiging kapana-panabik at kawili-wili pa nga ito. Sinabi ni Haring Solomon: “Sa umaga ay ihasik mo ang iyong binhi at hanggang sa kinagabihan ay huwag mong pagpahingahin ang iyong kamay; sapagkat hindi mo nalalaman kung saan ito magtatagumpay, kung dito o doon, o kung ang dalawa ay parehong magiging mabuti.” (Ecles. 11:6) Totoo, sa pagtatanim ng literal na binhi, hindi mo alam kung saan ito sisibol o kung sisibol nga ba ito. Maraming bagay ang hindi natin kontrolado. Katulad din ito sa paggawa ng alagad. Itinampok ito ni Jesus sa dalawang ilustrasyon na iniulat para sa atin sa ika-4 na kabanata ng Ebanghelyo ni Marcos. Isaalang-alang natin kung ano ang ating matututuhan sa dalawang ilustrasyong ito.
Iba’t Ibang Uri ng Lupa
4, 5. Ilahad sa maikli ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa manghahasik na nagsasabog ng binhi.
4 Gaya ng ulat sa Marcos 4:1-9, inilalarawan ni Jesus ang isang manghahasik na naghahagis, o nagsasabog, ng binhi na bumabagsak sa iba’t ibang lugar: “Makinig kayo. Narito! Ang manghahasik ay lumabas upang maghasik. At habang naghahasik siya, ang ilang binhi ay nahulog sa tabi ng daan, at dumating ang mga ibon at inubos ito. At ang iba sa binhi ay nahulog sa dakong mabato kung saan, sabihin pa, wala itong gaanong lupa, at kaagad itong sumibol dahil sa hindi malalim ang lupa. Ngunit nang sumikat ang araw, nainitan ito, at palibhasa’y walang ugat ay nalanta ito. At ang iba sa binhi ay nahulog sa gitna ng mga tinik, at lumaki ang mga tinik at sinakal ito, at wala itong iniluwal na bunga. Ngunit ang iba pa ay nahulog sa mainam na lupa, at, nang sumibol at lumago, ang mga ito ay nagsimulang magluwal ng bunga, at ang mga ito ay namumunga ng tatlumpung ulit, at animnapu at isang daan.”
5 Noong panahon ng Bibliya, karaniwan nang isinasaboy ang mga binhi. Inilalagay ng manghahasik ang binhi sa tupi ng kaniyang kasuutan o sa isang lalagyan at isinasabog ito. Kaya sa ilustrasyong ito, hindi sinasadya ng manghahasik na ihasik ang binhi sa iba’t ibang uri ng lupa. Sa halip, bumabagsak ang isinasabog na binhi sa iba’t ibang lugar.
6. Paano ipinaliwanag ni Jesus ang ilustrasyon tungkol sa manghahasik?
6 Hindi na natin kailangang hulaan pa ang kahulugan ng ilustrasyong ito. Ipinaliwanag ito ni Jesus, gaya ng nakaulat sa Marcos 4:14-20: “Ang manghahasik ay naghahasik ng salita. Ito nga ang mga nasa tabi ng daan kung saan naihasik ang salita; ngunit nang sandaling marinig nila ito ay dumarating si Satanas at kinukuha ang salitang naihasik sa kanila. At gayundin ito ang mga naihasik sa mga dakong mabato: nang sandaling marinig nila ang salita, tinanggap nila ito nang may kagalakan. Gayunma’y wala silang ugat sa kanilang sarili, kundi nananatili sila nang sandaling panahon; pagkatapos, nang sandaling bumangon ang kapighatian o ang pag-uusig dahil sa salita, sila ay natitisod. Mayroon pang iba na naihasik sa gitna ng mga tinik; ito yaong mga nakarinig ng salita, ngunit ang mga kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay at ang mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan at ang mga pagnanasa sa iba pang mga bagay ay nakakapasok at sumasakal sa salita, at ito ay nagiging di-mabunga. Sa katapus-tapusan, ang mga naihasik sa mainam na lupa ay yaong mga nakikinig sa salita at malugod na tumatanggap nito at nagbubunga ng tatlumpung ulit at animnapu at isang daan.”
7. Saan lumalarawan ang binhi at ang iba’t ibang uri ng lupa?
7 Pansinin na hindi sinabi ni Jesus na iba’t ibang binhi ang ginamit. Sa halip, isang uri lamang ng binhi ang kaniyang tinutukoy na bumagsak sa iba’t ibang uri ng lupa, na bawat isa’y nagkaroon ng iba’t ibang resulta. Ang unang uri ng lupa ay matigas, o pikpik; ang ikalawa ay mabato; ang ikatlo ay matinik; at ang ikaapat ay mainam, o mabuting lupa na namumunga nang sagana. (Luc. 8:8) Saan lumalarawan ang binhi? Sa mensahe ng Kaharian na nasa Salita ng Diyos. (Mat. 13:19) Saan naman lumalarawan ang iba’t ibang uri ng lupa? Sa mga taong may iba’t ibang kalagayan ng puso.—Basahin ang Lucas 8:12, 15.
8. (a) Kanino lumalarawan ang manghahasik? (b) Bakit iba’t iba ang tugon ng mga tao sa pangangaral hinggil sa Kaharian?
8 Kanino lumalarawan ang manghahasik? Lumalarawan siya sa mga kamanggagawa ng Diyos, ang mga naghahayag ng mabuting balita ng Kaharian. Gaya nina Pablo at Apolos, sila ay nagtatanim at nagdidilig. Pero bagaman sila ay nagsisikap, iba’t iba ang nagiging resulta. Bakit? Dahil sa iba’t iba ang kalagayan ng puso ng mga nakikinig sa mensahe. Sa ilustrasyon, hindi kontrolado ng manghahasik ang mga resultang ito. Tunay ngang nakaaaliw ito, lalung-lalo na sa tapat nating mga kapatid na nagsikap sa loob ng maraming taon, ang ilan ay mga dekada pa nga, na waring walang gaanong resulta! * Bakit ito nakaaaliw?
9. Anong nakaaaliw na katotohanan ang idiniin nina apostol Pablo at Jesus?
9 Ang katapatan ng manghahasik ay hindi nasusukat sa mga resulta ng kaniyang ginawa. Iyan ang tinutukoy ni Pablo nang sabihin niya: “Ang bawat tao ay tatanggap ng kaniyang sariling gantimpala ayon sa kaniyang sariling pagpapagal.” (1 Cor. 3:8) Ang gantimpala ay ayon sa pagpapagal, at hindi sa mga resulta ng pagpapagal na iyon. Ganito rin ang idiniin ni Jesus nang bumalik ang kaniyang mga alagad mula sa pangangaral. Masayang-masaya sila dahil nagpasakop sa kanila ang mga demonyo sa pamamagitan ng paggamit ng pangalan ni Jesus. Bagaman magandang balita nga ito, sinabi ni Jesus sa kanila: “Huwag kayong magsaya dahil dito, na ang mga espiritu ay napasasakop sa inyo, kundi magsaya kayo sapagkat ang inyong mga pangalan ay nakasulat na sa langit.” (Luc. 10:17-20) Kahit na hindi nakakakita ng malaking pagsulong ang manghahasik bilang resulta ng kaniyang gawain, hindi ito nangangahulugan na mas masikap o tapat ang iba kaysa sa kaniya. Ang resulta ay nakadepende nang malaki sa kalagayan ng puso ng nakikinig. Pero sa bandang huli, ang Diyos pa rin ang nagpapalago nito!
Ang Pananagutan ng mga Nakikinig sa Salita
10. Paano malalaman kung ang isang indibiduwal na nakarinig ng salita ay magiging mainam na lupa o hindi?
10 Kumusta naman ang mga nakikinig sa salita? Patiuna bang itinalaga ang kanilang pagtugon? Hindi. Sila ang magpapasiya kung magiging mainam na lupa sila o hindi. Oo, ang kalagayan ng puso ng isang tao ay maaaring magbago tungo sa mabuti o masama. (Roma 6:17) Sa kaniyang ilustrasyon, sinabi ni Jesus na “nang sandaling marinig [ng ilan]” ang salita, dumating si Satanas at kinuha ito. Pero hindi naman iyan kailangang mangyari. Sa Santiago 4:7, hinihimok ang mga Kristiyano na “salansangin . . . ang Diyablo,” at sa gayon ay tatakas siya mula sa kanila. Inilarawan ni Jesus ang iba na nagalak nang marinig nila ang salita pero pagkatapos ay natisod dahil “wala silang ugat sa kanilang sarili.” Subalit pinapayuhan ang mga lingkod ng Diyos na sila’y kailangang “mag-ugat at maitayo sa pundasyon” upang maintindihan “kung ano ang lapad at haba at taas at lalim, at upang makilala ang pag-ibig ng Kristo na nakahihigit sa kaalaman.”—Efe. 3:17-19; Col. 2:6, 7.
11. Paano maiiwasan ng isa na hayaang sakalin ng mga kabalisahan at kayamanan ang salita?
11 Ang ilang nakarinig ng salita ay inilalarawan na hinahayaan “ang mga kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay at ang mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan” na pumasok at sumakal sa salita. (1 Tim. 6:9, 10) Paano nila ito maiiwasan? Sumagot si apostol Pablo: “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan. Sapagkat kaniyang sinabi: ‘Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.’”—Heb. 13:5.
12. Bakit iba’t iba ang dami ng bunga ng mga lumalarawan sa mainam na lupa?
12 Sa katapus-tapusan, sinabi ni Jesus na ang mga nahasik sa mainam na lupa ay “nagbubunga ng tatlumpung ulit at animnapu at isang daan.” Bagaman ang ilang tumutugon sa salita ay may mabuting kalagayan ng puso at nagbubunga, ang kanilang nagagawa sa paghahayag ng mabuting balita ay iba’t iba depende sa kanilang mga situwasyon. Halimbawa, maaaring malimitahan ng pagtanda o nakapanghihinang sakit ang pakikibahagi ng isa sa gawaing pangangaral. (Ihambing ang Marcos 12:43, 44.) Muli, hindi gaanong kontrolado o wala pa ngang kontrol dito ang manghahasik, pero masaya siya kapag nakikita niyang pinalalago ito ni Jehova.—Basahin ang Awit 126:5, 6.
Ang Manghahasik na Natutulog
13, 14. (a) Ilahad sa maikli ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa lalaking nagsasaboy ng binhi. (b) Kanino lumalarawan ang manghahasik, at ano ang binhi?
13 Sa Marcos 4:26-29, mababasa natin ang isa pang ilustrasyon tungkol sa manghahasik: “Sa ganitong paraan ang kaharian ng Diyos ay gaya ng isang tao na naghahagis ng binhi sa lupa, at natutulog siya sa gabi at bumabangon sa araw, at ang binhi ay sumisibol at tumataas, kung paano ay hindi niya alam. Ang lupa sa ganang sarili ay nagbubunga nang unti-unti, una ay ang dahon, pagkatapos ay ang uhay sa tangkay, sa wakas ay ang kabuuang butil sa uhay. Ngunit sa sandaling ipahintulot ng bunga, isinusulong niya ang karit, sapagkat ang panahon ng pag-aani ay dumating na.”
14 Sino ang manghahasik na ito? Naniniwala ang ilan sa Sangkakristiyanuhan na tumutukoy ito kay Jesus mismo. Pero paano masasabing natutulog si Jesus at hindi niya nalalaman kung paano lumalago ang binhi? Tiyak na batid ni Jesus ang nagaganap na paglago! Sa halip, ang manghahasik na ito, na binanggit kanina, ay lumalarawan sa indibiduwal na mga tagapaghayag ng Kaharian, ang mga naghahasik ng binhi ng Kaharian sa pamamagitan ng kanilang masigasig na pangangaral. Ang binhing inihagis sa lupa ay ang salita na kanilang ipinangangaral. *
15, 16. Anong katotohanan tungkol sa literal at espirituwal na paglago ang ibinangon ni Jesus sa kaniyang ilustrasyon hinggil sa manghahasik?
15 Sinabi ni Jesus na ang manghahasik ay “natutulog . . . sa gabi at bumabangon sa araw.” Hindi ito pagpapabaya sa bahagi ng manghahasik. Ipinakikita lamang nito ang normal na rutin ng buhay ng karamihan sa mga tao. Ang ginamit na pananalita sa talatang ito ay tumutukoy sa patuluyang proseso ng pagtatrabaho kung araw at pagtulog kung gabi sa loob ng isang yugto ng panahon. Ipinaliwanag ni Jesus ang nangyari sa panahong iyon. Sinabi niya: “Ang binhi ay sumisibol at tumataas.” Idinagdag pa ni Jesus: “Kung paano ay hindi niya alam.” Ang pagdiriin ay sa katotohanang nangyayari ang paglago “sa ganang sarili” nito. *
16 Ano ang gustong tukuyin dito ni Jesus? Pansinin na ang idiniriin ay ang paglago at kung paano ito unti-unting nangyayari. “Ang lupa sa ganang sarili ay nagbubunga nang unti-unti, una ay ang dahon, pagkatapos ay ang uhay sa tangkay, sa wakas ay ang kabuuang butil sa uhay.” (Mar. 4:28) Ang paglagong ito ay unti-unti at yugtu-yugto. Hindi ito puwedeng pilitin o pabilisin. Katulad din iyan ng espirituwal na paglago o pagsulong. Nangyayari ito nang yugtu-yugto habang pinahihintulutan ni Jehova na lumago ang katotohanan sa puso ng isang tao na wastong nakaayon.—Gawa 13:48; Heb. 6:1.
17. Sino ang nakikipagsaya kapag nagbunga ng bagong alagad ang binhi ng katotohanan?
17 Paano makikibahagi ang manghahasik sa pag-aani “sa sandaling ipahintulot ng bunga”? Kapag pinangyari ni Jehova na lumago sa mga puso ng bagong mga alagad ang katotohanan tungkol sa Kaharian, dumarating ito sa puntong nauudyukan sila ng kanilang pag-ibig sa Diyos na ialay ang kanilang buhay sa kaniya. Sila ay nagpapabautismo sa tubig bilang sagisag ng kanilang pag-aalay. Unti-unting tumatanggap ng mga pananagutan sa kongregasyon ang mga kapatid na patuloy na sumusulong sa pagkamaygulang. Kapag may naging bagong alagad, hindi lamang ang mismong naghasik ang nagsasaya kundi pati ang iba pang mga tagapaghayag ng Kaharian na hindi personal na naghasik ng binhing nagbunga ng bagong alagad na iyon. (Basahin ang Juan 4:36-38.) Tunay nga, ‘ang manghahasik at ang manggagapas ay nagsasayang magkasama.’
Mga Aral Para sa Atin sa Ngayon
18, 19. (a) Paano ka personal na napasigla ng pagrerepaso sa mga ilustrasyon ni Jesus? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
18 Ano ang natutuhan natin sa ating pagrerepaso sa dalawang ilustrasyong ito na nakaulat sa Marcos kabanata 4? Natutuhan natin na mayroon tayong dapat gawin—ang paghahasik. Hindi natin dapat hayaan ang pagdadahilan at mga problema o paghihirap na pahintuin tayo sa paggawa ng gawaing ito. (Ecles. 11:4) Subalit kasabay nito, batid natin ang ating kamangha-manghang pribilehiyo na maging mga kamanggagawa ng Diyos. Si Jehova ang nagpapangyaring maging alagad ang mga tao, anupat pinagpapala ang ating pagsisikap gayundin ang pagsisikap ng tumatanggap ng mensahe. Nauunawaan nating hindi maaaring pilitin ang sinuman na maging alagad. Hindi rin tayo dapat malungkot o panghinaan ng loob kung mabagal o bahagya lamang ang paglago o pagsulong. Nakaaaliw ngang malaman na ang ating tagumpay ay sinusukat sa pamamagitan ng ating katapatan kay Jehova at sa pribilehiyong ibinigay niya sa atin na ipangaral ‘ang mabuting balita ng kaharian bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.’—Mat. 24:14.
19 Ano pa ang itinuro sa atin ni Jesus tungkol sa pagsulong ng bagong mga alagad at sa gawaing pang-Kaharian? Ang sagot sa tanong na iyan ay makikita sa iba pang mga ilustrasyon ni Jesus na nakaulat sa mga Ebanghelyo. Susuriin natin ang ilan sa ilustrasyong ito sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
^ Isaalang-alang ang halimbawa ng paglilingkuran ni Brother Georg Fjölnir Lindal sa Iceland na iniulat sa 2005 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova, pahina 210-211, at ang mga karanasan ng tapat na mga lingkod na nagtiyaga sa Ireland sa loob ng maraming taon kahit walang kagyat na mga resulta, gaya ng makikita sa 1988 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 82-99.
^ Ipinaliwanag noon sa magasing ito na ang binhi ay lumalarawan sa katangian ng personalidad na naiimpluwensiyahan ng kapaligiran kung kaya kailangan nitong sumulong sa pagkamaygulang. Gayunman, pansinin na ang binhi sa ilustrasyon ni Jesus ay hindi naging masamang binhi o bulok na bunga. Ito ay sumulong lamang sa pagkamaygulang.—Tingnan Ang Bantayan, Disyembre 15, 1980, pahina 20-3.
^ Ang tanging iba pang pagkakagamit ng pananalitang ito ay makikita sa Gawa 12:10, kung saan ang isang pintuang-daang bakal ay awtomatikong bumubukas, “nang kusa.”
Natatandaan Mo Ba?
• Ano ang ilang pagkakatulad ng paghahasik ng literal na binhi at ng pangangaral ng mensahe ng Kaharian?
• Paano sinusukat ni Jehova ang katapatan ng isang mángangarál ng Kaharian?
• Ano ang idiniin ni Jesus na pagkakatulad ng literal at espirituwal na paglago?
• Paanong ‘ang manghahasik at ang manggagapas ay nagsasayang magkasama’?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 13]
Bakit itinulad ni Jesus ang isang mángangarál ng Kaharian ng Diyos sa isang manghahasik ng binhi?
[Mga larawan sa pahina 15]
Ang mga lumalarawan sa mainam na lupa ay buong-pusong nakikibahagi sa pangangaral hinggil sa Kaharian depende sa kanilang kalagayan
[Mga larawan sa pahina 16]
Ang Diyos ang nagpapalago nito